What A Girl Wants (Filipino) Chapter 24

Umabot sila ng sampung tanong hanggang sa huli ay si Raymark ang pinakaunang nakakuha ng five points. Narinig niya ang pagtili ni Matilda sa gilid at nang makita niya ay nagtatalon pa ito sa tuwa. Mukhang ipinagdasal nito na si Raymark ang manalo sa quiz dahil makakasama niya si Matilda sa bar date mamayang gabi.

Katatapos lang niyang magbihis nang puntahan siya nina Matilda at Desmond sa kuwarto niya. “Kailangan mong makita ito,” sabi ni Matilda at inabot sa kanya ang cellphone. Nakabukas iyon sa Instagram account ni Calden.

“Anong meron?” tanong niya at tiningnan ang post nito. Parang wala namang kakaiba siyang napansin.

“Tingnan mo. Lahat halos ng sagot ni getting to know you quiz kanina sinagot niya sa Instagram niya,” anang si Matilda. “Lahat ng sagot niya dito may kinalaman sa sagot mo. Una, sa sagot na beef asado, iyon ang ipina-order niya.”

“Sa favorite place mo, nag-throwback siya ng picture niya sa Tagaytay. At ikaw mismo ang kumuha ng picture na iyon,” dagdag ni Desmond.

Ang mga post nga nito ay tungkol sa lahat ng sagot niya - paboritong subject, unang sinasabi niya paggising hanggang sa paborito niyang kanta ay may post ito.

“May mga teaser post tayo sa social media na ina-upload namin habang ginagawa ang quiz kanina kaya siguro nasagot agad niya kahit na bukas pa ang labas ng episode na iyan,” paliwanag ni Matilda.

Nagsalubong ang kilay ni Patrice at binalikan ulit ang mga post. “Ano ba ang gustong palabasin ng lalaking iyon?”

Tinawagan agad niya si Calden sa cellphone nito. “Anong ginagawa mo? Nasisiraan ka ba ng bait? Gusto mo bang may makahalata na may koneksyon ang quiz ko sa mga manliligaw ko sa mga post mo sa Instagram?” sermon agad niya dito.

“Hello, Patrice! I am flattered. Ini-stalk mo pa rin pala ang social media accounts ko. Akala ko kasi wala ka nang pakialam sa akin.”

“Hindi kita ini-stalk. M-May nakapag-report lang sa akin ng mga post mo. Ano ba ang gusto mong palabasin?” angil niya.

“Na hindi ko pa rin nakakalimutan ang lahat tungkol sa iyo.”

“Ano naman ngayon kung natatandaan mo pa rin lahat?”

“Wala ba akong reward? Dapat ako ang nanalo sa quiz na iyon dahil ako ang naka-perfect score.”

“Hindi ka kasali sa game na iyon,” sabi niya sa malamig na boses. Hindi niya ito manliligaw. He didn’t even try.

“Pero mas deserving ako na makasama kang mag-date.”

Ihinilamos niya ang palad sa mukha. “Hindi ko alam kung anong gusto mong palabasin. Pero siguro naman may mas importante kang bagay na dapat gawin kaysa ang makigulo sa dating show ko. Tama na, Calden.”

Ayaw na niya ng ganito. Ayaw na niyang umasa. Ayaw na niyang masaktan. Bakit parang nananadya pa si Calden at ayaw siyang bitawan?

SA isang acoustic bar sa Quezon City sila pumunta kasama ang mga kaibigan at sinadya niyang pagdikitin sina Matilda at Raymark. Mukha siyang tanga dahil parang sinasabotahe niya ang sarili niyang dating game pero gusto naman niyang maging masaya ang kaibigang si Matilda.

Siniko siya ng kaibigan noong high school na si Lina. “Uy! Salamat kasi isinama mo pa rin ako kahit na... alam mo na. Hindi naman na ako dalaga.”

“Oo nga. Ako rin may mga anak na pero ako pa ang pinili mong idala dito. Nakakahiya naman dahil pinaayusan mo pa ako,” sabi naman ni Susie na di nakatapos ng high school at may dalawa nang anak. Pero nang mga oras na iyon ay pusturang-pustura ito sa suot na bulaklaking dress at high-heeled shoes. Kinulot din ang buhok nito at maganda ang make up. “Bakit nga ba kami ang isinama mo? Wala ka bang ibang kaibigan na mas sosyal?”

