With You Series Chapter 9

HANGGANG sa makahiga sa kama ay hindi pa rin nakakahuma si Venus sa nangyari. Bakit ba kasi siya masyadong nadala sa mga pang-iinis at mga nangyari sa kanya ngayong araw? Iyan tuloy, isang demonyo ang naka-devirginized sa labi niya. At kulang ang salitang “suklam” para mai-describe kung paano siya nasusuklam sa sarili niya ngayon.

Sa lahat ba ng tao sa buong mundo, bakit ang isang Derrick Ramirez pa ang natiyambahan niya ngayong araw? And worst, ito pa ang unang napag-alayan niya ng labi niya.

Hindi niya akalaing magkikita pa sila ng lalaking una niyang binato ng tsinelas sa inis, binulyawan na parang leon sa galit at binigyan ng kambal na sampal sa pisngi. Ito ang nagparanas sa kanya kung paano mainis nang todo. Nakatanim pa rin sa damdamin niya ang sakit na ginawa nito sa kanya walong taon na ang nakalilipas.

Pero kahit ito ang lalaking nais na niyang burahin ang bulto sa mundo, hindi pa rin maalis sa mundo ang katotohanang ito ang unang lalaking naka-date niya. Nang dahil dito, marami siyang naranasang nakakainis katulad na lamang nang mapahiya sa harap ng crush, mainsulto nang husto at kiligin nang todo. Ang akala pa naman niya ay masuwerte siya noon dahil kahit may namumuo ng samahan sa pagitan nilang dalawa ay hindi siya nito nahalikan. Galit siya dito katulad na lamang ng galit niya sa sibuyas. Malaki ang naging atraso nito sa kanya.

He was the university’s soccer team captain. Halos sambahin ito ng kababaihan dahil sa galing nito sa soccer at sa angking kaguwapuhan nito. Samantalang siya ay naiinis sa pagmumukha nito. Nayayabangan kasi siya dito, Pero dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari ay kailangan niyang makisama dito. Nalaman kasi nito ang pagpapantasya niya sa co-player nito sa soccer na si Franz Ian Alquino.

Lihim niyang pinagpapantasyahan si Franz Ian. Kahit ang mga ka-close niyang kaibigan ay hindi alam ang lihim na pagsinta niya dito. Tanging ang diary lamang niya ang nakakaalam noon dahil sa diary na iyon nakalista ang lahat ng mga magaganda niyang memories sa binata. Katulad na lamang ng una niyang pagkakita dito, kung bakit niya ito nagustuhan at kung papaano siya nag-e-effort na mapansin nito kahit alam niyang hanggang ambisyon lamang niya ang mapansin ng isang katulad nito.

Pero dahil taglay niya ang katangiang pagiging “clumsy” sa bagay-bagay ay naiwan niya ang diary sa bleachers sa soccer field ng university isang hapon makatapos niyang sumilay dito. May practice game kasi ang kupunan ng mga ito kaya nanood siya. Nanalo ang kupunan ng mga ito sa practice game kaya ganoon na lang ang tuwa niya at dahil sa tuwa niya’y naiwan niya ang mga libro niya kung saan kasama din ang diary niya. Malapit na siya sa sakayan ng jeep pauwi sa dormitory na tinitirhan niya nang maalalang naiwan pala niya ang mga gamit. Dali-daling binalikan niya ang gamit at nanlaki ang mata niya nang makitang binabasa ni Derrick ang laman niyon. At tawa ito nang tawa habang binabasa ang mga entries na nilagay niya sa kanyang diary habang mag-isang nakaupo sa bleachers…

“Bakit mo binabasa iyan?!” mas malakas pa yata sa megaphone ang boses niya dahil sa sigaw niyang iyon. Mabuti na lamang at wala ng ibang tao pa sa loob ng field kaya ito lang ang nakarinig ng boses niya.

Napangiwi naman ito. “Miss, puwede bang hinaan mo ang boses mo? Dalawa lang tayo dito sa may bleachers para sumigaw ka na tila ikaw si Bernardo Carpio.”

