With You Series Chapter 28

MAHIGIT ISANG linggo na ang lumipas simula nang maglipat bahay si Frances sa bahay ni James. Isang linggo na rin siyang nanilbihan dito. So far ay okay naman ang lahat ng nangyayari sa pagitan nilang dalawa---except nga lamang sa pagtagal ng mga araw ay ramdam na ramdam niya ang summer kahit airconditioned naman ang buong bahay ni James. Paano kasi ay talagang hobby nito ang pagbabalandra ng katawan nito sa harapan niya. Pero in a way naman ay natutulungan rin naman siya nito dahil unti-unti nitong ginagamot ang sakit niya.

Kahit madalas ay nawawala siya sa sarili niya dahil sa pagiging hubadero nito ay lumilikot naman ang isipan niya kaya naman may benefit rin siyang nakukuha mula dito. Lalo na ngayon sa ginagawa niyang series. Nasa batch two na siya ng series niya at nahihirapan siyang tapusin ang huling book sa batch na iyon kaya kailangan talaga niya ng inspirasyon.

Dahil sanay na naman siya sa gawaing bahay ay hindi na mahirap sa kanya ang trabahong ibinigay sa kanya ni James upang maging kabayaran sa mga salaaming aksidenteng nabasag niya. Maganda ang townhouse nito pero hindi naman iyon ganoon kalaki kaya hindi siya nahihirapan sa paglilinis. Pagkatapos niyang gawin lahat ng responsibilidad niya sa bahay nito, sa pagkain at pati na rin kay Robbie ay marami pa rin siyang oras para sa pansarili naman niya. Kapag ganoon ay nagsusulat siya. Pakiramdam nga niya ay katulad lang din ng buhay niya ang buhay na mayroon siya sa apartment niya noon dahil ganoon lang din naman ang ginagawa niya. Ang kaibahan nga lamang noon sa ngayon ay mas maganda ang bahay nito kaysa sa kanya at pati na rin siyempre na may kasama siya sa tinitirahan niya ngayon.

Kung noong una ay nabubuwisit siya sa usaping makakasama niya ito sa iisang bahay, ngayon ay hindi na dahil pinagkakakitaan rin naman niya ito. Kapag nakikita niya palagi ang nakabalandrang abs nito, hindi na siya ganoong nawawala sa sarili niya. Sa halip ay nai-inspired siya. Noong una lamang siya naiilang at nagtatago pa nga minsan sa kuwarto niya kapag nakikita niya itong nakahubad. Napapansin niyang paraan nito iyon ng pang-iinis sa kanya. Pero dahil nasanay na rin siya at ginagawa niya pang inspirasyon iyon, hindi na siya naiinis pa. Napapansin naman nito iyon at ramdam niyang iyon naman ang nagiging frustration nito sa kanya. Hindi kasi ito nagtagumpay sa orihinal na plano nito.

“Stop looking at my abs,” saway pa nito sa kanya nang mahuli siya nitong nakatitig sa katawan nito. Mag-a-alas onse na noon ng gabi pero dahil routine daw nitong manood ng late night news every Friday night dahil walang pasok kinabukasan, iyon at sinasamahan siya nitong maglamay sa ginagawa niyang manuscript. Madalas kasi ay mga ganoong oras siya madalas nagsusulat at ngayong gabi ay tibang-tiba naman siya dahil nasa tabi lamang ito.

“At bakit naman? `Di ba’t gustong-gusto mo nga na ibalandra `yan?”

“Naiilang na ako ngayon,”

“`Di ko na problema `yun. This is a free country. Kung naiilang ka, edi isuot mo `yang T-shirt sa likod ng sofa,”

“Ayaw ko nga. I’m comfortable being shirtless around my house and I will follow what I want to because this is my house,”

“Okay,” balewalang sabi niya saka itinuloy muli isinusulat niya. Parang nairita naman ito dahil sa pande-deadma niyang iyon. Napapansin niyang kapag pinaparamdam niya rito na hindi siya naapektuhan sa mga ginagawa o sinasabi nito ay ganoon ang nararamdaman nito. Kaya naman kahit na ba minsan ay gusto niya rin na makipaglokohan dito, tinitigil na rin niya dahil trip niya rin na asarin ito.

