“Patrice, bumangon ka na diyan. Kailangan na nating mag-shoot,” anang si Matilda at pilit siyang hinahatak patayo sa pagkakahiga niya sa L-shape sofa. “Bukas na ang deadline natin.”
“Kayo na lang ang mag-shoot. Hindi ko kaya,” anang si Patrice at niyakap ang throw pillow. Parang binibiyak ang puso niya matapos ang pag-uusap nila ni Calden. Hindi niya magawang mag-function sa sobrang sakit. “Bakit? Bakit ganoon ang ginawa niya sa akin? Ano ba ang pagkukulang ko bilang girlfriend niya? Ginawa ko naman lahat para sa kanya pero nagawa niya sa akin ito?”
“Oo nga. Di ko nga alam kung bakit nagawa pa niyang unahin ‘yung fake date niya kaysa sa anniversary ninyo samantalang ikaw nakalimutan na niya,” anang si Desmond na may hawak pang pastillas langka na para sana kay Calden.
“Hoy! Bakit mo kinakain iyan? Regalo ni Tita kay Calden iyan,” sita ni Matilda dito.
“Aanhin naman ito ni Calden? Di ba wala nga silang anniversary date ni Patrice dahil pinili niyang makipag-date kay Darling? Excited pang mag-tweet si Darling na atat much daw siya sa date nila ni Calden at kinilig ang buong bayan.” Saka humagikgik si Desmond. “Ang ganda-ganda pa ng dress ni Ateng. Pinagkagastusan talaga niya ang date nila ni Calden.”
Napahagulgol si Patrice. “Kita mo. Kahit ikaw gusto silang magkatuluyan. Siguro di na talaga ako mahal ni Calden.”
Parang lumulutang siya sa karagatan ng depression. Matapos nilang mag-usap ni Calden ay kumalat ang picture ng ka-love team nitong si Darling tungkol sa date ng mga ito. It was a simple picnic at the park. Pero mabuti pa ang mga ito may ganoon klaseng date samantalang siya ay tinanggihang makita ng nobyo.
“Desmond, kapag di ka talaga tumigil ako mismo ang hahanap ng babae na pipikot sa iyo,” banta ni Matilda dito. “Kita mo ngang hirap na hirap na akong kumbinsihin si Patrice na simulan ang shoot, dinadagdagan mo pa ang problema.”
“Sinabihan ko naman siya kung ano ang pakiramdam ng ma-involve sa isang showbiz personality. Hindi ba ex ko nga si Zayn Malik ng One Direction? Kaya alam ko ang pinagdadaanan niya,” nakapamaywang na sabi ng lalaki.
“Ambisyosang froglet ka! Maghanda ka na nga lang ng tea at sandwich para makakain itong si Patrice at mahimasmasan,” utos ni Matilda dito.
Sinapo ni Desmond ang dibdib at napamaang. “Ay! Kung makautos lang sa akin parang aliping saguiguilid ako at siya ang panginoong may lupa?”
Binigyan ito ni Matilda ng nagbabantang tingin. “Susunod ka ba o gusto mong ikulong kita sa isang kuwarto kasama si Desmond?” tukoy nito sa kaklase nilang patay na patay kay Desmond.
“Heto na nga. Magtitimpla na po ng tea, Madam,” anang lalaki at nagmartsa patungo sa kusina.
Ibinangon siya paupo ni Matilda at niyakap siya. “I am sorry. Hindi ko alam na ganyan na pala kalala ang nangyayari sa inyo ni Calden. Akala ko normal lang na wala na siyang oras sa iyo dahil busy siya sa career niya.”
“Akala ko ganoon din. Sanay naman ako na may ka-love team siya at nali-link din sa ibang artista. Parte iyon ng trabaho niya. Pero nakausap ko si Tita Mina kahapon. Sabi niya nagkakamabutihan na daw si Calden at Darling at ang alam niya break na din kami. Tapos nang makausap ko si Calden pinagalitan pa niya ako kung bakit ako daw unang tumawag sa kanya. Ni hindi niya naalala na anniversary namin.”
“Natural lang iyon sa trabaho niya. Nakita mo naman halos wala na siyang tulog at malamang iba ang may hawak ng schedule niya.”
“Pero may oras siya sa fake date at ni hindi man lang niya ako bigyan ng oras para makita siya. Isang minuto lang naman ang hinihingi ko, di pa niya maibigay. Kung wala siyang oras sa anniversary namin, kailan pa siya magkakaroon ng oras para sa akin. Baka naman ayaw na talaga niya sa akin.”
“Hindi natin alam hangga’t di pa kayo nagkakaharap ulit. Di dapat pinag-uusapan ang ganyang bagay habang emosyonal ka pa,” paliwanag ng kaibigan. “Isipin mo nahihirapan din si Calden. Kahit na gusto ka niyang makasama, di niya magawa dahil kontrolado ng nanay niya ang kilos niya. At nakakadagdag ka pa sa iintindihin niya.”
“Sabi niya babawi daw siya.”
“Iyon naman pala. Babawi naman.”
“Iyon ay bago ko nalaman na may date sila ni Darling. Naputol na ang pisi ko, Matty. Hindi ko na kaya. Tanggap ko na di kami magkikita sa anniversary namin o kaya ay busy siya sa trabaho. But I am drawing the line this time. Fake man o hindi ang date nila, ayoko na ng ganitong pakiramdam. I can only take so much.”
“Mas maganda ka pa rin sa Darling na iyon, girl,” sabi ni Desmond at inilapag ang tray ng sandwich at tsaa sa center table. “Pero maglo-loss ang ganda mo kung iiyak ka diyan at di ka kakain. Sige na. Si Calden lang iyon.”
“Hello! Nila-lang-lang si Calden Faulkner? Calden Faulkner iyon,” kontra naman ni Matilda dito.
“Lalaki pa rin iyon.” Pinunasan ni Desmond ng Kleenex ang luha niya. ala kang mapapala diyan.”
Humihingi siya ng saklolong tumingin kay Matty. “Uhmmm...” Ayaw pa talaga niyang bumangon doon. Di pa niya kayang harapin ang buhay. Gusto pa niyang
“Tama naman si Des, Patrice. You have to get up and face the world. Pare-pareho tayong walang project kapag di tayo nakapag-shoot. At ikaw na ang face ng Cooking with Love. Wala kaming charisma gaya mo sa camera.”
Itinaas ni Desmond ang kamay. “At ang alam ko lang sa pastillas ay kumain. Di mo ako maasahan diyan.” Ginagap nito ang kamay niya. “Pwede bang kahit ngayon intindihin mo muna ang grade natin bago ang malupit na pag-ibig? Kapag natapos natin ang shoot natin, kahit mag-crayola ka hanggang bukas. We need you.”
“Okay,” aniya at huminga ng malalim. Dinampot niya ang tasa ng tsaa at sumimsim saka isununod ang pagsubo ng sandwich.
Kailangan niyang maging matatag. Kailangan niyang harapin ang buhay. Naalala niya ang bilin sa kanya ni Calden mismo dati na sa propesyon nito, kailangan daw isantabi ang mga personal na pinagdadaanan at harapin ang trabaho dahil maraming umaasa dito. How ironic. Ngayon pa niya magagamit ang bilin nito sa kanya.