What A Girl Wants (Filipino) Chapter 14

“SAGUTIN mo na kasi ako para hindi ka na bitter, Miss Pastillas,” sabi ng isa sa mga “admirers” ni Patrice na nakaabang sa kanya sa gate ng university. Sinasadya talagang abangan ang paglabas niya. May dala pa itong bulaklak at chocolates para sa kanya. “Just give me a chance to date you.”

Isa ito ang sa mga masisigasig na nagme-message sa kanya di lang sa Youtube kundi maging sa iba pa niyang social media account. Na kesyo in love daw ito sa kanya at ito ang lalaki na hihilom sa sugatan niyang puso.

Kasabay ng pagsikat ng kanyang video na umabot na sa three million views sa loob ng tatlong linggo, dumami din ang mga admirers niya. Mga lalaki na nagpapakita ng interes at may nakakadiring proposal pa. Kinailangan niyang gawing private ang account niya dahil nagagambala na siyang masyado.

Hindi niya pinagpapapansin ang mga ito pero sadyang nate-trace pa rin siya ng iba dahil may nakakakilala sa kanya na nagbibigay ng impormasyon. Hindi na niya alam kung anong iwas ang gagawin niya.

“I am sorry. Nagsasayang ka lang ng panahon. ‘Yang ipinambili mo ng bulaklak at chocolate, ipambaon mo na lang sa school at ipanggawa mo ng project,” magalang niyan sabi. “Priority ko ang pag-aaral ko ngayon.”

“Nakapag-boyfriend ka nga dati pa, bakit di pwede ngayon?” reklamo ng lalaki.

“Kasi hindi ka naman kasing guwapo ng ex ni Patrice. Calden Faulkner ka ba para sagutin niya?” singit ni Desmond at hinawakan pa ang baba ng lalaki.

Sinibat niya ng matalim na tingin ang kaibigan. “Desmond!” saway niya dito. Sa dinami-dami naman ng sasabihin nito, bakit iyon pa? Gusto na nitong kuyugin at pagpiyestahan siya ng mga fans ng lalaki?

Mababangis ang mga fans ni Calden. Konting kibot nga lang ay nang-aaway na ang mga ito kahit ordinaryong fans lang na may interes sa binata. Para sa mga ito, si Darling lang ang karapat-dapat sa lalaki sa harap at likod ng camera.

“Ex-boyfriend mo si Calden Faulkner? Totoo?” bulalas ng lalaki at maang siyang tiningnan. Di naman kasi kaila na galing sa university nila si Calden.

“Ganoon ang type ni Patrice,” maagap na salo ni Matilda. “Huwag mo na siyang pilitin kung ayaw niya.”

“Ang choosy mo. Kaya ka siguro iniwan ng ex mo dahil gusto mo maging kamukha siya ni Calden Faulkner. Masyadong mataas ang ambisyon mo, Miss Pastillas. Di ka pa naman artista. Magiging habambuhay kang bitter at di kasasaya dahil di mo ako pinili. Diyan na nga kayo,” sabi ng manliligaw niya at nagdadabog na naglakad palayo. Isa na namang bigong manliligaw.

“Hoy! Iwan mo muna kahit ‘yang chocolate. Sayang din iyan,” pahabol pa ni Desmond pero di ito pinansin ng lalaki. “Tse! Di ka naman ganoon ka-yummy.”

Hinampas niya si Desmond sa balikat. “Bruha ka! Huwag mo ngang mabanggit-banggit si Calden.”

“E ano naman ngayon? Para naman malaman nila kung ano ang tipo mong lalaki. Siyempre ganoon dapat kataas ang standard mo. Di ka naman pwedeng mag-downgrade, hindi ba?”

“Wag mo na nga kasing banggitin si Calden. Mapapahugot na naman itong friend natin e,” segunda naman ni Matilda.

“E di mabuti. Para lalong tumaas ang views natin,” sabi ni Desmond na may kasamang ngiting tagumpay sa labi.

Umirap siya. “Ayoko na okay? Gusto ko nang maka-move on. Last na ‘yung ginisang ampalaya na iyon.”

“Nag-enjoy ka naman gawin, ah! Point of view ng isang bitter.”

Dahil sa pagsikat ng video niya kasabay ng paghihinagpis niya kay Calden ay di siya makapag-focus nang maayos sa paggawa ng nakakakilig na script sa receipe. Ang bagsak tuloy ay napilitan siyang basahin ang script na gawa ng mga kaibigan tungkol sa ginisang ampalaya. Wala siyang choice kundi sundin ang mga ito dahil di rin naman maganda ang mood niya nang mga oras na iyon.

Patuloy na tumaas ang views nila dahil sa bago niyang video. Pero sa nakuha niyang atensiyon, gusto na niyang bumalik sa dati. Sa pagiging masiyahin. Ganoon naman ang isang propesyunal, hindi ba? Pwedeng maging masaya sa harap ng camera kahit na nasasaktan. Gusto niyang ituloy ang dating concept ng Cooking with Love.

Hindi niya alam kung ganoon din si Calden. Hindi niya alam kung naiisip din siya nito. Kung nagpapanggap lang ito na masaya pero nasasaktan din gaya niya. Abala pa rin ito sa trabaho pero updated ang account sa mga pictures kasama ang leading lady nito. Nasasanay na rin siya. Nasasanay na siyang makita itong may kasamang iba. Nasasanay na siyang ipaalala sa sarili na di na niya kailangang masaktan dahil hindi na niya ito nobyo.

Wala na siyang karapatan na magselos. Wala na siyang karapatan. Period.

