BOOK 1: LET ME STAY WITH YOU
“MY ONLY love sprung from my only hate! Too early seen unknown, and known too late! Prodigious birth of love it is to me, that I must love a loathed enemy…”
Natutuwang pumapalakpak ang limang taong gulang na si Cassandra o Casey sa mga nakakarami habang pinapanood siya nitong dumula sa harap nito. Sa ngayon ay napagkatuwaan na naman nilang dalawa na mag-perform siya sa mesa ng maliit at hindi kalinisang apartment na inuupuhan nilang dalawa na mag-ina. Mabuti na lamang at may kapayatan siya kaya naman hindi bumigay ang mesa habang binibigkas ang isang linya sa sikat na stage play na Romeo and Juliet.
“Ang galing-galing talaga ng Mommy ko!” nakangiting papuri sa kanya ni Casey. Katabi pa nito ang isa sa mga manika na pinulot nito sa isang tambak ng basura hindi kalayuan sa apartment nila. Halos sira na iyon nang una nito iyong makita. Gayunpaman ay pinilit niyang ayusin iyon para sa ikaliligaya ng anak niya. Mahilig ito sa mga laruan lalo na sa mga manika kaya naman kahit papaano ay gumagawa siya ng paraan para makuha nito ang gusto nito.
Sa edad na lima ay marami ang nakakapansin na maganda ang batang si Casey. Pinaalala nito sa kanya ang ama nito kanila sa itsura nito. Kamukhang-kamukha nito iyon. Marami ang nagsasabing maari nga niyang ipanlaban si Casey sa iba’t ibang pangbatang beauty contest pero tumatanggi siya.
Mahirap lamang sila. Ngunit kahit ganoon, mahal na mahal niya ang anak niya. Kung mawawala ito ay parang inalisan na din siya ng buhay. Ito lamang ang tanging dahilan kung bakit ninais pa niyang mabuhay sa mundo.
Sa ngayon ay beinte-kuwatro anyos na siya pero ang pakiramdam niya ay nasa trenta na ang anyo niya. Kung titignan ang physical features niya, malayong-malayo iyon sa edad niya. Losyang na ang itsura niya. Ang dating Marianne Picardal na sikat noon bilang isang theater actress ay nauwi na lang bilang isang simpleng maglalaba sa isang barangay na iyon sa may Tondo. Wala na ang dating kasikatan at ganda niya. Nawala iyon anim na taon na ang nakalilipas.
Napatingin siya sa dahilan kung bakit nagkaganoon ang dapat ay maganda ng buhay niya. Hindi niya ito sinisi pero hindi niya maiwasang manghinayang. Kung sana ay hindi dumating si Casey sa buhay niya, malamang ay sikat na sikat na siya ngayon.
Pero kung hindi ito dumating, hindi rin niya mararanasan ang saya na maging isang ina ng batang katulad nito. Lahat ng mga nasirang pangarap niya ay unti-unti niyang natanggap dahil sa pagdating nito. Napakasuwerte niya na magkaroon ng isang anak na katulad ni Casey.
Bumaba siya ng lamesa at lumapit sa anak niya. Hinalikan niya ito sa pisngi . “O, pwede ka na bang matulog, baby?”
Ngumiti ito at tumango. “Opo, Mommy. Nakita na kitang mag-perform kaya masaya na ako. Makakatulog na po ako nang mahimbing.” Wika nito sa masayang tinig at hinalikan pa siya sa pisngi.
Sabay silang humiga sa maliit na banig sa may tapat din ng lamesa na pinag-perform-an niya kanina. Hinalikan niya muli ito at binantayan ito hanggang sa makatulog ito.
Nais na din niyang matulog pero may mga bagay na bumabagabag sa kanyang isip nitong mga nakaraang araw. Mga bagay na tungkol sa kalagayan ni Casey.
