Ilang araw ang lumipas matapos akong malugmok sa kama. Dalawang araw na rin nang huling umulan kaya nakakat'wang hindi maputik ang malaking setback ng LLP. Handa na rin ang malaking mower na dala ni Vince.
"Dalawang daan!" sigaw ko.
Kumaway lang siya at pinaandar ang mower. Napangisi ako sa saya. Sa wakas, matatamnan ko na ng tanglad ang malawak na damuhan, nang sa gano'n, hindi tatambay ang mga lintek na ahas sa lupa ko.
Naupo ako sa gilid ng kalsada at tinanaw ang ride-on mower na minamaneho ni Vince. Pinakinggan ko lang ang malakas na ugong ng mower habang hinihiwa niyon ang mga damong nadadaanan.
Nang mabagot ay tumingin ako sa langit. Walang ulap, pero dahil alas-tres na ng hapon kaya pantay na sa puno ang sikat ng araw. Hindi na tirik gaya nang tanghali.
Sabado ngayon at may ginawa ang limang lalaki kaya ako at si Vince lang ang naiwan sa field. Ayos na 'yon dahil walang mangunglit na Alferes at Raman. Hindi ko nga lang alam kung anong ginagawa ng lima ngayon.
Tumirik bigla ang mower sa gitna ng field. Napatayo ako. "Ayos lang ba?" sigaw ko kay Vince.
Nag-thumbs up lang siya saka muling pinaandar ang mower. Humalukipkip ako at nilibot ang tingin sa kabuuan ng damuhan. Maliit pa ang nadaanan ng mower. Naningkit ang mga mata ko habang tinatansya kung ilang oras ang kailangan kong hintayin bago matapos ang pagtatabas ng damo.
Naupo ulit ako.
Naghintay pa ako ng ilang oras. Mga dalawa at kalahati, bago natapos ni Vince ang trabaho. Tinapik ko pa ang balikat niya at ngiting nilibot ng tingin ang lupang puno ng natabas na damo.
"Lilinisan pa 'yan," sambit ni Vince at naghubad ng gloves. "Bukas."
"Ako na bahala diyan," sabi ko saka minuwestra siyang sumunod. "Doon ka na magpalipas ng gabi sa apartment."
"Dadalhin ko 'yong mower."
Natawa ako. "Siyempre. Alangan namang iiwang nakatiwangwang diyan? Ayokong mapagalitan ni Akbar 'pag ninakaw 'yan."
Ngumisi lang si Vince sa sinabi ko. Sumakay siya sa mower saka pinaandar. Hinayaan ko siyang sumunod sa akin papuntang Apartment House habang lulan ng mower.
"Malaki rin ang manukan mo, Jemima."
Tumango ako sa sinabi ni Vince. "Minana ko kay Teresita."
"Sinong katulong mo sa pag-alaga ng manok?"
"Ako lang."
Narinig ko ang tawa niya. "Buti't nakakaya mo."
"Hindi naman masyadong malaki ang manukan. Isa pa, hindi madalas dapuan ng sakit dahil tinitiyak kong malinis ang paligid. Wala ring kalapit na manukan kaya imposibleng mahawa ng bird's flu o kung anumang lintek na sakit."
"Narinig kong may palaisdaan ka."
Pinaling ko saglit sa kaliwa ang ulo saka ngumisi. "Chismoso ka pala, Vince."
Natawa na naman siya. "Hindi. Narinig ko lang kay Akbar na hihiram kayo ng kotse ni Zander para bumili ng similya."
"Ah." Umikhim ako saka nagpatuloy sa paghakbang paabante. "Nasa likod ng manukan."
"May plano ka na ba kung anong similya ang bibilhin niyo?"
Nakita ko sa malayo ang gate ng Apartment House. Bukas 'yon kaya nangunot ang noo ko. Umalis ba 'yong limang lalaki? Ba't hindi sinarado ang gate?
"Titingnan ko kung anong pasok sa budget," sagot ko.
"Tilapia." Huminto ang mower sa tapat ng gate. "Mas madaling alagaan ang tilapia. Walang arte sa tubig," sabi niya saka bumaba mula sa mower.
Napatango ako sa sinabi niya. "Tilapia yung huling inalagaan ko."
"Pinatuyo mo na ba ang palaisdaan?"
Nangunot ang noo ko sa sinabi ni Vince. "Pinatu -"
Hindi ko natapos ang sinasabi dahil may bigla nalang umakbay sa akin. Nasiko ko nang wala sa oras ang taong 'yon. Rinig ko ang sigaw ni Raman at nawala agad ang lintek na braso niya sa balikat ko. "Jemima!" reklamo niya.
"Sige, isang satsat pa at sasapakin na kita," babala ko.
Nanlaki ang mga mata niya. "Magagawa mo 'yon?!"
Pinakita ko ang kamao ko sa kaniya at umambang sasapak sa ilong niya nang makita ko sa gilid ng mata ang paglapit ni Alferes. Napatingin ako sa gawi ng huli at tumayo nang maayos. Nangunot ang noo ko habang pinapasadahan siya ng tingin mula ulo pababa sa marumi niyang rubber shoes.