Nawalan nga siya ng nobyo pero mas malaking problema ang kinakaharap niya. Bukod sa wala na siyang privacy, di niya alam kung paanong bubugawin ang mga langaw na umaali-aligid sa kanya. Naiirita na siya sa mga manliligaw niya. Kailan ba maiintindihan ng mga ito na hindi niya kailangan ng love life? “Uuwi na lang ako. May bisita daw ako sabi nanay,” aniya.

Sana naman ay hindi kung sinong Poncio Pilatong manliligaw na naman ang pumunta sa bahay nila o kaya ay kapitbahay na nangungutang dahil ang iniisip na dahil may viral video na siya at nai-feature sa telebisyon nang ilang segundo ay mayaman na silang mag-ina.

“Sasama na kami at kailangan naming makuha ang recipe ng kamias candy,” sabi ni Desmond.

“Na bitter?” nakataas ang kilay niyang tanong. “Magseryoso nga kayo. Hindi naman tayo Cooking with Bitterness.”

“Friend, uso ang mga bitter ngayon. Iyon ang gusto ng mga tao. Uso ang walang forever. Strike while the iron is hot,” katwiran ni Matilda. “You know? Para sa grades at para sa pagiging cum laude... Or magna cum laude.” At kumindat sa kanya.

Oras talaga na matapos ang semester na iyon at nakuha niya ang class card niya ay tatanggalin na talaga niya ang bitter pastillas video na iyon. Di na niya kailangang makonsensiya kung may grades na madadamay. Tapos na ang obligsayon niya sa mga kagrupo. Matatahimik na siya. Pero may dalawang buwan pa bago mangyari iyon. Konting tiis pa.

Pagdating sa bahay ay napansin niya na may van na may tatak ng isang TV station ang nakaparada sa labas. Nandoon din pati ang mga usyosero nilang kapitbahay. “Anong meron?” tanong niya.

“Mag-aartista na yata ang nanay mo. Kanina pa ini-interview,” anang si Aling Panyang, na may karga pang apo na umiiyak.

“Aba! Kabogera si Mother,” sabi ni Desmond.

Pagpasok ng bahay ay isang babae at lalaki na di niya kilala ang nandoon at pinagmimiryenda ng nanay niya ng enseymada. “Magandang hapon po,” bati niya.

“Ang anak kong si Patrice. Anak, taga-Star Network sila.”

“Hello, Pastillas Girl. I am Abegail from Now Trending at ang cameraman kong si Lito,” anang babae at kinamayan siya.

“Hello po. Mga kaklase ko po - sina Matilda at Desmond,” aniya at ipinakilala ang dalawa pang kaibigan. “Sila po ang kagrupo ko sa Cooking with Love.”

“Good. Gusto ka sana naming ma-interview tungkol sa trending video.”

“Uhmmm... Hindi po kasi ako komportable na pag-usapan iyon. Masyado ko po kasing personal.” Ayaw niyang mai-TV dahil baka kung ano pa ang isipin ni Calden o ng nanay nito. Baka sabihin pa na ginagamit niya ang mga ito para sumikat.

“Kung ayaw mong magkwento, naikwento naman nang kaibigan mong si Desmond sa amin ang nangyari,” masayang sabi ni Abegail.

“Ano?” bulalas niya at nilingon ang kaibigan.

“Kinontak kasi nila ako tungkol sa pag-feature sa iyo kaya ako na ang nauna nilang na-interview. Hindi ko naman sinabi ang impormasyon tungkol sa boyfriend mo.”

“Ex-boyfriend.” Oras na sabihin ni Desmond ang tungkol sa relasyon nila ni Calden sa madla, ibibitin niya ito nang patiwarik at ipapapapak sa mga alakdan.

“Ma’am, despite the video, gusto ko po sana ng privacy,” paglilinaw niya.

“Pumayag naman kayong magpa-feature kay Korina Sanchez,” nagtatampong sabi nito.

“Iba po iyon. Di naman po kailangang ibigay ko ang personal kong kwento. Sa video lang po naka-focus.” Wala pa ngang treinte segundo ipinakita ang video niya.

Biglang namoroblema si Abegail. “Hindi ka magpapa-interview? Naku! Paano ba ito? Ang interview mo na lang ang kulang. Kailangan na kasi namin itong ipasa maya maya para mai-edit. Kapag wala kaming dalang materials, wala kaming ipapalabas. Baguhan pa lang ako pero mukhang mawawalan na ako ng trabaho.”

“Anak, pagbigyan mo na si Abegail. Importante ito sa trabaho niya. Nag-iipon pa mandin siya ng pampakasal nila ng boyfriend niya,” pangongonsensiya ng nanay niya. Pastillas de leche talaga! Pati ba iyon ay nakasalalay sa mga kamay niya?

Pumalakpak ang researcher na biglang nagkaroon ng pag-asa. “Nakuhanan na nga namin ng video pati ang mga tinitinda ninyong pastillas. Makakatulong sana ito sa pag-unlad ng negosyo ninyo. Malay mo magkaroon pa kayo ng mas magandang tindahan at maging household name. Ayaw mo ba iyon? Hindi lang ikaw ang sikat kundi pati ang negosyo ng nanay mo.”

Nakita niya ang nagmamakaawang anyo ng ina at ng researcher na si Abegail. Ayaw niya sa lahat ay may responsibilidad siya sa mga kamay niya. Pero dahil alam niya kung gaano kahirap kumita ng pera ay napilitan siyang tumango. “Sige. Basta wala kayong itatanong tungkol sa ex-boyfriend ko.”

“Sure,” sang-ayon agad ni Abegail.

“At gusto ko ring ipakita na di naman kailangang maging bitter sa paggawa ng pastillas.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.