MAYA’T mayang tinitingnan ni Patrice ang galaw ng kamay ng wallclock sa kuwarto niya. Pine-perfect niya ang script dahil gusto niya na bukas sila ng hapon mag-shoot ng mga kagrupo para sa project nila at sorpresa na rin para kay Calden. Ang gabi ay inilalaan niya sa anumang sorpresa ng nobyo sa kanya para sa annivesary nila.
“Eleven-fifty na,” usal niya at inilabas ang cellphone. Ihinanda na niya ang numero at hinanap ang numero ni Calden sa contact niya. Hindi na siya nakapaghintay habang hinihintay ang paglipat ng oras. Sa cellphone na nakatuon ang paningin niya. Saktong pag-alas-dose ay pinindot niya ang call button at tinawagan ang nobyo.
Malakas ang kaba sa dibdib niya habang hinihintay na sagutin iyon ng binata. Ilang araw na bang nagte-text siya dito pero puro “Fine”, smiley at “I miss you and I love you” lang ang sagot nito sa kanya.
Alam naman niyang hectic ang schedule nito. Kahit nga daw mag-restroom minsan ay dala pa nito ang script na kakabisaduhin sa sobrang abala. Pero para sa sa anniversary nila ay gusto niyang marinig kahit ang boses nito.
“Hello!” sa wakas ay sagot ng boses sa kabila.
“Happy anniversary, baby!” malambing niyang bati sa nobyo.
“Baby? Anniversary? Who is this?” anang mataray na boses ng babae sa kabilang linya. “Hatinggabi na nang-aabala ka pa!”
Napangiwi si Patrice nang marinig ang masungit na nanay ni Calden. Ang nanay pala ng nobyo ang may hawak ng cellphone nito. “Hello, Tita Mina. Si Patrice po ito.”
“Patrice who? Oh! Patrice Fullido, the daughter of the Vice President of Rainbow Network,” anang babae na biglang nagbago ang tono nito at naging malambing. “Ikaw ‘yung nagregalo ng Cartier watch kay Calden last week.”
“Uhmmmm... Hindi po. Ako po si Patrice, ang girlfriend ni Calden.”
“Ikaw?” anang matandang babae at bumalik ang kalamigan ng boses nito. “Ano na naman ang kailangan mo sa anak ko?”
“Gusto ko po sana siyang makausap. Importante po sana.”
“May mas importante pa ba kaysa sa tulog ng anak ko? Pagod siya sa maghapong trabaho at may call time pa siya ng alas singko sa morning show.”
“Pasensiya na po, Tita. Anniversary po kasi namin ngayon at gusto ko siyang batiin.”
Ito rin ang nagsisilbing manager ng binata. Isa itong dating beauty queen at pinagmanahan ng good looks ng binata. Pero di kaila sa kanya na di naman siya nito gusto dahil overprotective ito sa career ng anak nito. Kahit anong distraction kay Calden ay di nito gusto. Gusto nito ay mag-focus lang ang binata sa career dahil sayang daw ang dumadating na opportunities.
“What anniversary are you saying? Hindi ba break na kayo ng anak ko?” maangil na sabi ng babae.
“P-Po?” nakatigagal niyang usal. “P-Paano pong...”
“That’s what he told me last month. Naghiwalay na daw kayo.”
Pagak siyang tumawa. “Tita, baka mali lang po kayo ng pagkakaintindi. Hindi po ba kunwari lang walang girlfriend si Calden dahil hindi marketable ang artista na may girlfriend? Nakakasira ng ilusyon sa fans. Kayo pa nga po ang nakiusap sa akin na itago muna ang relasyon namin para po protektahan ang relasyon namin.”
“Hija, hanggang ngayon ba iyan pa ang sinasabi sa iyo ni Calden? At umasa ka naman. The story is different this time. Kailan ba kayo huling nagkita?”
“L-Last month po sa concert sa school,” sabi niya. Nakakuha siya ng backstage pass at sandali lang silang nakapag-usap ng nobyo. Pero masaya na siya doon. Ang mahalaga ay nayakap siya nito at ibinulong na mahal siya nito.
