When He Cries Chapter 45

Chance na niya ito. Nag-pay off naman ang kanyang pagsisikap sa buhay. Para-paraan lang iyan para masolo ang pag-ibig. After all, all is fair in love and war.

Sumampa siya sa tabi nito pero di man lang siya nito nilingon. Mukhang masyado itong focused kahit na simpleng workout lang iyon. Di man lang ba nito naramdaman ang kanyang presensiya.

“Hello, Kenji!” bati niya dito pero di pa rin siya nito pinansin. Masyado yatang malakas ang pinapakinggan nito kaya di siya narinig.

Itinukod niya ang siko sa control panel ng threadmill at inunat ang kamay para kawayan ito. “Hello!”

Nagulat pa si Kenji at nakakunot ang noo siya nitong tiningnan. Biglang umaliwalas ang mukha nito nang mapagsino siya. “Yngrid, the gorgeous one.”

Pumitlag ang puso niya at napadiin ang siko niya sa control panel. “N-Naalala mo pa rin ako.”

“Hindi pa naman ako nagkaka-memory gap. Kumusta?” tanong nito at magaang hinaplos ang pisngi niya.

Nahigit niya ang hininga. Naramdaman na lang niya ang panlalambot ng tuhod niya. Kenji had that effect on her. Parang naliliyo siya at gumaan ang pakiramdam niya. Naramdaman niya na gumagalaw ang tinutuntungn niya kahit na di naman siya humahakbang. Animo’y bulak siya na tinatangay ng hangin.

Naramdaman na lang niya na lumilipad siya. Lumilipad. Hanggang naramdaman na lang niyang bumagsak siya sa carpeted na sahig ng gym. “Aray!” aniya at biglang nasapo ang nasaktang balakang.

Hindi naman pala siya lumulutang sa alapaap. Hindi niya napansin na umandar pala ang threadmill dahil na rin sa pagkakatukod niya kanina. Nawala na naman siya sa sarili dahil kay Kenji.

“Hey! Are you okay?” tanong ni Kenji at dali-dali siyang dinaluhan.

“Yngrid!” anang si Dreamilyn at humangos palapit sa kanya. “Ano bang ginagawa mo? Hindi ka nag-iingat.” Naku! Nakakahiya naman. Sesermunan pa siya nito na parang bata sa harap mismo ni Kenji.

Pilit siyang ngumiti kahit pakiramdam niya ay magpapasa ang pigi niya mamaya. “Okay lang ako. Ilang beses din akong bumagsak kanina nang mag-cappoeira kami. Wala. Chicken lang iyan.” Saka siya bumaling sa kaibigan. Bagamat nakangiti siya ay may babala sa mata niya. “Stop being a mother hen, Dream. Okay lang ako. Sige na. Mag-threadmill ka na ulit,” pagtataboy niya.

Sana naman ay makuha nito ang mensahe niya. Moment nila ito ni Kenji. Kailangan ay masolo niya ito nang walang sagabal.

“Pero magandang patingnan muna iyan,” sabi ni Kenji at hinawakan ang balakang niya. “Masakit ba dito?”

“M-Medyo masakit nga diyan,” sabi niya at muntik nang tumirik ang mata dahil sa haplos nito. That was heaven.

Tumigil si Kenji sa paghaplos sa kanya. “I think we should bring you to the clinic. Baka kung ano na iyan.”

“H-Hindi na,” aniya at pilit na tumayo. Kapag dinala pa siya sa clinic ay wala rin namang makikita sa kanya. “Mawawala na rin ito mamaya dahil magja-jacuzzi kami ng mga kaibigan ko. Hindi ko na kailangang magpatingin sa clinic.”

“Doon ka na lang muna sa bench,” sabi ni Kenji at inalalayan siya paupo sa bench na ilang hakbang lang mula sa kinalalagyan nila. Hawak nito ang kamay niya at ang baywang niya. “Parang madalas ka yatang madisgrasya kapag nagkikita tayo.”

