The Tongue of Death (Filipino) Chapter 14

Song used: You are my all in all

~

Ang normal na araw sa akin ay hindi sa kanila. Pagkagising ko kasi kanina, imbes na tilaok ng tandang ang maririnig ko, isang praise and worship song ang nasagap ng tainga ko. May kasama pang dasal at hallelujah.

Wala namang kaso sa akin kung magsisigaw sila ng pang-Kristiyanong kanta, pero habang paulit-ulit kong naririnig ang hiyawan nila sa tuwa, unti-unti namang umiinit ang ulo ko. At hindi maganda kapag kumukulo ang dugo ko.

"Alferes!" labas-litid kong sigaw sa lintek na sumasayaw sa gitna ng sala. Mabilis akong bumaba sa hagdan. "Late na akong hay*** ka! Hindi mo ako ginising! May usapan tayong hungkag ka!"

Nahinto sa eri ang dalawang braso ni Alferes at gulat akong tiningnan. Napalingon naman ang dalawa niyang kasamahang sumasayaw kanina, pati na 'yong lalaking nagbigay ng panty sa akin na nakaupo sa sofa, saka 'yong bukod-tanging naka-eyeglass sa grupo na nakasandal sa pader habang may binabasang aklat.

Padabog akong tumayo sa huling baitang ng hagdan at nameywang sa kanila. Ilang segundo silang hindi nakaimik ni nakakibo. Unang nakabawi ang lalaking mukhang panty. "Yo, Jem," bati niya.

Hindi ko siya pinansin bagkus sinamaan ko ng tingin ang lintek na Alferes. "May payakap-yakap ka pa sa dilim, tuloy nahulog ang cellphone ko! At anong nangyari sa sinabi mong gigisingin mo ako bago mag-alas singko? Anong oras na, ha? Alas-siyete nang lintek ka!"

Nagpalipat-lipat ng tingin ang dalawang kasamahan ni Alferes. Ngayon ko lang din napansing nakabukas pa rin ang stereo at kasalukuyang naka-play ang isang kanta.

"You are my strength when I am weak

You are the treasure that I seek

You are my all in all..."

"Jemima," pukaw ni Alferes saka nagmadaling lumapit sa akin. "Doon tayo mag-usap sa malayo," sabi niya saka hinawakan ang braso ko at hinatak ako palayo sa mga kaibigan niya.

"Ha?" Mabilis kong binawi ang braso at humalukipkip. Napahinto siya at napalingon sa akin. Sumimangot ako. "Wag mo akong mahawak-hawakan, lintek ka. Inis pa rin ako sa 'yo."

"Taking my sin, my cross, my shame

Rising up again, I bless Your name

You are my all in all..."

Napahilamos ng mukha si Alferes at panaka-nakang sinulyapan ang mga kaibigan niyang nasa likuran ko. "Hindi mo kasi naintindihan, nagde-devotion kami kaya 'wag ka sanang magsisigaw."

Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. "Ikaw ang may atraso sa akin Alferes kaya 'wag mo akong baliktarin! Lint -"

Nahinto ako sa pagsigaw nang sabay-sabay na kumanta ang mga kaibigan ni Alferes.

Bigla, nakaramdam ako ng hiya. Ewan, parang hindi ko gustong magsalita habang naririnig ko ang kanta nila. Saka... 'yong lyrics...

Napasinghap ako nang basta nalang akong hinigit ni Alferes palayo sa sala. Dinala niya ako sa likuran, doon sa likod-bahay kung saan nakatambak ang lahat ng labada. Bumuntong-hinga siya bago humarap sa akin.

"Jemima," paunang salita niya saka mataman akong tinitigan. "Pasensya na sa ginawa ko kagabi -"

"Tapos na 'yon, 'wag mong ipaalala, pwede?"

Tumango siya saka bumuntong-hinga na naman. "Hindi na kita ginising dahil kakagising ko lang din. Nagbigay na ako ng excuse sa lahat ng professor mo, kaya 'wag kang mag-alala kung -"

"Teka." Nangunot ang noo ko. "Excuse sa lahat ng Professor?"

"Oo."

"Aba, sinong maysabing mangialam ka sa sched ko?"

Hilaw siyang ngumiti. "Alam kong pagod ka kaya pinagpaalam na kita."

"Lintek." Naningkit ang mga mata ko. "Alam mo bang may exam at quizzes ako ngayon? Hungkag ka talaga!"

Nangunot ang noo niya saka humalukipkip. "At hindi ka ba naabisuhang may accreditation lahat ng professors ngayon?"

