“IS this love feeling restless inside?” kanta ni Yngrid habang nagsasayaw sa harap ng salamin. Nakasuot siya ng dress na para sana sa dinner nila sa restaurant na magkakaibigan. Pero dahil marami pang tao doon ay nag-decide na lang silang magkakaibigan na sa kuwarto na lang mag-dinner.
“Hindi ka pa ba napapagod?” tanong ni Dreamilyn na nagbabasa na ng libro at nagpapaantok. Mag-a-alas nuwebe pa lang ng gabi pero handa na itong matulog. Masyado pang maaga para sa taong nocturnal katulad niya.
“Hindi pa. Gusto ko sanang sumilip sa pictorial nila Kenji,” sabi niya at isang beses pang tiningnan ang sarili sa salamin bago hinarap ang dalawa. “Sasama ba kayo na silipin si Kenji?”
Maang lang siyang tiningnan ni Dreamilyn na parang nasisiraan siya ng bait. Habang si Justine naman ay nakapasak ang earbud sa tainga habang nakikinig sa iPod nito. Inalis niya ang isang earbud at itinutok ang bibig sa tainga nito. “Sasama ba kayo sa akin sa pictorial ni Kenji?”
Ngumiwi ito at matalim siyang tiningnan. "Yes, I heard you. And no, hindi ako sasama. Nagpapaantok na nga ako dahil pagod na pagod na ako. Saka bakit ka pa babalik doon? Magpapalapa ka sa aso niya at magpapakalunod ulit?"
"Gusto kong makita si Kenji," nagniningning ang mata niyang sabi. "Samahan na ninyo ako. Sige na. You know? Friends support each other."
"Wala kang dala? Baka lapain ka na nang tuluyan ng aso niya. Saka nandoon ang PA niya na kontrabida. Baka bugahan ka ng apoy," sabi ni Dreamilyn. "Dito ka na lang at matulog."
"Hindi pa ako inaantok. Saka hinihintay ko pa ang mainit na tubig ko para sa tsaa ko." At di siya maaring matulog agad. Dalawang oras pa matapos niyang uminom ng tsaa para sa sikmura saka siya pwedeng matulog. “Saka hindi ako bubugahan ng apoy ni Iggy. Iguana siya at hindi dragon.”
"Magbasa ka na lang ng libro," wika ni Dreamilyn at inabot ang binabasa nitong paperback novel sa kanya. "Mauna na akong matulog sa iyo." At saka ito humiga patalikod sa kanya.
Nang lingunin niya si Justine ay tulog na ito at bahagyang naghihilik. Kanina ay dilat pa ito. Naiinggit siya dahil mabilis itong makagawa ng tulog. Siya kasi ay namamahay kapag nasa ibang lugar. Hindi siya agad makakatulog nito. At lalong di siya mapipirmi hangga’t di dumadating ng mainit na tubig niya para sa tsaa at di niya nasisilayan man lang ang kakisigan ni Kenji.
Maya maya ay tulog na rin si Dreamilyn. Nag-channel surfing siya. Wala pa rin ang mainit na tubig niya. Nang wala siyang magustuhang palabas sa TV ay binalingan niya ang inspirational book ni Dreamilyn. Nakakadalawang page pa lang siya ay sinukuan na niya. Hindi siya mapakali. Gusto niya na lumabas ng kuwarto at silipin si Kenji. Sisilipin lang niya. Hindi niya lalapitan. Ni hindi siya magpapakita. Ayaw din naman niya na makita siya doon ng dog from hell at ni Iggy, the Iguana.
Sa huli ay nagdesisyon siya na ituloy ang plano niya na lumabas. Wala pa rin kasi ang mainit na tubig niya hanggang ngayon. Baka nga nakalimutan na ng mga staff ang order niya.
Kinuha niya ang cardigan niya at ang sachet ng tsaa. Customer naman siya. May excuse siyang tumambay sa restaurant at pasimpleng sulyapan si Kenji kung gusto niya.
Paglabas niya ay nagulat siya nang naroon na sa pinto ang staff at may dalang tray. "Ma'am, nandito na po ang hot water at coffee ninyo."
"Coffee? Hindi ako umorder ng coffee." Nilingon niya ang dalawang kaibigan. "Hindi rin umorder ng kape ang mga kasama ko." Sa umaga lang umiinom ng kape si Dreamilyn at si Justine naman ay mahilig sa tsaa. "Baka sa ibang room iyan."
"Ako ang umorder," anang boses ng lalaki sa likuran nito. Hindi niya napansin na may iba pang tao doon dahil maliit lang ang bukas niya ng pinto. At may ilaw na mula sa poste ng ilaw sa likuran ng mga ito kaya madilim ang mukha.
Nahigit ni Yngrid ang hininga nang mabosesan at mamukhaan ang lalaki. "K-Kenji?" gulat niyang usal at natutop ang bibig. "OMG! Anong ginagawa mo dito?"
"Naisip ko na yayain kang magkape or...mag-tsaa. Nagtanong ako kung may order kayo dito. Kaya sumabay ako at nagbaka-sakali na gising ka pa. Pwede ka bang sabayan na mag-tsaa kung hindi nakakaabala sa mga kaibigan mo?"
"O-Oo naman. Tulog na sila. Dito na lang tayo." At itinuro niya ang set ng upuan at lamesang rattan sa labas.
Ipinag-urong siya nito ng upuan para makaupo siya habang inilalapag ng staff ang order nila sa mesa. OMG! She almost squealed like a fangirl but she didn't care. Aatakihin siya sa puso sa sorpresang ito.
"Salamat," wika niya matapos ilapag ang teapot sa harap niya.
"Ma'am, Sir, just inform us if you need anything. Extended po ang restaurant namin hanggang midnight," anang staff na si Ramon.
"Thank you, Ramon. We will do that."
Nanginginig ang kamay niya nang binubuksan niya ang pakete ng tsaa. Pambihira! Di man lang niya nakita ang itsura niya bago humarap dito. Baka gulo-gulo ang buhok niya. At dahil wala siyang make up, baka naglalakihan ang pores niya. O kaya ay oily na siya. Lagi na lang ba siyang walang alindog kapag nagkaka-moment sila ni Kenji?
"Let me take that," wika ni Kenji at kinuha ang pakete ng tsaa mula sa kanya. Binuksan nito at inilagay sa tasa niya. Ito pa ang nagsalin ng mainit na tubig sa tasa. "Okay ka na ba talaga? Baka naman masama ang pakiramdam mo dahil sa nangyari kanina." Sinalat nito ang noo niya. “Nilalagnat ka ba?”
Umiling si Yngrid. "H-Hindi. Okay na ako. Uhmmm... hindi ka ba kailangan sa pictorial ninyo?"
"Breaktime namin. I....I just want to make sure that you are really okay," anito sa malumanay na boses.
“Of course. Okay na okay ako.” Kung makakasama ba naman niyang magkape ang lalaking pinapangarap niya at sinadya pa siya nito kahit break time nito, sino ba naman ang di magdidiwang ang ovaries?
“Bakit hindi ka pa natutulog kung okay ka na?”
“Hindi kasi ako pwedeng matulog na lang basta-basta. I have acid reflux. Kailangan ko munang inumin ang tsaa na ito at maghintay ng dalawang oras para mag-settle ang sikmura ko bago ako makatulog. Or else, I am in big trouble.”