“Ang tanong, may mga boys ba dito na guwapo?” tanong ni Justine at sumilip sa bintana. “Parang wala naman halos katao-tao. Sobrang tahimik ng resort.”
“Kung wala dito, meron sigurong guwapo somewhere in this island,” sabi ni Yngrid at itinapis ang sarong niya sa baywang. “Mas okay nga kung walang masyadong tao. Makakapag-relax tayo. Solo natin ang resort. The boys will come much later.”
Napaka-relaxing talaga ng resort. Sa gitna ng hilera ng cottage ay ang malawak na well-manicured na damuhan at may mga malalapad na gray na bato na nagsisilbing pathwalk. Nakahilera sa magkagkabilang gilid ng daan ang mga nagtataasang puno ng buko. Mistulang mga alipin na yumuyukod sa mga reynang katulad nila. Pakiramdam tuloy nila ay mga senyorita sila sa isang malawak at sosyal na hacienda o kaya ay isla. Oh! She loved it!
“Doon tayo sa pool,” yaya ni Dreamilyn sa kanya matapos itong masiyahan na kuhanan ng picture ang paligid.
“Ay! Bakit maraming tao?” dismayadong tanong ni Justine nang makarating sila sa pool side.
Nagse-set up ng equipment ang mga tao doon. “Mukhang para sa pictorial. Pinaghandaan nila ang pictorial natin,” sabi ni Yngrid at humalakhak.
“Ang ganda ng pool. Parang masarap mag-swimming,” wika ni Dreamilyn.
Isang lalaking halos kasingtangkad lang niya, bako-bako ang mukha at kasing-well manicured ng damo ng Bahay Bakasyunan sa Camiguin ang lumapit sa kanila. Nakasuot ito ng white T-shirt, khaki shorts at may shawl pa habang naka-shades. “Excuse me. Bawal kayong sa area na ito.”
“Bakit? Lilinisin mo ba ang pool?” nakangiti niyang tanong.
Nakataas ang kilay siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa. “Excuse me? Mukha ba akong tagalinis ng pool? No. May importante kaming pictorial dito so bawal dito ang outsiders.” Itinaas nito ang shades at saka siya pinanlakihan ng mata. Mukha itong iguana nang mga oras na iyon. “So go now!” pagtataboy nito sa kanila.
Tumaas din ang kilay ni Yngrid. Itinaas niya ang shades at saka namaywang. “At paano kami naging outsider? We are paying guests here.” Sinadya niyang idiin ang salitang “paying”. “Nagbayad kami para magamit ang facilities dito kasama na ang pool.”
“May pictorial kami dito.” Inilahad ni Iguana ang palad. “Me and my team have the exclusive use of the pool. Bawal dito ang hindi members ng staff. If you want, sa dagat na lang kayo lumangoy.”
“Fine,” aniya at taas-noong nagmartsa patungo sa dagat. Ayaw na niyang makipagtalo pa kay Iguana. Hindi siya papayag na masira ng bruhong butiking petot na ito ang araw niya. “Girls, let’s go. Time to hit the beach. Sawa na ako sa swimming pool.” At saka niya iningusan si Iguana.
Sumunod naman sa kanya sina Justine at Dreamilyn. Kilala ang Camiguin sa magaganda at malilinaw na white sand beaches. Mas masayang mag-pictorial doon. Hahayaan na niya ang pool na puro chlorine kay Iguana at sa team nito.
Pero nang makarating sila sa tabing dagat ay natigilan sila. Wala ang white sand beach. Ang tanging naroon ay malalaking batuhan at ang malalim na dagat. Parang naestatwa lang silang magkakaibigan habang puno ng pagkadismaya sa mukha nang nakatayo sila sa sementadong pathwalk sa gilid ng dagat. Hindi iyon ang inaasahan niyang lugar para sa pictorial nila o panimula ng bakasyon nila.
“Hala! Ito na iyon?” nanlulumong tanong ni Dreamilyn. “Paano tayo makakaligo dito?”
“Natural hindi tayo makakalangoy diyan,” wika ni Yngrid sa mataas at nanggagalaiting tono. “Tingnan mo nga. Puro malalaki at pabilog ang bato. Malalim pa ang tubig. Hindi naman tayo magagaling lumangoy. Mukha ba tayong pang-sirena ng batuhan? Ni hindi man lang tayo makakapagpa-pictorial dito.”
“Kaya pala hindi masyadong ipinapakita sa website ng resort ang tabing-dagat. Wala pala silang beach,” sabi ni Justine. “Ipinagmamalaki nila ang mga magagandang amenities nila pero di kasama ang dagat.”
Nanlaki ang mata niya nang makita ang isang malaking barko na palapit sa kanila at nakanganga habang pinapanood iyon na dumaong di kalayuan sa resort. “There you go! Malapit pa tayo sa daungan ng cargo ships. E kung masagasaan tayo ng barko kapag lumangoy tayo diyan?” Nakuyom niya ang palad. “Bruhang Baklang Iguana na iyan! Dito tayo pinapunta sa dagat at gusto pa tayong pasagasaan sa barko. We are paying guests here. We deserve to be on that pool!” Itinuro niya ang direksiyon ng swimming pool kung saan patuloy ang pag-aayos ng mga staffs ng equipment para sa pictorial. “Doon nabibilang ang mga diyosang tulad natin.”
“Anong gagawin natin? Hindi tayo makakapagpa-pictorial kasi nandoon sila,” sabi ni Dreamilyn. “Matulog na lang tayo?”
“No. Doon tayo magpi-pictorial. Palalayasin ko ang mga iyan kung kinakailangan. Patigilan ang pictorial nila para mag-give way sa atin. Ang lagay hindi man lang natin mae-experience ang pool? Hindi man lang natin masusulit ang bayad natin? Customer tayo. Paying customers. And customer is always right!”
Gustong-gusto nang sumabog ng dibdib ni Yngrid in a Mount Hibok-Hibok level sa sobrang galit. Hindi pwede ito! Hindi sila pwedeng maapi! Makukuha niya ang pictorial na gusto niya. Siya ang dapat magwagi. Hindi siya magpapatalo kay Iguana.