"Sabi mo healthy and organic. Masarap ang dressing. Sayang naman ito," wika ni Iggy.
"Buy me some mocha java at Starbucks," utos ni Margaret dito.
"Pwede namang dito na lang? Pareho lang din namang kape iyan," katwiran ni Iggy.
"Iggy!" sigaw ni Margaret sa mataas na tono.
Biglang tumayo si Iggy ng upuan. "Heto na po, Madam."
Ihinagis ni Margaret ang Starbucks card nito. "Hurry up! Buy a espresso for Kenji as well. Baka mamaya ano pang mangyari sa kanya kapag nakatikim siya ng product from this store. Who knows if they are putting gayuma and the likes here."
"May kailangan ka pa ba?" tanong ni Yngrid kay Margaret. "Baka may gusto ka pang ilait sa cafe ko at sa mga produkto namin."
Hinawi ni Margaret ang buhok saka nakangiting humarap sa kanya. "You are a failure, Yngrid. You will never be good enough. And just so you know, Kenji is mine. Stay away from him. Ayaw mo sigurong kalabanin ako. Baka kung anong mangyari sa precious cafe mo," sabi ni Margaret at tinapik ang pisngi niya. Naglabas ito ng isang libong papel sa Louis Vuitton purse at ihinagis sa mesa. "Here is the one thousand peso bill. Keep the change."
"Armie, pakikuha ang bayad ni Miss Choi at pakibigay ang sukli," sabi niya at saka tinalikuran si Margaret. Nagmartsa siya patungo sa counter. "Doon muna ako sa opisina ko.”
“Anong gagawin ninyo doon, Ma’am? Ayaw ninyong manood ng shooting?” tanong ni Frecy.
“Magtatrabaho na lang ako. Hindi kamo ako pwedeng maabala.” At saka isinara ang pinto pagpasok ng opisina.
IDINIKIT ang noo sa nakasarang pinto at impit na tumili sa sobrang frustration. Binayo ng nakakuyom niyang kamao ang pinto at saka nagdadabog na ibinagsak ang sarili sa swivel chair niya. Gusto niyang umiyak. Gusto niyang magwala. Bakit nangyayari ito sa kanya?
Kontrabida talaga ang Margaret na iyon kahit na kailan. Paano ko pa mapapalabas na ako talaga ang gusto ni Kenji at hindi siya kung lagi na lang siyang nakabantay? Anong gagawin ko?
At talagang sinira ni Margaret ang araw niya. Sinabi nito na isa siyang talunan. Alam niya kung ano ang nagawa niya. Hindi siya kasing yaman nito pero malayo ang narating niya dahil sa sarili niyang pagsisikap. Hindi siya dapat maapektuhan sa mga sinabi nito dahil alam niya kung anong kakayahan niya. Pero alam niya na isang di magandang salita lang tungkol sa café niya ay maapektuhan siya. Pero nariyan si Kenji. Alam niyang di siya nito pababayaan.
At kaysa magpaapekto sa sinabi nito ay pinili na lang niyang magtrabaho. May mga reports siya na di pa nahaharap dahil mas nag-focus siya sa pagdating ni Kenji. Sa huli ay hindi rin siya nakapagtrabaho. Wala siyang ginawa kundi tumitig sa CCTV monitor. Nakatuon lang ang atensiyon niya kay Kenji. Masakit lang sa mata niya ang pagdikit-dikit ni Margaret kay Kenji kapag break.
Hanggang sa huli ay wala rin siyang nagawang kahit ano. Pinanood lang niya kung paanong alagaan ni Margaret si Kenji – isang bagay na siya sana ang gumagawa. Nakita niya ang pagtataka sa mukha ni Kenji nang abutan ito ng espresso ni Margaret na ipinabili pa ng bruha kay Iggy mula sa Starbucks. Bakas ang pagtataka sa mukha ni Kenji at parang nag-aalinlangan ito na inumin ang espresso na bigay ni Margaret. Siyempre. Mas pipiliin siya ni Kenji. Hindi ba’t sinabi nito na gusto nitong kapag stressed out na ito maya maya ay iinom ito ng espresso sa café niya.
Subalit may sinabi si Margaret dito. Kumunot ang noo ni Kenji pero sa huli ay ininom din nito ang espresso. Kung anuman ang sinabi ni Margaret ay tiyak na di pabor sa kanya. At tinanggap na lang iyon ni Kenji.
