MATAPOS kumain ay inayos ni Patrice ang sarili. She put on her make up and fixed her hair. Para sa Cooking with Love, kailangang makita ng lahat na masaya siya at in love. In love sa pagluluto at sa taong ipinagluluto niya. Iyon kasi ang punto ng programa nila. Kailangan niyang kimkimin ang sakit at magmikhang walang problema. Walang dapat makahalata na may pinagdadaanan siya. Kahit sarili niya ay kailangan niyang kumbinsihin na masaya siya at ayos lang ang lahat.
Kaya ko ito. Kaya ko ito, paulit-ulit niyang wika sa sarili.
Makalipas ang kalahating oras ay nakaharap na siya sa camera kasama ang mga ingredients sa paggawa ng pastillas. Kung gusto niyang maging matagumpay na TV personality balang-araw gaya ng pangarap niya,
“Hi! This is Patrice again for Cooking with Love. We have a special sweet treat for you today. Pastillas is a favorite dessert na perfect na panregalo sa taong love ninyo,” nakangiti niyang sabi habang nakatingin sa camera. Nang banggitin ang love ay parang may pumusok na pardible sa puso niya. “Ituturo ko sa inyo ang recipe na nagpa-in love sa taong importante sa akin. So if you want to capture your man’s heart, pay attention. I will tell you my secret.”
Naging alanganin ang ngiti niya. Isinulat nga pala niya ang script na ito para sa anniversary nila ni Calden. Para ipakita niya ang pagmamahal niya sa binata. Memorable din sa kanya ang pastillas dahil doon sila unang nagkakilala at paborito din nito. Bakit ba di niya inaasahan ito? Sana pala ay ibang recipe na lang ang naisipan niyang iluto gaya ng ginisang ampalaya o kaya ay papaitang kambing? Hindi pastillas na matamis. Hindi pastillas na nagpapaalala ng pag-iibigan nila ni Calden.
“First, ihanda ang ingredients. Kailangan lang ninyo ng isang tasang powdered milk, kalahating tasa condensed milk at isang tasa ng granulated white sugar. Nakita naman ninyo na puro matatamis ang recipe natin. Hindi pwedeng kulang ang sweetness dahil kailangan sa isang relasyon mas sweet, mas maganda. Tiyakin lang ninyo na wala kayong makakalimutan na ingredients. Sa isang relasyon, bawal din makalimutan ang celebration ng importanteng okasyon lalo na kung anniversary ninyo. Kung talagang mahal ninyo ang isang tao, hindi kayo makakalimot sa anniversary ninyo, di ba?” tanong niya na may kasamang gigil.
“Cut!” utos ni Matilda at itinaas ang dalawang kamay.
“B-Bakit?” tanong ni Patrice.
“Hindi iyan ang nakalagay sa script,” sabi ng kaibigan at halos iduldol ang script na siya mismo ang gumawa. “Binabasa mo ba ang idiot board?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Sorry. H-Hindi ko nabasang mabuti.”
“Ayos naman ang sinabi ni Patrice, ah!” pagtatanggol naman sa kanya. “Mas maganda pa nga kaysa sa script. Ituloy na natin.”
“Sige! Sige! Doon na tayo sa procedure,” sabi ni Matilda.
“Paghaluin ang condensed milk at ang powdered milk,” pagpapatuloy ni Patrice at inilagay sa bowl ang dalawang sangkap. “Kailangan ng perfect harmony sa isang relasyon. Importante din na maglalaan kayo ng oras sa isa’t isa. Di pwedeng laging isa na lang ang umiintindi. Di pwedeng isa na lang ang laging nagbibigay. Di pwedeng isa lang ang nag-e-effort. Kapag ganoon, hindi magiging sakto ang timpla sa isang relasyon. Di naman kailangang lagi kayong magkasama at magkausap. Sa isang nagmamahal, kahit sandali ka lang niyang kausapin, kahit sandali ka lang niyang makita, masaya na siya. I-check ninyo ang mixture kung masyadong malabnaw, hindi pwedeng ihulma iyan. Minsan masyado tayong mapagbigay at maluwag kaya akala ng iba okay lang na saktan tayo. Lagi na lang nilang sasabihin na mahal natin sila kaya kailangan lagi tayong magbigay. Kahit nasasaktan na, kailangang unawain pa rin. Hindi ganoon ang tamang relasyon. Hindi kayo dapat laging parang tanga kasi naaabuso kayo.”
“Patrice, smile,” paalala sa kanya ni Matilda. “Nawawala ka na sa script.”
Bigla niyang naitusok ang spatula sa mixture. Hindi na niya narinig ang sinabi ng kaibigan dahil ang tanging naririnig niya ay ang ugong ng tainga niya at ang nararamdaman na lang niya ay ang sakit ng puso niya. “Ang labo naman! So, bigay na lang ako nang bigay at siya tanggap na lang nang tanggap? Kailangan sila na lang ang laging intindihin? Tapos kapag nakalimutan niya ang anniversary namin okay lang?”
“That’s enough, Patrice! Cut!” utos ni Matilda at itinaas ang mga kamay. “Hindi na iyan ang nasa script. Ano ba?”
“No, Matilda! Unfair! Unfair na parang tanga akong naghihintay kung kailan siya tatawag. Parang tanga na naghihintay kung kailan niya ako maaalala. Tapos nakalimutan niya ang anniversary namin at di daw niya ako maide-date dahil busy siya pero nakita ko siya na may ka-date na ibang babae. Anak ng pastillas naman o!” usal niya at napahagulgol ng iyak.
“Patrice...” malungkot na usal ng kaibigan sa pangalan niya. “Tama na iyan.”
“Sorry, Matty. Nawala ako sa script,” aniya at napahikbi. “I-Itutuloy ko na lang ito. Malapit na akong matapos. Bibilutin mo ang mixture sa palad mo saka pagugulungin sa asukal. Parang pastillas ako na pinagulong sa asukal. Naniwala ako na busy lang siya. Naniwala ako na mahal pa rin niya ako kahit na wala siyang oras sa akin. Ano pa bang kulang sa pagmamahal ko? Ano paaa? Hindi na ba ako ang mahal mo? Ayaw mo na ba ng pastillas?”
Napaupo na lang siya sa sahig at malaya na ang luha na umagos sa pisngi niya. “Hindi ko na kaya. I am sorry. A-Ayoko na. Pusang galang pastillas na iyan! Ayoko na iyan! Ayoko nang maalala si Calden!”
Niyakap siya nina Desmond at Matilde. “Okay na iyan, friend. Okay na iyan. Pastillas de leche talaga ‘yang si Calden. Man-hater na rin ako para sa iyo,” sabi ni Desmond. “Sige, beh. Iiyak mo lang iyan.”
“I am sorry k-kung hindi ko matatapos ang video natin. Di ko talaga kaya.” Masyadong malapit sa puso niya ang pastillas. At masyado pang masakit ang sugat sa puso niya para maging positibo pagdating sa pag-ibig.
“Kami na ang bahala sa project natin. Ang mahalaga maging okay ka,” anang si Matilda. “Basta nandito kami para sa iyo.”