When He Cries Chapter 41

Napapitlag siya nang tapikin siya ni Dreamilyn sa braso. "Hoy! Ilang beses mo na bang napanood iyan? Parang kabisado mo na nga."

"Hayaan na ninyo ako. Makulay ang love life ninyo. Ako naman nasasaktan ang lalaking gusto ko." Walang kaproble-problema si Dreamilyn kay Casey. Habang isang himala na si Stefan pa mismo ang biglang bumait kay Justine.

"Hindi kasi niya nasundo si Kenji Matsunaga sa airport kaya kuntodo sa pag-e-emote," wika naman ni Justine.

Dapat talaga ay magsasara sila ng café para salubungin si Kenji sa airport complete with banners. Sa kasamaang-palad ay may nagpa-reserve sa café para gawing venue ng isang birthday party. Biglaan iyon at regular customer nila na malaking mag-tip ang celebrant. Di na nila nagawang tumanggi. Gabi na nang malaman ni Yngrid at ng mga tauhan niya ang tungkol sa ambush interview kay Kenji Matsunaga sa airport. Lumabas siya na sa TV at sa internet ang video kung saan gulat na gulat itong malaman na may ibang lalaki na sa buhay ng nobya nito. Isinara agad niya ang café alas diyes pa lang ng gabi at nagmukmok silang tatlo sa opisina nila. Pare-pareho nilang iniyakan ang nangyari kay Kenji.

Sina Frecy at Armie ay nagwala sa social networking site. Kasama ito ng mga kababaihan at bekis na nagpo-post ng hate messages para kay Margaret Choi. Mukhang nabawasan ang kalahati ng fan base ng dalaga. Kahit ang mga solid fans nito ay nadismaya dito at nakisimpatya kay Kenji.

Habang siya naman ay nagkasya na lang sa pagpapadala ng mga mensahe dito. Na kung anuman ang pinagdadaanan nito ay naroon lang siya. Subalit wala itong kahit anong sagot sa kanya. Kenji was quiet about the issue. Hindi pa rin ito nag-i-issue ng statement sa pakikipaghiwalay kay Margaret.

"Hindi ako nakakasama ni Kenji kaya hayaan ninyong damayan ko siya sa ganitong paraan. Sobrang sakit naman kasi ng nangyari. Look at him. Parang shock na shock nga siya sa nangyari. Parang wala siyang kamalay-malay na nag-break na pala sila ng girlfriend niya."

Inilapag ni Frecy ang mochacinno sa harap niya at sumingit sa usapan. "Bruhang Margaret na iyan. Tapos nakipag-date agad sa ibang lalaki." Bigla itong napangisi nang makita ang matiim na mata ni Dreamilyn na nakatingin dito. "Makikisingit lang po sa usapan. Sorry po, Ma'am. Pagdating po kasi kay Kenji Matsunaga, nagiging emosyonal kami."

“Ingat-ingatan mo ang pagsasalita mo tungkol kay Margaret Choi. Baka may customer ka na fan pala niya,” paalala ni Dreamilyn dito.

“Wala na siyang fan ngayon matapos ang ginawa niya kay Kenji,” nakaismid na wika ni Frecy. “Saka malamang iyan din po ang pinag-uusapan ng lahat.”

Hindi naman kaila iyon sa kanya. Ang hiwalayang Margaret Choi at Kenji Matsunaga ang pinag-uusapan kahit na saan. Naging national issue na ito.

“Pwede bang mag-time out na tayo sa Kenji-Margaret issue na ito?” tanong ni Dreamilyn. “This isn’t you, Yngrid. You are always cheerful. Nawalan ka na ng kulay dahil kay Kenji. Gusto mo bang mag-shopping? Manood ng sine?”

Umiling siya. “Kayo na lang. Dito lang ako kay Kenji.”

“Yngrid, anong gagawin namin sa iyo?” tanong ni Justine. “Ikaw ang joie ‘d vivre ng grupo natin. You lost it. Huwag ka namang magkaganyan dahil lang sa lalaki. Di namin alam kung anong gagawin namin sa iyo.”

