What A Girl Wants (Filipino) Chapter 15

ANG GALING mo siguro sa puzzle, Patrice. Kasi umaga pa lang binuo mo na ang araw ko.

Di maiwasang ngumiti ni Patrice nang mabasa ang pick up line na padala sa kanya. Nice. Thank you, Totoy Biloy.

Sinagot niya ang private message ng isa sa admirers at napangiti. Nawala na ang tensyong naramdaman ng dalaga. Nasa labas siya ng opisina ng programang Now Trending at hinihintay ang pagtawag sa pangalan niya para sa interview. Kasama niya sina Desmond at Matilda na nagpasa ng resume at request para maging intern. First choice talaga nila ang naturang network dahil iyon ang pinakamalaki sa lahat. Pakiramdam niya ay marami siyang maaring matutunan doon.

“Anong nginingiti-ngiti mo diyan?” tanong ni Desmond at nakisilip sa cellphone niya.

“Wala,” aniya at pinindot ang sleep button.

“Echusera! Patingin nga!” anito at inagaw ang cellphone sa kanya.

“Hoy! Akin na ang...”

Nakangising binuksan ng binata ang cellphone niya at wala na siyang nagawa para bawiin pa. “What is this? Ang galing mo siguro sa puzzle, Patrice. Kasi umaga pa lang binuo mo na ang araw ko. From Totoy Biloy. Ito na ang nagpapangiti sa iyo?”

“Anong itsura? Anong itsura?” naiintrigang tanong ni Matilda.

Nanlaki ang mata ni Desmond. “Si Calden Faulkner!” anito at ipinakita kay Matilda. “Kaya naman pala ang lapad ng ngiti ng lola mo. Kinikilig sa poser.”

“Sa dinami-dami ba naman ng kakikiligan mo sa mga manliligaw mo, sa poser pa ni Calden ka nauwi. Ini-imagine mo ba si Calden ang isang iyan?” tanong ni Matilda. “Akala ko ba moving on ka na, friend?”

Itinaas ni Patrice ang baba. “Move on na talaga ako.”

Wala na silang komunikasyon ni Calden at sa nakikita niya ay patuloy lang ito sa magandang career. Pakiramdam tuloy niya ay isa na lang siya sa milyon-milyon nitong fan na nakasubaybay dito. Nakakalungkot pero kailangan niyang mag-focus sa sarili niyang buhay. At kasama na doon ang sandamakmak na atensyon dahi sa viral video niya. Ngayong bagong semestre na at inalis na nilang magkakaibigan ang kontrobersiyal na pastillas video, nananatili pa rin siyang sikat dahil kumalat na ang video na iyon sa iba’t ibang sites. Wala na silang nagawa para mapigilan pa pati na rin ang mga lalaking nagnanais maging Mr. Pastillas niya. Tanging pakonswelo na lang niya sa lahat ng nangyayari ay ang Unong grade sa lahat ng subject niya nang nakaraang sem. Pati ang professor niya na masusungit ay bumait sa kanya.

“Kung move on ka na, bakit naman poser pa ni Calden ang nakatuwaan mo?” tanong sa kanya ni Matilda. “Samantalang maraming manliligaw mo ang mas guwapo at may sabi naman pero binasted mo. For all you know, puro dimple lang ‘yang si Totoy Biloy walang face value. Kung pipili ka naman ng kapalit ni Calden...”

“Hindi naman ako naghahanap ng kapalit. Natutuwa lang ako kay Totoy Biloy dahil napapangiti niya ako. Di siya tulad ng ibang makukulit na pumoporma sa akin na gusto akong maging girlfriend. Parang nandiyan lang siya para pangitiin ako. Hindi niya ipinipilit ang sarili niya. Di ko alam itsura niya pero napapasaya niya ako.”

Hindi niya alam kung bakit magaan ang pakiramda m niya kay Totoy Biloy. Siguro dahil napapasaya siya nito nang walang hinihinging kapalit. Sa loob ng mahabang panahon ng pag-intindi at pagbibigay, gusto naman niya ng isang taong magpapasaya sa kanya na walang hinihingi na kahit ano. Si Totoy Biloy, simpleng thank you lang ay nasisiyahan na. Kung magkakakilala siguro sila ay magiging mabuti silang magkaibigan.

