WILD FANTASY (FILIPINO) Chapter 35

NASA ganoong ayos si Lana nang tumunog ang kanyang cellphone. Dinampot niya iyon para alamin kung sino ang tumatawag. Mabilis at awtomatikong kumabog ang dibdib niya nang makita si Andrew iyon.

Sa isang iglap, ang lahat ng lungkot na nararamdaman niya kanina dahil sa naging pagtatalo nila ni Marius ay agad na naglaho. Sa halip ay napalitan iyon ng magkahalong kaba at excitement na nagpangiti sa kanya.

"Hey" ang bungad ni Andrew sa masaya nitong tono.

Maluwang ang pagkakangiting sumagot si Lana. "Hi, napatawag ka?" aniyang ngiting-ngiti.

"Can you do me a favor sweetheart?" ang malambing na tanong sa kanya ni Andrew sa tono na alam niyang hindi niya kayang tanggihan.

"Sure, basta kaya ko" ang naisipan niyang isagot kahit ang totoo alam naman niya sa sarili niyang 'oo' ang isasagot niya sa pabor na gusto nitong hilingin.

Narinig niya ang mahinang tawa na pinakawalan muna ni Andrew bago muling nagsalita. "Pwede mo ba akong puntahan dito?" anito.

Nagsalubong ang mga kilay ni Lana saka wala sa loob na sinulyapan ang suot na wristwatch.  "Tama naman ang timing mo, five na. Sige diyan ako tutuloy. Teka nasaan ka nga ba?" nang maalala ay naitanong niya.

"Naghihintay na sa labas ng building ang driver na maghahatid sa'yo dito sweetheart. See you!" ang masayang sabi ni Andrew saka na naputol ang linya.

Nangunot ang noo ni Lana saka takang inilapag ang hawak na cellphone. Pagkatapos ay sinimulan na niya ang paglilipit. At katulad nga ng sinabi ni Andrew, nasa labas ng gusali ang driver at ang sasakyan na magdadala sa kaniya kay Andrew.

Sa Head Office ng Scott's Cafe siya inihatid ng driver. Pero sa halip na sa mismong office building ay sa shop na nasa unang palapag ng gusali siya nito sinabihan na tumuloy dahil iyon raw ang utos ni Andrew. 

Nagkibit ng mga balikat niya si Lana saka kinuha ang cellphone sa loob ng kanyang bag. Tatawagan niya ang binata para sabihing nandito na siya sa labas ng shop na mukhang sarado dahil patay ang mga ilaw at walang tao o kahit isang customer sa loob. Pero nakailang ring na at nanatiling hindi iyon sinasagot ni Andrew kaya naman wala minabuti niyang magtanong na sa naka-duty sa may entrance ng gusali.

"Pasok lang kayo ma'am, ang alam ko po may tao diyan" anito ibinalik rin ang paningin sa binabasang log book.

Noon niya itinulak pabukas ang glass door ng cafe. 

Madilim ang loob ng cafe kaya nagdalawang isip siyang tumuloy na. Pero napigil ang plano niyang paglabas nang lumabas mula sa isang pintuan ang isang lalaking tumutugtog ng violin. 

Mabilis na kumabog ang dibdib ni Lana dahil doon. At lalong nagtumindi ang kabang nararamdaman niya nang magkaroon na nga ng malamlam na liwanag na nagmumula sa side chandilier na yari sa capiz na nasa isang sulok ng cafe.

Malamlam ang liwanag niyon na nakapagbigay ng romantic ambiance sa paligid. Pero iba ang nangyari nang ilibot ni Lana ang paningin sa kabuuan ng shop. Puno iyon ng red roses. Sa gitna ang isang coffee table set kung saan nakapatong ang isang maliit na kahon na naging dahilan kaya parang may sariling isip ang mga paa niyang humakbang palapit roon.

Mabilis na nag-init ang mga mata ni Lana nang matiyak na kahita nga ang kulay pulang kahon na nakapatong sa coffee table. Naninikip ang dibdib niya sa labis na kaligayahan at ilang sandali pa ang mga mata na niya ang nag-init hanggang sa tuluyan na nga siyang napaiyak.

Nanginginig ang mga kamay niyang binuksan ang kahon para lang madismaya nang makita wala iyong laman.

Mabilis na napalitan ng inis ang lahat ng positibong emosyon na nararamdaman ni Lana. Sa kabila iyon ng patuloy na pagtugtog ng violin ng lalaking naroon. Parang pamilyar sa pandinig niya ang piyesa na tinutugtog nito pero hindi lang niya maalala kung saan niya ito narinig at ang iba pang detalye tungkol rito gaya nalang ng title at kung sino ang kumanta.

"Bwisit na lalaki!" ang inis na bulong ni Lana saka padabog na ibinalik ang kahita sa mesa. Pa-walk out na sana siya nang mula sa kaniyang likuran ay magsalita ang isang pamilyar ngunit amused na tinig.

"Hey!" bukod kay Andrea, kailangan niyang aminin na ang boses na iyon ang siya naring pinakapaborito niya ngayon. 