Natahimik ako at inisip ang sinabi niya. Wala akong naalalang may nagbalita tungkol sa accreditation, pero may narinig akong bulungan noon na may magaganap na accreditation sa linggong 'to. Nag-angat ako ng tingin kay Alferes. "Siguraduhin mo lang Alferes. Alam mong hindi kita ka-blockmate, at kapag may isang quiz akong na-miss, hihilain talaga kita palabas sa opisina mo!"

"Wag kang sumigaw, Jemima. Hindi ako bingi." Ngumiti siya pagkuwan. "Nagluto si Raman. Gusto mong matikman?"

"Hindi ako gutom."

Napailing si Alferes saka pinatunog ang dila. "Bakit ba ang init ng ulo mo? Sa susunod, maging marahan ka sa pagsasalita. Babae ka kaya dapat mong kontrolin ang bibig mo. Hindi magandang marinig ang isang babaeng nagmumura. Mas maganda ang babaeng tahimik lang at marunong magkontrol sa sarili."

"Tumahimik ka rin, hungkag." Umirap ako. "Wala akong pakialam sa gender stereotyping na 'yan."

"Pero alam mo ba ang tungkol sa biblical beauty of women?"

Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Hindi ako nagbabasa ng Bibliya kaya malamang hindi! Tsk. Ambo** pala nitong Alferes, e no. Pero tinikom ko ang bibig para marinig ang susunod na sasabihin ng hungkag.

"Do not let your adornment me merely outward - arranging the hair, putting of gold, or wearing a very fine apparel - rather let it be the hidden person of the heart, with the incorruptible beauty of a gentle and quiet spirit, which is very precious in the sight of God. (1 Peter 3:3-4)."

"Ano naman ngayon?"

"Nakaka-turn off ang mga babaeng palamura, Jemima."

Pagak akong natawa. "Pakialam ko sa turn-off na 'yan? Hindi ako switch."

Ilang segundo siyang tumitig sa mukha ko, bago ngumisi nang malapad sa akin. "Kulang ka lang sa kain. Tara. Hahainan kita ng niluto ni Raman."

Akmang kakaladkarin na naman niya ako pero hinawi ko ang kamay niya at naunang pumasok sa bahay. Nadaanan pa namin ang mga kaibigan niya na hindi pa rin tapos sa pag-praise at worship. Dumiretso ako sa kusina at naupo sa high stool doon sa gilid lang ng kitchen counter.

Mabilis ang kilos ni Alferes. Isang minuto lang at nakahain na sa harap ko ang isang omellete, fried rice, tocino, at may kasama pang juice. Pansin kong mahilig sila sa juice.

Inabot niya ang pinggan, kutsara't tinidor. Tinanggap ko ang mga 'yon at agad nagsalin ng fried rice sa pinggan ko. Nakatayo lang si Alferes sa tabi ko at pinagmasdan lang akong kumain.

"Hindi ko nanakawin ang pinggan mo kaya 'wag kang titig nang titig diyan."

Natawa siya at inabot ang stool, hinila palapit sa tabi ko, at naupo. "Kagabi," paunang salita niya. Inikot niya ang stool para makaharap ako. "Nakita ko 'yong bagong lipat na kapitbahay niyo. Ingat ka ro'n."

Sumubo ako ng kanin at ninguya. Saglit akong sumulyap sa kaniya. "Wala akong planong maging pu** ng lalaking 'yon."

Nagusot ang mukha niya. "Wala akong sinabing ganiyan, Jemima. Ang akin lang, may kung ano sa lalaking 'yon na gustong makuha sa 'yo."

"Virginity -"

"Jemima," putol niya. "Basta mag-ingat ka ro'n."

Inabot ko ang juice saka nilagok. Seryoso akong humarap kay Alferes. "Alam mong hindi ako pu** kaya ako madadala ng lasinggong 'yon sa kama. Isa pa, busy ako sa LLP kaya 'wag kang seryosong matanda riyan. Alam kong masamang magpakama nang hindi pa kasal."

"Nag-papaalala lang ako," aniya.

"Tsk." Tinusok ko ng tinidor ang omelette. "Baka sa 'yo ako mag-ingat. 'Yong payakap-yakap mo sa dilim..." Dinala ko ang omelette sa labi at kumagat habang seryosong nakatitig kay Alferes. "... mga manyak lang gumagawa no'n."

Nakita ko kung paano umawang ang mga labi niya. Natameme ang magaling na Alferes. Ngumisi ako sa kaniya saka tumayo. Bitbit ang pinggan, nilampasan ko siya at nagpunta sa lababo. Binuksan ko ang faucet at mabilis na hinugasan ang pinggan

Hindi pa rin nakakibo ni nakaimik si Alferes. Heh. Tingnan mo nga naman. Nabara ng sariling paalala.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.