Gusto niyang mapaiyak nang maalala ang sinabi sa kanya ng doctor na pinagpa-check-up-an niya dito isang linggo na ang makalipas. Dinala niya si Casey sa doctor para patignan dahil palagi daw nasakit ang dibdib nito. Natakot siya sa maaring mangyari dito kaya naman kahit gipit ay sinikap niyang madala sa ospital ang bata para mapatignan. Ganoon na lamang ang panlulumo niya nang marinig ang salitang binitawan ng doktor sa kanya.
“May Rheumatic Heart Disease ang anak niyo, Miss Picardal.” Aniya sa kanya ng doctor na pinagpatignan niya kay Casey.
Hindi siya makapagsalita sa narinig. Ang marinig na may sakit sa puso ang kanyang anak ay dumudurog na sa puso niya. Nagpatuloy ang doctor sa pagsasalita. “Ang sakit na ito ay genetic o hindi kaya ay naa-acquire sa kapaligiran nito kung saan ito isinilang at lumaki. Pero sa nakikita ko naman ay wala kayong sakit na ganito, `di ba?”
Umiling siya. Wala siyang ganoong karamdaman. At sa pagkakaalam niya, kahit ang ama nito ay wala ding ganoong sakit.
Nagpatuloy ang doktor sa pagsasalita. “Kaya sa palagay ko ay hindi genetic ang pinagmulan ng sakit ng bata. Malamang ay dahil iyon sa environment nito. But don’t worry, makakaya namang gamutin ang sakit na iyan lalo na ngayon at bata pa siya. Maari itong maiwasan mag-develop kung sakaling palagi siyang iinom ng antibiotics na irereseta ko sa kanya at kung palagi din siyang magpapakonsulta sa doktor...”
Hindi niya alam kung ano ang gagawin nang marinig niya ang pahayag ng doktor. Mahal ang mga gamot na inireseta nito at mahal din ang pagpapa-check-up na in-advice nito na gawin nila linggo-linggo upang mabantayan ang bata. Mahina ang kita niya bilang labandera kaya naman mahihirapan siya lalo sa lagay ng bata.
Hindi niya mapigilang umiyak sa alaalang iyon. Paano na siya kapag nawala sa kanya si Casey? Paano kung tuluyan itong magkasakit at iwan siya? Hindi niya makakaya na iwan ng anak niya. Handa siyang gawin ang lahat para lang mapagaling ito. Pero ano ba ang magagawa ng isang simpleng labandera at losyang na babaeng katulad niya? Magagawa kaya niyang solusyunan ang isa pang dagok na dumating sa buhay niya?
“MOMMY, nahihirapan po akong huminga,” Wika sa kanya ni Casey habang nagluluto siya ng hapunan. Agad na pinatay niya ang kalan at dinaluhan ang bata na sapu-sapo ang dibdib habang nasa may lamesa ito at nakaupo. Agad ang pagbangon ng kaba sa dibdib niya nang makita ang mukha ng bata. Namumutla ito!
“Diyos ko, Anak!” natatarantang wika niya at niyakap ito. “Ano’ng nangyayari sa `yo?”
Pilit itong huminga nang malalim pero halatang nahihirapan ito sa ginawa. “Mommy, ang sakit...”
Tinawag niya ang kapitbahay na si Rica para tulungan siya. Takot din ang nasa mukha nito nang makita si Casey. “Oh my God, Casey! Dalhin na natin siya sa ospital!”
Wala silang sinayang na oras dalawa. Isinugod nila sa ospital ang bata. Agad naman itong dinaluhan ng doktor para tignan. Pinaiwan sila ng doktor sa labas ng emergency room. Makalipas ang halos beinte minutos na pag-iintay ay lumabas ang doktor para kausapin siya.
“Hindi mo sinunod ang utos ko, right?” sabi sa kanya ng doktor na parehong doktor din na tumingin kay Casey halos dalawang linggo na ang nakaraan.
Nagyuko siya ng ulo. “Hindi ko po kaya, Doc. Mahirap lang po kami.”
Bumuntong-hininga ang doktor. “Kailangan natin siyang ma-operahan, hija.”
Parang sinaksak ang dibdib niya sa narinig. “Ho?”
“Dahil sa hindi natin nagawa ang paunang lunas sa sakit niya ay lumala ang sakit.”
