HINDI makapag-concentrate si Patrice sa klase niya. Iniisip niya kung dapat nga niyang sabihin sa professor niya na iba na lang ang ipapasa nilang project o bigyan ng konsiderasyon kung babaguhin man nila ang in-upload na video. She couldn’t live like this. Hindi na siya makahinga. Parang lahat ng kilos na lang niya ay binabantayan. Ultimo yata lamang-loob niya ay nakikita na ng mga ito.
Sikat nga ang video niya pero napaka-sensationalize ng dating. Hindi man lang niya maipagmalaki. Cooking with Love ang tema pero mas usap-usapan pa ang pagiging bitter ng video. Oo na, bitter na siya sa nangyari sa relasyon nila ni Calden. Pero wala siyang planong i-share iyon sa publiko. Gusto niyang alisin na ang video bago pa makarating sa ibang tao gaya ng nanay niya at sa kampo ni Calden. Baka kung anong isipin ng mga ito sa kanya. Ayaw niyang mag-alala ang nanay niya sa kanya. Ayaw din niyang magalit sa kanya ang campo ni Calden at sabihan siyang naghahanap ng atensyon.
Nakasalalay nga ang grades nila dito, maaring magalit sa kanya ang dalawang kaibigan pero umaasa siya na mauunawaan din ng mga ito sa huli na katahimikan at privacy niya ang nakasalalay dito. Siguro naman ay bibigyan siya ng tsansa ng professor nila. Kung sasabihin siguro niya na out of context naman ang video na iyon at sasabihin niyang may sakit siya nang gawin ay pagbibigyan siya nito.
Kahit ano ay gagawin niya para lang mapigilan ang pagkalat ng video.
Matapos ang klase ay nilapitan agad niya ang professor na isang babae na nasa early thirties. Istrikta at may kasungitan si Professor Teves kaya kinakabahan siya. Naramdaman niya na nakasunod sa likuran niya sina Desmond at Matilda. Tatangkain siguro ng mga ito na pigilan siya pero di siya magpapapigil. Kailangan niya ito para sa katahimikan niya. Kung ayaw ng mga ito ng gulo, sana noong una pa lang ay humingi na ang mga ito ng permiso mula sa kanya.
“Ma’am, pwede po ba kayong makausap tungkol sa latest episode na in-upload ng grupo namin?” malumanay niyang tanong habang magkasalikop ang nanlalamig na mga kamay.
“Oh! Miss Santorino, congratulations with your latest video. Pangatlong araw pa lang video ay pumalo na ng three hundred thousand views. I think it will even reach one million in a week or two.” Pinisil nito ang balikat niya. “That is good. Congratulations sa inyo ng mga kagrupo mo.” At inilahad pa nito ang palad sa direksyon nina Desmond at Matilda. “For sure mataas ang grades ninyo.”
Hindi ito ang inaasahan niyang sasabihin ng guro. At makakasama sa kanya ang pagiging positibo nito sa video. “Pero out of context po ang video. Tungkol po iyon sa love. Very positive po ang gusto naming approach sa program,” apela naman niya.
“But that is love, my dear. Walang kaibahan sa pagluluto. Hindi laging matamis o kaya ay masarap. Minsan ay mapait ang lutuin o kaya ay maasim. And it captured the heart of the viewers. Nakaka-relate sila dahil nasasaktan sila. Nakaka-relate sila dahil niloko sila.” Kinuyom nito ang palad at puno ng damdamin habang ipinapaliwanag ang impact ng video niya. “ You captured your audiences that way. At nakikita ko rin naman na madami ang magagandang comments para sa iyo.”
“Naku, Ma’am! May nagtatanong pa nga po sa amin na producer ng isang TV station kung gusto daw pong magpa-interview ni Patrice sa magazine show nila,” excited na sabi ni Desmond.
“That is exactly the reaction that I need!” anang guro. “Naiintindihan ko na sinabi ng mga kagrupo mo na di maganda ang pakiramdam mo nang i-shoot ito. But you did great. I am looking forward to the next episode of Cooking with Love. See you on Friday,” anang guro at lumabas na ng room.
Hinabol niya ito. “Ma’am, sandali po...”
“We will discuss your concerns on Friday. Keep up the good work,” sabi nito at patakbong tinalunton ang corridor.
Lulugo-lugo si Patrice na pinagmasdan ang guro palayo. Anong gagawin niya ngayon? Nakabalandra pa rin ang video niya sa buong mundo at parang malabo na maalis niya iyon. Kung alisin na lang kaya niya basta at sabihin niya na nasira ang video o kaya ay may problema ang Youtube? Makakalusot kaya kaya siya?
