Naabutan niya ang sina Matilda at Desmond na may tinitingnan sa laptop habang nasa isa sa mga sementadong mesa na nakakalat sa forestry. Naghahagikgikan pa ang mga ito. “Ang galing, bes! Sixty thousand views na tayo,” excited na sabi ni Desmond. “Tiyak na makaka-uno tayo nito.”
“Ano ‘yang sixty thousand views?” tanong ni Patrice at namaywang sa gilid ng mesa. “Project natin? Nagka-magic na ba ang pastillas recipe?”
“Patrice!” sabay na bulalas ng dalawa at parehong namutla.
“N-Nandito ka na agad?” tanong ni Matilda na nakatigagal pa sa kanya.
“Parang di kayo masaya na makita ako,” anang dalaga at umupo sa tapat ng mga ito.
“Akala ko sa ibang araw ka pa papasok,” sabi ni Desmond saka itinupi ang laptop. “Sabi kasi ni Tita hanggang kaninang madaling-araw may lagnat ka pa rin. Mukhang di ka pa okay, friend. Mukha ka pang maputla ka.”
“Kaya ko na,” aniya at matabang na ngumiti. “Kumusta na ang video natin? Narinig ko sabi mo nasa sixty thousand views na.”
“Hindi. Iba iyon,” sabi ni Desmond at lumingon kay Matilda. “Di ba, Matty? Ibang video iyon.”
“O-Oo,” sabi ni Matilda at ginagap ang kamay niya. “Basta huwag mong alalahanin ang project natin. Pasado naman tayo doon.”
“Panood ng video natin,” sabi ni Patrice at inilahad ang kamay.
“Mamaya na lang,” anang si Desmond at isinilid ang laptop sa bag nito. “Mag-start na kasi ang klase natin. Pumasok na tayo.”
“Oo nga. Mamaya na lang,” sabi din ni Matilda. “Tara na.”
Nakuyom niya ang palad dahil di niya gusto ang pagtatago ng mga ito sa kanya ng totoo. At di siya papayag na magmukhang tanga sa pagkakataong ito. “Ginawa na akong mukhang tanga ni Calden, pati ba naman kayo ganoon din ang gagawin sa akin? Ganyan ba talaga ang mga taong nagmamahal sa akin? Ginagago na lang ako.”
Natigagal ang mga ito. “Ano bang sinasabi mo, Patrice?” tanong ni Matilda.
“Alam mo kung anong sinasabi ko. Alam ko nang ‘yung video ko ang in-upload ninyo para sa project natin at may fifty thousand views na,” panggagalaiti niya.
“Sixty thousand views na,” pagtatama ni Desmond.
“Sixty thousand views?” bulalas ni Patrice at sinapo ang noo. “Wala akong kamalay-malay na may in-upload ninyo ang video ko habang alam ninyong nasasaktan ako at parang tuwang-tuwa pa kayo? Paano ninyo nagawa sa akin ito?”
Pinagsalikop ni Matilda ang mga kamay. “Pasensiya ka na, Patrice. May sakit ka kasi noon at...”
“At ang sabi ninyo sa akin, kayo ang bahala sa ang project natin. Nang sabihin ninyong kayo ang bahala, akala ko magre-reshoot kayo. Nandiyan naman ang recipe. Babasahin na lang ninyo,” magkasalubong ang kilay niyang sabi. “Tapos video ko pa rin pala ang gagamitin ninyo.”
“Sinubukan naman namin na gumawa ng sarili naming video kaso di naman kami ganoon kaganda sa camera at di naman kami kasing pleasing ng personality mo,” paliwanag ni Desmond. “Wala na kaming oras. Kaya in-edit na lang namin ang video mo at iyon ang in-upload namin kaysa wala tayong project.”
“At hindi man lang ninyo ikinonsulta sa akin?” nanlalaki ang mata niyang tanong.
“May sakit ka nga,” giit ni Desmond. “Baka lalo ka lang magkasakit kapag nalaman mo ang plano namin.”