“Di ko rin alam. Nagkakataon lang siguro.” Baka pumaparaan lang ang tadhana para magka-moment sila. Okay lang na masakit ang katawan niya ng konti basta makasama niya si Kenji. Ganoon talaga ang pag-ibig. Buwis-buhay. “H-How are you?”

“Ikaw ang nadisgrasya tapos ako ang kinukumusta mo.”

“Alam mo na.” Itinuro niya ang kaliwang dibdib. “Kumusta ang puso mo?”

Lumamlam ang mga mata nito. Mukhang malungkot pa rin ito pero pinipilit na maging masaya. “Well, I am moving on. I am starting a new life. Salamat sa mga messages mo.”

Pumitlag ang puso niya. “Nabasa mo ang mga message ko sa iyo?”

“Yes. Thank you. Pasensiya ka na kundi ako nakakasagot. But I really appreciate all your effort.” Ginagap nito ang kamay niya. “Thanks. You are so nice.”

Lumabi siya. “Kailangan mong bumawi sa akin.” At hindi sapat sa kanya ang ‘thank you’ lang at papisil-pisil nito sa kamay niya.

“Paano ako babawi sa iyo?”

“Kung kailangan mo ng lugar na may privacy ka at walang manggugulo sa iyo, pwede kang pumunta sa café ko.” Dumukot siya sa bulsa ng gym pants niya ang calling card at inabot dito. “Uhmmm… here is my calling card. Aasahan kita ha?”

Nakangiti nitong inabot ang card sa kanya. “Sure. I will be there.”

Nilapitan siya ni Dreamilyn. “Kailangan na nating pumunta sa Jacuzzi. Mag-isa lang doon si Justine.”

“Sige,” sabi niya at tumayo na. Nagawa naman na niya ang purpose niya. Pwede na siyang umalis. “Goodbye, Kenji.”

“Thank you and see you,” aniya at kumaway kay Kenji bago naglakad palayo. Nang makalabas ng gym ay napa-Yes!” siya.

“Okay lang ang pigi mo?” tanong ni Dreamilyn.

“Okay na ako. May magic touch yata si Kenji.” Niyakap niya ang sarili. “Masayang-masaya ako. Nangako siya na dadalaw siya sa café ko.”

“Hindi mo pa sigurado iyan. He is just being polite.”

“Huh! Maghintay ka lang. Lalapit din sa akin si Kenji. Magiging akin din siya.” Hindi na niya pakakawalan si Kenji kapag nangyari ang sandaling iyon. Dahil sa piling nito ay hindi na ito luluha pa.

“THAT was crazy, man. You are too macho to cry on television. Hindi ko talaga ine-expect na iiyakan mo ang isang babae.”

Parang gustong magpanting ng tainga ni Kenji nang marinig ang halakhak ng kaibigan at kapwa modelo na si Hector. Nasa isang bar siya sa Tomas Morato kasama ang ilang kaibigan. Ayaw sana niyang lumabas lalo na’t kalalabas lang ng interview ni Margaret. Wala sa itsura nito na nalulungkot ito sa paghihiwalay nila. She was all radiant and all too happy that everything’s over between them. Ni hindi man lang ito nag-alangan na aminin na nagde-date ito at si Congressman Mito Padilla.

At alam niyang di na siya pwedeng magkulong pa sa town house niya. Kailangan niyang makipagkita sa mga kaibigan niya at ibalik sa normal ang buhay niya kahit na hindi pa niya alam. Kaarawan iyon ng kaibigan niyang si Hyde. Pawang mga kasamahan niya sa modeling agency. Parang isang malaking pamilya sila. Lahat ng mga ito ay umalis sa bansang sinilangan para maghanap ng magandang kapalaran sa ibang bansa. Wala silang ipinagkaiba sa mga OFW na naghahanap ng magandang buhay sa abroad para matupad ang mga pangarap nila. Ang iba ay pinapalad habang ang iba naman ay nabibigo. Isa siya sa mga matatagumpay na modelo. Sa kasamaang-palad ay bigo naman siya sa pag-ibig.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.