Naguguluhang tumingin siya sa doktor. “Po? Halos dalawang linggo pa lang naman ang nakakaraan, ah? Bakit ang bilis naman?”
“Iba ang kaso ni Casey. Matagal nang nararamdaman ng bata iyon. Nang kinausap ko siya kanina ay sinabi ng bata na nitong mga nagdaang buwan ay madalas niyang nararamdaman iyon. Hindi lamang daw nito sinasabi iyon sa `yo dahil ayaw ka niyang mag-alala. Ngunit nitong mga nakaraang linggo ay hindi na daw niya matiis na hindi sabihin sa `yo.” Paliwanag ng doktor sa kanya. “Mabait na bata ang anak mo, Marianne. Naiintindihan ko siya dahil ayaw niyang mag-alala ka sa kalagayan niya. Pero dahil sa kabaitang iyon, mas lalo pang lumalala ang sakit niya. I’m sorry but we really needed the operation as soon as possible dahil kung hindi ito maagapan ay mas lalo pa iyong lalala. Baka hindi na maging normal ang buhay niya kung hindi `yon maagapan agad ng operasyon.”
Para siyang natunaw na ice cream nang matapos marinig ang sinabi ng doktor. Nanghina siya nang husto. Pakiramdam niya ay papanawan siya ng malay sa mga sandaling iyon.
Pumasok siya sa loob ng emergency room at nakita doon si Casey na ngayon ay tulog na. May nakasalampak na oxygen sa ilong nito habang nakahiga. Nakakaawa ang lagay ng anak niya. Naiiyak na siya ng mga sandaling iyon ngunit pinigilan niya. Kailangan niyang maging matatag para kay Casey. Kailangan niyang lumaban. Hindi solusyon ang pag-iyak sa problema niya.
Hinagod naman ni Rica ang likod niya. “I’m sorry, Marianne. Pero `wag kang mag-aalala, gagawa ako ng paraan para makatulong.”
Dama niya na malungkot din ito sa sinapit ng bata pero alam niyang malabo din na matulungan sila nito. Isa lamang itong manicurista sa kanilang barangay at may dalawang nakababatang kapatid na lalaki na pinag-aaral pa.
“Maraming salamat, Rica. Pero kakayanin ko ito. Kakayanin ko ito ng mag-isa.”
“Marianne...” wika nito sa kanya. Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa ng mga sandaling iyon. Nang hindi na niya mapigil ang damdamin niya ay nagpaalam siya kay Rica na may pupuntahan lang sandali upang makaiwas sa pagbabanta ng luha sa kanyang mata. Pumayag naman ito na magbantay kay Casey hanggang sa makabalik siya.
Naglakad siya palabas ng ospital. Pinigil niya ang luha sa mata niya. Tutal ay sanay siya sa gawaing iyon dahil madalas siyang magpigil ng emosyon bilang dating theater actress. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi niya nagawa. Tumakbo siya nang tumakbo na para bang sa pagtakbong iyon ay maiibsan ang sakit na nadarama niya.
Ano ba ang nangyari sa kanya? Ano ba ang nangyari sa buhay niya? Sadya bang may malas na dala ang pag-iwan niya kay Caspian halos anim na taon na ang nakakaraan?
Nasaktan din naman ako, ah? Ngunit bakit sobrang sakit naman ang binalik sa akin?
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang namalayan na lamang niyang tumatakbo pala siya sa gitna ng isang madilim na kalsada. Ni hindi niya napansin ang kotseng dahan-dahan siyang tinutumbok. Mas lalo pa siyang nagulat nang makita niya ang mukha ng isang lalaking matagal na niyang nais makitang muli sa loob ng kotseng iyon.
Ngunit wala siyang nagawa kundi ang tumigil sa gitna ng kalsada dahil sa sobrang gulat sa nakita. At nang siya ay tumilapon sa gilid ng daan ay unti-unting umagos sa isip niya ang nakaraan sa kanilang dalawa ng lalaking nakita….
