When He Cries Chapter 34

@KenjiM: Glad to be of help.

@YngridSingson: May free kang coffee anytime na dadalaw ka sa cafe ko.

@KenjiM: Cool. I will bring my girl. Diyan kami unang magde-date pagbalik ko. I think relax siya sa café mo noong nandiyan siya during shooting.

Tumaas ang kilay ni Yrngid. Si Margaret, nag-relax sa café niya habang nasa shoot? Baka dahil masaya ito na nasira nito ang araw niya dahil nalait-lait siya nito nang wagas.

At gusto pa nitong isama si Margaret sa café niya. Kung ganoon ay maayos ang relasyon ng mga ito. He referred to Margaret as “my girl”. Maliban na lang kung si Iggy, the Iguana na ang “my girl” nito. No, hindi pa naman siguro ganoon kasagwa ang taste ni Kenji.

@YngridSingson: I hope you and Margaret are really okay.

Kenji: Thanks. Muntik na akong umuwi nang tawagan niya ako last week. It looks like she misses me so much, she was crying. I really hate it when my baby cries even on movies and TV series. It breaks my heart.

Awwww!!! Mukhang clueless nga si Kenji sa nangyayari sa Pilipinas. At sa palagay niya ay wala ring kaalam-alam si Kenji na lumalabas ang nobya nito kasama ang ibang lalaki o ipinagkakalat ni Margaret na break na ang mga ito. Parang napaka-optimistic pa nito na maganda ang magiging pagbabalik nito sa Pilipinas.

Oras na ba para sabihin niya kay Kenji ang nalalaman niya? Hindi patas na di nito alam ang nangyayari. Na nagmumukha itong tanga.

Pero bumalik sa kanya ang babala ng mga kaibigan niya na huwag na niyang isangkot ang sarili niya sa gulo nina Margaret at Kenji. Mapapasama lang siya sa huli. Baka nga magalit pa ang mga ito kapag nalamang kinausap niya si Kenji ngayon.

@YngridSingson: That's nice. See you when you are back.

@KenjiM:Ok. I have to go back to the shoot. Bye!

Ibinagsak ang sarili niya sa kama at inilapag ang smartphone sa tabi niya. Idinipa niya ang mga kamay at tumitig sa kisame. Hindi rin niya kayang sabihin kay Kenji ang totoo. Hindi niya kaya na sabihan siya nitong sinungaling dahil mas gusto nitong paniwalaan si Margaret.

What he doesn’t know won’t hurt him. Mas mabuti nang itago na lang niya ang lihim na iyon. Pero sa huli ay parang di pa rin siya matahimik. Nasa kanya ang burden of truth.

Sa huli ay di rin siya nakatiis. Kailangan niyang makakausap ng tao na makakaunawa sa kanya at di siya gaanong sesermunan. Tinawagan niya si Justine.

Nakakadalawang ring pa lang ay sumagot na agad ito. “Hello.”

"Justine, tulog ka ba?"

"No. Hindi ako makatulog. Di ko pa alam paano sasabihin kay lola na ayaw kong pakasalan si Stefan. Problemado na nga ako. Naku! Sa dinadami-dami naman kasi ng ipapakasal sa akin, bakit si Mr. Hibok-Hibok pa. Pero kaya ko ito,” anito at narinig niya ang malalim na paghigit nito ng hininga. “Ikaw bakit di pa tulog?”

“Ano kasi…” Kailangan pa bang sabihin niya dito ang problema niya? Kumpara sa problema niya ay hamak mas malaki ang problema nito dahil nakasalalay ang buhay at kinabukasan nito. Habang siya naman ay namomoroblema sa problemang di naman niya dapat problemahin.

“Iniisip mo si Kenji?" panghuhuli nito. “Iniisip mong sabihin sa kanya ang nakita mo.”

“Nag-message ako sa kanya.”

“Sinabi mong may ibang lalaking kasama si Margaret?” bulalas ng kaibigan niya. “Ano ka ba naman?”

"Nakausap ko siya. Di ko sinabi na may ka-date si Margaret o sinabi ni Margaret na break na sila. He was looking forward to coming home to be with that woman. Hindi niya naman ata alam na break na sila."

Napaungol ito sa kabilang linya. "Sobrang kulit mo talaga. Sabi ko sa iyo na di mo dapat i-involve ang sarili mo sa ganyang mga bagay. Hay naku, Yngrid! Akala ko naman malinaw na iyan sa iyo. Anong nangyari sa utak mo? Down the drain? Enough is enough is enough!”

Bumuntong-hininga si Yngrid at dumapa sa kama. "What can I do? Hindi ko lang maalis na mag-alala sa mga nangyayari. Nangako pa nga si Kenji na pupunta ulit sila ni Margaret sa Sweet Surrender para makapag-relax. Hindi ba asang-asa siya na okay pa ang relasyon nila pero nag-iba na pala ang lahat.”

"We don't know yet. Relasyon nila iyan. Hindi mo na dapat iniintindi iyan,” anito sa pormal na tono. Mukhang nauubusan na ito ng pasensiya sa kanya.

"Pero kasi naman..."

"Yngrid, huwag mong i-involve ang sarili mo sa gulong iyan,” anito sa nagbababalang tono. “Naku! Please! Mag-focus ka na lang sa sarili mo. Marami pang magagandang bagay na pwedeng mangyari sa iyo. Tama na iyang kake-Kenji mo. Tama na.”

"Pero kilala ko si Margaret. She wants to get something out of this. At sa palagay ko ay masasaktan si Kenji sa proseso. Gusto ko lang siyang protektahan."

"Protektahan sa relasyon nila ni Margaret? Anong magagawa mo? Wala. Di ka naman sangkot sa kanila. Hindi mo problema iyan. Iwas-iwasan mo ang showbiz na iyan. Huwag mong ididikit ang pangalan mo kay Kenji Matsunaga kung ayaw mong magulo ang mundo mo. Matulog ka na nga,” angil nito at nagpaalam na.

Nakadama siya ng lungkot nang magpaalam ang kaibigan. Mabigat na nga ang pinagdadaanan nito pero wala man lang siyang naitulong dito. Anong klase ba naman siyang kaibigan? Masyado naman nang na-focus ang atensiyon niya kay Kenji. Pero kahit anong gawin niya ay hindi mawala-wala si Kenji sa isipan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.