“Bakit? Hindi pa ba ako lalong nagkakasakit ngayon? Pakiramdam ko hindi lang si Calden ang nambalewala sa akin kundi pati kayo,” panggagalaiti niya. “Mga kaibigan ko kayo. Kayo ang inaasahan ko na masasandalan ko ngayong bagsak na bagsak ako. Akala ko kayo ang mapagkakatiwalaan ko pero di naman pala.”
“Wala na kaming choice. Desperado na kami. Kung di namin ia-upload ang video mo, pare-parehong mababa ang grades natin. Scholar si Matilda. Di pwedeng bumaba ang grade niya. Ako din ito na lang ang natitira sa akin kaya di pa ako tuluyang itinatakwil ni Papa. Kapag pumalpak ang grade ko, bahala na ako sa sarili ko. Di na nila ako pag-aaralin. Isang mali lang, sira na ang lahat sa akin,” emosyonal na sabi ni Desmond. “At inaasahan ko na maiintindihan mo iyon.”
“Patrice, di naman kami ganoon kasama na parang sinaksak ka namin sa likod. Kapakanan mo rin naman ang iniisip namin dito,” argumento ni Matilda na bakas ang sakit sa mukha sa akusasyon niya. “Scholar ka rin tulad ko. Running for cum laude ka pa. Kapag bumaba ang grade mo dito, paano ka na? Alam mo naman na di ganoon kataas ang views natin. Di naman kasi pang-entertainment ang theme natin katulad nila Sari na puro pa-cute at sexy ang mga babae kaya pinapansin sila.”
Umaliwalas ang mukha ni Desmond. “Pero ngayon naungusan na natin ang thirty thousand views nila Sari. Viral na ang video mo. Madami pang magagandang comments. May umo-order pa nga ng pastillas. Pati ang ibang videos natin ay pinapanood na rin ng mga kaklase natin.”
“Madali lang sa inyo na sabihin iyan dahil di naman buhay ninyo ang pinagpipiyestahan. Kung pagtinginan ako ng mga tao, parang specimen ako sa microscope. Pinag-uusapan na pala nila ang buhay ko. Masaya ba kayong pinagpipiyestahan ng mga tao ang buhay ko?” tanong niya sa dalawang kaibigan.
“At anong gusto mong gawin natin ngayon? Gusto mo bang tanggalin na lang natin ang video sa internet kahit mas malaki ang mawawala sa atin?” tanong ni Desmond. “Sige. Ikaw na ang makipag-usap sa professor natin na ayaw mo ng mataas na grade kaya aalisin na ang video natin. Excited pa mandin siya dahil nagiging viral na di lang sa buong school kundi sa iba pa. In-encourage pa tayo na ituloy ang concept natin sa Cooking with Love. Napapansin na tayo. Ngayon pa ba magbabago ang isip mo? Di ba gusto naman nating sumikat?”
“Not at the expense of my pain and personal life.” Nanggigigil siya na umabot na sila sa ganito. “Pwede naman tayong sumikat sa ibang paraan. ‘Yung mas makikita ang talento natin, di ba? At iyon naman ang point ng Cooking with Love. Hindi kailangang ganito. Guys, we can do better than this. Matilda, please. Gusto kong magluksa ng tahimik. Babae ka rin. Sana maintindihan mo ako.”
Sinapo ni Desmond ang dibdib. “At anong tingin mo sa akin, friend? Hindi ba ako girl? I am offended.”
Mariing nagdikit ang mga labi ni Matilda. Nakita niya na parang nahahati ito sa dalawa. Nang iangat ng kaibigan ang mga mata ay nakita niya ang pagiging palaban nito. “Kung kaya mong sirain ang lahat ng pinaghirapan natin, gawin mo. Ikaw ang bahala. Kung magagawa mong isakripisyo ang mga pinaghirapan natin para sa pride mo, ikaw ang bahala. Sayang. Tsansa mo na sana na ipakita kay Calden kung anong ginawa niya sa iyo para matauhan naman siya sa pambabalewala niya sa iyo. Pumasok na tayo sa klase. Ayokong bumagsak pati sa ibang project,” taas-noong sabi ni Matilda at naglakad palayo.