GAYA narin ng gustong mangyari ni Andrew ay natuloy sila sa pagdalaw kay Sam nang araw ring iyon matapos ang ballet class ni Andrea. At dahil nga nabanggit narin ng binata sa kaniya na alam ng kapatid nito na darating sila ay hindi na siya nagtaka nang abutan nila ang maraming nakahandang pagkain para sa kanila na si Sam mismo ang naghanda.
"Do you like the food, sweetie?" ang malambing na tanong ni Sam kay Andrea matapos ubusin ng una ang lahat ng pagkain nito sa plato.
Tumango si Andrea saka gumanti ng ngiti sa tiyahin. "Yes, ang sabi po ni Daddy chef kayo, is that true, Tita?"
Amuse na sinulyapan ni Sam ang kapatid na si Andrew at siya pagkatapos.
"Yes, actually nag-bake nga ako ng cookies, donuts at cake para sa'yo. Ang gusto ko iuwi mong lahat iyon mamaya para matikman din ng lola mo ha?" ang mabait na winika ni Samantha sa pamangkin nito na kung tutuusin ang parang batang version ng nauna.
Humagikhik si Andrea. "Matutuwa po si Lola sa inyo kasi mahilig siya sa donuts," ang bata.
Matagal na pinakatitigan ni Sam ang mukha ng pamangkin. Nangingislap ang mga mata nito at halatang aliw na aliw sa anak niya.
Matamis ang ngiti na pumunit sa mga labi ni Samantha. Pagkatapos ay ibinuka nito ang mga braso saka tinawag ang bata.
"Come here, baby," anito.
Si Andrea naman ay agad na tumayo at yumakap sa tiyahin. "You know what?" si Sam ulit sa pamangkin.
"What?" si Andrea.
"I think magkamukha tayo? Hindi ba?" napangiti si Lana sa sinabing iyon ng nakababatang kapatid ni Andrew.
"Payag ka ba doon anak? Magkamukha kayo ng Tita mo?" si Andrew na ngiting-ngiti siyang nilingon.
Pasimpleng tinapik ni Lana ang hita ni Andrew mula sa ilalim ng mesa. Inaalala kasi niya na baka mapikon si Samantha pero iba ang nangyari pagkatapos. Dahil masuyong ginagap ng binata ang kaniyang kamay saka iyon marahang pinisil pagkatapos.
"Maganda si Tita Sam hindi ba anak?" pagsasabi ni Lana ng totoo.
Tumango ng magkakasunod si Andrea.
"I think Ninong Marius will like her too, kasi I like you very much Tita" anito sa tiyahin.
Natawa si Sam sa sinabing iyon ni Andrea. "Ninong Marius huh!" anito pang sinundan muli ang sinabi ng isang mabining tawa.
"THANK YOU for bringing Andrea here Lana. Hindi mo alam kung gaano mo akong napasaya," si Sam nang nasa garden na sila habang ang mag-amang Andrew at Andrea naman kasalukuyang nagba-bonding sa may swing.
Maganda ang ngiting pumunit sa mga labi ni Lana saka pinagmasdan ang magandang mukha sa kaniyang harapan. "Thank you rin at tinanggap ninyo kami ng anak ko," totoo iyon sa loob niya.
Mabining tawa ang naglandas muna sa lalamunan ni Sam bago ito nagsalita. "Bakit naman hindi? Mula nang dumating kayo parang pakiramdam ko nawalan ako ng alagaing bata sa kapatid kong iyan," anitong inginuso si Andrew pagkatapos.
Wala sa loob na napadako ang paningin ni Lana kina Andrew at Andrea. Humaplos ng husto sa damdamin niya ang magagandang ngiti ng kaniyang anak. Pati narin ang maliliit nitong tawa habang maingat na isini-swing ni Andrew ang bakal na garden swing.
"Hindi ko naisip minsan man noon na pwede palang maging ganito kasaya ang anak ko'" pagsasabi niya ng totoo saka makahulugang nginitian si Sam.
Tinitigan lang siya ni Sam kaya naman nagpatuloy siya. "Akala ko noon sapat na ako at si Mama Cecille sa buhay niya. Well, habang lumalaki siya kasama naman talaga namin si Marius."
Sa huling pangalang binanggit niya at nakaramdam ng pangungulila si Lana para sa matalik na kaibigan. Ilang araw narin kasi siyang walang balita mula rito.
"Marius?" Ang naitanong ni Sam.
"Best friend at kababata ko. Ninong rin siya ni Andrea sa binyag," pagpapaliwanag ni Lana.
Tumango-tango si Sam. "Okay, so ibig sabihin si Kuya lang talaga ang lalaking nagdaan sa buhay mo?"
Sa huli at nahimigan ni Lana ang tila panunukso sa tinig ni Sam.
Natawa ng mahina roon si Lana. "I actually had a boyfriend when I was in college. Iyon lang."
Ngumiti si Sam na halatang nasiyahan sa sagot niya.
"Tell me Lana, nabanggit sa akin ni kuya na bahay pala ninyo dati iyong nabili niyang bahay kay Tita Tina. You know what? Kami ni Tita Tina ang nakakita nung picture ni Kuya sa wall."
Makahulugan ang winikang iyon ni Sam at hindi maunawaan ni Lana kung para saan kaya naman nagtatanong ang mga mata niya itong pinakatitigan na nakuha naman nito ang ibig sabihin.
"Tell me, mahal mo ba ang kuya ko? Hindi bilang isang fan okay? Kundi bilang isang babae?" pabulong pero walang gatol nitong tanong.
Agad na napipilan si Lana sa tanong na iyon. Titig na titig sa mga mata niya si Sam at halatang kahit hindi siya sumagot ay alam na nito ang sagot.
"S-Sam, please?" pakiusap niya saka tinitigan ng may pakiusap rin ang kausap.
Tumango-tango muli si Sam saka siya mabait na nginitian.
Ginagap nito ang kamay niya saka marahang pinisil.
"So mahal mo nga siya, hindi ba?" anito pa.
Hindi nakapagsalita si Lana kaya naman muli niyang narinig si Sam.
"Don't worry, I won't tell him. I promise you that you can trust me" nasa tono ni Sam ang katiyakan.
Hindi alam ni Lana pero kahit iyon pa lamang ang unang pag-uusap nila ni Sam ay nakuha na nito ang buong tiwala niya at totoong magaan ang loob niya sa dalaga.
"Alam mo after ni Richard, wala na akong ibang lalaking minahal maliban kay Andrew" pagsasabi niya ng totoo.
Lalong gumanda ang pagkakangiti ni Sam dahil sa sinabi niyang iyon.
"Kaya siguro nung magkaroon ako ng chance para maisakatuparan ang lahat ng pantasya at pangarap ko tungkol sa kanya naging marupok ako ng sobra. Kaya nga nabuo si Andrea," pag-amin pa ni Lana.
"Bakit hindi mo aminin kay kuya ang totoong nararamdaman mo?" ang pabulong muling tanong ni Sam.
Tumawa ng mahina doon si Lana. "Hindi ba mas maganda kung siya ang unang aamin? Although malambing at mabait siya, ayokong magpadala sa lahat ng kahinaan ko sa lahat ng pagkakataon," paliwanag ni Lana.
Nagkibit ng mga balikat niya si Sam. "Sabagay, may point ka. Anyway, huwag kang mag-alala, isisikreto ko ito" si Sam.
Ngumiti si Lana. "May tiwala ako sa iyo," sagot naman ng dalaga.