“I don’t care!” mataray na wika niya saka kinuha dito ang diary niya pero itinaas nito iyon sa kanya. At dahil sa balikat lamang yata nito umaabot ang bumbunan niya ay hindi niya iyon maabot-abot kahit magtatalon-talon pa siya. “Ibalik mo sa akin `yan!”

Naniningkit ang mata niya sa inis habang nakatingin sa makasalanang mukha nito. Nakakaloko ang ngiting nasa labi nito. “Ayaw ko nga!” parang batang sabi nito.

“Don’t you know you’re envading someone’s property?”

“So?” preskong wika nito saka binasa muli ang diary niya paitaas. Tumawa muli ito katulad nang pagtawa nito kanina habang binabasa ang diary niya nang mag-isa. “Nakakatawa talaga itong diary mo. Ang corny!”

Pilit niyang kinuha ang diary niya dito pero talagang matigas ito. Inis na kinagat niya ito sa braso para ma-distract ito pero balewala lamang iyon doon.

“Dear Diary, ang guwapo-guwapo talaga ni Franz Ian. At kahit halata ang pagod sa mukha niya kanina, he’s still the most handsome man for me. He’s cute, charming and very attractive. Hindi yata ako magsasawang titigan ang mukha niya kahit bihisan pa siya ng sako at lagyan ng uling sa mukha. He looks like a God with his looks. And I think I finally found the God of my heart…” paglilitanya pa nito sa isang entry niya sa diary.

Hinampas niya ito nang malakas. “Walanghiya ka! Ibalik mo sa akin `yang diary ko!”

“Ayaw ko nga. Ikaw itong tatanga-tangang mag-iiwan ng gamit mo, kaya magdusa ka kung sakaling may nakakita at nakabasa nito.”

Gigil pa ring nagsalita siya. “Wala akong pakialam! Ibalik mo sa akin ang diary ko!”

Isinara nito ang diary pero hindi pa rin nito ibinababa iyon. “Ibabalik ko lang sa `yo ito sa isang kondisyon.”

Umarko ang kilay niya sa sinabi nito. “At ano naman iyon?”

“Be my date for a week.”

Nanlaki ang mata niya. The thought of it makes her think of a slow murder. Maari ngang pinagkalooban ito ng Diyos ng angking kaguwapuhan at nag-uumapaw na charm sa katawan pero hindi siya papayag na maging kasa-kasama nito ng isang linggo. Unang kita pa lamang niya kay Derrick Ramirez ay naiinis na siya dito. Nayayabangan siya dito. Kung makaasta kasi ito ay tila ito na ang pinakamagandang likha ng Diyos sa sanlibutan. “No!”

“Then ibibigay ko kay Franz ang diary mo,”

“What?!” malakas na sigaw niya. “You can’t do that!”

“Trust me, I can.”

Lalo pang nadagdagan ang inis niya. “At bakit naman gusto mo akong maka-date, aber? Naubusan ka na ba ng mga lintang babae kaya ako na ang gusto mong isakbit sa braso mo?!”

“I want someone new. You know, nakakasawa din ang palaging may magandang nakasabit sa braso.”

Humalukipkip siya. Tumaas ang isang kilay. “So pinapalabas mong panget ako, ganoon?”

“Hindi naman sa ganoon. Kakaiba ka sa ibang babae, eh. At gusto ko namang makatikim ng ibang putahe.”

“Anong tingin mo sa akin, ulam?”

“Hindi. Tao ka pa rin sa paningin ko kahit mukha kang alien sa itsura mo.”

“Aba’t akala mo ka-level mo na ng kaguwapuhan si Tom Cruise kung magsalita ka, ah!”

“Bakit, hindi nga ba?”

“You wish!”

“Hah! Talaga.” Wika nito saka ginalaw-galaw ang diary na hawak nito paitaas. “Ano? Papayag ka ba sa plano ko?”

“Ayaw ko nga! Kung akala mo, lahat ng babae ay papayag na maka-date mo, ibahin mo ako `no! Excuse me, hindi ako mahilig sa mga lalaking mayayabang.”

Amused naman natumingin ito sa kanya. “Wow, at choosy ka pa ng lagay mo, ha? Ano ang akala mo sa sarili mo, saksakan ng ganda?”

“Wala akong sinasabing ganoon `no!”