Six years earlier…
MABILIS na naglalakad si Marianne papunta sa Sto. Niño Building. Mahuhuli na siya sa pang-unang klase niya. Badtrip naman kasi kung kailan pa siya na-late ng gising, kung kailan pa sila may quiz. Sinamahan pa ng mga dala-dala niyang props para sa stage play nila mamaya kaya naman mukhang haggard na haggard na siya umagang-umaga pa lamang.
Nag-ring na ang second bell. Hudyat na magsisimula na ang klase. Umarangkada na ang kaba sa dibdib niya. Lalo niyang binilisan ang paglalakad ngunit sa malas naman niya ay may isa ding lalaking tila nagmamadali ang nakabunggo sa kanya. Naglaglagan lahat ng dala niyang props.
Bumaling siya sa lalaking nakabunggo sa kanya. Napatigil ito sa pagmamadali nang makita ang nangyari sa kanya. Siya din naman ay tila napatigil ang pag-ikot ng mundo nang tumama ang paningin niya sa kulay itim na mata nito.
“I’m sorry, Miss. Nagmamadali kasi ako, eh.” Sabi nito saka dinampot ang mga nalaglag na dala niya. Siya naman ay nanatili pa ring nakatingin dito. Hindi siya makahuma sa angking guwapo nito. In physical aspect, wala yatang maipupula dito. Halos perpekto ang lahat ng features ng katawan nito. High bridge nose, sexy lips and lean body. Biniyayaan din ito ng morenong balat na bumagay naman dito.
Sa height niyang 5’4 ay hindi pa yata umaabot ang bumbunan niya sa baba nito. Nalalanghap din niya ang panglalaking amoy nitong parang pipino. Tila kinikiliti ang kanyang ilong habang nalalanghap iyon. At isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit para siyang na-stun habang nakatitig dito habang pinupulot nito ang gamit niya.
Nang matapos nitong pulutin ang gamit ay kinuha niya iyon dito. Pero sa halip na ibigay sa kanya ay hindi nito binitawan iyon. “Ako na ang magdadala.” sabi nito nang mapansing nagtaka siya. “Saan ba ang klase mo?”
“Ha? Ako na!” wika naman niya saka pilit na kinuha ang gamit dahilan para mahawakan niya ang kamay nito. Ramdam niya ang init na dumapo sa palad niya nang magdait iyon. “`Di ba’t nagmamadali ka?”
Pero hindi pa rin nito ibinigay sa kanya ang gamit. Bagkus ay ngumiti pa ito sa kanya na lalong lamang nagpaguwapo dito. Medyo naiinis siya dahil doon. Hindi siya madaling magsabi na guwapo ang isang lalaki. Sa katunayan nga ay wala siyang masasabing na-crush-an niya na sa 18 years of existence niya sa mundo kahit weird man na isipin iyon.
“Okay lang. Naabala kita at mukhang nagmamadali ka. Let me help you.” Ang sinabi nitong iyon ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan na male-late na nga pala siya sa klase niya. Hindi na rin siya tumanggi sa tulong na in-offer nito sa kanya. Magkasabay silang pumunta sa unang klase niya. At hanggang sa makaalis ito ay hindi niya maggawang alisin ito sa isip niya.
KINABUKASAN ay alas-nuwebe pa lamang ay nasa school theater na si Marianne. Inagahan niya ang pasok niya kahit dalawang oras pa bago magsimula ang unang klase niya. Nais kasi niyang mag-ensayo para sa gagawin nilang mini-stage play sa susunod na linggo.
Mag-isa lamang siya sa loob ng theater habang pina-practice ang linya niya. Bata pa lamang siya ay pangarap na niyang maging isang sikat na theater actress hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Idol niya kasi ang Lola Anastacia na noon ay naging once upon a time great theater actress. Gusto niyang sundan ang yapak ng lola niya. Ngayon ay nasa ikalawang taon na siya sa kolehiyo sa kursong theater arts.
