What A Girl Wants (Filipino) Chapter 27

NAGKAKAGULO sa loob ng van dahil sa sobrang excitement. Lima sa mga manliligaw niya ang kasama niyang dadalo sa isang rock concert sa MOA open ground ng bandang Phantom. Group date nila iyon at ngayon lang sila makakalabas ng mansion nang sabay-sabay. Parang isang malaking barkada tuloy siya.

“Ngayon pa lang ako makakapanood ng totoong concert. Fan ako ng Phantoms! Rock ‘n roll!” anang si Chard at tumayo pa mula sa upuan saka kunyari ay naggitara.

“Ako rin. Mahal kasi ang ticket sa ganyang concert,” sabi ni Raymark.

“Ang babaduy talaga ninyo. Normal na lang sa akin ang ganyang concert. Parang nagbubukas na lang ako sa iTunes,” anang si Sullivan na parang walang pakialam.

“E di ikaw na mayaman,” sabi naman ni Topher. “Patrice, mahilig ka rin ba sa ganyang concert?”

“Baduy din ako kasi ngayon pa lang ako makaka-attend. Sa university kasi namin di naman ako nakakanood dahil bantay ako sa booth,” kwento niya. “Kaya excited din ako sa concert na ito.”

“Hindi ba kayo uma-attend ng boyfriend mo sa concert?” tanong ni Jess.

Nagkibit-balikat ang dalaga. “May kanya-kanya kaming responsibilidad.”

“Malamang bantay din sa booth,” sabi ni Topher. “Sipag n’yo naman. Ano bang hilig ninyong gawin ng ex mo?”

“Magbasa ng libro. Manood ng pelikula.”

Pero lahat ay patago. Pumupunta sila sa park para mag-picnic pero tinitiyak nilang malayo sa mga tao. Hindi rin sila makanood ng pelikula sa sinehan kaya nagkakasya na lang sila sa DVD sa bahay nila.

Hindi sila normal na magnobyo ni Calden. Hindi sila ang tipo na nakakalabas para mag-date lalo na noong minor pa siya dahil ayaw siyang payagan ng nanay niya. Nang nasa tamang edad naman ay limitado na ang mga kilos nila at di maaring makita ng mga tao na magkasama. Pero sa mga sandaling magkasama sila ay masaya siya.

Alam niyang paborito din ni Calden ang Phantom Band. Kaya nga excited din siyang manood. Manonood din kaya ang binata? Magkikita kaya sila?

“Sa akin ka didikit para maging cool ka,” sabi ni Sullivan at pabiro siyang inakbayan.

“Dito ka sa aming mga hot,” sabi naman ni Chard at hinila ang siko niya. Kakampi din nito ang ibang mga kasama.

“Mahahawa ka ng kabaduyan sa mga iyan,” sabi ni Sullivan.

“Mas baduy, mas guwapo,” kontra naman ni Topher.

Nagkukulitan pa rin ang mga ito nang dumating sila sa concert ground. Maraming tao ang bumati sa kanila at di rin nila maiwasang ma-excite dahil sa kabi-kabilang celebrities na nakita nila sa venue.

Lumapit sa kanya ang isang babaeng komedyante. "Ikaw si Miss Pastillas, di ba? Pa-picture naman. Ang ganda mo. Kamukha mo ako noong kabataan ko."

"Naku E di ganyan din po ako pagtanda ko?"

"Oo. Pag nakunsumi ka na sa mga lalaki," anito at humalakhak. "Boys, tayo naman ang magpa-picture. Kunyari pinagkakaguluhan n'yo din ako."

Naaaliw si Patrice na pagmasdan ang mga kasama lalo na nang di lang fans ang nagpapa-picture sa mga ito kundi maging celebrities. Pinag-uusapan na talaga sila ng buong bansa. At dahil mas madalas nakakulong sa mansyon, hindi nila inaasahan na ganoon kalaki ang impact nila sa mga tao. Sabi nga ni Abegail, they were celebrities in their own right.