“Ganoon na din iyon. Don’t play hard to get if you know you’re already hard to want. Pero mukhang wala ka yatang balak pumayag sa plano ko kaya mabuting ibigay ko na nga lang kay Franz ang diary na ito.”

“As if namang magagawa mo `yon!”

“Sinusubukan mo ako, ha?” tila aliw na wika nito.

“Oo talaga! Kasi ayaw kong makipag-date sa kagaya mo!”

Ngumisi ito saka naglakad palayo sa kanya. At sinundan naman niya ito. Pumasok ito sa loob ng locker room at dahil sinusundan niya ito ay nakita din niya doon si Franz. Nakapagbihis na ito at balak na yatang umalis pero dahil nakita sila nito ay tumigil sila.

“O, Derrick! Nandito ka pa pala?”

“Oo, pare. May nakita kasi akong something na mapapagkatuwaan sa bleachers kaya napahinto ako.”

“At ano naman iyong nakatuwaan mo?” curious na tanong ni Franz. “Babae na naman? Ikaw talaga, kahit kailan, napakababaero mo.”

“Hindi. It’s something that you should look at.”

“Ha? At ano naman iyon?”

Napasinghap siya nang makita niyang ibibigay na ni Derrick kay Franz ang diary niya. Lumakas ang kabog ng dibdib niya. Tarantang lumapit siya kay Derrick at sumabat sa usapan. Kumapit siya braso nito. “Ah…Eh… Wala iyon `di ba, babe?” sabi niya saka kumindat pa. Hindi niya akalaing tototohanin nga nito ang banta nito kaya namang sinubukan niya ito. Pero talaga yatang may sa demonyo ito dahil ipapaalam pa nito sa crush niya na crush niya ito.

Nagtatanong naman ang tinging ibinigay sa kanya ni Derrick. “So?” untag nito sa kanya.

“Oo, payag na ako. Huwag mo lang ibigay `yan kay Franz.” Sabi niya sa pamamagitan ng tingin. Mabuti na lamang at nakuha naman nito ang ibig niyang sabihin.

“Ay sa susunod ko na lang pala, Pare, ibibigay. May date pa ako, eh.”biglang bawi naman ni Derrick kay Franz na ikinahinga niya nang maluwag.

“May date kayo ni Venus?” parang nagulat ito sa katotohang may date sila.

Nagulat siya sa sinabi ni Franz. “Kilala mo ako?!”

Tumingin muna ito kay Derrick bago nito sinagot ang tanong niya. “A-ah, oo. Kaklase ka ni Rainie, right?” ang tinutukoy nito ay ang pinsan nitong kaklase niya.

“Ah…” ang akala pa naman niya ay may ibang dahilan kaya kilala siya nito. Umarangkada na naman ang pagiging ambisyosa niya. “Oo, kaklase ko nga si Rainie.”

“Siya, sige, Pare. Mauna na ako at may date pa ako. Bye!” pagpapaalam nito sa kaibigan at inakbayan pa siya. Ngali-ngali niyang undayan ito ng isang malakas na upper cut dahil sa ginawa nito sa kanya. Iyan tuloy, nagkaroon siya ng isang malaking problema dahil sa ka-clumsy-han niya. Kailangan niyang pakisamahan si Derrick Ramirez ng isang linggo dahil nuncang ipapaalam niya kay Franz Ian na may crush siya dito. Mas matindi pa sa pagkain ng drum ng sibuyas ang hiyang aabutin niya kapag nabasa nito ang laman ng diary niya.

Kapag naalala niya ang nakakainis na karanasan niya noong 1st year college siya ay gusto niyang mapatili nang malakas. Kahit walong taon na ang nakakaraan simula nang mangyari iyon ay naiinis pa din siya. Lalo na ng mga sinundang araw kung saan nag-umpisa na ang date nila. Hindi kasi pa rin niya matanggap na sa kabila ng inis niya ay nakaramdam din siya ng kilig sa bisig ng demonyong si Derrick. Hindi niya akalaing dahil lamang sa isang linggong date ay mahuhulog ang loob niya sa isang Derrick Ramirez. Hindi sinasadyang magkakatotoo sa kanya ang kantang “isang linggong pag-ibig”. Pero sabi nga sa kantang iyon, kay bilis ng iyong pagdating, pag-alis mo’y sadyang kay bilis din. Makatapos kasi ng isang linggong usapan nila’y niloko siya nito. Ang akala niya’y pareho na din sila ng nadarama pero hindi pala. Manloloko pala ito.

