What A Girl Wants (Filipino) Chapter 11

PARANG pagod na pagod ang pakiramdam ni Patrice nang makaalis na sina Chynna at Sari. Bagamat may natutuwa sa video niya, mukhang may haters na rin siya.

“Huwag mo nang pansinin ang mga iyon. Mga insecure lang sila,” sabi ni Matilda. “Ang gusto nila, sila lang ang maganda, sikat at magaling. Hmp!”

“Kaya dapat i-push lang natin nang i-push itong pag-viral ng video natin. Gusto mo ba yemang bitter naman o ampalaya recipe para sa ultimate bitterness,” nakangising tanong ni Desmond.

Mahina siyang umiling. “Ayoko na, Desmond. Pagod na pagod na ako.”

“Ilang araw na lang bago ang next deadline ng video natin. Ganito na lang. Kami ni Desmond ang gagawa ng script at wala ka nang poproblemahin. Magpahinga ka na lang ngayon at mag-relax. I-check mo na lang kung may idadagdag ka,” sabi ni Matilda at nag-thumbs up. “Okay na tayo?”

“Hindi. Hindi lang dahil sa pag-aaral o dahil galing ako sa sakit. Pagod na ako sa ginagawa natin. Pagod na ako dahil sa video na iyan. Napagod ako sa ginawa ninyo sa akin. Napapagod ako na parang isa akong clown na pinagtatawanan,” masama ang loob niyang sabi.

“Hindi ka talaga masaya na sikat ka?” tanong ni Desmond. “Achievement ito.”

“Hindi kailanman magiging achievement na ang kamiserablehan ko ang pinagpipiyestahan ng mga tao. Di ako ganoong klaseng tao. At lalong hindi ito makakatulog sa amin ni Calden. Kapag nalaman niya ito, ano na lang ang sasabihin ko sa kanya?” tanong niya.

“Ang tanong, babalikan ka pa ba ni Calden? Magpapakita ba siya sa iyo?” tanong ni Desmond.

“Pwedeng oo. Iyon ay kung di pa niya makikita ang video na ito. Pwedeng hindi na.” Dahil nagpakalunod na ang binata sa trabaho na parang ang buhay nito ay uminog na lang sa ka-loveteam nito. “Kung babalik sa akin si Calden at gusto niyang bumawi, bibigyan ko siya ng pagkakataon. At sana lang, di niya makita ang video na ito sa sobrang pagka-busy niya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa inyo.”

“Pero kaibigan mo kami. Dahil lang sa video...” angal ni Desmond pero itinaas ni Matilda ang isang kamay ay natahimik ito.

“Kung magkakaproblema kay Calden, kami mismo ang magpapaliwanag sa kanya na project lang natin iyan. Na umarte ka lang. Hindi naman kailangang masira ang pagkakaibigan natin,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Matilda.

“Bigyan n’yo muna ako ng dahilan na pagkatiwalaan kayo sa susunod. Pero sa ngayon, hayaan muna ninyo ako na mag-isa.”

Saka niya tinalikuran ang dalawa at naglakad palayo. Hindi niya alam kung anong dapat maramdaman sa mga kaibigan. Ang tingin ba ng mga ito sa kanya ay walang pakiramdam? Tama nang pinagbigyan niya ang mga ito minsan. Huwag naman sanang gawing bisyo ng mga ito.

Nag-ring ang cellphone niya at tumigil siya sa paglalakad para sagutin iyon. “Hello.”

“Good afternoon, Ma’am. Ito po ang driver ni Sir Calden.”

“Mang Rodolfo, bakit po sila napatawag?” tanong niya.

“Ipinasusundo po kayo ni Sir. Gusto daw po niya kayong makita.”

Mariin siyang pumikit. “Pwede po bang sa ibang araw na lang?”

Dati ay excited siya na makita agad ang nobyo lalo na’t isang buwan na silang di nagkikita. Pero hindi ngayon na masyado siyang maraming iniisip. Hindi ngayong magulo ang emosyon niya at inaalala pa niya ang video. Pagod na pagod ang puso niya. Hindi pa niya ito kayang harapin. Pagod na pagod na siya na makipagtalo.

