When He Cries Chapter 2

Kagagaling lang ni Dreamilyn sa isang traumatic na relasyon. Naging boyfriend nito ang sikat na rockstar na si Casey Jimenez. But things went awry. Nakatanggap si Dreamilyn ng death threats, isama pa ang pressure ng istriktong mga tiyahin na kumupkop dito nang maulila ito ay nakipaghiwalay si Casey sa dalaga.

Ilang araw na itong laging umiiyak. Naisip nilang makakabuti dito na lumayo muna sa lahat at huwag isipin ang problema. Sa sobrang ganda ng Camiguin ay tiyak na mare-relax ito. Basta huwag lang itong magkukulong sa banyo at iiyak.

Tumigil ang lagaslas ng shower at ang papalapit na yabag ni Dreamilyn. “Pwede bang tigilan ninyo akong dalawa? Let me shower in peace. Paano ko mae-enjoy itong magandang shower room nila kung nag-iingay kayong dalawa?”

“Hindi ka ba umiiyak?” tanong niya at idinikit ang tainga sa pinto.

Binuksan ni Dreamilyn ang pinto at sumilip. “Hindi sabi. But I love their shower room. Very relaxing. Baka gustuhin din ninyong tumambay sa banyo mamaya kapag pumasok kayo.”

Pinakatitigan niya itong mabuti. Hindi nga namumula ang mata nito na parang umiiyak. “Sige. Mag-enjoy ka sa shower mo.” At nakahinga siya ng maluwag nang sumara ang pinto. “Whew! Akala ko umiiyak na naman siya.”

“Mahirap talagang maka-recover basta-basta kapag ganyan,” sabi ni Justine at humiga sa kama. “Mabuti na lang hindi pa ako nai-in love.”

“Paano ka mai-in love? Guwardiyado ka ng lola mo. Aba! Kamukat-mukat namin ikakasal ka na lang sa lalaking pinili ng lola mo.”

Natigilan ito at nakatitigi lang sa kisame. “Huwag na nating isipin iyon,” sa halip ay sabi nito. Bigla itong bumalikwas ng bangon nan nag-ring ang cellphone nito. “Patay! Nakalimutan kong tawagan si Lola.” Dinampot nito ang cellphone at dali-daling lumabas ng kuwarto. “Hello, Lola!”

Lumaki si Justine sa istriktang lola nito. Namatay ang nanay nito sa panganganak dito at hindi nito alam kung sino ang ama nito. Ang alam lang nito ay tinakasan ng tatay nito ang nanay nito kaya naman nuknukan nang higpit ang lola ni Justine. Sa ordinaryong araw ay mukhang pindangga si Justine. Conservative lagi ang damit na suot nito at mukhang galing pa noong panahon ng Kastila para daw hindi ma-encourage ang kung sinu-sinong lalaki na lapitan ito. Naka-monitor ang lola nito sa bawat galaw nito. Kaya rin nagka-delay-delay ang bakasyon nila. Sa halip na pagka-graduate ng college ay papayagan na itong umalis sila, inabot pa ng ilang taon dahil ayaw itong pagkatiwalaan ng lola nito. Hindi daw sila pwedeng magbakasyon nang hindi ito kasama. Hanggang sa huling sandali nga ay ayaw nitong pakawalan si Justine para sumama sa kanila.

Bumuntong-hininga na nga lang si Yngrid at inilabas isa-isa ang mga damit sa bag niya. Naririnig niya sa labas ang puno ng pasensiyang pagpapaliwanag ni Justine kung bakit hindi ito agad nakatawag. Makalipas ang ilang minuto ay bakas ang frustration sa mukha ni Justine. “Grabe si Lola. Kundi daw ako sumagot, uutusan na daw niya ang contact niyang heneral para magpakalat ng pulis sa buong Camiguin at hanapin ako.”

“Magtiis ka na lang. You have three days of independence after all.”

“Thank you,” wika nito. “So anong swimsuit ang bagay sa akin?”

Excited niyang inilabas ang swimsuit na pinili niya para dito. Lingid sa kaalaman ng lola nito ay inaayusan niya si Justine para magmukhang moderna naman at hindi makaluma. She was beautiful. Lagi lang nakatago sa salamin nito at sa makalumang mga damit. Sa loob ng tatlong araw ay gustong maramdaman ni Justine na maganda ito at kaakit-akit.

At titiyakin nila na mag-e-enjoy sila sa Camiguin. It would be the best vacation ever!

SINIPAT ni Yngrid ang bawat anggulo niya sa salamin. Suot na niya ang stripped navy blue and white swimsuit. She had a slender figure. Maraming nagpapakamatay para sa ganoong katawan pero natural na iyon sa kanya. Kahit anong dami ng kinakain niya minsan ay di naman siya tumataba. May nagtanong na rin kung gusto niyang maging model dati. Kahit na 5’2” lang ang tangkad niya ay nakakadaya naman daw ang katawan niya. If only she could attract the right man. May tendency kasi na ayaw naman niya ang mga lalaking attracted sa kanya. At ang mga type naman niyang lalaki ay kadalasang gusto ang mga kababaihang may bonggang hinaharap. She was short on that department. Never mind. Ganoon yata talaga. You can’t have it all.

Nakita niya si Dreamilyn na kinukuhanan siya ng picture mula sa salamin. Nanlaki ang mata niya. “Ano ka ba? Hindi ako prepared,” wika niya at isinuklay ang daliri sa buhok saka nag-pout. “Hindi ako naka-pose.” Humarap siya dito at saka namaywang sabay todo project. “Ako naman ang kukuha ng picture sa iyo.”

“Ayoko nga,” tanggi nito at iniiwas pa sa kanya ang camera. “Alam mo naman na gusto ko lang kumuha ng picture. Ayoko ng kinukuhanan ng picture. Na-trauma na yata ako sa dami ng mga nakabuntot sa akin noon dahil kay Casey.”

“Ano ka ba? Tayo-tayo lang naman dito. Saka conservative naman ang suot mo.” Naka-black sleeveless sando lang ito at black shorts.

Sumilip muna ng pinto si Justine bago dahan-dahang lumabas. “Okay lang ba itong suot ko?” tanong nito.

Ngumiti siya sa black knitted dress na suot nito. Long sleeve iyon at lagpas ng tuhod. Balot ito pero sexy pa rin.

“Pwede na iyan. Di ka naman siguro magagalit ang lola mo,” sabi ni Dreamilyn na pinaka-conservative sa kanila. Biruan nga nila ay ka-era ito ng lola ni Justine dahil sa sobrang pagka-manang.

“Mag-picture-picture na tayo para naman makapag-swimsuit ka na,” aniya at kinindatan ito. Sa ilalim kasi ng knitted dress nito ay makulay na one-piece swimsuit. Siyempre ang mga conservative pictures lang ang ipapakita nito sa lola nito. Hindi nila ipapakita ang pictures nito na mas sexy. Tiyak na pare-pareho silang makakalbo oras na mangyari iyon. “Tingnan ko lang kung hindi ma-in love ang mga boys sa kagandahan mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.