Salubong ang mga kilay na nagpahid ng mga luha niya si Lana pero nanatiling nakatitig siya kay Andrew kahit pa inis na inis siya sa ginawang pagbibiro sa kaniya ng lalaki. "W-What? Bwisit kang lalaki ka, pinapunta mo ba ako dito para pagtripan lang?" pagtataray niya. "at bakit mo pinapayagan na kunan ito ng video? Huwag mo nga akong pag-tripan Andrew!" nang mapuna ang isang babaeng kumukuha ng video na nakilala lang niya kalaunan nang ibaba nito ng kaunti ang hawak na telepono na nakatakip sa maganda nitong mukha. "S-Samantha?" ang nakababata at nag-iisang kapatid ni Andrew.

Nakangiti itong kumaway sa kanya. Habang si Lana ay awtomatikong nakaramdam ng pagkapahiya sa inasal. 

"Ito ba ang hinahanap mo?" si Andrew hawak ang isang singsing na kumislap pa ang dulong bato niyon nang tamaan ng malamlam na liwanag. 

Hindi nakapagsalita si Lana kasabay ng muling pag-iinit ng kaniyang mga mata. Habang si Andrew, nasa mga mata ang matinding amusement na humakbang palapit sa kaniya. "Ngayon masasabi kong nahanap ko na nga ang katapat ko" nang nasa harapan na niya ang binata.

"Baliw!" aniyang natawa saka muling napaiyak. "k-kung anu-ano kasi ang naiisip mong kalokohan" singhot niya habang patuloy sa pag-agos ang kaniyang mga luha.

Tumawa ng mahina si Andrew saka naglalambing na kinurot ang tungki ng kaniyang ilong. "Kalokohan ba? Eh bentang-benta naman sa'yo" anitong niyakap siya ng mahigpit saka hinalikan sa noo.

Lalong napaiyak si Lana sa ginawing iyon ng binata lalo nang maalala niya ang paghahanda ng almusal sa kaniya ni Andrew sa veranda ng cottege niya ilang taon na ang nakalilipas sa Palawan.

Hindi niya alam kung gaano siya kasaya ng mga sandaling iyon. Basta ang alam lang niya masikip ang dibdib niya dahil ramdam na ramdam niya ang kakaibang damdamin ng binata para sa kaniya. 

"Wala kasi akong dalang singsing nung nag-propose ako sa'yo" anitong pinakawalan siya mula sa mahigpit na pagkakayakap nito. 

Hinawakan ni Andrew ang baba niya saka maingat na itinaas ang kaniyang mukha. Umiiyak parin siya nang mga sandaling iyon kaya naman awtomatikong kumilos ang isang kamay ng binata saka tinuyo ang luhaan niyang mukha. 

"Lana, will you marry me?" hindi nagtagal ay narinig narin ng dalaga ang tanong na iyon.

Parang nananaginip paring tinitigan ng dalaga ang mukha ng lalaking noon ay sa pangarap lang niya nakakasama. Hindi siya makapaniwala na ito rin ang nakatayo sa harapan niya ngayon at humihingi ng matamis niyang oo habang hawak ang isang singsing na alam niyang isusuot nito sa kaniyang daliri.

"Y-Yes," ang maikli niyang sagot saka muling napaiyak. "it will always be a yes Andrew..."  ang gusto pa sana niyang idugtong pero minabuti niyang huwag nalang.

Mahigpit siyang muling niyakap ng binata matapos nitong isuot ang singsing sa daliri niya. "You are mine, forever" bulong nito bago muling itinaas ang kaniyang mukha para naman sa isang maalab na halik.

Sandali lang ang halik na iyon at pinakawalan rin siya ng binata. Ang totoo nabitin siya at gusto sana niyang humirit ng mas matagal pa pero iba pala ang plano ni Andrew.

"I know you're a good dancer" bulong nito.

Saka palang niya napuna na iisang pyesa lang ang paulit-ulit na tinutugtog ng violinist. "Yeah, pero matagal na akong hindi sumasayaw. I doubt kung marunong pa ako" bulong niya na sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.

Maganda ang ngiting tumitig sa kanya ang lalaki saka ipinosisyon ang kamay niya sa balikat nito. "Do you dance waltz?" tanong nito pagkuwan.

Napangiti si Lana. "Madali lang iyon" aniyang ngiting-ngiti habang hindi maitago ang kakaibang kasiyahan sa kaniyang tinig.

Tumango-tango si Andrew. "Good, ikaw naman ang magdadala this time" anito.

Alam niyang biro lang iyon pero hindi parin napigilan ni Lana ang matawa ng mahina. "Ano na ngang title ng kantang iyan?" ilang sandali pagkatapos habang sinasabayan nila ang musika.

"Maybe The Night, iyan ang theme song natin, okay?" wika ni Andrew na niyuko siya at muling hinalikan habang nagsasayaw sila.

Kung gaano kaligaya si Lana nang mga sandaling iyon, hindi niya masabi. Pero hindi naman niya kailangang sabihin ang lahat hindi ba? Hindi naman kailangang ipaalam palagi sa salita kung ano ang totoong nararamdaman, kasi ang totoong pagmamahal nararamdaman iyon ng puso. 

I'll stop telling you I love you not because I'm tired but because maybe, you'll feel it more in my silence... Ang kabilang bahagi ni Lana habang tinutugon ang mainit na halik sa kaniya ni Andrew.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.