Nang tingnan niya ang cellphone ay isang text message ang natanggap niya galing kay Calden. Umaambon na. Baka nababasa ka na.
Kumunot ang noo niya at tumingala. Manaka-naka na nga ang ambon at dahil nasa open sila ay mababasa sila kung sakaling bumuhos ang ulan.
Ano ngayon? Ambon lang naman iyan.
Bakit basta na lang itong nagte-text sa kanya? At saan ba ito nakapwesto para makita ang mga galaw niya.
Wala ka bang jacket na may hood para hindi ka mabasa?
Mainit kanina. Hindi na ako nagdala, reply naman niya dito. Iniwan din nila ang payong sa van dahil kukumpiskahin ng security ang payong sa entrance pa lang. Wala naman sa isip nila na magdala ng raincoat.
Wala man lang ba sa mga manliligaw mo ang magpapasuot ng jacket sa iyo para hindi ka mabasa at magkasakit? Konting ambon pa mandin nagkakasakit ka na. Limang lalaki ang ka-date mo, wala man lang nagmamalasakit na protektahan ka? Umuwi ka na lang kundi ka nila kayang protektahan.
Nilingon niya ang mga kasama. Mukhang busy nga ito sa panonood ng concert at pagvi-video. They were having fun. Habang siya naman ay sinesermunan ng ex-boyfriend niya. Masakit mang tanggapin, iba pa rin kung mag-alaga si Calden. Pero ano bang pakialam nito? May sarili naman itong ka-date.
Bakit di ka na lang mag-focus sa pag-aalaga sa Darling mo. Tutal siya naman ang ka-date mo, pakli niya.
She has her own jacket. When I go out on dates, I got everything covered. Gusto mo bang pumunta ako diyan para turuan kung paano magtrato ng date ang mga manliligaw mo? Looks like they need a lesson from me.
Wag na. Iiwan mo pa ang date mo para sa akin? Nakakahiya naman. Kaya ko naman ang sarili ko, Calden. Kaya ko kahit wala ka dahil madalas ka namang wala.
Gusto sanang kiligin ni Patrice sa pag-aalala ng nobyo. Pero naiinis siya dahil kahit ano pang gawin nitong pag-aalala ay di naman mababago ang katotohanan na may kanya-kanya na silang buhay. Kahit mahal pa siya nito hanggang ngayon, di pa rin siya nito kayang panindigan.
Hinahamon mo ba talaga ako?
Gusto sana niyang hamunin ito. Gusto niyang sabihin na ituloy nito ang pagpunta doon. But that would be asking too much. Sa huli, ayaw niyang gumawa ng isang bagay na pagsisisihan din ni Calden sa huli.
Stop it, Calden. Wala kang karapatang turuan ang mga manliligaw ko kung ano ang dapat nilang gawin sa date namin dahil di ka rin naman perpektong boyfriend. At lalong wala ka nang karapatan sa akin ngayon. Just stop caring for me.
Gaya nang wala na siyang karapatan pa sa dating nobyo. At habang nag-aalala lang ito sa kanya ay lalo lang siyang nafu-frustrate.
Nagsimulang lumaki ang patak ng ulan. Nakatitig lang siya sa cellphone habang hinihintay ang susunod na sagot ng binata. Akala niya ay di na ito sasagot pa.
Kung hindi ka nila kayang alagaan, ihatid ka na lang nila sa mansyon. Magkakasakit ka pa sa ginagawa nila. Sarili lang nila ang iniisip nila. Huwag mong sabihin na isa sa mga iyan ang pipiliin mo? Di ka nila kayang alagaan.
Bumuhos ang ulan at kinalabit siya ni Abegail. “Gusto mo bang bumalik na lang sa mansyon? Mababasa ka dito.”
Tiningnan niya ang mga manliligaw. Parang wala namang pakialam ang mga ito kung mabasa siya. They were enjoying the moment. Huminga siya ng malalim. Kung magyayaya siyang umuwi gaya ng sinabi ni Calden, parang ito lang ang nanalo.
Siya naman talaga ang panalo. Napatunayan niya na walang makakapantay sa kanya sa mga manliligaw ko. Ni hindi ko man lang na-enjoy ang concert.
Ngumiti siya at inabot sa PA ang cellphone. “Pakitabi muna sa waterproof pouch mo. Nandito na kami kaya mag-e-enjoy na kami.”
“Pero mababasa ka at...”
“This is how you party!” sabi niya at nakihalo sa mga kasama sa pakiki-rock and roll sa Phantom Band.
This was her night with the boys. Bakit naman siya magpapakalunod sa lungkot dahil sa ex-boyfriend niyang may ka-date na iba kung pwede naman siyang magpakasaya? Mabuti nga ay may ulan dahil ayaw niyang makita ng iba na lumuluha ang puso niya. Tumawa siya, nakisaya at nakikanta habang nababasa siya ng malalaking patak ng ulan. Kailangan niyang maging matatag mula sa sakit. Kailangan niyang maging manhid. Dahil walang mangyayari kung patuloy siyang masasaktan dahil kay Calden. Nandito ang mga kaibigan niya. Kundi man kayang pantayan ng mga ito ang pag-aalaga sa kanya ni Calden, ang mga ito pa rin ang kasama niya.
“Buhatin n’yo dito ang pinakaguwapong lalaki sa audience ngayon,” anunsyo ng bassist na si Mystical Phantom.
Nagtulakan ang mgakasama niya. “Ikaw na, Sullivan. Ikaw naman ang guwapo, sabi mo,” kantiyaw dito ni Raymark.
“Ibagsak pa ako ng mga iyan,” anang binata at humalukipkip.
“Akala ko ba matapang ka at cool. Go!” aniya at bahagya pang itinulak ang lalaki.
Umiling ito. “Malulula ako.”
At nagtawanan silang lahat. Noon lang nila nalaman na may weakness din pala ang binata. Di lang nila inaasahan na aaminin nito. Ibig sabihin ay unti-unti nang napapalapit ang loob nito sa kanila.
“Crowd surf the prettiest girl in the crowd!” sigaw ng vocalist na si Daredevil Phantom makalipas ang ilang sandali.
“Si Pastillas Girl ang pinakamaganda!” sigaw ni Topher.
Nagulat na lang sabay-sabay siyang buhatin ng mga kasama at ipasa sa mga audience na nasa harapan. Gusto niyang pumalag at tumutol pero natakot siya na baka may masaktan at ang masaklap ay ibagsak pa siya.
Bahagya na lang siyang lumingon para makita kung may mapasasahan siya sa harapan. Alam naman niyang di rin siya magaan. Exciting ang i-crowd surf pero nakakakaba din. It was the ultimate rock concert experience. Nagdasal siya na matiwasay naman siyang makarating sa stage kung saka-sakali at walang manghihipo o mananakit sa kanya na kadalasang nangyayari sa mga rock concert.
Dahil di rin siya gaanong gumagalaw ay nagsisimula na siyang lamigin. Patuloy pa rin kasi ang pagbuhos ng ulan. Gusto na lang niyang makarating sa stage para makagalaw-galaw ulit siya at mabawasan ang lamig.
Nang sa wakas ay makarating siya sa barrier na nasa harap ng stage ay tumapak siya para makasampa sa entablado. May isang kamay na lumahad sa harapan niya. Tinanggap niya ang tulong nito at hinawakan iyon. Nang iangat niya ang paningin ay muntik na siyang makabitaw nang makita kung sino ang umaalalay sa kanya - si Calden.