The Tongue of Death (Filipino) Chapter 25

Kanina pa nagbubulungan ang mga chismosa kong ex-kapitbahay. Nandito kasi sa LLP ang  number one and two na chismosa sa buong Sitio Sudtonggan. Humalukipkip ako at simangot na tinanaw ang kumpul ng mga chismosa. Winawalis nila 'yong mga damong tinabas ng mower ni Vince kahapon.

Nakauwi na sa kabilang Sitio ang hambog na Vince. Napairap ako habang inaalala ang nakangisi niyang mukha kaninang umaga. Tinukso pa akong tatandang dalaga dahil sa sama ng ugali ko kuno. Heeh. Wala akong planong mag-asawa. Sakit sa ulo lang ang dala ng mga lalaki.

"Jemima!" tawag ni Aling Nida.

Naningkit ang mga mata ko. "Ano?" sigaw ko pabalik.

"Wala bang juice diyan? Saka pandesal?"

"Oo nga, Jem! Dapat may isnak naman kami!" sulsol ni Maymay na sige sa pag-araro ng natabas na damo. Tinatambak niya ang mga naarong damo sa isang sulok, saka naman niya nilalagay sa kariton at hinahatid sa sulok ng damuhan para doon susunugin mamayang hapon.

"May sweldo naman kayo mamaya!" sigaw ko.

Naupo ako sa gilid ng kalsada, sa eksaktong pwestong inupuan ko kahapon. Tirik ang araw pero dahil sanay na ako kaya hindi na masyadong masakit sa balat. Gusto ko ngang magpunta sa Apartment House para doon magpahinga, pero ayokong iwanan ang mga chismosa sa lupain ko. Baka kung ano pang gawing kalokohan.

Anim ang lahat ng taong naglilinis ng damuhan. Si Nida, si Maymay, saka 'yong apat na kakilala ng dalawang chismosa. Hinayaan ko nang tumulong ang apat sa dalawang chismosa dahil medyo malawak ang damuhan at baka abutin pa kami ng gabi.

Ayoko naman no'n dahil Lunes na bukas at may pasok na kami ni Alferes. Mas mabuti kung matatapos ang paglilinis ngayong araw, para handa nang tamnan sa Miyerkules, kung saan dalawa lang ang subject ko sa umaga at puro vacant sa tanghali. Plano kong sa Miyerkules itatanim ang bibilhin ko palang na tanglad.

"Naghiwalay na si Pareng Joji saka 'yong ka-live in partner niya. Naku, mare, nakita ko kahapon si Joji, umuwi na sa kanila," kuwento ni Aling Nida. Hinakot niya 'yong kumpul ng mga damo sa lupa saka nilagay sa karitong nasa gilid niya.

Bumaling sa kaniya 'yong isa niyang kakilala na hindi ko kilala. Hindi namin kapitbahay kaya malamang ay kakilala ni Aling Nida sa kabilang kanto. "Yan din ang narinig ko sa kabila. Kunsumesiyon lang ang aabutin ng ina ng binatang 'yon. Kung ako kay Joji, dapat na siyang maghanap ng trabaho."

Nasampal ko saglit ang pisngi dahil sa isang insektong dumapo doon. Pinahid ko ang napisat na insekto sa suot kong shorts, saka pinahid ng manggas ang pisngi. "Hoy!" tawag ko kay Aling Nida at sa kausap niya. Mabilis naman silang napatingin sa akin. Inayos pa ng matandang chismosa ang suot na sumbrero. "Kung maka-chismis kayo, a." Natawa ako. "Wag puro chismis, Aling Nida!"

Walang imik na tinulak ni Aling Nida ang kariton patungo sa direksyon ng tambak na damo. Pero hindi nakaligtas sa paningin ko ang pasimple niyang simangot. Heeh. Nakaganti nga sa pagkakalat niya ng chismis tungkol sa akin.

Aba, pinagkalat ba namang buntis ako. At nakabuntis daw sa akin ay 'yong may-ari ng tinitirhan kong Apartment House.

Haha.

Ansarap tirisin ng mga chismosa! Ba't ba ang hilig nilang magkalat ng ganiyan? Wala namang ginagawang masama ang mga tao sa kanila. Pero ganiyan? Aba. Mga lintek nga!

Nagpaypay ako ng mukha saka pinahid ang butil ng pawis na namuo sa noo ko. Nanunuyo na ang lalamunan ko. Gusto ko nang magpunta sa lilim pero ayoko namang iwan ang anim na nagtatrabaho sa lupa ko.

