What A Girl Wants (Filipino) Chapter 29

“Patrice, huwag kang bibitaw,” sabi nito at hinila siya paakyat.

Hindi agad siya makagalaw dahil nakatitig lang siya dito. Nandito si Calden. Kasama niya sa isang stage. Naghiyawan ang mga tao. Nakakasilaw din ang ilaw sa stage pero wala siyang maintindihan. Parang ito lang ang importante at ang musika ng banda na isa sa paborito nilang i-duet ni Calden lalo na kapag malayo sa isa’t isa at sa cellphone lang sila nag-uusap. Masyadong maraming aalala ang kantang iyon.

I should have just ran away

I should have looked the other way

Like you don’t matter to me

Like I don’t know you at all

But here you are, standing right infront of me.

“Basang-basa ka na,” sabi ni Calden at pinisil ang mga kamay niyang nanlalamig. Hinipan pa nito saglit bago hinubad ang jacket. “Ikaw na ang gumamit. Lamigin ka pa mandin. Baka mapulmonya ka pa.”

“Hindi naman kailangan na...”

“Isuot mo na,” utos nito at ito pa mismo ang nagsuot sa kanya.

“Anong isusuot mo? Lalamigin ka rin.”

Ngumisi ito at lumabas na naman ang dimples nito. “Ako si Superman.”

“Super Dimples,” aniya at bahagyang ngumiti kahit nilalamig.

Nasa gilid sila ng stage pero kitang-kita pa rin ng lahat ang ginagawa nito sa kanya. He is being a gentleman. Hindi ko naman siya mapipigilan na alagaan ako. Gusto ko rin naman. Malamang ay pogi points iyon sa kay Calden.

Iyon ang lang ay di naman siya ang ka-date nito. Kahit na masarap mangarap nang mga sandaling iyon, kailangan din niyang pumapak ng realidad.

“N-Nasaan ang ka-date mo?” tanong niya sa lalaki para may mapag-usapan habang inaayos nito ang manggas ng jacket sa kamay niya. Wala naman kasi siyang laban dito kaya wala siyang choice kundi sumunod. Kinuha na ng lamig ang lakas niya. O sadyang wala lang siyang lakas tumutol pagdating kay Calden.

“Naiwan siya sa crowd,” sabi ng lalaki. “Binitbit lang din ako dito. Mas safe kung doon na lang siya sa audience.”

“Basta na lang akong binuhat dito,” aniya at lumingon sa direksyon ng mga manliligaw na masayang-masaya na makita siya sa stage. Pakaway-kaway pa ang mga ito, walang ideya na matinding dilemma ang pinagdadaanan niya.

Hinawakan ni Calden ang balikat niya. “Hindi ka ba nasaktan? Wala bang nang-maniac sa iyo?” nag-aalang tanong nito.

Naghahati ang saya at lungkot sa puso niya. Kasama niya si Calden sa stage. Parang iyon ang unang pagkakataon na nakita sila na magkasama sa harap ng mga tao. Hindi nga siya makapaniwala na nangyayari ito. Nasa harap sila ng isa’t isa. Hindi siya nag-iilusyon lang at inaalagaan siya nito na parang siya lang ang babae sa buhay nito.

Pero pinipigilan niya ang puso na umasa. Parte lang ito ng concert. Calden was just... Being Calden.

“Wow! We have Calden Faulkner and Miss Pastillas. Agree ba kayo na sila ang pinakamaganda at pinakaguwapo sa crowd natin?” tanong ng nakamaskarang bokalista at sinenyasan silang pumunta sa gitna ng entablado.

Naghiyawan ang crowd nang alalayan siya ni Calden na maglakad sa gitna ng stage. Maaring maging kontrobersiyal iyon lalo na’t nasa magkalabang show sila. At maaring di matuwa ang nanay kapag nalaman ang nangyayari.

