WILD FANTASY (FILIPINO) Chapter 21

"DADDY!" naghahanda sila para mag-agahan araw ng Sabado nang dumating ang isang hindi inaasahang bisita sa bahay nila.

"Good morning!" ang ngiting-ngiti na bungad ni Andrew sa kanila ng kaniyang Mama Cecille at pagkatapos ay mabilis na kinarga si Andrea na patakbong lumapit rito.

"Kumain kana ba hijo?" ang tiyahin niya kay Andrew na nakangiti paring humakbang palapit sa kinaroroonan nila.

"Hindi pa nga po eh," sagot nito kay Mama Cecille bagaman sa kanya nakatitig habang ngiting-ngiti.

"Daddy ang pretty ni Mommy di ba?" nagulat si Lana sa tanong na iyon ng kanyang anak kaya mabilis niyang dinampot ang tasa niya ng kape at humigop.

Sa ganoong paraan man lang sana ay maitago niya ang pagkabigla kasabay ng matinding sikdo sa dibdib niya at nagtagumpay naman doon ang dalaga.

"Yes, very pretty," sagot ni Andrew na buong paghanga pang hinagod ng tingin ang kanyang mukha at saka ibinalik ang tingin sa anak pagkatapos.

Lihim na kinilig si Lana sa sinabing iyon ng lalaki. Pero katulad ng dati, mas pinipili niyang itago iyon at huwag ipahalata rito.

"Maupo ka na kung ganoon para makasabay kana sa amin," alam ni Lana na nakahalata ang Mama Cecille niya kaya naman agad niya itong tinapunan ng isang makahulugang titig.

"Daddy ikaw din po ba ang maghahatid sa'kin sa ballet class ko today?" si Andrea na naupo sa tabi ng silyang okupado ng ama.

Nakita niyang mabilis na umaliwalas ang mukha ng binata sa tanong na iyon ng kanyang anak.

"Pwede naman, iyon ay kung papayag ang Mommy mo," anitong sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.

Nagbuka ng bibig niya si Lana pero mabilis siyang naunahan ni Andrea.

"Kayong dalawa nalang po? Please?" pakiusap ng bata.

"Andrea, hindi ba ang lola mo ang kasama mo sa ballet class?" si Lana sa anak.

"Pwede naman po kayong tatlo di ba po?" ang bata sa mababa at nakikiusap parin nitong tonos aka pinaglipat-lipat ang paningin sa kanilang dalawa ni Andrew.

"Pumayag ka na," mula sa kusina ay lumabas ng dining room ang tiyahin niya dala ang isang bandehado ng mainit na sinangag. "minsan lang naman makiusap ang bata. Lalo at malapit na ang birthday niya," ang nakangiting winika ni Mama Cecille saka sinulyapan ang apo.

"Yey! I love you Lola!" ang bat ana pumapalakpak sa tuwa.

Naiiling na tumayo lang si Lana. "Okay, may magagawa pa ba ako?" aniyang natawa sa nakitang reaksyon ng anak.

"IWAN na muna ninyo kami ni Andrea dito para makapag-usap kayo ni Andrew" ang Mama Cecille niya nang nasa may gate na sila ng eskwelahan.

"Wala naman kaming pag-uusapan Ma," aniyang sinulyapan ang lalaking nanatiling nakaupo sa loob ng kotse sa harapan ng manibela.

Umiling ng magkakasunod ang matanda. "Nagsabi siya sa akin kanina habang naliligo ka. May mga bagay raw siyang gustong linawin sa'yo tungkol sa anak ninyo," sagot ng tiyahin niya.

Natigilan ang dalaga sa narinig. "Tungkol kay Andrea?" aniyang kababakasan ng pag-aalala ang tinig.

Tumango ang Mama Cecille niya. "Sige na," pagtataboy pa nito sa kanya.

"SAAN ba tayo mag-uusap?" tanong ng dalaga ilang sandal at dalawa nalang sila ni Andrew sa minamaneho nitong sasakyan.

"Sa condo ko," ang maikli nitong sagot kaya mabilis siyang napalingon rito.

"Ano?" ang hindi makapaniwalang bulalas ng dalaga.

"Look, alam ko kung anong iniisip mo. Well, hindi ako magsisinungaling sa iyo. Ramdam mo naman siguro kung gaano katinding atraksyon ang nararamdaman ko sa iyo sa simula palang. At kahit hindi ka magsalita, alam kong gaanon ka rin sa akin," ang binatang sinulyapan siya sandali.

Pero gaano man kabilis ang sulyap na iyon ay hindi parin nakaligtas sa paningin ni Lana ang tila maliliit na apoy na nasa mga mata ng lalaki. Dahilan kaya naramdaman niya ang matinding pag-iinit ng magkabila niyang pisngi.

"At sinasamantala mo iyon ganoon ba?" napapikit si Lana sa sinabi niyang iyon.

Alam niyang hindi man deretsahan pero sa kabilang banda ay inamin narin niya kay Andrew na totoo nga ang iniisip nito.