“Itigil mo nga muna `yang pagsusulat mo at magluto ka ng midnight snack ko. Madali ka!” biglang utos naman nito sa kanya.

Pinamaywangan niya ito. “Senyora Santibañez, ikaw ba `yan?”

“Oo. At dahil ikaw ang katulong ko rito, ikaw si Facundo,” ngingisi-ngising sabi nito. “Magluto ka ng popcorn at gusto ko yatang manood ng movie ngayon,”

Dahil na rin sa pagtira nila sa iisang bahay ay napansin niyang may pagkaloko-loko si James. Makulit rin ito at maraming alam na biro. Hindi niya alam na may side pala itong ganoon dahil noon naman ay hindi ito ganoon sa kanya. Madalas ay seryoso at mabait ito siguro ay dahil nagpapa-impress ito sa kanya. Hindi rin niya nakikitang makulit ito sa eskuwelahan nila noon o siguro ay dahil noon pa man ay hindi naman talaga niya ito pinapansin. Hindi niya ganoon kakilala si James noon dahil nga parang wala naman siyang pakialam sa mundo noon. Hindi rin niya ito priority. Pero kahit naman makulit ito ngayon kaysa sa kilala niyang James noon ay may kabaitan pa rin naman ito. Ni hindi nga nagpapatawag ito ng “sir” sa kanya. He just wants her to call him on his name. Napansin niyang hindi rin ito ang tipo ng amo na pala-utos at “alipin” talaga kung ituring ang kasambahay nito. Ganoon daw rin ito sa mga dating kasambahay nito. Kung inuutusan man siya nito ay ganoon lang ang asta nito, may halong biro. Madalas nga ay sinusuway niya pa ang mga inuutos nito sa kanya at hindi naman ito nagrereklamo. Gusto rin niya sanang suwayin ito ngayon dahil may ginagawa siya pero dahil parang nagutom rin siya sa pagkaing sinabi nito ay sinunod na rin niya iyon. Hindi naman madamot si James pagdating sa mga pagkain nito kaya alam niyang makakuha rin siya.

Pagdating sa kusina ay inilabas niya ang popcorn at inilagay iyon sa microwave. Nang maluto ay kumuha siya ng dalawang mangkok para maging lalagyan noon---para sa kanya at para dito. Nang makabalik sa sala ay nakita niyang inaayos nito ang home theatre ng TV nito at naglagay ng DVD sa player noon.

“Anong panonoorin mo?”

Itinaas nito ang case ng DVD nito. “Ghajini?” basa niya sa title ng movie.

Tumango ito. “I love Bollywood movies, lalo na kapag movies ni Aamir Khan. For me, he’s the greatest actor ever,”

“`Di ba siya si Rancho ng three idiots?” Crush niya si Rancho ng three idiots. Kahit kasi medyo kahawig nito si Mr. Bean, nagustuhan niya ang role nito doon. His character and the movie is really inspiring.

“Yes. That movie is a superb. Nang dahil sa movie na `yun, nahilig ako sa Bollywood films. And I am glad I did dahil halos lahat yata ng napanood ko na Bollywood movies ay magaganda kahit mostly ay three hours ang duration. Aside from three idiots, this one is also my favorite,”

Kinuha niya ang case ng DVD at pinakatitigan iyon. “Bakit ganito ang cover nito? Action ba ito? Parang hindi naman ito si Rancho, eh,” malaki kasi ang katawan ni Aamir Khan roon samantalang hindi naman ganoon ang katawan nito sa three idiots.

“Panoorin mo na lang kung gusto mo,” sabi nito at nang natapos makapag-set up ay prenteng umupo na muli sa sofa nito. Naisip naman niyang tumingin-tingin na lamang habang nagsusulat at kung magugustuhan niya ang movie ay saka siya titigil.

Sa una ay naiintriga siya sa pelikula pero dahil hindi siya makaramdam ng romance katulad ng hinahanap niya sa isang pelikula, medyo na-bore siya. Saka lang siya ginanahan nang bumalik sa nakaraan ang kuwento dahil may halo rin palang love story iyon. Pinatay niya ang laptop at sinamahan na si James sa panonood.