Inosente naman ako. Malay ko bang kaming dalawa ang ika-crowd surf at magkakasama sa isang stage. Sisihin niya ang That Thing Called Tadhana.

Kahit naman siya ay sinisisi ang tadhana. Malakas kasing magpaasa.

“Gusto n’yo bang marinig silang kumanta?” tanong ulit ni Daredevil Phantom.

Positibo naman ang sagot ng audience at wala silang nagawa nang iumang ang mikropono sa pagitan nila ni Calden. Hinawakan niya ang microphone at lumukob naman ang mainit na kamay ng binata sa nanlalamig niyang kamay.

Bumuka ang bibig niya pero di niya magawang kumanta. Nakatitig na lang kasi siya sa binata. Ngumiti si Calden at sinimulang kantahin ang chorus. “Without a word you made me feel what is love. Without a word you turned my world upside down.”

Tumango ito sa kanya na ibig sabihin ay siya na ang kakanta. “You said I am the one, you’ll never make me cry. Baby, but words are not enough.”

At hindi mapigilang maluha ni Patrice habang kinakanta iyon. It was a sad song. At iyon ang kwento ng pagmamahalan nila ni Calden. Nagmamahalan nga sila pero di naman nila kayang pangatawanan. Nangako sila sa isa’t isa pero di nila kayang tuparin.

“Thank you, Calden and Miss Pastillas,” anang bokalista at pilit siyang bumitaw sa mikropono.

“Thank you,” simpleng sabi lang niya at nagmamadaling umalis ng entablado.

“Patrice!” tawag sa kanya ni Calden na akmang susundan siya. Para siguro alalayan man lang siyang bumaba ng entablado.

Umiling siya at nakita niya na nasa kabilang bahagi ang ka-loveteam nitong si Darling, naghihintay sa pagbaba nito. Umiling siya at tuloy-tuloy na bumaba ng stage kung saan naghihintay sa kanya ang PA niyang si Abegail.

Hindi na siya nito pwede pang sundan. Mas mabuti kung maghihiwalay na lang sila ngayon pa lang habang kaya pa niyang bitawan ang kamay nito. Habang kaya pa niyang lumayo dito. Dahil kapag sinundan pa siya nito at hinawakan pa ulit nito ang kamay niya kahit para alalayan man lang, baka sumabog na lang ang puso niya at sabihin niya sa harap ng maraming tao na mahal pa rin niya ito. Mabubunyag din sa lahat ng tao ang sekretong itinatago nila. Masisira ang lahat ng pinaghirapan nito.

What good is a love that makes you run in the rain

What good is a love that brings you nothing but pain

Cause for a heart that loves, there is a sad goodbye

Without a word you broke my heart

Without a word you’re gone

Tumalikod na lang siya bago pa niya makitang bumalik ito sa ka-loveteam nitong si Darling - ang babae para sa paningin ng lahat ay perpekto para kay Calden. She stepped down the stage with a heavy heart.

“Masama ang pakiramdam ko,” sabi agad niya paglapit kay Abegail. “Umuwi na tayo.”

NANGANGALIGKIG pa rin sa lamig si Patrice habang nakahiga sa hospital bed at pinapanood ang episode ng You’re The One sa telebisyon sa hospital suite niya. Napapaligiran ang kuwarto niya ng mga bulaklak mula sa network, fans at kanina lang ay nagdala rin ang mga manliligaw niya bago bumalik ng mansyon. Gusto sana siyang bantayan ng mga ito pero kailangang magpatuloy ang ihinandang activities at challenges sa programa.

Bago pa siya umalis sa concert venue ay nangangaligkig na siya sa lamig dahil sa basang damit. Pagdating ng mansyon ay nagbabad siya sa mainit na tubig sa bathtub at akala niya ay sapat na iyon pero kinaumagahan ay inaapoy pa rin siya ng lagnat. Napilitan tuloy ang mga staff ng show na isugod siya sa ospital.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.