When He Cries Chapter 18

"HINDI pa rin ako makapaniwala na susunduin pa ako ni Casey dito. Hindi daw siya makapaghintay na makasama ulit ako. Inayos din niya ang relasyon nila ng papa niya dahil ayaw daw niya na makasagabal pa ang galit niya sa pagmamahal niya sa akin. Sobrang saya ko talaga," wika ni Dreamilyn habang makislap ang mata at pinapanood silang mag-empake ni Justine.

Her friend and Casey had a very romantic reconciliation. At dahil gustong mamasyal ni Casey sa Camiguin ay magpapaiwan si Dreamilyn para samahan ang nobyo. Habang sila naman ni Justine ay babalik na sa Manila kinabukasan at babalik na sa normal nilang buhay.

"Mahal ka talaga niya," wika ni Justine na hindi maitago ang kilig. "Inggit na inggit talaga ako. Sana ganyan din ang love story ko."

"Nainggit ka pa,” pakli ni Dreamilyn. “Alam mo naman na marami kaming problemang pinagdaanan bago kami nagkaayos. Katakot-takot na luha ang iniiyak ko. But everything is okay now. Handa kaming harapin ang lahat ng pagsubok na dadating sa amin. Sa palagay ko ay mas matatag kami kaysa sa dati."

"At hindi pa rin mawawala ang problema ngayong nagkabalikan na kayo," matiim ang labi na wika ni Yngrid. "The intrusion of the press will always be there. At baka tumindi ang banta sa buhay mo."

"Hindi naman pwedeng isakripisyo ang magagandang bagay sa buhay natin o ang taong mahal natin dahil lang may ayaw na sumaya tayo,” madamdaming sabi ni Dreamilyn. “Tanggap ko ang mundong ginagalawan ni Casey. Parte iyon ng pagkatao at tagumpay niya at hindi ko pwedeng paghiwalayin. Bilang kapalit, poprotektahan niya ako sa lahat ng panganib na dala ng mundo niya. Hindi lang naman kami ang ganito. Walang perpektong relasyon. Napaka-boring naman kung walang challenge sa buhay."

“Wow! May challenge ka nang nalalaman ngayon,” nausal ni Yngrid at humalukipkip. Gone was her friend who was always on the safe zone. Mukhang mas matapang na ito at mas mapangahas. Iyon siguro ang nagawa ng pag-ibig dito.

"I guess she's really ready for it,” anang si Justine at nagkibit-balikat. Ibig sabihin ay wala na silang magagawa dahil si Dreamilyn na ang nagdesisyon.

"Nandito lang kami kung kailangan mo kami. Sayang lang dahil di ka namin makakasama ni Justine sa Bukidnon bukas para mag-zipline,” sabi niya.

"Pwede namang subukan natin ang zipline bukas dito sa Camiguin. May zipline malapit sa port at sa ibabaw pa ng tubig,” sabi ni Dreamilyn at itinaas ang kamay. “Hindi na ako natatakot. Kaya ko nang harapin ang kahit na ano.”

"Iba pa rin ang isa sa pinakamahabang zipline sa Pilipinas. At di ka namin kasama,” pang-iinggit niya dito. Nasa Bukidnon kasi ang halos isang kilometrong zipline na nagmula pa sa ibabaw ng bundok.

Lumungkot ang anyo ni Dreamilyn at mangiyak-ngiyak na hinawakan ang kamay nila ni Justine. "I wish you two will stay. Mas magiging masaya siguro ako kung kasama ko ulit kayo sa adventures ko. Alam naman ninyo na hindi ko magagawa ang maraming bagay kundi dahil sa inyo. Baka nga hindi rin ako nagka-boyfriend ng rockstar kundi dahil sa suporta ninyo."

"Hindi pwede dahil kailangan ako sa coffee shop at magrerebolusyon ang lola ni Justine kapag di siya nakauwi agad,” paliwanag ni Yngrid. Kailangan niyang asikasuhin ang supplies sa café. May mga kailangan din siyang i-file sa city hall.

"And you need some time alone together with Casey. Iyon naman ang dapat, di ba? Tapos guguluhin pa namin kayo," sabi naman ni Justine.

"Thank you for bringing me here. Ito ang pinakamasayang bakasyon ko kasama kayo,” emosyonal na wika ni Dreamilyn at niyakap silang dalawa ni Justine.

"Basta huwag mo kaming kakalimutan lalo na kapag kabungguan mo na ng siko ang mga rich and famous,” biro ni Yngrid dito.

Tumawa bigla si Dreamilyn. "Baliw ka talaga. Para namang mangyayari iyon. Kayo ang mga totoo kong kaibigan. Ewan ko kung masasanay ako sa showbiz. Gusto ko pa rin ng privacy."

"At kapag may umaway sa iyo, sabihin mo lang sa akin. Sasabunutan ko talaga,” gigil na wika ni Justine.

“Pagtutulungan natin ang aaway kay Dream,” sabi naman ni Yngrid. “Kakalbuhin ko talaga sila.”

"Salamat kasi may mababait akong kaibigan tulad ninyo. It really means a lot to me. Magkita-kita tayo pagbalik namin ni Casey sa Manila, okay?"

Bandang alas dos ng madaling araw ay tulog na sina Justine at Dreamilyn. Hindi pa rin makatulog si Yngrid. Masyadong maraming tumatakbo sa isipan niya. Nag-aalala pa rin siya para kay Dreamilyn. Kung pwede lang niya itong maprotektahan sa magulong mundo ng showbiz.

Lumabas siya ng cottage at naglakad-lakad sa labas hanggang makarating sa pool area. Mukhang kanina pa natapos ang party. Tahimik na ang lahat. Niyakap niya ang sarili. She wondered why she felt so lonely. Marami namang masasayang nangyari sa kanya ngayong bakasyon. Siya pa nga ang pinaka-excited.

Humiga siya sa hammock at pinagmasdan ang mabituing langit. Nagkakaganito yata siya dahil nakita niya na may kulang sa buhay niya. Masaya na ngayon si Dreamilyn sa kabila ng panganib. Mararanasan kaya niya iyon? Na magmamahal siya at handa siyang magsakripisyo para sa taong mahal niya. Wala siyang pakialam kung may magalit man sa kanya o manganib siya basta maging masaya siya kasama ang lalaking pinili ng puso niya. Matatagpuan ba niya ang lalaking iyon?

"Anong ginagawa mo dito? It is two in the morning. Malamig din dito,” anang boses ng isang lalaki.

Bumalikwas siya ng bangon nang makilala ang boses at lumingon sa likuran niya. "Kenji? Gising ka pa?"

Hinubad ng binata ang jacket at ibinalot sa balikat niya. "Bakit nandito ka pa sa labas? It is late."

"Hindi ako makatulog,” aniya at isinuklay ang daliri sa magulong buhok.

"Excited ka nang umuwi mamaya?"

Bumuntong-hininga siya. "No. Pakiramdam ko bitin ang bakasyon ko, but I must go. Ikaw? Bakit gising ka pa?"

"Nasa balkonahe ako ng kuwarto ko at kausap ang mama ko sa phone nang makita kitang dumaan. You looked a bit lost. Parang malalim ang iniisip mo o parang wala ka sa sarili."

Hinapit niya ang jacket nito palapit sa katawan niya. "I am just worried. Alam mo na siguro na boyfriend ng kaibigan ko si Casey Jimenez."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.