Parang may lumagablab na apoy sa katawan niya nang magtama ang paningin nila. OMG! Sila lang sa mundong iyon? Walang iba kundi sila lang.
Gusto ko iyon! Gusto kong masolo si Kenji.
Ayaw niya ng kontrabida sa buhay. Ayaw niya ng panggulo. Siya lang, si Kenji… and the dog from hell. Wala naman siyang choice kundi tanggapin ito sa mundo nila ni Kenji. Ayos lang basta di siya lalapain ng aso.
“Let’s jog,” wika ni Kenji at inutusan si Missy na tumayo. Tumakbo siya sa kabila ni Kenji kung saan di nito hawak si Missy. Nauna si Missy sa kanila. Hindi na siya pinansin pa ni Missy. Nagtanong siya tungkol sa background nito. Kung paano itong nag-decide ng modeling sa Pilipinas at ang buhay nito sa Brazil.
Ama nito ang half-Brazilian, half-Japanese na nakapag-asawa ng Filipina na nagtatrabaho sa Brazil. May maliit na restaurant ang pamilya nito sa Brazil. Hindi naman ito napadpad agad sa Pilipinas. Nag-modeling muna ito sa Asian countries gaya ng Japan, Thailand at Singapore bago tuluyang pumunta sa Pilipinas para makipag-sapalaran. Despite his success, wala siyang maramdamang kayabangan dito. His humility made her admire him more. Parang di nga ito celebrity kung umakto. Walang kaere-ere.
Hindi na halos naramdaman ni Yngrid ang pagod habang nagdya-jogging paikot ng resort. Pakiramdam niya ay slow motion ang galaw katulad sa pelikula o kaya ay anime. Tapos ay parang napakaganda ng paligid niya at umuulan ng bulaklak.
Nang hingalin na lang siya at naghanap na ang katawan niya ang tubig saka siya nakadama ng pagod. Nakita niya sina Dreamilyn at Justine na umiinom ng kape at tsaa sa labas ng cottage.
“Mukhang gising na ang mga kaibigan mo. May tour kayo, di ba?” tanong ni Kenji at tinanaw din ang dalawa.
“Yes. I…I must go back and take a shower. Sandali may kukunin lang ako para sa inyo ni Missy.”
Tumakbo siya sa suite niya. Mula sa ref ay kinuha niya ang isang kahon ng pastel. Isang magandang ngiti ang sumilay sa labi niya. The best way to a man’s heart and his bestfriend is through their stomach. Tingnan lang niya kung matanggihan nito ang regalo niya.
“Para sa inyo,” aniya at inabot ang kahon kay Kenji.
“Ano ito?” tanong ni Kenji at sinipat-sipat ang kahon.
“Pastel. Sikat iyan dito sa Camiguin at masarap. Binili namin iyan sa kapitolyo kahapon bago kami tumuloy dito sa resort. Malambot na tinapay iyan na may yemma filling. Sana lang pwede kay Missy.”
Tumahol si Missy pero may halong excitement. Binigyan naman ito ng nagbababalang tingin ni Kenji. “No. Sa akin lang pwede ang sweets.” Then he beamed at her. “Thank you. You don’t have to do this but I really appreciate it. Itatago ko na lang dahil baka mapakialaman ni Iggy. He is very strict about stuffs like this. Shhhh!” At inilapat ng binata ang daliri sa sariling labi.
Humagikgik si Yngrid. Ngayon ay may sekreto na silang dalawa na dapat itago kay Iguana. So kilig! “That is our secret. Sabihin mo na lang kay Missy iyan,” pabulong niyang wika.
Isang makahulugang ngiti ang sumilay sa labi nito bago naging pormal. “So I will fetch you tonight for our dinner?” tanong nito.
“Yes, yes.” Tumango siya. “I shall expect you tonight.”
Pinisil nito ang baba niya. “Have a great day, gorgeous. See you later.” At saka inakay palayo si Missy pabalik sa cottage ng mga ito.
Hanggang tainga ang ngiti ni Yngrid nang bumalik sa suite. Naabutan niyang naghahanda na sa tour nila ang mga kaibigan niya. Si Dreamilyn ay papasok na sa shower room dala ang tuwalya at toiletries habang si Justine ay namimili ng damit sa aparador.
“Good morning!” she greeted in a sing-song voice.
”Anong himala ang meron at maaga kang gumising?” nakataas ang kilay na tanong ni Dreamilyn. “At nag-jogging ka pa.”
“Itinatanong pa ba ang obvious? Thy name is Kenji Matsunaga,” parang makatang wika ni Justine at itinaas ang kanang kamay.
She just smiled sheepishly. “Ang masasabi ko lang maganda ang umaga ko.” At tiyak niya na magiging maganda rin ang gabi niya mamaya. “Kumilos na kayo. Kailangan early birds tayo to catch the gorgeous boys.”
“I AM so beautiful. I am so beautiful. I am sure na mai-in love sa akin si Kenji Matsunaga,” nakangusong sabi ni Yngrid sa harap ng salamin saka niya nilagyan ng lipstick ang labi. Handang-handa na siya para sa dinner date nila ni Kenji. Nakasuot siya ng pink sleeveless ruffled dress na umabot hanggang ibabaw ng tuhod niya at nagpapakita ng magandang hubog ng binti niya.
Hindi na siya halos nagpahinga nang dumating sila mula sa tour. Nag-shower agad siya, nagpatuyo ng buhok at nagpaganda. Kuntodo talaga ang effort niya para magmukhang kaakit-akit. She exceeded herself. Chance of a lifetime na ito. Sino pa ba ang babaeng nakakaranas na maka-date ang lalaking pinapangarap nito? Kailangang ipakita na niya ang full potential ng alindog niya kay Kenji Matsunaga. Kaya naman habang nakahilata ang mga kaibigan niya, siya naman ay bumobongga na sa pagpapaganda.