Magaan siyang tumawa. “Dahil mga kaibigan ko pa rin kayo. Bakit naman ako pipili ng ibang sosyal nga pero di ko naman ka-close? Saka minsan lang naman ito na makakapag-relax kayo sa buhay. Alam ko naman na mas abala kayo sa trabaho o kaya pag-aalaga ng pamilya ninyo.”

Mas marami siyang nananatiling kaibigan sa high school habang sa college ay dalawa lang ang malapit sa kanya - sina Desmond at Matilda. Karamihan sa mga kaibigan niya noong high school ay maagang nagsipag-asawa para takasan ang hirap ng buhay o kaya ay ang istriktong pamilya. Di alam ng mga ito na mas mahirap ang maagang pag-a-asawa, walang natapos at walang matinong trabahong mapasukan dahil hindi nakatapos ng pag-aaral.

“Kung katulad mo sana kami, siguro ganyan din kadami ang mga guwapong nagkakagulo sa amin at sa national TV pa,” sabi ni Vivian, ang salutatorian niya. “O! Inom ka pa. Ang sarap ng alak ng mga mayayaman.”

“Huwag kang killjoy,” sabi ni Desmond. “Kaya hindi kayo magkasundo ni Sullivan.”

“Ma’am, cranberry juice po in-order para sa inyo guest sa kabilang table,” sabi ng waiter sa kanya.

“Sino?” tanong niya.

“Doon po sa table sa sulok,” sabi nito at itinuro ang bahagi ng bar na mas madilim. “Yung long hair po.”

“Naku! Baka mamaya may drugs pa iyan. Ako na muna iinom,” sabi ni Raymark. Alam naman niyang nagpapaka-bayani ito sa kanya.

“Pinapabigay po niya,” sabi ng water at inabot sa kanya ang nakatuping papel.

Alam ko na hindi ka iinom ng alak kaya um-order ako ng juice para sa iyo. Cranberry juice is good for you.

Cranberry juice. Naalala niya nang minsan siyang dalhan ni Calden ng isang litrong juice dahil paborito daw nito pero tumirik lang ang mata niya sa lasa. Pero inubos pa rin niya dahil masustansiya iyon ayon sa binata. Posible ba na ang dating nobyo ang nagpadala ng juice para sa kanya? Nasa bar din si Calden?

Tumayo siya para lapitan ang kabilang mesa nang bigla siyang pigilan sa braso ni Matilda. “Saan ka pupunta? Kakanta na si Raymark.”

“Ha?” aniya at nakitang paakyat sa stage ang manliligaw. Naghiyawan ang mga kaibigan niya para i-cheer ito at napilitan siyang bumalik sa upuan.

Napilitan siyang ibalik ang atensyon kay Raymark na nagba-buckle pa habang ini-interview ng singer. Di naman kasi ito sanay sa maraming tao. “Pagpasensiyahan n’yo na po ang boses ko dahil di naman po ako singer. Gusto ko pong i-dedicate ang kantang ito sa pinakamagandang babae sa bar na ito ngayon, si Pastillas Girl.”

Nagpalakpakan ang mga tao at lumingon sa direksyon niya. Pero nauwi sa kantiyawan ang masayang hiyawan dahil may sariling direksyon ang nota ni Raymark. Habang halos mabasag ang eardrums niya sa sariling version ng Thinking Out Loud ni Raymark ay kilig na kilig naman si Matilda sa tabi niya. Pero natutuwa siya dahil mas may confidence na din si Raymark kumpara dati na mahiyain nito at laging nauutal.

Kaya naman nang bumaba ito ng stage ay sinalubong niya ito. “Great job! Ang galing mo.”

“The best singer ever!” tili naman ni Matilda at sa gulat niya ay biglang niyakap ang lalaki. Nakita niya na nakatutok sa kanila ang cameraman at baka mamaya ay mapagalitan pa ang kaibigan.