“Gusto kong makasama si Kenji. Siguro gagaan ang pakiramdam ko kapag natiyak ko na okay lang siya.” Hinawakan niya ang braso ni Dreamilyn. “Pwede bang gamitin ang connections ni Casey? Please?”

“Alam mo kung anong sagot ko diyan,” anang si Dreamilyn na matiim ang mga mata sa kanya.

“Baka naman pwedeng pagbigyan mo si Yngrid. Tingnan mo naman. Nangangalumata na. Alam mo naman na sumasaya lang iyan dahil kay Kenji,” apela naman ni Justine. Mukhang naawa ito sa kanya.

“No! Ano na lang ang magandang halimbawa na ibibigay ko sa mga estudyante ko? Na sarili kong kaibigan ay kinukunsinti ko sa mga kabaliwan niya kay Kenji Matsunaga? Ayoko nga,” kontra ni Dreamilyn.

“Hindi mo naman na ako estudyante. Matanda na ako. Hayaan mo naman akong magmahal. Minsan lang naman ito,” pakiusap niya. “Ayaw mo ba akong makitang masaya? Ano bang kailangan kong gawin?”

“Pwedeng next time na lang ang request mo? Kapag di na masyadong komplikado ang sitwasyon. Huwag ngayon,” sabi ni Dreamilyn na maasim ang mukha. “Wala ka pa sa huwisyo. Hindi ka dapat humarap kay Kenji Matsunaga nang ganyan. Parehong sabog ang emosyon ninyo. Di ka makakatulong sa kanya. Ayusin mo muna ang sarili mo.”

Hangos na lumapit sa kanya si Armie. “Ma’am! Ma’am!”

“Ano? May sunog ba?” natatarantang tanong niya.

Umiling ito. "May live interview daw si Kenji Matsunaga tungkol sa break up nila ni Margaret Choi sa Showbiz Puliz mamaya. Nakakalat na sa Twitter at sa Facebook."

Bigla siyang nabuhayan ng loob. “Talaga? Magpapa-interview si Kenji?” Kailangan niyang mapanood iyon. Hindi siya mapakali habang pumipihit sa upuan niya. "Patay! Walang TV dito. Uuwi ako ng bahay."

"Ma'am, paano naman kami?" angal ni Armie at nagpapungay ng mata.

“Magtrabaho kayo. Babalitaan ko kayo sa interview. Panoorin na lang natin mamayang gabi,” aniya at ngumisi. Isinara niya ang netbook niya at kinuha ang bag niya. “Sasama ba kayo sa akin, friends?”

"Are you okay? Iiwan mo ang café mo para sa interview na ito?"

"Dreamilyn, huwag OA. It is just an interview. Hindi ko naman siya susugurin sa studio. Pagbigyan na ninyo ako." Kailangan siya ni Kenji ngayon. Sa ganitong paraan ay maipapakita niya ang suporta niya. “Sasama ka ba sa amin?”

“Sige. Pero bibili muna akong popcorn,” sabi ni Justine na umani ng matalim na tingin mula sa kanya. Nag-peace sign ang kaibigan sa kanya.

TUTOK na tutok ang mga mata ni Yngrid sa telebisyon. Hindi siya halos kumukurap mula nang magsimula ang showbiz talk show na Showbiz Puliz. Mula sa Sweet Surrender ay tumuloy na silang magkakaibigan sa bahay niya na limang minuto lang mula sa café.

Pagdating ng bahay ay binuksan agad niya ang TV sa sala at umupo sa harap nito. Di pa nagsisimula ang Showbiz Puliz. Isang teen serye ang palabas noon pero tiniyaga niya kahit walang katorya-torya ang istorya. Hanggang magsimula ang showbiz talk show ay di na siya mapakali.

Nangalumbaba siya dahil puro preview pa rin ang kay Kenji at kung kani-kaninong kwento ng ibang artista ang ipinapalabas. “Ang tagal naman ni Kenji.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.