Kaya naman ganoon na lang ang galit niya kay Derrick Ramirez. Nang dahil dito, naramdaman niya ang sakit ng unang pag-ibig.

Makatapos niyang maalala kanina kung sino ito’y pinagsasampal at sinipa niya ito na para bang ito ang pinakapaboritong punching bag ni Pacquiao. Ibinuhos niya lahat ng inis dito.

Pero kahit sunugin niya ito ng buhay at ipatapon ang abo sa Payatas, hindi pa rin maalis ang katotohanan na nasarapan siya sa paghalik dito. Lumakas ang kabog ng dibdib niya dahil sa ginawa nito.

Bakit ba kasi sa lahat ng lalaki ay ito pa ang natiyempuhan niya? Mali pala siya nang isipin niyang hindi siya nakapayong ng magpaulan ng suwerte sa lalaki ang Diyos. Dahil ang una niyang halik ay ang taong pinakaiinisan pa niya.

MAAGANG pumunta si Venus sa Kape Mitolohiya nang araw na iyon. Marami-rami din ang tao sa loob dahil alas-siyete pa lamang ng umaga. Karaniwan, kapag ganoong oras ang pick hour sa loob ng shop. Doon kasi palaging nagkakape ang mga empleyadong kakalabas lamang mula sa mga call center na malapit sa coffee shop niya.

Siya ang tumao sa cashier dahil absent ang empleyado niyang si Hadazza. Mamanhikan na daw kasi ang boyfriend nito sa probinsya ng mga ito sa Antipolo. Okay na lang din naman sa kanya na siya ang tumatao sa coffee shop dahil kapag nandoon si Hadazza ay wala rin naman siyang ginagawa doon kundi ang tumunganga.

Naka-treinta minutos na siya sa kahera nang biglang bumukas ang pinto ng shop at iniluwa noon ang demonyong nakahalikan niya kagabi. Agad ang pag-usbong ng inis niya nang makita ang guwapong mukha nitong nakangiti pa nang makita siya sa loob.

“Hi, Venus. Hindi ko alam, cashier girl ka na pala,” bati nito sa kanya at dumiretso sa counter.

“Excuse me, hindi ako cashier girl `no. FYI, ako ang may-ari nito.”

“Talaga? Ang pangit pala ng may-ari nito. Malamang pangit din ang lasa ng kape dito `no?”

Tinaasan niya ito ng isang kilay. “Alam mo kung mang-iinsulto ka lamang, sana hindi ka na lang pumasok `no? Kasi hindi welcome dito ang mga asungot at mayayabang na taong katulad mo.”

“Hindi ko naman kinakailangang i-welcome para pumasok ako dito, okay? Saka with the looks of your female customers here, parang gustong-gusto pa nilang yakapin ako dahil pumasok ako dito.”

“Wala akong pakialam. Puwede ba, lumayas ka na dito? Mamalasin na naman ako tiyak nito!”

“Talaga? Eh bakit nadami na ang pila sa likod ko kung minamalas ka nga?”

Napatingin siya sa likod nito. Nasa sampung babae ang nakapila sa likod nito at nakatitig lahat ng mga iyon kay Derrick. Hanga na talaga siya sa karisma ng lalaking ito. Kung sakaling araw-araw pala itong nasa shop niya ay siguro makakapagpatayo na siya ng isa pang branch sa lakas ng kikitain niya. “Okay then. Umalis ka na muna para maasikaso ko na sila.”

“No. Kailangan kitang makausap, eh.”

“I’m sorry; I don’t want to talk to you.”

“Palusot ka pa, eh kinakausap mo na nga ako!”

Pero hindi niya pinansin ang sinabi nito. “Puwede ba, umalis ka na? May mga nakapila sa likod!” pagtataboy niya dito.

“Aalis lamang ako dito kung makikipag-usap ka sa akin nang masisinsinan.”

“Mamaya. Mga alas dose ng gabi tawagan mo ako.”

