HUMIHINGAL si Yngrid nang matapos ang basic cappoeira exercise niya sa Step Up Wellness Center na pag-aari ni Stefan Chua. Kasama niya ang mga kaibigang sina Justine at Dreamilyn dahil may all-day pass sila doon. Pwede nilang gamitin ang lahat ng facilities mula sa dance studio, gym, Jacuzzi at spa. At higit sa lahat ay masayang-masaya si Justine dahil ito ang nagpapakasasa sa kaguwapuhan ni Stefan, ang lalaking pinili ng lola nito na pakasalan ito.
“Feeling better?” tanong ni Dreamilyn sa kanya.
“Yes. Nakapag-release ako ng stress.” Pati siya ay nai-stress sa break up nina Kenji Matsunaga at ni Margaret Choi lalo na’t hindi siya pinapansin ng binatang model tuwing nagse-send siya ng mensahe. “Kailangan lang ma-divert ang atensiyon ko ng konti. Kailangan ko lang ipahinga ang puso ko. Mahirap din pala na papansin ng papansin pero di ka pinapansin."
"Sabi niya sa interview gusto muna niyang mag-focus sa career niya at hindi muna niya iisipin ang love life. Gustong rin siguro ng tao na maka-recover nang tahimik. Siyempre kailangan niya panahon para ipahinga ang puso niya. At magpahinga ka rin kay Kenji Matsunaga kahit ngayon lang,” wika ni Dreamilyn at pinunasan ng towelette.
"Hindi lang naman si Kenji Matsunaga ang lalaki sa mundo. Marami pang iba diyan," nakalahad ang kamay na sabi ni Justine. "Malay mo may mahanap ka dito. Masyado ka lang sigurong na-focus kay Kenji Matsunaga kaya hindi mo napapansin ang ibang tao. May mga hot naman dito sa wellness center. Malay mo mas hot pa kay Kenji Matsunaga."
"At nasaan naman dito ang mas hot pa kay Kenji Matsunaga, aber?" nakapamaywang niyang tanong.
Mahihirapan yata siyang makahanap ng isang katulad ni Kenji Matsunaga. Hindi lang naman kasi ang pisikal na anyo nito ang nagustuhan niya kundi pati ang ugali. Isa ito sa pinakamabait na taong nakilala niya. At mahirap humanap ng katulad nito na guwapo na ay mabait pa. Ang masaklap lang ay mukhang hindi ito interesado sa pag-ibig. Hindi ito interesado sa kanya. Nakakabigat ng loob.
“Pwedeng mag-jacuzzi na tayo?” tanong ni Justine. “Nanlalagkit na ako at gusto ko nang i-relax ang katawan kong nagulpi ng cappoiera na iyan.”
Papunta sila ng shower area nang biglang matigilan sa paglalakad si Dreamilyn. “Hindi ba si Kenji Matsunaga iyon?” tanong nito at tumuro.
Naalerto agad si Yngrid. “Nasaan? Nasaan?” At sinundan niya ng tingin ang direksiyong itinuturo ng kaibigan. Nanlaki ang mata nang makita si Kenji Matsunaga na nakasuot ng black jogging pants na may light blue lining sa tagiliran at black na sando. Pumasok ito sa gym ng wellness center. Hooomaygasssh!!! Kung kanina ay parang pagod na pagod ang puso niya sa pagmamahal dito, saka naman ito susulpot ulit sa buhay niya. Biglang nabuhay ang puso niya na tumibok nang mabilis. Alive na alive ang buong sistema niya. She felt rejuvenated. “Teka. Susundan ko lang.”
“Sasamahan na kita,” sabi ni Dreamilyn na nakasunod agad sa kanyang maglakad.
Alam na niya ang ibig nitong sabihin. Na hindi siya nito hahayaan na magpakabaliw siya kay Kenji. Na baka may gawin siyang kahihiyan. Killjoy.
Nauna na si Justine sa Jacuzzi. Siya naman ay hindi alam kung ano ang gagawin. Heto na ang pagkakataon niya. Siguro ay sinadya talaga ng tadhana na magkita sila ngayon. Pero kailangan ay matiyak niya na hindi ito simpleng pagkakataon lang. Ise-secure niya ang muli nilang pagkikita ni Kenji.
“Teka. Babalik lang ako sa locker room,” sabi ni Yngrid at naglakad agad patungo sa locker. Di naman siguro basta-basta mawawala si Kenji. Tutal ay mukhang kadarating pa lang nito.
“Bakit pa? Huwag mong sabihing magre-retouch ka pa?” tanong ni Dreamilyn habang nakasunod pa sa kanya.
“May kukunin lang ako.” Binuksan niya ang locker at dali-daling kinuha ang wallet niya. Naglabas siya ng calling card.
“Aanhin mo naman ‘yang calling card?”
“Basta,” wika niya at isinuksok iyon sa back pocket ng gym pants niya. Titiyakin niyang wala nang takas si Kenji sa kanya.
Tumahimik lang si Dreamilyn at hindi na nag-usisa. Siya naman ay magagaan ang hakbang habang patungo sa gym. Hinagilap agad ng mata niya si Kenji at nakita ito na nagwo-workout sa threadmill. Bakante ang threadmill sa tabi ni Kenji. Bingo! Para sa kanya ang espasyong iyon.
Subalit nakita niya ang isang babaeng nasa kabilang bahagi ng gym na malagkit ang tingin sa walang kamalay-malay na si Kenji. Nakasuot ang babae ng super igsing gym shorts at jersey style midriff sando na halos dibdib lang nito ang natatakpan. Take note. Di basta-basta bust. Super bust.
Napayuko siya sa sariling dibdib. Chocolate Hills lang siya at Mt. Everest naman ang babae. Halos lumuwa na ang hinaharap nito. Que horror! Legal ba na magsuot ng ganoong damit sa gym? Talo siya oras na maunahan siya nito. At mas malapit ito kay Kenji kaysa sa kanya. Kailangan niyang makagawa ng paraan para mapatalsik ang kompetisyon.
Isang ideya ang kumislap sa isipan niya.
Tumingin siya sa labas ng gym. “Ohmygashhhh! Ang ganda ng eight-pack abs ni Papa PJ. Naka-swimming trunks lang at papunta sa shower room. I love you, Philippe Jacobs!” histerikal niyang sigaw dahilan para makuha niya ang atensiyon ng buong gym.
Hindi siya fan ng sikat na artistang si Philippe Jacobs na isa sa pinakaguwapong mukha sa showbiz, may hot na katawan at magaling pang umarte. Pero natitiyak niya na kapag idineklara niya sa mundo na naroon ang sikat na artista nang naka-swimming trunks lang at papunta sa shower room ay hahangos ang mga kababaihan palabas.
Isang malakas na tilian ang umugong sa buong gym. Nagtatakbo agad palabas ng gym ang karibal niya kay Kenji Matsunaga pati ang ibang kababaihan. Pero di lang mga babae ang naghangusan palabas ng gym. Pati mga babaeng na-trap sa katawan ng mga guwapo at machong lalaki ay una-unahan din sa paglabas ng gym para habulin si Philippe Jacobs.
Nakakunot ang noo ni Dreamilyn. “Wala naman si Phil…”
“Shhhh!” saway niya dito at dali-daling naglakad patungo sa direksiyon ni Kenji Matsunaga na mukhang walang masyadong pakialam sa nangyaring kaguluhan dahil nakapasak ang earphone sa tainga nito. Nakakunot ang noo nito habang tuwid ang tingin at mabilis ang lakad sa threadmill.