"Everyone, mag-enjoy lang tayo. Kalimutan n'yo muna ang tungkol sa show. Nandit kayo para aliwin ang sarili ninyo. Group date ito. Have fun!" sabi ni Abegail na tumayo sa gilid nila. May kasama pa silang isa pang production assistant at dalawang security.

Maya maya pa ay nagsimula na ang concert. Buhay na buhay na ang mga audience lalo na nang lumabas sa entablado ang Phantom Band, grupo ng limang taong nakamaskara. Walang nakakaalam ng identity ng mga ito kaya napakamisteryoso ng mga ito at lagi pang naka-maskara. Pero di naman matatawaran ang galing ng mga ito sa musika. They revolutionized the rock music in the Philippines. Mula sa angst ng mga kabataan, pag-ibig, environment at pagmamahal sa bansa ay kinakanta ng mga ito. Ang kamangha-mangha pa ay ninety percent ng kanta ng mga ito ay sa Filipino pero sumikat pa rin ang mga ito sa ibang bansa.

"Daredevil Phantom, I am your slaveeee!" sigaw ni Sullivan.

"Akala ko ba baduy at sawa ka na sa concert nila,” paalala ni Patrice sa lalaki.

"Wala akong sinasabing ganoon ha?" kaila nito. "Idol ko sila. Rock 'n roll! Yeah!"

"Ikaw iyon!" sabi ni Raymark at itinuro ang monitor. Natutop niya ang bibig nang makitang siya ang nasa malaking screen.

"Whoa! Si Pastillas Girl nandito rin," bulung-bulungan ng mga tao.

"Iba na ang sikat," sabi ni Topher.

"Calden!" narinig niyang tilian ng mga audience at nang tumingin siya sa monitor ay parang tumigil ang mundo niya nang makitang nakangiti si Calden habang nanonood ng concert.

Nandito lang din ang dating nobyo. Nasa iisang lugar lang sila. Hinihinga din nito ang kaparehong hangin na hinihinga niya. Nakita siya nito kanina. Bumilis din ba ang puso nito nang makita siya? Alam ba nitong pupunta ito doon? Nagbabaka-sakali na makita siya? Parang magkasama na rin sila dahil pareho silang ipinakita sa screen. As if they were on a date. Pakiramdam niya ay abot-kamay na lang nila ang isa't isa.

Subalit naputol ang pag-iilusyon niya nang lumabas sa screen si Darling, ang ka-loveteam ni Calden. Maganda nga ang babae. Bagay ito kay Calden. At lahat ng tao sa paligid niya ay ang pangalan ng dalawa ang itsini-cheer.

Mistulang sindi ng kandila na hinipan ng hangin ang saya sa puso niya. Ito ang realidad. Si Darling ang kasama ni Calden. At nasa kabilang bahagi ito ng concert ground. Ibang babae ang nasa tabi ng dating nobyo.

At ang pinakamasakit na katotohanan kahit pa mahal niya is Calden o mahal siya nito ay hindi rin naman nila masasabi sa isa’t isa. Hindi na sila. Break na sila. Hindi na niya matatawag na kanya si Calden.

Yumuko si Patrice at hindi na niya naintindihan pa ang musika mula sa banda o ang kasiyahan sa paligid niya. Naka-focus lang siya sa kahungkagan sa puso niya. Wala siyang ipinagkaiba sa isang fan. Hanggang ilusyon lang siya kay Calden. Hindi niya alintana kung nararamdaman man niya na may pumapatak na basa sa kanya.

Ayoko na talagang masaktan. Gusto kong maging manhid na lang kahit na ipakita pa ulit si Calden kasama si Darling. Okay lang ako. Okay lang ako.

Nagulat na lang siya nang biglang mag-vibrate ang cellphone niya. Sino naman itong panggulo na nambubulahaw sa pag-e-emote niya?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.