Naka-focus lang ang buhay niya sa pag-arte. Gusto niyang maabot ang pangarap niya kaya siguro hindi rin siya magkaroon ng crush kahit disi-otso na siya. Isa pa ay ayaw din niyang maranasang umibig. Kahit na medyo marami namang nagpapansin sa kanya sa university na pinapasukan niya, hindi niya pinagtutunan ng pansin. Ang tingin niya kasi sa pag-ibig ay isa lamang hadlang sa pangarap niya. Katulad na lamang ng nangyari sa kaibigan at dating ka-member sa drama club na si Gia.
Gia is a very good actress. Marami ang napapahanga sa galing nito sa pag-arte at kasama na siya doon. Maganda ang career nito hanggang sa makilala nito si Bart—isa sa mga sikat din na estudyante sa eskwelahan nila. Nagkagusto ito kay Gia at niligawan nito ang dalaga. Hindi nagtagal ay nagkaroon ng relasyon ang dalawa dahilan upang mapabayaan ni Gia ang career nito sa entablado. Masyado kasing maarte sa mga bagay si Bart. Ang gusto nito ay palaging nandito ang atensyon ng dalaga.
At nang dahil doon, walang nagawa si Gia kundi ang i-give up ang magandang career nito. Ang dahilan nito ay mahal nito nang sobra si Bart kaya gagawin nito ang bagay na iyon para sa ikasisiya ng nobyo nito.
Gusto niyang sabihan ng “tanga” ang kaibigan niya dahil ang laki ng isinakripisyo nito para lamang sa nobyo nito. Tinanong niya ito kung maluwag ba sa dibdib nito ang ginawang desisyon. Um-oo ito pero naramdaman niyang may panghihinayang din ito sa pagsasakripisyo sa career nito.
Dahil sa nangyaring iyon, naisip niya na mahirap pala ang umibig. Isa lamang iyong panira sa buhay. Mataas ang pangarap niya kaya naman hindi niya kailangan ng distraction. Hindi niya kailangan ng pag-ibig.
Nasa ganoon siyang pag-iisip at katayuan nang marinig niyang ang isang pares ng paa na tila lumalapit sa stage na kinaroroonan niya. Mag-isa lang siya sa loob ng theater nang pumasok siya para mag-practice. Agad na napatingin siya kung sino ang may-ari ng mga iyon. Ang mukha ng lalaking nakabanggaan niya kahapon ang bumungad sa mata niya.
“Hi,” sabi nito at ngumiti. Umupo ito sa pangalawang row ng upuan. “Ang galing mo palang umarte,”
Bumaba siya ng stage at lumapit dito. Nahiya na tuloy siya. Ayaw niya kasing pinapanood siya habang nagpa-practice mag-isa. “Bakit ka nandito?”
“Wala lang. Pinapanood ka. Nakita kasi kitang pumasok dito kanina kaya na-curious ako at pumasok dito.”
“Hindi ka puwede dito. Mga theater arts student lang ang puwedeng pumasok sa school theater,” kilala niya ang lahat ng theater arts student sa university na iyon kaya naman nasisiguro niyang hindi ito isa sa mga iyon.
Tumaas ang isang kilay nito. “At sino naman ang nagpanukala ng batas na iyan? So ibig sabihin kapag may play kayo bawal din pumasok ang mga engineering students?”
“I mean kapag mga walang play.”
“I see. But I just want to see you.”
Siya naman ang nagtaas ng isang kilay dito. “At bakit gusto mo naman akong makita?”
Tila napaisip naman ito sa tanong niya saka nagkamot ng ulo. “Ahmm. Gusto lang sana kitang yayain this afternoon para kumain ng merienda or dinner if you want to. Puwede ba?”
“At bakit mo naman ako gustong yayaing mag-dinner?”
“I want to know more about you. Sa mga nasagap ko kasing balita sa `yo, parang napaka-private ng buhay mo.”
“So you do a research for me? At ano namang interisante sa akin at gusto mo pa yatang ipa-public viewing ang buhay ko?”
“I don’t know. There is something about you that makes me feel something weird.”
Kumunot naman ang noo niya. “Weird? And what is that?”
