Yngrid was not a morning person. Kapag umaga ay mas gusto niyang matulog hanggang alas nuwebe ng umaga at tumatao lang sa cafè niya bandang hapon. At dahil alas nuwebe pa ang simula ng tour nilang magkakaibigan ay masarap pa rin ang tulog nina Justine at Dreamilyn na pareho ring harassed sa mga trabaho at sasamantalahin ang malambot na kama ng resort para magpahinga.
Pero hindi siya. Alas cinco y media pa lang ng umaga ay nakabihis na siya ng black sports sando at jogging pants. Suot na rin niya ang rubber shoes niya at handa nang mag-jogging. Wala naman siyang hilig sa exercise pero pangangatawanan na niya ito. Malakas kasi ang pakiramdam niya na maaga ring gigising si Kenji ngayon ay mag-e-exercise. Kundi nagdya-jogging sa grounds ng resort, tiyak na nasa gym ito at nagwo-work out.
Nagsimula siyang tumakbo sa paligid. Madilim pa ay papasikat pa lang ang araw. Tahimik na tahimik pa ang buong resort. Pasimple niyang sinilip ang gymnasium. Nakasara iyon, madilim at walang tao sa loob. Walang Kenji. Walang Kenji kahit na saan.
Bakit ganoon? Paano kung mali siya ng kalkulasyon? Paano kung umalis na pala ito at mga kasamahan nito para sa pictorial. Nabanggit ng mga na ito na sa isang remote na waterfalls na malayo sa mga turista ang pupuntahan nito.
Hindi iyan. Tiwala lang na hindi pa sila nakakaalis.
Kaya naman tumakbo-takbo na lang siya sa paligid. Tutal naman ay ganito na ang itsura niya. Samantalahin na rin niya na mag-once in a blue moon na exercise. Saka pagkakataon na rin niya ito na namnamin ang magandang lugar. At least walang ibang makakasira sa magandang tanawin.
Pero dahil di siya sanay sa exercise ay hiningal na siya pagdating sa pool area. Pawis na pawis siya at habol ang hininga. Parang pinipiga ang baga niya. Nang tanawin niya ay parang dalawang daang metro lang naman ang tinakbo niya.
Humiga siya sa isa sa mga hammock na nasa may pool area. Pumikit siya at hinayaang kumalma ang tibok ng puso niya. It was insane. Bakit ba niya naisipan ito? Nagpapakahirap siya para sa isang lalaki na di naman magpapakita. Kainis! Mabuti sana kung may Kenji Matsunaga siyang reward. Pero wala. Nganga na lang siya.
Nagsisimula nang pumikit ang mata niya at antukin nang makarinig siya ng kahol ng aso at yabag. “Come on. Let’s run, Missy,” narinig niyang sabi ng lalaki sa di kalayuan.
Bigla siyang bumangon mula sa hammock at nakita niya na tumatakbo na si Kenji habang nakahawak sa dog leash. Sa tabi nito ay tumatakbo ang aso nitong si Missy. Bigla siyang nabuhayan ng dugo. Sabi na nga ba niya. Magdya-jogging ito. Ang hindi niya inaasahan ay isasama pa nito ang dog from hell. Bahala na. Ang importante ay magka-moment sila ni Kenji. Sabi naman ni Kenji ay di siya nito pababayaan.
Pinunasan niya ang pawis gamit ang towelette at saka tumakbo paikot ng pool na mas malayo para naman hindi halata na atat na atat siyang makita ito at ito lang ang dahilan kung bakit siya nag-jogging.
Nang makaikot na siya sa pool ay saka siya kinawayan ni Kenji dahil mas malapit na ito sa pool area. “Good morning, gorgeous!” sigaw nito.
Kimi siyang kumaway at tumakbo papunta sa direksiyon nito. “Good morning…” Bago pa siya makalapit nang tuluyan ay tumahol na ang dog from hell. “Ngiii!” usal niya at tumakbo paurong.
Hinaplos nito ang noo ni Missy. “Hey! It’s okay. She’s just greeting you. Hindi ka niya lalapain.”
Tumayo siya may ilang metro mula sa mag-amo kung saan matitiyak niya na hindi siya basta-basta maaabot ni Missy. “Paano ko malalaman? Tahol lang siya nang tahol sa akin.”
Humalakhak si Kenji. “Mas gusto mo ba kung magsasalita siya?”
“Oh, silly me. Of course, all he can do is bark.” Sinapo ni Yngrid ang noo. Saan galing ang kashungahan na iyon? Sinisira talaga ng asong ito ang diskarte niya. “Parang susugurin na naman kasi niya ako kanina.” Paano siya makakalapit kay Kenji kung guwardiyado ito ng amo? Ayaw naman niya malapa ang kagandahan niya dahil lang sa pag-ibig.
“No. Hindi ka niya susugurin.” Hinaplos ni Kenji ang likuran ng aso. “Down, Missy. Down.” Umingit si Missy at dumapa sa damuhan. Pero mukhang masama ang loob nito dahil umiingit ito. “Very good.”
“Magkasama pala kayong nagdya-jogging,” sabi niya at bahagyang lumapit.
“Yes. Everyday. Kailangan ng aso ng exercise. Nade-depress si Missy kapag hindi siya nakakalabas at nakakatakbo. How about you?”
She jogged in place. Para kunyari ay totoong jogger. “I always do this. Jog in the morning. Kanina pa nga ako paikot-ikot dito,” pagmamalaki pa niya at ibinuka ang kamay. Huminga siya ng malalim at pumikit. “This place is heaven, isn’t it?”
Luminga si Kenji. “It is. But I don’t have too much time to enjoy it. Except today. Walang ibang tao.” Tumitig ito sa kanya. “Tayo lang.”