“Group hug!” deklara agad niya at nagyakap-yakap silang lahat.

“Wow! Mukhang silaw na silaw sa araw si Kuya,” sabi ng singer. Iyon marahil ang next na singer. “Pero in fairness, ang ganda ng dimples. Sana dimples ka na lang.” At naghagalpakan ng tawa ang mga audience. “Anong kakantahin mo?”

“Mahal Pa Rin Kita para kay Miss Pastillas.”

Siniko siya ni Desmond. “Siya yata ang um-order ng cranberry juice para sa iyo. Mukhang taong grasa levels si Kuya.”

Biglang kumabog ang dibdib ni Patrice at nilingon ang susunod na kakanta mula sa audience. Mahaba ang buhok ng lalaki na nakasumbrero at naka-shades pa. Mukha itong gusgusin. Pero nang nagsimula na itong kumanta ay natahimik ang audience.

“Di maamin ng damdamin na ngayo’y wala ka na sa aking piling.”

Suwabe ang boses nito. Hindi magalas katulad ng isang rockstar pero parang idinuduyan siya. Pumikit siya at inisip kung saan na niya narinig ang boses na iyon. Parang may katimbre ito. Hindi niya alam kung bakit naiisip niya si Calden.

Dumilat siya at nakitang nakatingin ang lalaki sa direksyon niya. Hindi niya nakikita ang mga mata nito sa kabila ng s hades pero parang tumagos sa puso niya ang kanta nito. “Mahal pa rin kita, o, giliw ko.”

Nang ngumiti ito ay lumabas ang dimples nito. Maraming may dimples sa mundo. Hindi lang si Calden. Pero habang nakatitig siya sa lalaki ay natitiyak niyang ito ang dating nobyo. Ito si Calden.

Tumayo siya para kumpirmahin ang hinala pero bumaling ulit ang lalaki sa audience at pinutol ang kanta. “Thank you,” anito at saka nagmamadaling bumaba ng entablado. Di ito sa direksyon nila dumaan kaya sinubukan niya itong hulihin sa may pinto ng bar.

Subalit di pa siya nakakalayo ay may grupo ng mga teenager na di nalalayo ang edad sa kanya. “Miss Pastillas, pa-picture naman tayo.”

“Ang ganda mo pala sa personal. Anong make up ang gamit mo?” tanong ng isa pang babae.

“Pwedeng akin na lang si Chard kapag ayaw mo na sa kanya?” tanong ng isa pa.

Wala siyang nagawa kundi paunlakan ang mga ito. Bago sila umalis ng bar ay di pa rin siya mapakali. Paano kung si Calden nga iyon? Hindi ba’t sinabi nito na ito dapat ang nanalo sa date nila.

Tumawag siya sa cellphone ni Calden nang pumunta siya sa restroom bago sila umalis ng bar. “Hello, Calden. Ikaw ba ‘yung nakita ko sa bar? Sabihin mo naman ang totoo...”

“Ikaw na naman?” sa halip ay narinig niya ang boses ng ina ng binata.

“T-Tita Mina,” usal niya. “Pasensiya na po. Akala ko po...”

“Akala mo makakausap mo na naman ang anak ko? Hindi ka na nasiyahan sa mga manliligaw mo.”

“May itatanong lang po sana ako sa kanya.”

“Huwag mo nang abalahin ang anak ko. Kanina pa siya natutulog. At kahit pa magkita kayo, huwag mo na siyang kakausapin o lalapitan man lang.”

Isang malaking palaisipan sa kanya kung sino ang lalaking nag-dedicate ng kanta sa kanya. Kung si Calden ba iyon o nahihibang lang siya.

Sa huli ay wala siyang nagawa kundi binalingan ang kanyang kaibigang si Totoy Biloy. Sa palagay mo ba malaki ang problema ko? Kahit na lang kasi saan parang nakikita ko ang ex-boyfriend ko. Kanina inisip ko sa bar nag-disguise siya para lang kantahan ako. Anong gagawin ko?

Subalit walang sagot mula kay Totoy Biloy sa pagkakataong ito.

Calden, hanggang kailan mo guguluhin ang puso ko?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.