“Grabe ka naman. Best friend mo ba si Dracula at nanaisin mong makipag-usap ng ganoong oras?”

“Pakialam mo ba? Iyon ang libre kong oras, eh.” Pagsisinungaling na lamang niya. Ayaw niya lang talaga kasi itong makausap kaya sinabi niya iyon.

“This is important.”

“Well my business is more than important. Now out!”

Pero hindi ito natinag. Pumasok ito sa may counter at hinila siya palabas. Nagpoprotesta siya pero tila bakal sa tigas ang kamay nitong nakahawak sa kamay niya. “Bitawan mo nga ako! May trabaho pa ako!”

“Pakiusapan mo muna ang isang tauhan mong tumao. Sa ngayon, kailangan kitang makausap.”

“Pero hindi puwede!”

“Susunod ka sa akin o hahalikan kita?” banta nito sa kanya.

Nanlaki ang mata niya. “Don’t you dare!”

He grinned. “Alam mo ang kaya kong gawin, Venus.”

Iimik pa sana siya nang magsalita ang isang matandang lalaki. “Ano ba `yan, Miss? Bakit ayaw mo pang sumama sa boyfriend mo?”

“Ano?!” parang ewan dahil napagkamalan pa ng isang customer na boyfriend niya ang demonyong ito. “Hindi ko siya boyfriend!”

“Naman! Pa-deny-deny ka pa diyan. Kayo talagang mga kabataan. Sige na’t sumama ka na, aba. Baka mamaya, umalis na ang mga tao sa shop dahil sa tagal ng service niyo.”

Napatingin siya kay Derrick. Ngiting-ngiti ang loko habang nakatingin sa kanya. “O, Venus. Paano ba `yan, kakampi ko na ngayon si Manong. Sumama ka na kasi sa akin, sige ka, pag nagpakipot ka pa, hahalikan na talaga kita. Iyong mas malala pa sa halik na iginawad mo sa akin kagabi.” Wika nito saka kumindat pa.

Namula naman agad ang mukha niya. Naalala tuloy niya na wala nga pala itong sinasamba pagdating sa mga ganoon. Patunay na ang muntik na nitong pagbigay kay Franz ng diary niya. “Peste ka talagang lalaki ka!” wika na lamang niya saka hinubad gamit ang isang kamay ang apron na suot-suot niya. Tinawag niya ang isang tauhan sa shop upang ito ang umasikaso sa counter. Pagkatapos noon ay tuluyan na siyang sumama kay Derrick palabas ng shop niya. Kung sakali mang may gawin itong hindi kaaya-aya sa kanya ay may dala siyang cutter sa bag. Subukan lamang naman siya nitong kantiin ay susugatan niya ang demonyong mukha nito.

Pinasakay siya nito sa kotse kung saan din niya una itong nakita kagabi. I-s-in-eatbelt pa siya nito talaga para hindi siya makatakas sa kinauupuan niya.

Bakit ba naman kasi walang inuurungan ang lalaking ito? Saka bakit ba kasi tila nadedemonyo siya sa halik nito? Ayaw na niyang maulit pa iyon. Tama na ang isang beses na nasarapan, este nabuwisit siya dahil sa ginawad na halik nito sa kanya.

Isa pa’y may isang bahagi ng isip niya na kahit galit na galit dito ay gusto pa ring sumama sa hudas na ito. Hindi niya mapaliwanag iyon pero tila natutuwa pa iyon sa kagalakang bumalik si Derrick sa buhay niya. Sinaktan na siya nito pero may isang bahagi pa rin ng puso niya na gustong makasama ito. Pinalalakas kasi nito ang tibok ng puso niya kapag nasa paligid ito. At nang hawakan nito ang kamay niya’y tila nademonyo agad iyon. Dahil lamang sa paghawak nito ng kamay niya’y nawala ang pakipot effect at katarayan niya sa katawan. Parang nagwala pa ang puso niya dahil sa ginawa nito.

`Takte, kailangan ko na yatang magpatingin sa cardiologist nito.

ISANG nakakalokong ngiti ang nasa labi ni Derrick makatapos niyang itigil ang sasakyan niya sa harap ng Wedding Belle, isang sikat na wedding accessories shop sa Maynila. Kitang-kita niya ang pagkunot ng noo nito nang makita kung nasaan sila ngayon.