“Ayan! Natuwa si Ma’am sa video natin,” excited na sabi ni Desmond. “Narinig mo iyon, Matty? Sisikat na tayo.”
At my expense. Oo, sino ba naman ang ayaw sumikat? Pero sana naman ay di sa ganitong paraan na kailangan niyang iladlad ang personal niyang buhay. Mukha niya ang nakaprenda sa harap ng mga tao.
“Ano kaya ang gagawin natin sa next video?” tanong ni Matilda. “Recipe ng yema na bitter?”
“Pwede! O kaya paano magluto ng ampalay omelette with feelings?” anang si Desmond at narinig niyang pumalakpak. “Mukhang mabenta ang ampalaya ngayon.”
Nilingon ni Patrice ang mga ito. “Kung gusto ninyo na gamitin ang trend na iyan, spare me. I’d rather work behind the camera.”
Bumuntong-hininga si Desmond. “Patrice, ikaw lang ang makakaharap sa camera sa atin. You are the face of Cooking with Love. Di ka pwedeng mawala ngayon pang may mga fans ka na at inaabangan na ng lahat ang next episode.”
“No. Kung hindi tayo mag-stick sa original theme ng Cooking with Love, hindi ako papayag sa gusto ninyong mangyari. Wala akong planong kumuha ng atensiyon habang ibinubunyag sa mundo ang nararamdaman ko. Kung gusto ninyo kayo na lang.”
At iniwan ang mga ito. Maninindigan talaga siya. Sobra-sobrang pagbibigay na ang ibinigay niya sa mga ito. Huwag naman sanang abusuhin ng mga ito.
Di pa siya nakakalayo ay hinarangan siya ng mga kaklaseng sina Sari at Chynna. “Wow! Congratulations! What a success. Isang babaeng nagkaroon ng viral video dahil lang sa pag-iyak habang gumagawa ng pastillas. Very clever, Patrice,” anang si Sari.
“Thank you,” aniya kahit na halata naman ang sarkasmo sa boses ng mga ito.
Kahit kailan ay di naging malapit sa kanya ang dalawang babae. She would always be that girl from the slums. At kung di lang kailangan ay ayaw niyang kausapin ang mga ito. Lagi kasing nakikipagkompitensiya ang mga ito sa kanya.
“So who is your boyfriend?” nakahalukipkip na tanong ni Chynna. “Wala naman kaming nakikitang sumusundo sa iyo dito o naghahatid. Di ka rin nagkukwento.”
“Hindi naman kayo close para i-share ang buhay niya at ipakilala sa iyo ang boyfriend niya,” kontra naman ni Desmond dito. “Hindi naman kasi mayabang si Patrice di gaya ninyo na ultimo brand ng dental floss ipinagkakalat pa.”
“Of course. Galing France ang dental floss namin,” nanlalaki ang matang sabi ni Chynna. “And besides, wala namang maipagmamalaki ang kaibigan ninyo. Parang boyfriend lang, wala naman yata siyang maipagmamalaki.”
“Baka ayaw niyang ilabas dahil hindi naliligo ang boyfriend niya at walang manners,” hula ni Sari.
“Hoy! Guwapo at mabango ang boyfriend ni Patrice. Baka nga mamatay kayo sa inggit pag nalaman ninyo kung sino siya,” anang si Desmond na ayaw magpatalo.
“Desmond!” saway niya sa kaibigan at hinawakan ang braso nito. Baka masyado itong madala ng emosyon at maibulalas ang relasyon nila ni Calden.
“O baka naman wala ka talagang boyfriend. Baka gawa-gawa mo lang ang dramang iyan para makakuha ng atensiyon sa video mo,” sabi ni Sari.
“Excuse me?” bulalas niya. “Sinasabi mo bang desperada ako?
Ngumisi si Sari. “It was a brilliant strategy to get attention really. Kung dati nilalangaw ang video ninyo, ngayon ay viral na.”
“Hindi ko naman alam na magiging viral video na iyon.” Pinost nga iyon nang wala siyang kaalam-alam. Siya pa ngayon ang masama at may masamang intensiyon.
“What got your panties in a twist?” tanong ni Desmond sa dalawang kontrabida. “Di ninyo matanggap na may mas sikat sa inyo ngayon. Kumain na lang kayo ng pastillas para mabahaginan naman kayo ng kasikatan ng video namin. We don’t mind.”
“Excuse you!” anang si Sari. “Hindi kami bababa sa level ninyo. Our video got quality and very classy. Babawi ang variety show namin. Just wait!” Tumalikod ang babae. “Let’s go, Chynna. We will give them a show.”
“E paano? Kumain na lang kaya tayo ng pastillas habang nakabitin sa ere?” suhestiyon ni Chynna.
“Shut up if that’s all you can come up with.”