What A Girl Wants (Filipino) Chapter 17

“THAT is so classy and so perfect, my dear. You got the heart of the press. Hindi talaga ako nagkamali sa desisyon ko na piliin ka. You are pretty smart,” sabi ni Kara na nagniningning ang mga mata. Animo’y nakakita ito ng diamante sa katauhan niya.

“Thank you po,” kiming sagot ng dalaga.

Katatapos lang ng press conference para sa show at bukas na ang simula ng taping nila para sa search. Sa ngayon ay wala pang ipinapakitang mukhang ng mga lalaking mag-aagawan sa puso niya. Puro lower-half lang ng mukha o ang pangangatawan ng mga ito pati ang iba’t ibang activities na hilig ng mga ito ang ipinakita sa trailer. Kinakabahan tuloy siya.

“Even our host Vhon likes you. You are very professional at hindi ka daw nagfa-fan girl sa kanya, unlike other searchers.” At umikot ang mata ng babae. “Hindi pa man nagsisimula ang program, they are already asking to hook up with him.”

“H-Hindi naman po ako ganoong klaseng babae.”

Pinisil nito ang balikat niya. “Don’t worry. Marami kang guwapong admirers. Makikilala mo na sila bukas. Ready ka na bang tumira sa mansion?”

Pinagsalikop niya ang palad. “Ma’am Kara, uhmmm... Hindi ko lang po alam. Di po ako sanay na malayo po ako sa bahay namin. Parang di po natural.”

Kumunot ang noo nito. “Our dating game is grand. You will be depicted as a princess. Like Cinderella. We can’t afford to see you living in a small apartment. Mahihirapan ang mga staff natin sa pag-shoot. How about this? You will still live a normal life. Kasama mo naman ang nanay mo sa bahay, di ba? And the staffs will take care of you. Makakalabas ka pa rin kasama ang mga kaibigan mo kung walang shoot.”

Di naman 24/7 na may nakasunod na camera sa kanya dahil ang mas focus ay ang mga “suitors” niya. Kailangan kasing makita ng mga tao kung ano ang ginagawa ng mga ito. One month ang itatagal ng programa. Sa pagitan nito ay pwede daw siyang mag-OJT sa radyo at iko-cover din ng programa. Two birds in one stone. Pati ang mga kaibigan niyang sina Desmond at Matilda ay secured na rin sa OJT at manaka-naka pa niyang makakasama sa programa kahit interns ang mga ito.

Pero ngayon pa lang ay di na siya makahinga. Di totoong normal pa rin ang buhay niya. Public property na siya ngayon. Kailangan niyang maging maingat sa mga kilos niya. Mas malala pa ito kaysa noong lumabas ang pastillas video niya dahil araw-araw na siyang makikita sa national TV.

“Pwede po bang lumabas po muna kami ng mga kaibigan ko ngayon? Kakain lang po kami,” pagpapaalam niya kay Kara.

“Of course, my dear. Isama mo si Abegail,” anito at ngumuso sa researcher dati na ngayon ay tumatayong PA niya. Magkasundo kasi sila ng babae at dahil mas matagal na niyang kilala ay mas komportable siya dito.

Sa isang Italian restaurant sa Tomas Morato sila kumain na magkakaibigan. Di kasi sila gaanong nakakain sa presscon dahil na rin sa dami ng ginagawa. Subalit nasa kabilang mesa si Abegail kasama ang driver para may privacy silang magkakaibigan.

“Ang bongga mo, girl. Kalalabas lang ngayon ng trailer ng You Are the One For Me. Gosh! Kinikilig ako,” anang si Matilda na cake agad ang binanatan dahil kailangan daw nito ng sugar matapos ang maraming trabaho sa presss con. “Para kang prinsesa habang nasa garden at parang pati ang sun rays sumusunod sa iyo.”

“Mukhang yummy ang mga boys kahit di pa ipinapakita ang buong mukha nila. Akin na lang ‘yung mga aayawan mo, friend,” ungot ni Desmond.

“Pahati din ako ng biyaya,” pakiusap ni Matilda.

“Mga sira talaga kayo,” aniya at umiling-iling. Pagdating talaga sa mga lalaki ay alerto ang mga ito.