Parang sinasaksak ang puso niya. She felt betrayed.
Ibig sabihin ay kung anumang paninira sa kanya ni Margaret ay pinaniwalaan nito dahil ininom nito ang espresso galing sa Starbucks. Di na rin siya magtataka kung hindi na umorder si Kenji sa café niya at magpabili na lang sa labas.
Hindi na niya kinaya ang sakit. Dinampon niya ang cellphone at tinawagan si Justine. “Hello. Busy ka ba?”
“Uhmmm…I’m in between meetings right now. Oh! Ngayon pala ang MTV shoot ni Kenji sa Sweet Surrender. Kumusta na?” tanong nito sa magaang tono. Walang bahid ng malisya. It was just a casual question.
Napahikbi siya. “Ayoko na. Ang sakit-sakit.”
“Bakit? Anong nangyari sa inyo ni Kenji?” naaalarmang tanong nito.
“Margaret Choi happened. Pumunta siya dito para bantayan si Kenji. Tapos nilait-lait ni Margaret ang café ko at ako mismo. Na kesyo loser daw ako at wala daw akong mararating. Binantaan din niya ako na may masamang mangyayari sa akin kapag dumikit-dikit ako kay Kenji.”
“Aba! Mag-ingat ka sa Margaret Choi na iyan. Di ba may mataray din siyang artista na nakalaban dati? Si Merian de Vera iyon. Naku! Ipinadampot ng nanay niya sa pulis. Anong ginagawa mo ngayon?”
“Nandito sa café. M-Mukhang totoo ang relasyon nila. Sobrang sweet nila,” sabi niya at tumulo ang luha nang makitang pinupunas-punasan pa ng pawis ni Margaret si Kenji in between takes. Mukhang naiirita na ang direktor pero walang pakialam ang babae. Parang gusto niyang gumulong-gulong sa sahig nang kintalan ni Kenji ng halik si Margaret sa noo.
“Luka-luka ka! Bakit pinapanood mo pa? Alam mo namang nasasaktan ka,” sermon ni Justine sa kanya. “Naku, Yngrid! Ganyan ka ba kamasokista?”
Pinalis niya ang luha. “Di ko naman talaga sila gustong makita. Kaya nga nagkulong ako dito sa opisina ko para mag-focus na lang sa trabaho. Kaso nandito naman ang mga CCTV. Ayan tuloy! Napapanood ko pa rin sila.”
“Gusto mo bang mag-lunch? Pwede kong pasunurin si Dream sa akin kung gusto mo. Lunchtime naman matatapos ang klase niya,” sabi ni Justine na puno ng simpatya ang boses.
“Sige. Gusto ko lang umalis muna dito sa café ko. Pakiramdam ko nasa impyerno ako.” Gusto na lang ni Yngrid na mawala ang masamang pakiramdam niya. She didn’t want to feel like this anymore. Gusto niyang lumuwag ang kalooban niya.
Nagsuot siya ng shades nang lumabas ng opisina. Nasa labas pa rin ang shooting. May iilang staff lang na naghahanda sa gagawing eksena sa loob ng café.
“Frecy, lalabas muna ako. May aasikasuhin lang ako. May itse-check lang ako na bagong beans galing sa Sulu,” sabi ni Yngrid sa tauhan.
“Sulu? Ang layo naman, Ma’am. Di ba delikado po doon?” tanong ni Frecy.
“Galing lang sa Sulu ang beans. Di ako pupunta sa Sulu,” pagtatama niya. “Mas matapang daw iyon kaysa sa mga kape na mayroon tayo dito. Gusto kong idagdag sa products natin.”
“Paano kapag hinanap kayo ni Kenji Matsunaga?” tanong nito.
“Pakisabi may importante akong inayos sa labas. Tawagan mo na lang ako kapag nakaalis na sila.”
“S-Sige po, Ma’am.” Bakas ang pagtataka sa mukha nito. Mula sa pagiging excited ay nawalan na siya ng gana kay Kenji.
Dumaan siya sa likuran ng café at sumakay na lang ng taxi sa halip na gamitin ang sariling kotse para makaiwas kay Kenji at kay Margaret.
Muli siyang napaiyak habang papalayo. Ayaw na niyang mangarap. Ayaw na niyang masaktan. Ayaw na niyang magulpi ang puso niya.
Dahil sa larangan ng pag-ibig, alam niyang talo siya sa giyera.