"Hayst," inis kong bulong.

Ako yata ang lugi sa aming pito. Wala akong suot na sumbrero, pero may suot 'yong anim. Napatingin ako sa langit. Wala man lang ulap. Loko to, a. Matapos ang ilang araw na ulan, wala man lang kaulap-ulap ang langit? Kung kailan ko naman kailangan ng lilim mula sa araw.

Tumayo ako at bumuntong-hinga. Ayoko pang mamatay na nakabilad sa araw. Sinulyapan ko muna ang anim, bago tumalikod at tumawid ng kalsada. Nilakbay ko ang mahabang eskina papuntang Apartment House.

Buti nalang at malamig ang ihip ng hangin sa parteng ito. Pero may napansin akong kakaiba. Medyo mahapdi ang pisngi ko.

"O, Jemima!" tawag ni Raman. May hawak siyang bola saka patakbong lumapit sa akin habang nagdi-dribble iyon. Nilapit niya ang mukha sa akin. Mabilis naman akong umatras.

"Ano ba," reklamo ko.

Nangunot ang noo niya, saka natawa nalang bigla. "May sunburn ka?"

Napakurap ako. Anong pinagsasabi niya? Hindi ko na pinansin ang sinabi niya saka siya nilampasan. Hindi na rin humabol si Raman dahil inaya na siya ni Aaron sa basketball court doon sa likod ng Apartment House.

Dumiretso ako sa loob ng Apartment, tungo sa kusina. Kinuha ko ang pitsel sa loob ng ref at nagsalin ng tubig sa baso. Lumagok ako. Sunod-sunod.

"Malinis na?"

Bumaling ako sa kakapasok pa lang na Alferes. Nilapag niya sa dining table ang hawak na notebook saka tumingin sa akin.

Umiling ako. Binalik ko sa loob ng ref ang pitsel at nilapag ang baso sa kitchen sink. "Babalikan ko pa ang LLP."

"Namumula ang pisngi mo. Mahapdi?" tanong niya.

Umismid ako saka bumaling kay Alferes. "Sunburn daw sabi ni Raman."

"Sunburn?" Tumaas ang sulok ng labi niya saka ngumiwi. "May sombrero sa likod ng main door."

Nagkibit-balikat lang ako at nilampasan siya. Hindi ko alam na sumunod pala siya sa akin doon sa sala. Nagulat nalang ako nang may kamay na nag-abot sa summer hat na nakasabit sa pinakamataas na bahagi ng rack. Nang umikot ako ay nakita ko na si Alferes habang hawak ang summer hat. "Wag matigas ang ulo, Jemima. Mainit sa labas."

"Alam ko. Akina 'yan." Nilahad ko sa harap niya ang kamay ko.

Ngumiti siya saka inabot ang summer hat sa palad ko. Agad ko 'yong sinuot saka lumubas na ng pinto.

"Magbaon ka ng tubig," paalala niya.

Huminto ako sa paghakbang at nilingon si Alferes. Nakahalukipkip siya. Pumaling ang ulo ko sa kanan saka umiling. "Wag na. Babalik ako rito mamayang hapon."

Tumango siya saka tuluyang lumabas ng pinto. "Tara," sabi niya. Humakbang siya palampas sa akin.

Mangha kong sinundan ng tingin ang likod ni Alferes. Aba, sa'n naman 'yon tutungo? Akala ko ba may gagawin siya sa kuwarto niya?

"Hoy," tawag ko sa kaniya. Patakbo pa akong humabol sa kaniya. "Sa'n ka?"

"Bibili ng gamot para diyan sa sunburn mo."

Napahawak ako saglit sa pisngi. Nangunot ang noo ko sa hapdi niyon. Sumimangot ako. "Lintek." Humabol ako kay Alferes. Anlaki kasi ng hakbang kaya medyo nauuna na siya sa akin.

Tahimik lang naming binaybay ang daan tungo sa bukana ng eskina. Pansin kong nakasimpleng T-shirt at pajama lang siya. Umikhim ako. "Sa'n ka bibili?"

"Sa Tamiya."

"Ah." Bibili siya nang ganiyan lang ang suot? Aba, parang nag-iba yata ang ihip ng hangin. Hindi naman siya ganiyan kung umasta noon.

Nagpaalam na siya nang marating namin ang bukana. Pinara niya ang walang lamang tricycle saka sumakay. "Tubig, Jemima." Tumitig siya saglit sa akin bago minuwestra ang driver na sumulong.

