What A Girl Wants (Filipino) Chapter 18

TAHIMIK lang si Patrice habang kumakain siya ng pesto pasta na in-order ni Calden para sa kanya. Nakatitig lang siya dito habang masigla itong kumakain. Ayaw niyang magsalita. Ni ayaw nga niyang kumurap man lang sa takot na maglaho ito. Nabubuhay pa rin siya sa masayang mundo ng ilusyon kung saan masaya pa rin sila ni Calden at di pa sila nagbe-break. Kahit sandali lang ay gusto niyang ibigay ang kaligayahan na iyon sa sarili niya.

“How are you?” sa wakas ay tanong ng binata. “You look tired. Parang ilang araw ka nang walang tulog.”

“It has been a busy week.” Mistulang rollercoaster ride ang buhay niya nang nagdaang mga araw. Mula sa pagkaka-scam sa nanay niya hanggang sa pagtanggap niya sa pagiging searcher sa dating game, hindi pa napapahinga ang katawan at ang isipan niya. Mabuti na lang at magaling daw ang make up artist na hahawak sa kanya. “Alam ba ng mommy mo na nandito ka kasama ako?”

“Ang alam niya nasa gym ako ngayon.”

Sarkastiko siyang ngumiti. “Pwede mo na naman pala akong makita kung gugustuhin mo. Kung gusto mo.”

Saglit itong hindi nakakibo dahil na rin marahil sa guilt. Magagawan naman kasi ng paraan kung gusto talaga siya nitong makita noon. Pero di naman kumontra sa kanya ang binata subalit nakita niya ang kaseryosohan sa mga mata nito.

“Importante na makausap kita tungkol sa show. Sa dating game mo.”

“What is the problem with the dating game? I am single.”

Naningkit ang mga mata ng binata. “Pero bakit ka pumayag? Do you really want to replace me so badly?”

Natigagal si Patrice. Sa tono nito, parang pagkasama-sama niyang babae. “Calden, break na tayo. May karapatan akong gawin kung anuman sa buhay ko. Nakita mo ba akong nag-react sa inyo ni Darling? Wala naman, di ba? May kanya-kanya na tayong buhay.”

“Pero kakalkalin naman nila ang buhay mo. Hahanapan ka nila ng kahit anong kontrobersiyal sa buhay mo hanggang sa brand ng tissue mo para lang may maipalabas sila at... At tiyak na malalaman ng lahat ang tungkol s akin.”

“Iyon ba ang inaalala mo? Na ibubulgar kita sa publiko para sa ratings?” Umiling siya. Isang malaking sampal ito sa kanya. Asang-asa siya na nami-miss siya nito at sasabihin na mahal pa siya nito. Subalit ito ang malupit na realidad. Nandoon lang ito dahil gustong protektahan ang sarili. “You have nothing to worry. Pumirma na ako ng kasunduan na hindi ko babanggitin kung sino ang ex-boyfriend ko. Not even a hint about you. Happy now?”

“No. It is not about me. This is about you. Bakit ginagawa mo ito samantalang mahal mo pa ako?”

Nahigit niya ang hininga. “Calden...”

“Why are you doing this? Naiintindihan ko ang tungkol sa pagkalat ng video mo. Pero ang sumali sa dating game, this is not you. May problema ka ba sa pera? Sabihin mo lang sa akin para matulungan kita huwag mo lang ituloy ito.”

“Matutulungan mo ako? Calden, kontrolado ka ng mama mo,” nausal niya.

“May investment ako sa stock exchange mula nang mag-sixteen ako. Twenty-one na ako ngayon at matagal na akong may kontrol doon. Magkano ba ang kailangan mo. Sabihin mo lang para di ka na tumuloy sa dating game. Don’t do this. Kahit di ka bumalik sa akin, basta huwag ka lang tumuloy sa dating game. Nararamdaman ko na hindi mo ito gusto.”

Mataman niyang pinagmasdan ang dating nobyo. “Bakit ginagawa mo ito?”

“Because I still love you. At hindi kita hahayaan na gawin ang mga bagay na pwede mong pagsisihan sa huli. Iba ang mundo ng showbiz, Patrice. Nandito ka sa mundo kung saan nabubuhay ang mga tao sa ilusyon at katotohanan ang sisira sa iyo. Hindi ka pa handa para sa mundong ito. This might ruin you. Ayokong mangyari iyon sa iyo. At gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka lang. So tell me why you are doing this. Handa akong tulungan ka kahit na maubos man ang ipon ko.”