“Okay na ba si Tita dito sa show mo? Wala siya dito ngayon,” anang si Matilda at lumingon sa paligid. “Nagtatampo pa rin ba?”

“Ayaw sana niya pero wala naman siyang magagawa dahil nasa tamang edad na ako. Parte daw ito ng mundong pinasukan ko. Gusto ko sana na kasama siya sa press con pero gusto niyang bumalik sa trabaho. Kailangan niyang ibilin ang paggawa ng pastillas sa mga tauhan niya at may mga delivery pa.”

Nakabayad na sila sa utang sa tulong na rin ni Kara. In-advance ang bahagi ng talent fee niya para daw di na mamoroblema ang nanay niya pagkapirma ng kontrata. Pero mukhang di tanggap ng nanay niya ang paraan niya. In-assure ito ng grupo ni Kara na iingatan siya ng programa. Mas subtle ang concept ng naturang dating game kumpara sa The Bachelor o The Bachelorette ng Amerika dahil na rin sa mas konserbatibong audience sa Pilipinas. Si Calden nga ay ilang buwan din siyang niligawan bago niya sinagot. Hindi iyon nagbabago sa kanya. Kahit pa sabihing nasa legal siyang edad, di naman niya kalilimutan kung paano siya pinalaki ng ina.

Iba’t ibang challenges ang haharapin ng mga manliligaw niya para makuha ang puso niya. Ihinahanda na rin niya ang sarili sa mga mangyayari sa likod ng camera. She was working with a team now.

“Alam na ba ni Calden ang tungkol dito?” tanong ni Matilda.

“Magre-react tiyak iyon. Wala pa kayong three months na break,” paalala ni Desmond. “Lalo naman ang nanay niya. Tiyak na titirik na naman ang mata ng ex-biyenan mo.”

“This is my life. Break na kami ni Calden. Ano pang kailangan nila sa akin?” ngitngit niya. Three months ngang di nagpaparamdam sa kanya si Calden. Wala nga itong panahon sa kanya noon, lalo naman ngayong hiwalay na sila.

“Ibahin na lang natin ang usapan. Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng netizens tungkol sa program mo. Gusto mo unahin natin ang reaksiyon ng mga bestfriend mong sina Sari at Chynna?” nakangising tanong ni Matilda. “Kunyari ipinagmamalaki ka ng mga bruha. Friends daw kayo at sa kanila ka kumuha ng pagiging classy lalo na’t galing ka daw dati sa squatters.”

“As if may kontribusyon siya sa improvement mo. Sila nga ang kontrabida sa buhay mo. If I know, inggit na inggit sa iyo,” sabi ni Desmond. “Ngayon naman sumasakay sila sa kasikatan mo. Ang kapal ng face.”

Nag-ring ang cellphone ni Patrice at nagulat siya nang makitang si Calden ang tumatawag. Anong kailangan nito? “Pupunta muna ako sa restroom.” Nanginginig ang kamay niya nang sagutin iyon. “Hello, Calden.”

“Patrice, pwede ba tayong magkita?”

“What for?” tanong niya sa malamig na boses.

“I think we need to talk. Nakita ko ang commercial ng show mo. Y-You are joining the dating game?”

“Ngayon mo lang ako naisipang kausapin dahil sa dating game? Ano ito? Aawayin mo ba ako dahil sasali ako sa dating game?” Sinapo niya ang noo. “Kung aawayin mo ako dahil diyan, never mind. I am busy. At sa palagay ko mas busy ka sa akin.” Break na sila. Wala na itong karapatan na komprontahin siya kung anuman ang gusto niyang gawin.

“Patrice, I want to see you. Please. H-Hindi mo ba ako gustong makita?”

Mistulang marshmallow na nadarang sa apoy ang puso ni Patrice. Akala niya ay kaya niyang magmatigas pagdating kay Calden. Pero oras na makiusap na ito ay hindi niya alam kung paano humindi. Isa na lang siyang mahinang babae.

Huminga siya ng malalim. “Fine. Let’s talk.”

“Nasa cafe ako sa Maghinhawa Street.” Ibinigay nito ang address ng naturang cafe. “Hihintayin kita dito.”