"Napano ka?" tanong ko.
Umiling siya saka tumingin sa kasama ko. "Vince," bati niya. "Tara sa loob."
Ngiting tumango si Vince saka mabilis na sumunod kay Alferes papasok sa main door ng Apartment House. Naningkit ang mga mata ko sa inasta ni Alferes. Ano na naman kaya ang nakain no'n at gano'n nalang 'yon kaseryoso?
"Naka-three points si Ishmael."
Napatingin ako kay Raman. Minuwestra niya ang pagso-shoot ng bola. Tumaas lang ang kilay ko nang mapagtanto ang tinutukoy niya, saka walang sabing sumunod sa dalawang lalaki papasok sa main door.
"Jemima! Magkaroon ka naman ng good manners!"
Umikot ang mga mata ko sa sigaw ni Raman. Naging ugali ko nang umalis nang walang paalam, pero ang gusto ni Raman ay iwanan ko na ang ganiyang pag-uugali. Dapat daw akong magpaalam bago umalis, bilang pagpapakita ng respito sa kausap ko. Tsk. Hindi ko kailangan ng GMRC teacher. Hindi naman ako kindergaten para turuan pa, saka anong magagawa niya kung ganito ako? Hindi naman siya ang nagpapakain sa akin.
Natigil ako saglit sa paghakbang.
Siya pala ang nagluluto. Pero technically, sa sarili kong bulsa galing ang pambili ng rasyon ko sa pagkain. Napabuga ako ng hangin sa inis. Bakit ba nagi-excuse ako? Ano bang makukuha ko sa excuse na 'yan? Kung ayaw kong sundin ang pakiusap ni Raman, then ok walang problema. Hindi ko kailangan magpaliwanag kung bakit. Tapos ang usapan.
Nakita ko si Alferes at Vince sa kusina. Nakasandig sa kitchen counter si Alferes habang nakahalukipkip, at nakaupo naman sa mesa si Vince. Nagkukwentuhan ang dalawa.
"Dalawang ektarya ng lupa ang binili ni Akbar. Plano niyang magpahukay ng palaisdaan sa lugar na 'yon," kuwento ni Vince.
Dumaan ako sa mesa tungo sa ref na nasa kabilang dulo ng kitchen counter. Binuksan ko 'yon saka kinuha ang pitsel ng tubig.
"Magandang plano pero magastos," komento ni Alferes. "Sinabi mong may bukal, ba't hindi gawing palayan ang kalahati ng lupa?"
"Yun nga sana ang plano. Pero napansin niyang puno ng naglalakihang bato ang lupa. Nang mapatingnan sa espesyalista, mababa sa 5.5 ang pH content niyon."
Inabot ko ang baso saka nagsalin ng tubig. Sumimsim ako habang kunot-noong nagpalipat-lipat ng tingin sa dalawa.
Umiling si Alferes. "Nakakatulong ang limestone para maging neutral ang lupa."
"Yun nga ang problema." Ngumiti si Vince saka bumuntong-hinga. "Ayaw nang gumastos ni Akbar. Halos kalahating milyon na ang nagastos niya sa lupang 'yon, at ilang buwan pa bago babalik ang winaldas niya."
Tumango-tango si Alferes. "Maayos naman ba ang ibang negosyo niya?"
"Oo." Sumulyap saglit si Vince sa gawi ko. "Maayos naman ang manukan niya at 'yong babuyan."
Binaba ko ang baso sa kitchen sink saka humakbang paalis ng kusina. Pero tinawag ako ni Vince. "Jemima, nalimutan kong ipasok sa gate ang mower. Pwede mo bang ipasok?"
Dahan-dahan kong nilingon si Vince. Nakangiti siya. Nangunot ang noo ko. Tatanggi sana ako pero bigla niyang hinagis sa akin ang susi na kanina pa niya hawak.
"Sa mower yan," dagdag pa niya.
Mas lalong nagsalubong ang kilay ko. Hindi ko gusto ang tono ng boses niya. Parang nag-uutos ng kasambahay. E hindi naman ako kasambahay sa bahay na 'to!
Magsasalita sana ako pero mabilis siyang bumaling kay Alferes at nagtanong. "Kumusta ang pagiging landlord mo dito?"
Huminga ako nang malalim sa inis. Hindi ko alam na wala palang good manners itong si Vince. Minsan lang kasi kaming nagkakausap kaya nakakagulat ang pinapakita niya. Basta-basta nalang nag-uutos nang hindi tinatanong kung ayos lang ba sa akin o hindi. Aba, hindi ako binigyan ng chance para tumanggi sa utos niya!
"Maayos, kung hindi pasaway si Jemima."
Inis akong bumaling kay Alferes. Nakatitig siya sa akin at may munting ngiti sa sulok ng labi. Naalala ko bigla ang sinabi niya sa akin noon na nagtitimpi rin siya sa akin. At naalala ko rin ang sigaw ni Raman kanina na dapat daw akong magkaroon ng good manners.
Kumuyom ang kamao ko at naningkit ang mga mata habang nakatitig pabalik kay Alferes.
Naglolokohan ba kami rito?!