“Nakakasabog ovaries naman ang kaguwapuhan nitong si Sanjay,” nangangarap pang sabi niya habang nakatingin sa bida. Sanjay ang pangalan ni Aamir Khan sa pelikula. Kung cute itong tignan sa three idiots ay ang guwapo at hot naman nito sa Ghajini sa role nitong CEO ng isang cellphone company.

“Watch your words, Frances. Parang hindi ka babae,” puna sa kanya ni James.

“Oops, Sorry,” Nawawala talaga siya sa sarili niya kapag nakakita siya ng guwapo. Kung kada-fifteen minutes lamang ang tinatagal ng alaala ni Sanjay sa pelikula dahil may short-term memory loss ito, siya naman ay may sakit yata na nawawala ang sarili kapag nakakita ng mga kalahi nito.

Katulad na lamang noong una kong nakita si James,

At kahit naman ngayon ay ganoon ka pa rin naman `di ba? Nasasanay ka lang pero deep inside, kinikilig ka pa rin kapag nakikita mo siya, bulong ng isang bahagi ng isip niya.

Gusto niyang mapabuntong-hininga sa naisip. Pinipilit niyang huwag ma-attract kay James dahil alam niyang sa dulo ay masasaktan lang din naman siya dahil sa kaalamang may Angeline na sa buhay nito. Hindi pa man nito pinapakilala o pinapakita man lang sa kanya sa picture ang babae, alam niyang taken na ito. Madalas ay gusto niya itong pagpantasyahan pero dahil alam niyang mali, tinitikis na lamang niya ang damdamin niya.

Wala man siyang experience sa love at masaktan ng dahil doon, nakita naman niya kung ano ang nangyari sa adopted parents niya noon. Kung mag-aasawa siya at ganoon lang din naman ang mangyayari sa kanya ay hindi na lang siya mag-aasawa pa. Siguro nga ay mahirap na mag-isa pero mas mahirap sumugal sa isang pakiramdam na hindi niya ganoong naramdaman bata pa lamang siya. Paano kung subukan niyang magmahal at ganoon rin ang mangyari sa kanya? Ang hindi bigyan ng interes at atensyon kagaya ng ginawa sa kanya ng adopted parents niya? Paano kung bigyan nga siya nito ng pagmamahal pero sa huli ay magkasakitan lang din siya ng mga ito kagaya ng nangyari sa adopted parents niya?

Mahirap i-risk ang puso niya dahil alam niyang kung sakaling masaktan siya ay walang aalalay sa kanya. Kakaunti lamang ang kaibigan niya at hindi niya sigurado kung palaging dadamayan siya ng mga ito sa mga sandaling mangailangan siya ng tulong sa mga ito. Maraming paano ang bumabagabag sa isip niya sa tuwing naiisip niyang gusto rin niyang buksan ang puso niya. At natatakot siya na maaring mangyari ang mga “paano” na iyon. Marami na siyang nabasa at naisulat na romance stories pero palaging nasa isip niya na hindi naman nangyayari iyon sa totoong buhay kaya lalo lamang nagba-back out ang isip niya sa usapang love life.

Isa pa, loving someone is too risky. Sabi nga sa isang kasabihan, love is like heaven but it hurts like hell. At alam niyang hindi lang naman puro heaven ang buhay. Hindi lang puro sarap ang mararanasan mo. At madalas pa nga, pagkatapos ng saya ay darating ang lungkot. Parang seesaw lang ang buhay. May-ups and downs. At sa lagay pa ngayon ng gusto ng puso niya, malamang ay palaging nasa down iyon dahil may nagmamay-ari na ng puso ni James.

Ang saklap lang.

Itinuon na lamang niya ang isip sa panonood. Nag-enjoy naman siya dahil para lang siyang nanonood ng romance comedy na lovestory habang kinukuwento ang nangyari sa nakaraan ni Sanjay. Pero nang bumalik muli sa present ang istorya, pakiramdam niya ay kinilabutan siya. Nakakatakot kasi ang sound effects at mga nangyayari. Sanjay became a murderer again. Napasigaw siya nang dumating sa eksenang nahuli ni Sanjay ang pulis na nagbabasa ng diary nito at sa paghabol nito sa lalaki ay nabangga iyon.