“Hindi ba kayo kinakabahan dito sa interview? Bakit naman kasi kailangan pang may interview ang OJT? Di naman tayo papasok agad ng trabaho?” tanong ni Matilda at itinapik-tapik ang paa.

“Malaking station ito. Natural lang na gusto nilang salain ang interns nila,” paliwanag naman ni Patrice. Kahit naman sigurong mass communication student ay nais magkaroon ng exposure sa isang sikat na diyaryo o network dahil maganda nga namang tingnan sa resume at makakasama pa ang mga sikat sa industriya.

“Kalma ka lang, girl. Nasa atin si Pastillas Girl. Siguro naman iko-consider nila na na-interview na nila tayo dati,” anang si Desmond.

“Basta galingan natin,” giit niya. Di siya komportable na gagamitin ang “kasikatan” niya para lang makapasok sa OJT. Pare-pareho naman silang estudyante doon kaya naniniwala sila na lahat ay may equal opportunity para matuto.

Tumuwid sila ng upo nang biglang bumukas ang pinto at lumabas ang galit na galit na babae. Maigsi ang buhok nito at nasa late thirties na pero maganda pa rin. “Si Kara Montenegro,” usal niya. Dati itong beauty queen host pero sa pagkakaalam niya ay nagpo-produce na ngayon ng mga shows. Nakaka-starstruck ito at nakatulala lang siya dito. Kasunod nito ang iba pang mga staff at mukhang galing sa meeting.

“This can’t be happening. Hindi pwedeng wala tayong maipalit kay Tori Montemayor para sa You’re the One For Me. Kung kailan mabubuhay na ang career niya, saka pa siya mabubuntis. Get me a replacement right away within twenty-four hours. Kung ayaw ninyong pare-pareho tayong pulitin sa kangkungan.”

Napangiwi si Patrice. Habang namutla naman ang dalawang kasama niya at nanigas sa tabi niya. Gusto niyang maging intern sa department nito dahil magaganda ang programs nito at pawang napapanahon. Pero di niya alam kung kakayanin ng puso niya ang matalas na dila ng babae. Bahala na. Kung gusto niyang tumagal sa propesyon na iyon, kailangan niyang ihanda ang sarili sa mga hamon.

Kakayanin ko ito. Pangarap ko ito. Di ako pwedeng mapigilan ng mga simpleng pagsubok. Fight!

“Good morning, Miss Kara,” magalang niyang bati.

Tumigil ito sa paglalakad at nakataas ang kilay siyang tiningnan. “Morning,” anito at pinasadahan sila ng tingin na tatlong magkakaibigan. Binalingan nito ang researcher na si Abegail. “Why are they here?”

“Interview po for internship,” sagot naman ni Abegail. “Si Patrice po pala, isa sa na-feature natin sa Now Trending. ‘Yung may viral video.”

“What? ‘Yung may sex scandal?”

“H-Hindi po,” tutol agad niya. “’Yung video po ng pastillas.”

“Pastillas na bitter,” paglilinaw ni Abegail. “Ang dami nga pong tumawag sa atin at nag-message kung pwede daw siyang isali sa dating game. Para naman daw po makahanap siya ng hihilom sa puso niyang sugatan.”

“Kasama po kami sa nag-conceptualize,” anang si Desmond at itinaas pa ang isang kamay. “Willing po kaming magsikap at matuto basta tanggapin lang po ninyo kami as intern ninyo, Ma’am.”

Hindi sumagot si Kara at nakatuon lang ang tingin sa kay Patrice. “Soooo, you are that bitter girl who created the pastillas recipe?”

“O-Opo. D-Di naman po iyon sinasadya,” aniya at pilit na ngumiti. Kinabahan si Patrice. Paano kung sa palagay ni Kara ay isang malaking ka-cheap-an ang video niya, di kaya nanganganib ang internship niya?

“I want her resume and her files,” anang si Kara at nilingon ang assistant nito. Sumenyas ito sa kanya. “Follow me to my office.”

Nanlamig ang kamay niya at pinisil muna iyon ng mga kaibigan bago ang siya sumunod sa babae. “Kaya mo iyan, girl,” pagpapalakas ng loob ni Desmond sa kanya.

“Galingan mo ha?” sabi ni Matilda.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.