When He Cries Chapter 8

Ngumiti siya at nilanghap iyon. “Thank you.”

It was not the usual brew that she wanted but it was okay. Kung si Kenji Matsunaga naman ang magse-serve sa kanya, pakiramdam niya ay iyon na ang pinakamasarap na kape na natikman niya.

“Oh, this is great,” usal ni Yngrid nang gumuhit sa lalamunan niya pababa sa sikmura niya ang mainit na kape. Kumalat ang init sa buong katawan niya. “Bakit nga pala nandito ka? Hindi ba may photoshoot ka pa?”

“Madali lang ang make up ko. Hindi rin naman kita pwedeng iwan hangga’t hindi ko natitiyak na okay lang ako.”

“Okay lang ako,” aniya at pilit na ngumiti. Masyado nang OA kung maghihimatay-himatayan siya doon. She already took too much of his time. Pero kung gusto nitong huwag siyang iwan, okay lang sa kanya. Ayaw naman niyang ipahalata na atat na atat siya na makasama ito.

Humila ang binata ng stool sa tabi ng kama at umupo. “Gusto ko lang mag-sorry sa lahat ng nangyari kanina,” wika nito at pinagsalikop ang mga kamay.

“Bakit naman? Ikaw nga ang sumagip sa akin nang malunod ako. I owe you my life.”

“Aso ko ang sumugod sa iyo. Si Missy.” Ito pala ang may-ari kay “dog from hell”. At PA din nito si Iguana. Paanong ang isang anghel na katulad ni Kenji ay may mga alipores na galing sa impyerno? “Missy is overprotective. Ayaw niya na may ibang babae na lumalapit sa akin na hindi niya kilala. Pero mabait siya at malambing. And I really want to apologize for what happened. Kaya hindi ko muna palalabasin si Missy. Ayokong matakot kayo sa kanya.”

“Uhmm… hindi naman kami laging nasa labas. Kaya lang kami lumabas kanina dahil gusto naming magpa-picture sa pool area,” paliwanag niya. “Kaso ganito naman ang nangyari.” At bumagsak ang balikat niya. Ni wala nga siyang picture kasama si Kenji. Minsan na nga lang iyon mangyayari ay nabulilyaso pa.

“Gusto mong mag-picture tayo ngayon?” tanong nito at inilabas ang iPhone nito. “Siguro naman walang mang-aabala sa atin ngayon.”

Sinapo niya ang pisngi. “N-Ngayon na? Ayoko!”

Na-imagine niya ang itsura niya. Malamang ay namumutla siya at walang bahid ng make up. Malamang din ay gulo-gulo ang buhok niya. Mukha na siyang bruha ngayon. Parang Beauty and the Beast ang peg nila sa picture.

Hinaplos nito ang buhok niya. “You are okay.”

“Okay lang? Pwede ba kapag maayos-ayos na ako saka naman tayo magpa-picture?” nakangisi niyang tanong. Ayaw naman niyang magmukha silang Handsome and the Beast. Sa halip na isang diyosa ay mukha siyang basang sisiw nang mga oras na iyon. Pangit sa picture. Sa halip na kainggitan ay baka pagtawanan pa siya ng mga tao.

“Kenji, kailangan ka na for make up,” wika ni Pearly.

“Okay. I am coming,” wika ng binata at tumayo. “I have to go. I will make it up to you somehow.” Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Get well soon.”

Natigagal na lang si Yngrid nang maramdaman ang pagdampi ng labi nito sa noo niya. Halos pinipigilan pa niya ang paghinga hanggang makalabas ito.

Isang tili ang kumawala sa labi niya. “Shocks! I am dead! I am dead! I am dead!” Saka siya humiga at kumiwal-kiwal sa kama.

Hangos siyang pinuntahan ng mga kaibigan niya. Tinampal siya ni Justine sa braso. “Hoy! Hindi ka pa patay. Muntik ka lang malunod.”

“Si Kenji… si Kenji…” aniya at tinuro ang noo niya. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga ito na hinalikan siya ni Kenji.

“Nagkakaganyan yata siya dahil kay Kenji Matsunaga. Ay naku! Kung ako sa iyo iwas-iwasan mo ang mga celebrity. Take it from me. Walang mabuting maidudulot iyan,” nakahalukipkip na wika ni Dreamilyn.

“Alam ko. Hayaan mo na akong umibig paminsan-minsan,” sabi niya at may ngiti sa labi nang pumirmi ng higa sa kama. “Mas okay na ito kaysa naman doon ako bumagsak kay Bruno.”

Tumango-tango si Justine. “Kung Bruno versus Kenji lang naman, okay lang sa akin na mabaliw kay Kenji.” Magaan nitong pinalo ang braso ni Dreamilyn. “Ikaw naman huwag masyadong killjoy. Di pa naman niya boyfriend. Fan lang siya. Fan na kinikilig. Hayaan mo siyang magkilig-kiligan.”

“Thank you, Justine!” sabi niya at nag-flying kiss dito.

“Magpahinga ka na nga lang para makabalik ka na sa kuwarto natin mamaya,” sabi ni Dreamilyn at naunang lumabas ng clinic.

“Huwag mong pansinin iyon. ‘Yung totoo, nagpanggap ka lang ba kanina nang hinimatay ka para hindi ka iwan ni Kenji?” nang-aasar na tanong Justine sa kanya.

“Heh! Kasura ka!” Hinatak niya ang kumot at nagtalukbong. “Gusto kong magpahinga.” Hmp! Akala niya kakampi niya ito pero aasarin lang pala siya sa huli. Panira ng ilusyones.

Basta sa kanya si Kenji. Heto na ang pag-ibig. Tadhana ang dahilan kaya sila nagtagpo ni Kenji Matsunaga. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.