Parang may bikig sa lalamunan niya habang pinagmamasdan ang lalaking mahal niya. Mahal pa rin siya ni Calden. Nararamdaman niya ang sinseridad nito. Handa itong solusyunan ang mga problema niya.

Pero dahil nabubuhay niya sa mundo ng realidad, kailangan niyang harapin ag mga responsibilidad niya. Nakapirma na siya ng kontrata. At di niya gugustuhin na sukuan ang mga taong tumulong sa kanya kung kailan kailangan siya ng mga ito. Ayaw din niyang ipapasan kay Calden ang mga problema niya. Pinaghirapan nito ang perang iyon. Para iyon sa kinabukasan ni Calden at hindi para sa kanya. Kapag tinanggap niya ang tulong nito, parang pinatunayan niya na pera lang ang habol nito sa kanya.

At kahit na bumalik pa sila sa isa’t isa ay di rin mawawala ang mga problemang kinaharap nila dati na nagbunsod kung bakit sila naghiwalay. Wala pa ring magbabago.

Malungkot siyang ngumiti. “Calden, may kanya-kanya na tayong buhay ngayon. Salamat sa alok mo pero mag-focus ka na lang sa career mo.” Tumayo siya. “Hayaan mo na lang ako.”

Kung anuman ang problema niya ng pamilya niya, ayaw na niyang idamay pa si Calden. Pangangatawanan niya ang mga desisyon niya.

Pinigilan nito ang braso niya. “Anong kailangan kong gawin para bumalik ka ulit sa akin? I want you back.”

Pwede ba niyang habambuhay na tanggihan si Calden? May pag-asa pa ba para sa kanila. “Ligawan mo ulit ako. Ipakita mo sa akin kung gaano mo talaga ako kagusto.”

“What?” bulalas nito.

Tinaasan niya ito ng kilay. “Kaya mo bang makipagsabayan sa mga manliligaw ko?”

Tumayo ito. “I am Calden Faulkner.”

Of course, he was the hottest leading man now. Nagkakandarapa nga ang mga babae dito. Pinapalabas nito na dahil mahal pa niya ito ay kailangan niyang tanggapin na lang ito basta nang walang kahirap-hirap.

“And you being Calden Faulkner doesn’t mean much to me now. Single ako ngayon at lahat ng gustong maging boyfriend ko ay kailangang manligaw. Kasama ka na. Kung gusto mo, sumali ka sa dating game.”

Pagak itong tumawa. “That is absurd. Alam mo na imposibleng mangyari iyon.”

Nagkibit-balikat siya. “Then it is goodbye, Calden. Wish me luck?”

“Sure.” Hinawakan ni Calden ang pisngi niya at nanlaki ang mata ni Patrice nang angkinin nito ang labi niya. It was not a timid and light kiss that he used to bestow her. She was being kissed by an expert. Saka niya naalala na isang magaling na artista ang nobyo niya at di na bago ang kissing scene dito. Hindi lang nito ginagamit sa kanya. But now, he was branding her with that sizzling kiss that was enough to fry her brains.

Muntik nang bumigay ang tuhod ni Patrice sa panlalambot nang putulin ni Calden ang halik at bitawan siya. There was a satisfied smile on his lips. “There. I am your poison, Patrice. Tingnan ko lang kung magka-interes ka pa sa ibang lalaki. You will always think of me. Maaalala mo lagi ang mga yakap at halik ko.”

Totoo. Mahihirapan talaga siyang maka-get over sa halik na iyon. But she still had self-preservation. May mga bagay na di niya pwedeng talikuran para sa yakap at halik o kahit pa para sa pag-ibig ni Calden.

“But that is not enough to make me stay. Not enough for me to take you back. Ipapaalala ko lang sa iyo na kung gusto mo, ligawan mo ako. See you around, Calden Faulkner.” Sinadya niyang idiin ang pangalan nito bago ito tinalikuran at naglakad palayo. Oo nga at ito si Calden Faulkner. Pero siya naman si Patrice Santorino. Meron o walang dating game, gusto pa rin niyang paghirapan ni Calden kung gusto nitong bumalik siya dito.

Ito ang bagong kabanata ng buhay niya. Kung gusto siya ni Calden, he must step up. Hindi na siya ang Patrice na lagi na lang maghihintay dito. She won’t be a doormat girlfriend anymore. If he wants her, he must work for it.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.