“Kailan kayo huling nagkausap? I mean, a serius conversation. Nasasabi pa ba niya sa iyo na mahal ka niya?”
Yumuko siya. “Sa text na lang po. Alam ko naman po na sobrang busy niya, Tita. Gusto ko lang naman pong marinig ang boses niya ngayon. Di po ako mang-aabala.”
“Yes, he is busy. Pero di ibig sabihin wala siyang oras para sa ibang bagay. Wala lang siguro siyang oras para sa iyo. Hindi mo ba nakikita ang mga pictures at videos niya sa date nila ni Darling?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Di niya pinapanood ang mga iyon. Naririnig lang niya. “Alam ko naman po na para lang sa promo iyon ng series nila. Parte lang po ng trabaho.”
Pati ang sinasabi ng iba na pagkakagustuhan nina Calden at Darling ay hindi niya pinapansin dahil may tiwala siya sa kasintahan.
Huminga si Tita Mina nang malalim. “Hija, gusto kong maging prangka sa iyo dahil ayokong umasa ka. As a mother, I know my son more. Nakikita ko na hindi lang sila on-screen malapit sa isa’t isa at sweet. Kahit sa likod ng camera ganon din sila. Sila ang laging magkasama. That’s why I am apologizing on my son’s behalf. Mukhang nakalimutan ka na niya. Kaya siguro sinabi niya sa akin nang nakaraan na break na kayo. Siguro iba na ang gusto niya.”
Parang binagsakan ng abode ang puso ni Patrice. Iyon ang huling gusto niyang marinig, na iba na ang mahal ni Calden. Milya-milyang pang-unawa at pasensiya ang ibinigay niya sa binata. Hindi naman ito patas.
Umiling siya. “H-Hindi po iyon gagawin sa akin ni Calden. Naiintindihan ko naman po na trabaho lang ang lahat. Sana po sinabi sa akin kung break na kami.”
“You know how men are. Ganyan din ang ginawa sa akin ng asawa ko. Di na lang nagparamdam sa akin. Mukha akong tanga sa paghihintay. Maybe, they don’t have the heart to say goodbye. It is up to us girls to take a hint. Mas mabuti nang tanggapin mo ito ngayon pa lang.”
Humikbi siya. Unti-unting nagsi-sink in sa kanya ang nangyayari. Halos wala nang oras sa kanya si Calden. Maswerte nang mai-text siya nito ng “I love you” at kailangang siya pa ang unang mag-text dito. Iba na ito sa Calden na minahal niya.
“I hope na tatanggapin mo ito nang maluwag sa loob mo, hija. After all, naging mabuti rin naman sa iyong boyfriend ang anak ko. At hindi naman siya sa isang masamang babae mapupunta. Darling is from a well-off family, very well-mannered and really classy. Masaya ang anak ko sa kanya.”
Alam naman niya na ganoong klase ang gusto ng ina ni Calden para dito - isang babaeng mayaman, elegante at galing sa magandang pamilya. Di gaya niya na laki sa squatters area.
Pero hindi si Darling ang una sa mga babaeng may kaya at sikat na naidikit sa pangalan ni Calden. Siya pa rin ang pinili ng lalaki sa huli. Siya pa rin ang mahal nito. Kaya naniniwala pa rin siya sa pangako ng binata.
“Tita, huwag po ninyong sabihin iyan. Hindi po iyan totoo,” pagmamakaawa niya at napahikbi. “Hindi po iyan gagawin ni Calden sa akin.”
“Ask my son. Of course, he will deny it. Gaya ng sinabi ko, hindi madali sa mga lalaki na sabihing gusto na nilang makipaghiwalay. Just a warning, my dear. Huwag mong sasabihin sa iba na may dati kayong relasyon ng anak ko o sisiraan siya lalo na sa mga reporter. It will backfire, honey. Walang maniniwala na naging boyfriend mo siya. Goodnight, Patrice. Have a good life.”