Kunot-noo kong hinabol ng tingin ang tricycle na lulan ni Alferes. Parang ang stress ng isang 'yon. Ano na naman kaya ang nakain no'n at parang sabog na sabog?

Umiling ako saka tumawid ng kalsada. Nilibot ko ng tingin ang LLP at napansin kong isang-kapat na lang ang hindi pa nawawalisan. Lihim akong napangiti. Ala-una pa lang ng hapon at sa tiyansa ko, mamayang alas-kuwatro ay tapos na ang paglilinis. Mabuti naman.

Naupo ako sa puwesto ko kanina at tinanaw na naman sina Aling Nida na abala sa paglilinis. Pansin kong tikom ang bibig ng matanda at tahimik din ang mga kasama niya pati na si Maymay. Seryoso silang nagwawalis at nanghihila ng mga damo patungo sa tambakan.

Ayan. Pwede naman palang itikom ang puwet ng manok na bibig ng mga chismosa.

"Hello, Miss Jemima."

Bumaling ako sa gilid at tumingala sa taong nakatayo sa gilid ko. Hindi ko masyadong maaninag ang mukha kaya tumayo ako at humarap sa taong 'yon. Nangunot ang noo ko. "Sino ka?"

"Bagong lipat lang po sa lugar na 'to. Umm, nagko-conduct kasi kami ng project. I'm Lisa, isang agriculturist. I'm a part of a project na nagti-test ng soil acidity sa lugar na 'to." Sumulyap siya saglit sa tambak ng mga damo. "We are also building a community compost pit within this place. Nasa likod lang ng open gymn ang pit. That project is to encourage the community to do reuse, reduce,and recycle. The product of compost pit ay ipapamahagi sa community in order to sustain the richness of soil and to produce future good harvests."

"So...?"

Ngumiti siya sa akin. "Gusto ko sanang hingin ang mga damo sa field mo. Wala akong nakitang weed eaters dito kaya naisip kong baka gusto niyong mag-contribute sa project? It would be a great help to people within this community."

Nangunot ang noo ko. "Susunugin lang din naman 'yan kaya sige. Kunin mo na lahat para wala na akong problema."

"Thank you, Miss Jemima!"

Hilaw na ngiti lang ang sinagot ko sa kaniya.

Wala akong balita ukol sa project-project na 'yan at ngayon ko lang nakita ang babaeng Lisa kuno ang pangalan. Wala din namang tarpulin na nagsasabing nagko-conduct sila ng project dito. Saka, hindi ko alam na may compost pit na pala sa open gymn na ilang metro pa ang layo mula sa eskina ng Apartment House.

Bigla na lang akong nakarinig ng tunog. Pamilyar na tunog.

"Doon. Sa tambak na damo!" sigaw ni Lisa.

Tumingin ako sa kalsada at umawang ang mga labi ko nang makita ko ang isang excavator. Napakurap ako. Kanina pa ba nakatambay ang excavatr na 'yan? Saka pamilyar ang tunog ng excavator. Sa'n ko nga ba narinig?

Pinagmasdan ko nalang kung paano nilipat ng kamay ng excavator ang tambak na damo sa isang malaking truck na open space sa likod. Tapos, bumiyahe saglit ang truck papasok sa eskina sa gilid ng open gymn sa malayo. Maya-maya pa'y bumalik ang truck na wala nang laman sa likod.

"Grabe, ang laki pala ng ganiyang truck no?"

Nangunot ang noo ko sa nagsasalita sa likuran ko.

"Wag kang lumapit diyan. Kung 'di mapipisat ka."

Lumingon ako sa likod. Nakatayo doon ang anim na chismosa. Umikot ang mga mata ko saka muling tumingin sa direksyon ng excavator. Sa'n ko nga ba narinig ang tunog na 'yon?

"No'ng isang buwan pa nakatambay ang malalaking truck na 'yan sa likod ng open gymn. Ngayon ko lang nakitang gumalaw. Brr, nakakatakot. Ang laki ng sasakyang 'yan!"

Isang buwan?

Napataas ako ng tingin nang maalala ang tunog na narinig ko noon. 'Yong kakaibang tunog na narinig ko sa hatinggabi, matapos kong umakyat sa bahay ni Nicanor para kunin ang mga gamit ko. Kasama ko pa nga 'yong lasinggong si Jaxx na wala sa sarili sa oras na 'yon.

Kaya pala pamilyar.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.