“I don’t know. Basta. Puwede ka ba mamaya? Susunduin na lang kita sa last class mo. Room401A right?”
Aba’t alam ang schedule ko. Mukhang nag-research nga. “Paano kung umayaw ako?”
“Malulungkot ako. I want to be your friend.”
“Bakit mo naman gustong makipagkaibigan sa akin?”
Nagkibit-balikat ito. “M-maybe because…” doon niya napansin na mukhang nag-ii-stutter pala ito habang kausap siya. Sinabutan pa nito ang buhok. Medyo may inis sa boses nito nang nagsalita. “Basta! Puwede bang `wag ka na lang matanong? Merienda lang naman, eh. Hindi naman siguro ako mukhang rapist para tumanggi ka sa paanyaya ko!”
Natawa siya bigla sa sinabi at ginawa nito. “Ang defensive mo naman. Paano ako sasama sa `yo niyan? Eh ni pangalan mo nga hindi ko pa alam.”
Mukha namang napahiya ito sa sinabi niya. Tumayo ito at nilahad ang kamay nito sa harap niya. “I’m Caspian Cameron Marasigan. Marianne Picardal, right?”
Ngumiti siya at tinanggap kamay at paanyaya nito. After all, pagkakaibigan naman ang gusto nito. Kahit na medyo may pagkamataray siya, may pagka-friendly din naman siyang tao. Saka mukhang mabait naman ito at harmless. Isa pa ay may ibang halina din sa kanya ang lalaking ito na ewan niya ba kung bakit parang nagpapa-smile sa puso niya.
“SO MAG-ISA ka lang dito sa Pilipinas?” tanong niya kay Caspian habang nagdi-dinner sila sa isang sikat na restaurant malapit sa university na pinapasukan nila. Katulad ng sinabi nito sa kanya kanina ay sinundo nga siya nito pagkatapos ng klase niya. Habang nasa biyahe sila papunta sa restaurant ay marami silang napagkuwentuhan. Masarap pala itong kausap. Marami-rami na rin siyang nalaman tungkol dito kahit wala pang isang oras silang magkasama.
Nalaman niyang 5th year Industrial Engineering student pala ito at running for Cumlaude sa darating na graduation. Base din sa itsura at kotse nito ay mukhang mayaman ito. Ang kotse nito, sa pagkakaalam niya ay noong isang taon lamang ni-launch at kakaunti pa lamang ang mayroon sa buong Pilipinas. At home na at home naman ang pakiramdam niya habang kausap ito.
“Yes. Nasa Canada na ang buong pamilya ko. Nagpaiwan lang ako dito sa Pilipinas.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit ka naman nagpaiwan?”
“I don’t want to study or work in other country. Sayang naman ang talino ko kung ise-share ko iyon sa ekonomiya ng bansang hindi ko naman sinilangan.”
Napatango-tango siya. So loyal pala ito sa Pilipinas. Hanga din siya sa pananaw nito. Bibihira na ang isang kagaya ng lalaking ito.
“So ikaw, where are your parents?”
“Nasa Batangas sila. Mag-isa lang ako dito sa Manila.”
“Oh. I see. So mag-isa ka lang din sa dorm or apartment?”
“Apartment. Ayaw ko sa dorm, mainit at masikip. And yes, mag-isa lang ako.”
“No friends… or boyfriend?”
“Mag-isa nga lang, `di ba? Bingi? Hindi nakakaintindi?” natatawang sabi niya.
Tumawa naman ito. “Nanigurado lang. So wala ka talagang boyfriend?”
Umiling siya. “Bakit mo naman natanong?”
“Wala lang. Baka mamaya kapag nakita niya akong kasama niya, hagarin ako ng suntok.”
“So duwag ka kung sakali?”
“Hindi, ah. Ayaw ko lang ng away,” sabi nito saka lumawak ang ngiti. “You know what, I enjoyed this day. I enjoyed being with you. Next time, dinner ulit tayo. Treat ko muli. Okay lang ba?”
Ngumiti din siya. “Sure. Basta libre hindi ako tumatanggi sa grasya!”