What A Girl Wants (Filipino) Chapter 23

Hindi ka daw niya hahalikan hangga’t ikaw mismo ang magmakaawa sa kanya. He is just a typical guy. Gusto lang niyang subukan kung hanggang saan ang charisma niya sa isang babae. Hindi rin naman lalabas ang video na iyon kaya wala ring sasabihing masama ang audience sa kanya.”

“A-Ano?” bulalas ni Patrice. “At bakit hindi ninyo ilalabas?”

“Siya ang paborito ng mga tao sa labas. He is charming and he gorgeous. Kahit na sabihin mong mayabang siya, gusto pa rin siya ng mga babae,” anang creative director nila na si Rio. “He is perfect - handsome, rich and cool. Kahit nga ang mga lalaki ay nanonood na rin ng show natin para daw makakuha sila ng makikisig na moves mula kay Sullivan.”

“If we take him out now, bababa ang ratings natin,” sabi ni Kara sa malamyos na boses saka hinaplos ang buhok niya. “At hindi natin iyon gustong mangyari lalo na’t kalilipat lang natin ng timeslot at kailangan nating talunin ang kalabang istasyon. Trust me, Patrice. Bilang parusa kay Sullivan, siya ang maglilinis ng restroom at maghuhugas ng plato sa loob ng isang linggo. Di rin siya basta-basta makakalapit sa iyo. Bahala ka rin kung ano ang gusto mong iutos sa kanya para maturuan ng leksyon.”

“At kung ulitin na naman niya?” tanong niya sa babae.

“Ako mismo ang babali sa buto niya at kakaladkad sa kanya sa presinto,” sabi ni Kara at pinisil ang kamay niya. “Sullivan knows that he can’t mess this up.”

Sa huli ay wala siyang nagawa dahil ang mabait at tahimik na contestant na si Abril ang pinili ng mga ito na alisin niya. Matapos ang meeting ay nagpaalam siya magkukulong muna sa kuwarto. Sukal talaga sa loob niya ang nangyari. Kaya iniyak na lang niya ang sama ng loob. Wala siyang pakialam kahit makita pa ni Abegail na naghatid sa kanya sa kuwarto.

“Miss Patrice, sorry kung hindi ko kayo matulungan man lang. Lahat kasi kamik nakasalalay ang trabaho dito. Di pwedeng basta-basta kantiin si Sullivan. Kamag-anak kasi siya ng isa sa network executive,” sabi ng babae.

“A-Ano? Kamag-anak siya ng network executive?” bulalas niya. “Ay! Anak naman ng patis o!”

“Kaya kailangang alagaan ang reputasyon niya. Nandito lang siya dahil gusto talaga niyang pumasok sa showbiz,” paliwanag nito.

“Wala naman talaga akong choice. Pare-pareho lang kaming umaarte sa kung ano ang gustong makita ng mga tao. Hindi ito totoo,” usal niya habang lumulutang ang isipan niya sa pagkadismaya. “Iwan mo muna ako.”

Gusto niyang tawagan si Calden. Gusto niyang magsumbong dito sa kung ano ang nangyayari sa kanya. Kung paanong pakiramdam niya ay isinanla niya ang kaluluwa niya. Pero anong magagawa ng lalaki para sa kanya? Sarili nga nito ay di nito matulungan. Pareho lang silang bilanggo ng industriyang ito.

Tumunog ang messenger ng Facebook niya at nang buksan niya ay may mensahe sa kanya mula kay Totoy Biloy. Kumusta?

Sa mensahe dito niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob na nararamdaman niya. Ganito ba talaga ang mundong ito? Kahit kailan di ka pwedeng maging totoo.

Totoy Biloy: Anong problema?

Patrice: Kailangan ko lang magdesisyon sa mga bagay na di ko naman gusto. Wala akong karapatan na gawin kung ano ang tama para sa akin at kung ano ang nararamdaman ng puso ko. Madaming kailangang ikonsidera. I know, this is a show. Pero pakiramdam ko hawak na nila ang buhay ko.

Totoy Biloy: I know the feeling.

Patrice: Anong ibig mong sabihin?

Totoy Biloy: Minsan kailangan nating isakripisyo ang kalayaan natin para sa mga taong mahalaga sa atin. It is not easy. Pakiramdam mo pinapatay ang kaluluwa mo pero wala kang magagawa dahil kailangan. You have no choice but to suck it up.

Patrice: True.

Sino ba naman siya sa industriyang iyon? May mas malaking kamay na nagpapagalaw ng lahat at mistula siyang puppet na kailangang sumunod. Lahat ng nasa ilalim ng produksyon ay may kanya-kanyang intensyon sa pagsali. Kailangan niyang sumunod sa script dahil iyon ang trabaho niya.

Totoy Biloy: Pero sabihin mo sa akin kung may maitutulong ako. Kung sa pakiramdam mo hindi mo kaya, baka magawan natin ng paraan. Sabihin mo kung gusto mo nang umalis diyan.

At ano naman ang magagawa nito para sa kanya? Sisirain niya ang kontrata niya? Mawawalan ng trabaho ang ibang mga tao dahil sa kanya? Isa pa, di rin naman niya maasahan ang isang tao na di niya alam kung sino talaga. Suma-total, si Totoy Biloy ay isa lang poser ni Calden.

Patrice: I can handle this. Malaki na ako at kaya ko nang panindigan ang mga desisyon ko. Kailangan ko lang ng kaibigan na makakausap kahit na hindi ko masabi sa iyo ang lahat.

Totoy Biloy: Salamat dahil pinagkakatiwalaan mo ako.

Pakiramdam ni Patrice ay mas matapang na siya matapos iyon. Pinasok niya ito kaya kailangan niyang tapusin. Kailangan niyang maging matatag para sa sarili.

PINAGKISKIS ni Patrice ang palad habang hinihintay ang pagsisimula ng susunod na game niya kasama ang mga manliligaw. Mahigit isang linggo na rin silang magkakasama sa mansion kaya kahit paano ay alam na rin nila ang ugali at hilig ng isa’t isa. Ngayon magkakaalaman kung sino ang nagbibigay talaga ng atensyon sa mga gusto at ayaw niya bilang isang babae.

“Malaking puntos para kay Patrice at kahit kaninong babae kung binibigyan ng atensiyon ng lalaki kung ano ang mga gusto at ayaw nila. Boys, we always need to consider our girls’ feelings,” sabi ng host na si Vhon na nakatayo sa tabi niya habang siya ay nakaupo sa stool. “Time to prove how well you really know Patrice.”

“Ang pinakaunang makakakuha ng five correct answers ay makaka-date ko kasama ang ilan sa malalapit kong kaibigan,” sabi niya at tumango kay Vhon.

“Very good, Patrice,” narinig niyang sabi ni Kara sa earpiece niya. Pinupuri nito ang hosting skills niya na makakatulong daw sa kanya pagdating ng panahon.

“First question: Ano ang paborito ni Patrice na pagkain bukod sa pastillas?” tanong ni Vhon.

Halos lahat nakakuha ng beef asado maliban kay Sullivan. Adobong hito ang sagot nito. “Sullivan, hindi ako kumakain ng hito,” sabi ng dalaga dito.

Kakamot-kamot naman ang lalaki. “Akala ko kasi nagbago na ang isip mo mula namang malaman mo na iyan ang paborito ko.”

“Asa,” mahina niyang usal habang nakangiti. Kahit kailan talaga ay sarili lang nito ang iniisip nito. Tingnan lang niya kung may tumama itong sagot.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.