"No, ang lahat ng nangyayari sa atin dahilan iyon ng matinding paghahangad na nararamdaman ko para sa iyo noon pa man," sagot ng binata.

"Pero bakit kailangang sa bahay mo tayo mag-usap? Pwede naman sa coffee shop lang hindi ba?"

"Si Andrea ang pag-uusapan natin. Anak natin, alam mo naman ang tungkol sa trabaho ko. Kaya siguro naman mauunawaan mo na kapag pinili kong i-private ang isang bagay, ibig sabihin napakahalaga niyon sa akin."

Natigilan sandali si Lana sa narinig. "Okay" sagot niya.

MABILIS na nag-init ang mukha ni Lana nang mabungaran ang isang pamilyar na tanawin sa loob ng condo ni Andrew. Pero katulad ng dati ay mabilis niyang iwinala iyon sa isipan.

"Gusto mo ba ng kape or juice?" si Andrew na sa maliit na kusina nagtuloy habang siya naman ay sa leather couch naupo.

"Okay lang ako," tanggi niya saka nginitian ang lalaki.

Nagkibit ng balikat si Andrew na nagpatuloy sa pagtitimpla ng kape. Habang si Lana naman ay namataan ang ilang photo albums sa ilalim ng center table. Kinuha niya ang isa roon.

Agad na napangiti ang dalaga nang mabungaran ang larawan ng pamilya ng binata. Kasama ang nag-iisang kapatid nito na babae, si Samantha na napansin niyang malaki ang pag kakahawig kay Andrea.

"Mas masarap ang kwentuhan kapag may kape," ang binatang inilapag sa harapan niya ang tasa ng mainit na kape.

Napangiti doon si Lana saka sinulyapan ang lalaking ngayon ay nakaupo na sa katapat ng couch na okupado niya.

"Si Sam pala ang kamukha ni Andrea," aniyang ipinagpatuloy ang pagbuklat sa album.

"I hate to admit it, but yeah!" biro ng binata na nang masulyapan niya ay napansin niyang titig na titig sa kanya.

Umikot ang mga mata ni Lana. "Infairness naman sa kapatid mo, talagang maganda," pagsasabi niya ng totoo.

"Sa kanya mo sabihin iyan, siguradong magkakasundo kayo," biro ulit ng lalaki na humigop ng kape sa hawak nitong mug.

Noon isinara ni Lana ang album saka ibinalik kung saan iyon kinuha.

"Maswerte ka may kapatid ka. Ako wala akong ibang hinangad noon kundi ang magkaroon ng kapatid na makakasama habang lumalaki ako. Pero hindi naman nag-asawa ang Mama Cecille kaya heto," aniyang sinundan ang sinabi ng isang kibit-balikat saka pagkatapos ay inabot ang tasa ng kape at humigop narin. "na-miss ko ito," aniyang pabulong.

"Pagkatapos ba nung nangyari hindi ka na bumisita sa kahit saang branch ng Scott's?" ang binata na nakuha ang ibig niyang sabihin.

Mapait ang ngiting pumunit sa mga labi ni Lana. "I have to admit, yes" pagsasabi niya ng totoo.

"I'm sorry kung itinago ko sa'yo si Andrea," ang dalagang sinalubong ang mga mata ni Andrew.

Magkakasunod na umiling si Andrew.

"Tapos na iyon, okay na, naunawaan ko na ang lahat," ang binata na matamis pang ngumiti sa kaniya.

Hindi man aminin ni Lana pero sa puso niya agad na naramdaman ng dalaga ang mabilis na pagbabago na parang nagpagaan ng husto roon. Matagal na panahon dinala niya ng mag-isa ang hinanakit na kung tutuusin ay choice niya.

Hindi iyon tungkol sa anak niya, sa halip ay tungkol iyon sa kanya at sa sarili niya. Alam naman niya na mula nang mangyari ang gabing iyon hindi lang umikot sa simpleng damdamin ang mayroon siya para kay Andrew.

Lumalim iyon ng husto at lalo pang nagtumindi nang isilang niya ang bunga ng lahat ng kahinaan niya dahil sa pagtingin niya sa binata.

"Bakit hindi natin subukan ang maging mabuti sa isa't-isa. Kahit para manlang sa anak natin?" si Andrew makalipas ang ilang sandaling katahimikan.

"W-What?" hindi maintindihan ni Lana pero biglang tumahio ang dibdib niya dahil sa sinabing iyon ng lalaki.

"Gusto kong bigyan ng isang buong pamilya si Andrea," si Andrew na sinundan ang sinabi ng isang malalim na buntong hininga.

Lalong nagtumindi ang kaba sa dibdib ni Lana dahil doon. Pero kahit pa sabihing nagkakaroon na siya ng ideya kung ano ang ibig sabihin ng binata, gusto parin niyang dito mismo ito manggaling.

"Kung papayag ka, gusto ko sanang pakasalan ka," ang walang gatol na sagot ni Andrew.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.