“Calden is sooo cute,” tili ni Sari habang hawak ang latest smartphone. Pinapanood nito sa internet ang latest commercial ni Calden. Mas inuna pa nitong manood ng videos kaysa mag-aral o mananghalian.
Nasa kabilang mesa lang ito ni Patrice at dinig na dinig ang tili nito sa buong cafeteria. Pero wala itong pakialam. Lahat naman yata kasi ng tao doon ay abala sa kanya-kanyang gadgets para panoorin ang video ni Calden sa internet.
“Sana ako na lang ang mahal niya,” nakatirik ang matang sabi ni Chynna habang yakap ang sarili.
“You have to be a yaya so that he will love you,” sabi naman ni Sari.
“Duh! Walang forever. Maghihiwalay din sila ni Yaya Darling dahil ako si Senyorita. Ako ang forever ni Calden,” anang si Chynna na tumayo pa at namaywang.
“Of course not! I am his forever! I look a bit like Yaya Darling.” At saka kiming kumaway na parang nagpapa-cute.
Di maiwasang makinig ni Patrice habang pinag-uusapan ng mga estudyante sa cafeteria ng Central University of Asia si Calden. Aliw na aliw ang mga ito sa romance-comedy teleserye na pinagtatanghalan ni Calden at ang Youtube sensation na naging ka-love team nito. It was a surprise hit. Di sinasadya ang chemistry ng dalawa nang unang magkita ang mga ito sa isang noontime show. Kahit saang sulok yata ng Pilipinas ay ito ang pinag-uusapan at nag-top ang ratings.
Siniko siya ng kaibigang si Matilda. “Nice, friend. Sikat na sikat na talaga ang boyfriend mo. Siya na ang hottest leading man ngayon. Kabi-kabila ang endorsement at nakapila na rin ang mga pelikula niya.”
“Calden deserves it. Matagal na rin niyang pangarap iyan at pinaghirapan niya,” sabi niya at nakangiting sumubo ng empanada na baon niya.
Sa loob ng mahigit tatlong taon na pagkakakilala nila ni Calden ay malayo na ang narating nito. Mula sa pagiging modelo ay naging finalist ito sa isang artista search sa TV. Di man ito nanalo pero ngayon ay mas sikat pa ito kaysa sa grand winner. Subalit alam niyang di naging madali ang buhay ng binata. Kinailangan nitong isuko ang pag-aaral para makapag-focus sa showbiz. Third year college na rin sana ito kundi lang ito huminto.
Binibiro nga siya ni Calden na kapag naka-graduate siya ay ito daw ang magiging amo niya kahit di ito naka-graduate. Pwede naman siyang magtrabaho sa ilalim nito pero hangga’t maari ay gusto sana niyang makakuha ng magandang trabaho nang walang halong impluwensiya ng nobyo. Kaya naman niyang magsikap mag-isa.
Tinabihan siya ng kamag-aral niyang si Desmond. “Friendship, pahingi naman ng pastillas na baon mo.”
“Bakit ka pa hihingi sa akin? May pastillas naman na binebenta dito sa cafeteria. Kami rin ang may gawa no’n.”
“Siyempre iba kapag galing sa friend at iba kapag binili.”
“In short, mas masarap ang libre,” sabi ni Matilda.
“Ang galing mo, girl,” anang si Desmond at nakipag-high five kay Matilda.
“Mayaman ka naman sa akin ka pa hihingi.”
“Kasi naman inuuna ang pagbili ng kung anu-anong herbal soap doon sa guwapo niyang kapitbahay kaysa sa panggastos sa sarili. Wala pa mang trabaho, mama-san na,” pang-aasar ni Matilda. “Ayan! Walang pambili ng pastillas.”
“Bibigyan ko naman kayo ng sabon. Papakin mo pa kung gusto mo,” sabi nito at ngumuso. Pagdating kasi sa lalaki ay mahina si Desmond.
“Desmond! Sinabihan na kita na maging matalino pagdating sa paghawak ng pera. Huwag kung saan-saan mo ginagastos,” sermon ni Patrice sa kaibigan.
Humilig ito sa kanya. “Friend, wag ka nang magalit. Ibebenta ko rin iyon. Pero sa ngayon, pagbigyan mo na ako sa pastillas.”
“Heto. Tatlo para ‘I love you’,” aniya at binigyan ito ng tatlong pirasong pastillas.
May kaunting asenso na rin sa pastillas business nilang mag-ina. Kung dati ay patago siya sa pagbebenta, ngayon ay kinontrata na ng school ang mga paninda nila. Noong una kasi ay nahuli siyang nagbebenta ng management ng eskwelahan. Pinag-iisipan na siyang i-suspend o kaya ay i-expel pero sa huli ay dinepensahan siya ni Calden. Sinabi nito na di naman daw tama na parusahan siya dahil gusto lang niyang tustusan ang pag-aaral niya. Sa galing ng argumento at convincing power ni Calden ay napaayon nito ang school board. Di na daw niya kailangang magbenta dahil direkta nang school ang kukuha sa paninda niya. Naging tagumpay iyon di lang para sa kanya kundi maging sa ibang mahirap na estudyante na gaya niya na nagtitinda para makapag-aral.
