Umasim ang mukha ni Margaret at saka tiningnan ang menu. “I am allergic to pasta and I don’t eat pork. Not a fan of local coffee either. Mocha java for me and Cesar salad.”
“I like seafood pasta and honey roast pork. Mukhang masarap,” sabi ni Iggy na mukhang nananakam habang tinitingnan ang menu. “Saka masarap ang civet coffee, hindi ba? Naku! Mahalia Fuentes ito kung galing sa abroad. Mas mura dito.”
“Yuck, Iggy! Are you pigging out?” tanong ni Margaret at saka kinurot ang braso ni Iggy. “Go on a diet. Mag-salad ka lang. Think what the junk will do to your body. And civet coffee? Like you are drinking cat poop. You are paying to drink cat poop? That is soooo gross!” Tumirik ang mata ni Margaret.
“Maka-cat poop ka naman. Malinis naman iyan. Mga sosyal ang umiinom niyan,” depensa naman ni Iggy.
“Well, you are not sosyal. So you are not entitled to drink the cat poop. Have some lemonade na lang.” Tumingin sa kanya si Margaret. “So two Cesar salad, one green tea with lemonade and one lemonade. I hope those are freshly-squeezed lemon. So go now, pronto!” Iwinasiwas nito ang kamay. “Don’t make me wait.”
“Let me repeat your order,” magalang na wika ni Yngrid kahit na ang gusto niya ay hampasin na lang ng tray ang mukha ni Margaret. “Two cesar salad, one green tea with lemonade and one lemonade.”
“Yeah! And I want it fast. I hope your veggies are organic,” pahabol pa ni Margaret at saka inutusan si Iggy na kumuha ng fashion magazine sa rack.
“Sandali. Wala pa akong dessert. Mukhang masarap ang cake nila,” sabi ni Iggy na bahagyang tumayo habang tinitingnan ang chiller kung saan nakahilera ang iba’t ibang klase ng cake at cupcakes nila.
“Cakes are evil,” wika ni Margaret at pinigilan ang braso ni Iggy.
“We have low fat cakes,” pang-eengganyo niya kay Iggy.
“Ayoko ng low fat. Walang lasa,” reklamo ni Iggy. “Parang gusto kong order-in lahat ng nasa chiller.”
“Stop it, Iggy! You are acting like a patay-gutom. It is as if this is the first time you've seen cakes,” sermon ni Margaret dito.
“E kasi mula nang magtrabaho ako sa iyo di na ako nakatikim ng cake,” katwiran naman ni Iggy at yumuko. “Kahit isang slice lang.”
“Nagrereklamo ka ba? You can quit the job if you want. You know that I want people who work for me to share the same healthy lifestyle,” nakaismid na wika ni Margaret dito. Hindi man lang nito binigyan ng konsiderasyon ang tauhan lalo na’t may ibang taong nakakarinig sa inyo.
“Sige. Salad at lemonade na lang,” malungkot na wika ni Iggy na halata namang napipilitan lang.
Pagod na pagod ang pakiramdam ni Yngrid nang dalhin ang order sa counter. This is hell! Hell! “Ito ang gusto ni Margaret at ng kasama niya,” sabi niya kay Armie. “Pakisabi kay Jan Hubert na bilisan niya ang paggawa.” Baka mamaya ay papugutan sila ng ulo ni Margaret kapag di naidala ang orders nito sa tamang oras. Ayaw niyang may maipintas ito sa café nila.
“Ma’am, gusto po ninyong tubig?” tanong ni Frecy na puno ng pag-aalala at ikinuha agad siya ng tubig.
“Thank you,” sabi niya at tinungga ang baso ng malamig na tubig. Mas gugustuhin pa niyang mag-serve sa isandaang demanding na customers nang sabay-sabay kaysa pagsilbihan si Margaret.
Nang makabawi ay nagtungo si Yngrid sa kusina para tulungan ang tauhang si Jan Hubert na sa kitchen nakadestino. Siya mismo ang naghanda ng mga gulay. Wala namang problema dahil organic naman ang ginagamit nila sa paggawa ng salad. Karamihan kasi sa mga customers nila ay gusto ng organic kahit pa nga sabihing may kamahalan. Mas masustansiya nga naman iyon at wala pang chemicals.
Gaya niya ay nag-exert din ng extra effort si Jan Hubert para pagandahin ang presentation ng salad na ise-serve kay Margaret. Alam marahil nito ang pressure na isang celebrity ang dudulutan nila ng pagkain.
“M-Magugustuhan kaya nila ito, Ma’am?” tanong ni Jan Hubert nang ilagay sa nag-aabang na tray ang salad.
“Oo naman. I can say that you outdid yourself today. Good job,” aniya at tinapik ang balikat ni Jan Hubert.
“Salamat, Boss. Baka pwede naman ipakilala ninyo ako kay Margaret Choi kapag nagustuhan niya ang salad natin. Crush ko siya noon pa,” sabi ni Jan Hubert.
“Susubukan ko,” wika niya at pinatunog ang bell bilang hudyat para kunin ni Armie ang order at dalhin sa mga customer.
Nakasunod siya kay Armie habang naglalakad patungo sa mesa ni Margaret. Nanlalamig siya. Sana naman ay maging maayos ang lahat. Halata namang kanina pa lang ay nagpapakita na ito ng disgusto sa café niya. Hindi siya papayag na pati ang reputasyon ng café niya ay sirain nito. At alam niyang talo siya. Ito ang celebrity sa kanilang dalawa. Marami itong followers. Isang maling salita lang nito ay maari nang makasira sa pangalan ng negosyo niya.
Huwag naman po sana. Diyos ko, paki-ambunan ang babaeng ito ng kaunting kabaitan. Kahit ngayon lang po, piping panalangin ni Yngrid.
“Your orders, Ma’am, Sir,” nakangiti niyang wika habang idinudulot ang salad at inumin kay Margaret at kay Iggy.
Nilaro-laro ni Margaret ng tinidor ang salad nito. "This is it?"
"Naku! Masarap ang dressing at crunchy ang gulay," sabi ni Iggy na sunod-sunod ang subo.
Sumubo lang ng bahagya si Margaret. "Not crunchy enough." Why was she expecting that? For Margaret, The Queen, nothing is good enough. Sumimsim ito ng drinks. "What's this? Walang lasa."
"Pwede po nating lagyan ng additional honey, Ma'am," suhestiyon ni Yngrid.
"You know what? Never mind. It is useless to do anything because you ruined my appetite." Padarag na pinunasan ni Margaret ng napkin ang labi at ihinagis sa mesa. "Masyado lang mabait ang boyfriend ko. But your food isn't that great and the service sucks. Right, Iggy?"
Subalit hindi na makasagot si Iggy dahil namumuwalan na ang bibig nito sa salad. Ubos na ang salad sa pinggan nito at sinisimulang kainin ang salad na inayawan ni Margaret. Naningkit ang mga mata ng dalaga. "Iggy, you pig! Why are you eating that?"