“Ang matatakutin mo naman,” hindi naiwasang magkomento ni James dahil sa inasal niya.

“Ayaw ko lang ng mga may namamatay sa pelikula,”

“Talaga? Paano pa kaya ang mga susunod na eksena diyan? Baka mamaya ay mapayakap ka na sa akin sa sobrang takot, huh?”

“Hanla, marami pang patayan na magaganap?”

Ngumisi ito. “Just watch,” hindi direktang sagot nito.

May isang bahagi ng isip niya na nagsasabing huwag na lamang manood ng pelikulang iyon dahil hindi talaga siya mahilig manood ng mga may patayan na pelikula. Kaya nga hindi rin siya mahilig manood ng mga action films. Pero dahil sobrang naintriga siya, ipinagpatuloy niya ang panonood.

Pero maling-mali pala siya dahil hindi na naman niya napigilang mapasigaw dahil kinalabutan naman siya sa eksena kung saan nasa elevator si Sanjay at pinagtangkaan ang medical student na nagsumbong dito. At sa pagkakataong iyon ay nagkatotoo nga ang sinabi sa kanya ni James na mapapayakap siya rito sa sobrang takot.

“Hmmm...” kahit hindi siya nakatingin ay naramdaman niyang napangisi si James sa naging reaksyon niya. Naramdaman rin naman niya na gumanti ito ng yakap sa kanya na siyang nagpatigil sa kanya sa dapat na pag-alis niya mula sa ginawa niya dahil na rin sa takot niya sa nangyari sa pelikula. Unexpected na mangyayari iyon kagaya na lamang kung gaano unexpected na gagawin niya rin iyon dahil sa pagkagulat niya.

At very unexpected rin itong nararamdaman ko sa kanya.

Inaamin naman niya sa sarili niya na attracted siya kay James. Sino ba naman kasi ang hindi ma-a-attract sa isang kagaya nito? Guwapo, mayaman, matalino at talaga namang kaakit-akit ang katawan nito. Name good things about a man and he is the one. Pero sa isip-isip niya, kung attraction lang itong nararamdaman niya kay James, bakit ganoon naman ka-OA mag-react ang puso niya ngayong niyakap rin siya nito? Dapat ay attraction o di kaya ay pagnanasa lamang ang maramdaman niya dahil libre siyang nakahawak sa kaakit-akit na katawan nito.

Pakiramdam tuloy niya ay pumasok siya sa mundo ng mga nobela niya. Ganoong-ganoon kasi ang mga nararamdaman ng heroine niya kapag napapalapit ang mga ito nang husto sa heroes nito. And that was a feeling of a heroine that is in love.

Pero may girlfriend siya, Frances! You can’t like and most of all fell in love with him.

“I-I’m sorry,”

“Hmmm... Its okay. Kung gusto mo akong yakapin, you are free,”

Kinurap niya ang mga mata niya. “Talaga? Hindi magseselos si A-angeline?”

Saglit na natigilan ito kapagkuwan ay ngumiti. “Hindi naman siguro. Yakap lang naman `di ba? Hindi mo naman ako gagahasain?”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Of course not!” sigaw niya. But on the back of her mind ay may naglalarong kalokohan dahil ang sagot noon ay “puwede rin”.

“Then lets hug each other while watching,” sabi nito at hinigpitan pa ang pagkakayakap sa kanya. “Marami pang mas nakakagulat na eksena dito pagkatapos kaya naman baka mapayakap ka rin naman ulit sa akin,”

She felt like her throat constricted. Sabi ng isang bahagi ng isip niya ay huwag magpadala rito dahil may iba na itong minamahal. Pero ang puso naman niya ay isang napakalaking taksil at parang gusto pang maging “the mistress” ang peg dahil go naman ito nang go. She wanted to be close to him. Or closer even.

Twenty seven ka na, Frances. Hayaan mo namang gumawa ka ng isang bagay na kahit alam mong mali ay makakapagpasaya sa `yo. Tutal minsan lang naman `yan. Sigaw ng puso niya.

Pero ang tanong: Gaano kadalas ang minsan?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.