Bagamat may kaya ang pamilya ni Calden ay mapagpakumbaba ito. Naranasan nito kung paano mag-go see at ma-reject noong nagsisimula pa lang itong magmodelo, kung paanong matalo sa artista search, mag-audition at di makuha sa mga pelikula at television series. Mataas ang pagpapahalaga nito sa mga taong nagsisikap sa buhay. Kaya naman nauunawaan nila ang isa’t isa at malaki ang pagpapahalaga nito sa mahihirap na gaya niya. He was a man of character. Kaya naman di siya nahirapan na mahalin ito. Pagmamahal na kailangan nilang ilihim.
“Bukas na ang third year anniversary ninyo ni Calden. Anong plano ninyo?” tanong ni Desmond na sumimpleng gumapang ang daliri papunta sa lalagyan ng pastillas niya.
Tinampal niya ang kamay nito. “Um! Para-paraan lang?”
Ngumisi ang kaibigan. “Isa na lang. Ako na ang bahalang mag-edit ng video natin sa cooking show. Saka tutulungan kita na gumawa ng surprise para kay Calden.”
Bumuga siya ng hangin. “Di ko nga alam kung magkikita kami bukas. Wala na nga siyang oras mag-text sa akin at ni hindi niya nabubuksan ang mga message ko sa kanya. Busy siya. Baka nga wala nang tulog ang isang iyon.”
Nakikita naman niya sa social media kung paanong dumugin ang mga mall shows nito, sunud-sunod na TV guesting at interview bukod pa sa taping ng series nito. Ang totoo ay kinakabahan siya dahil baka nakalimutan ni Calden ang anniversary niya. Pero may sampalataya naman siya sa nobyo. Kahit gaano ito kaabala dati ay may oras ito para sa anniversary nila. Basta nalang siya nitong sinusudo para dalhin sa isang romantic date. Nagawa nga nitong ipasara ang isang garden restaurant sa Tagaytay nang nakaraan para lang masolo siya.
Gaya ng sinabi nito, walang kailangang magbago sa kanila. Kahit di sila magkasama, siya pa rin ang nasa isip nito. Di rin mahalaga kung di man alam ng ibang tao na siya ang mahal nito. Basta silang dalawa ang nagkakaintindihan.
“Pero di ka ba nagseselos sa sweetness nila ni Yaya Darling?” tanong ni Matilda. “Nakita ko kung gaano ka-sweet saka parang iba ang titigan nila. Parang totoo na, girl. Sorry kung kinikilig ako sa kanila, ha? Nadadala lang talaga ako sa pag-arte nila.”
Pagak siyang tumawa. “Matty, ikaw na mismo ang nagsabi na umaarte lang sila. At alam mo kung gaano kagaling umarte si Calden. So, I don’t mind. Nirerespeto ko naman ang trabaho niya.”
“Sabi crush daw ni Yaya Darling si Calden sa totoong buhay. Di ka ba natatakot na baka akitin niya si Calden?” tanong ni Desmond.
“Pinagselosan ko ba nang sabihin mo sa akin na sabay kayo na nag-shower ni Calden noong swimming class natin?” nanlalaki ang matang tanong ni Patrice.
Tumili si Desmond. “Ay! Nakalimutan ko na iyon. Bakit mo pa inulit? Nabubuhay na naman ang pagnanasa ko sa boyfriend mo.”
Hinampas niya ang braso nito. “Tse! Basta di na lang ako nanonood ng mga shows at nagbabasa ng mga balita tungkol sa kanya. Ayaw ni Calden. Mas gusto niya kung mag-focus na lang ako sa pag-aaralan ko. Basta kung ano lang ang sabihin niya sa akin, doon lang ako.”
Pumalakpak si Desmond. “Nice! Ganyan ang girlfriend ng showbiz star. Kahit na itago ka, okay lang. Deadma lang sa chismis.”
“Di naman siguro kami tatagal ng tatlong taon kung wala kaming tiwala sa isa’t isa.” Kaya nga kahit na mag-iisang buwan na silang di nagkikita ay balewala sa kanya. Busy rin naman siya sa pag-aaral.
“I-dedicate na lang kaya natin sa kanya ang next episode natin ng Cooking with Love?” suhestiyon ni Matilda. Project nila sa New Age Media kung saan gagawa sila ng sarili nilag Youtube Channel at magsu-shoot ng kanya-kanyang program kada linggo. Bukod sa quality ng video ay bibigyan din sila ng grado sa dami ng mga nag-view sa video nila. Kaya Cooking with Love ang binuo nilang program kung saan magluluto sila at ire-relate ang pagluluto sa love.
“Oo nga. Ano ba ang paborito ni Calden na kainin?” tanong ni Desmond.
“Pastillas,” nagniningning ang matang sagot ni Patrice. “At alam mo naman na expertise ko ang pastillas.”
Titiyakin niya na mag-e-enjoy si Calden sa anniversary gift niya.