“Ito lang po kasi ang available niyang araw, Ma’am. Nandito po ako sa labas ay naghihintay po sa inyo,” anang driver ng nobyo.

Ayaw ni Patrice na ma-stress. Pero maganda nang magkaharapan sila ni Calden. Oras na para malaman niya kung saan patungo ang relasyon nila.

“Sige po. Papalabas na po ako,” aniya at may munting sayang naramdaman sa puso sa kabila ng pagkahapo.

Kahit ano pang sama ng pakiramdam niya o kahit may project pa siyang importante, di niya mapapalampas ang pagkakataon na makita si Calden. Nami-miss pa rin niya ito. Kahit pa nga mas malaking bahagi ng puso niya ay puno ng pangamba.

“Saan po tayo pupunta?” pansin niya nang nasa Taguig area na sila. Ang alam niya ay bandang Quezon City ang bahay ng binata.

“Sekreto na lang po, Ma’am. Basta may sorpresa po si Sir Calden sa inyo,” nakangiting sabi ng driver.

At may mumunting pag-asa pa puso niya na kaya pa nilang isalba ang relasyon nila. Isang beses pa ay handa niya itong pagbigyan kung hihilingin nito. Dahil sa kabila ng mga pagkukulang nito sa kanya ay mahal pa rin niya ito.

Malakas ang kaba sa dibdib niya nang pumasok sa eleganteng lobby ng isang condo building sa Bonifacio Global City. Matapos kumpirmahin na bisita nga siya ay ibinigay sa kanya ni Mang Rodolfo ang susi. “Umakyat na lang po kayo sa thirty-second floor, Ma’am.”

“H-Hindi mo ako sasamahan?” tanong niya.

“Iyon po ang bilin ni Sir. Good luck po, Ma’am.”

Itinapik niya ang mga paakyat ng elevator. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya. Nanlalamig ang mga kamay niya at tinitigan ang susi. Paano kung hilingin ni Calden na maghiwalay na sila nang tuluyan? Kakayanin ba niya?

Huminga siya ng malalim nang nasa harap na siya ng condo unit. Bumilang muna siya ng sampu bago isinuksok ang susi. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Pagbukas niya ng pinto ay narinig niya ang malamyos na musika mula sa acoustic guitar. It was really romantic. Iyon ang hilig pakinggan ni Calden. At mula sa pagiging fan ng Aegis at April Boy Regino ay nakadagdag iyon sa hilig niyang musika.

Pagtapak niya sa loob ay naramdaman niya na parang may natapakan siyang kalat. Bumukas ang ilaw nang kusa at sa paanan niya ay nakita ang mga talulot ng pink na rosas na nakasabog sa daan. Sinundan niya iyon at pagdating sa dulo ay biglang nagliwanag at punong-puno ng pink at pulang lobo ang sahig. Maging sa kisame ay may lobo rin. Sa gitna ay may mesa at nakaupo doon si Calden habang nakatalikod sa kanya.

Pakiramdam niya ay nasa gitna siya ng isang fairy tale at naghihintay sa kanya ang kanyang prinsipe. Nang nakakaraan nilang anniversary ay simple lang ang selebrasyon nila kung saan dadalaw ito sa bahay habang naka-cap pa at nagtatago sa mga tao. Tapos ay magkukwentuhan lang sila sa kusina habang nakabantay ang nanay niya. Simple pero masaya.

Hindi niya inaasahan na mag-e-exert ng ganito katinding effort para sa kanya. Marahil ay bumabawi ito sa pagkukulang sa kanya. Nag-evaporate ang lahat ng sama ng loob at tampo niya sa binata. Gusto niya itong yakapin habang nakatalikod ito subalit di niya magawang kumilos dahil sa pagkamangha.

Nandito pa rin ito. Pinahahalagahan pa rin nito ang anniversary nila kahit na huli na. Siya pa rin ang mahal nito. Sapat na iyon para sa kanya.

Maluha-luha ang mga mata nito nang lumingon sa kanya. “Bakit mo nagawa ito sa akin, Patrice?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.