“Guys, pwede bang umalis na ako?” tanong niya sa mga kaibigan pagbalik sa mesa.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Desmond. “Uuwi ka na?”

“Tumawag si Calden. Gusto niyang makipagkita,” pabulong niyang sagot at luminga sa paligid.

“Akala ko ba wala ka nang pakialam sa ex mo?” tanong ni Matilda at pinanlakihan siya ng mga mata.

“Kailan ba naman nawalan ng pakialam iyan sa ex niya?” sabi ni Desmond.

“I think... I think inaalala niya ang pangalan niya na posibleng madamit sa pagsali sa dating game.”

“Wag kang mag-alala, friend. Susuportahan ka namin. Kahit naman di kayo happy ending, Team Calden pa rin ako,” sabi ng lalaki at tumango naman si Matilda.

Nagpaalam siya kay Abegail pero pinasama nito ang driver para daw may maghahatid sa kanya. Wala naman siyang choice dahil baka magkahinala pa ito kung ipipilit niyang mag-isa. Nag-taxi na lang ito at ang mga kaibigan niya.

Alas dos pa lang ng hapon kaya mangilan-ngilan pa lang ang bukas na tindahan sa compound na iyon sa Maginhawa Street na puro kainan. Mas buhay daw iyon kapag gabi na.

“Manong, magkape po muna kayo dito.” Ngumuso siya sa store sa bungad. “Papasok po muna ako sa loob,” sabi ni Patrice sa matandang lalaki at pumasok sa compound kung nasaan ang cafe.

Parang walang tao at sarado pa ang Green Cafe dahil may close sign na nakasabit sa loob pero naririnig niya na may musika mula sa loob. Nang itulak niya iyon ay bumukas naman kasabay ng pag-ring ng bell. Walang tao sa loob. Di masyadong mukhang restaurant ang lugar. Mas mukha iyong bahay. Napaka-cozy. May yellow na couch sa gilid, gawa sa hardwood floor ang sahig at may mat para sa low table kaya pwedeng sumalampak.

Nang lumingon siya sa kaliwa ay nakita niya si Calden na tumutugtog ng piano. Hindi siya agad nakagalaw sa kinatatayuan. Isa sa mga talento ng binata ang pagkahilig sa musika na madalang naman nitong maipalabas sa telebisyon. Sa iilang pagkakataon lang nito naipakikita ang talento. Tinutugtog nito ang Since You’ve Been Gone ni KC Concepcion.

She realized that she was holding her breath. Watching him play was the most beautiful sight. At tinutugtog pa nito ang paborito niyang kanta. She must stop this. Baka mabaliw na naman siya dito. Kailangan na niyang maging handa para sa dating game bukas. She couldn’t afford to mess it up just because she saw her ex-boyfriend. Na mahal pa rin niya ngayon.

“Calden,” untag niya dito.

Tumigil ito sa pagtugtog at nagniningning ang mga mata nang lingunin siya. “Patrice!” Tumayo ito at nilapitan siya. “I am glad you came.”

Niyakap siya ng dating nobyo at di niya inaasahan iyon. Hindi siya makahinga. Sobrang higpit ng yakap nito sa kanya na parang miss na miss talaga siya nito. And she wanted this feeling. She wanted the feel of his arms around her. She missed him. Dalawang buwan na niyang di nararamdaman ang init ng yakap nito.

Patrice, move! Bukas na ang date mo kasama ang sampung guwapong lalaki. You can’t keep on doing this. Di lang ikaw ang masisira kundi ang lahat ng may kinalaman sa show. They will have your head on a platter.

Biglang natauhan si Patrice. Iyon ang realidad. Hindi sila ni Calden. Hindi ang mga yakap nito. “Calden, baka may makakita sa atin,” paalala niya.

Hindi man lang lumuwag ang pagkakayakap nito sa kanya. “This is my ninang’s place. Kabubukas lang last month. Pinagkakatiwalaan niya ang lahat ng mga tauhan dito. I... I just want to hold you for a bit. Please.”

Pumikit siya at hinayaan ang sarili na manatili sa mga bisig nito. Fine. One minute.

Pero hiniling niya na hindi na siya nito pakawalan. At ang isang minuto nito ay umabot ng magpakailanman. Calden, please don’t let me go.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.