“Ano ang ginagawa natin dito? `Wag mong sabihing gusto mo akong pikutin?!” hintatakot na wika nito. “Mas gugustuhin ko pang sumama kay Bloody Mary sa loob ng salamin kaysa ang makasama kita sa harap ng altar!”

“Hah! At ang akala mo naman ay gugustuhin din kitang isama sa altar? Mahiya ka naman sa balat mo,”

“Eh kung ganoon nga, bakit mo ako dinala dito?” taas ang isang kilay na sabi nito.

Kinuha niya ang wedding invitation na natanggap niya nang nakaraang linggo pero kagabi niya lamang nabuksan. Tila siya inulanan ng suwerte ng Diyos kagabi nang makita niya ang pangalan nang magiging katuwang niya. Agad-agad niyang tinanong sa pinsan niyang si Luis kung ano paano niya mako-contact ang dalagang isa pala sa mga abay nito. Ibinigay naman nito iyon sa kanya at sinuhuwestiyon na din nitong samahan ang dalaga para sa pagpi-fit ng gown nito. Sila na lang daw kasi sa mga abay ang hindi pa ayos ang damit. At hindi na daw nito masasamahan ang dalaga dahil marami pa daw itong aasikasuhin kasama ang magiging asawa nito.

“Anong kinalaman ng kasal nina Rodgine at Luis sa pagpunta natin dito?” tanong nito nang maibigay niya dito ang invitation.

“See for yourself,”

Nagtataka man ay binuksan pa rin nito ang invitation. At exaggerated mang sabihin ay tila naging kasinglaki pa ng mata ng tarsier ang mata nito nang mabasa ang nasa loob. “Ikaw ang magiging partner ko sa kasal ng dalawang ugok na iyon?!”

Tumango siya. Sabi ng ilan, “In every rule, there is an exception” at sa rule niya sa pagiging babaero at hindi seryoso sa babae, tanging si Venus lang ang naging exception niya.

Kung may isang babae man siyang kinalokohan nang husto, iyon ay si Venus de Vega. He was on his 5th year in college while she was just a school froshie. His heart got deeply involved to her even if she’s the campus Ms. Plain Jane. Hindi niya alam kung ano ang mayroon dito at tila na-hook nang husto ang loob niya dito. And all that he can remember, he loves the way her dimples appear whenever she smiles to the world.

May kakaibang dating sa kanya ito kahit na ba hindi naman ito pansinin. Una niya itong makita nang manood ito ng isa sa mga practice game nila sa soccer team noong college sila. At kahit alam niyang hindi naman sa kanya nakatuon ang atensyon nito ay tila tumigil sa pag-ikot ang mundo niya. Lalo na nang makita niya ang ngiti nito. Maganda ito sa paningin niya kahit ang sabi ng iba ay mas simple pa ang itsura nito sa salitang simple.

Pero hanggang tingin lang siya dito dahil alam niyang ang pinagpapantasyahan nito ay ang ka-team niyang si Franz Ian. Franz Ian was handsome and attractive too, just like him. Pero kaiba sa kanya, hindi ito mahilig sa babae. Sa soccer at sa pag-aaral lang nakatuon ang atensyon nito. Kaya naman kahit gusto niya ito, hindi niya ito magawang lapitan dahil alam niyang itatakwil din siya nito.

Ngunit sadya talagang mapaglaro ang tadhana dahil isang araw ay nakahanap siya ng butas para makasama ito. Ginawa lamang niyang palusot ang diary nito para makasama ito at maka-date ng isang linggo. And a week with her was the most amazing moment in his life. Natuwa siyang nakasama niya ang babaeng hanggang tingin lang siya. Ang akala niya noong una ay ito iyong tipo ng may pagka-Maria Clara na ugali dahil simpleng itsura lamang nito. Pero may sa leon palang ugali ito lalo na kapag ginagalit. Pero naging okay lang iyon sa kanya.

Pakiramdam niya ay nagkatotoo ang fairytale na palaging kinukuwento ng nanay niya sa nakababata niyang kapatid na babae nang makasama niya ito sa loob ng isang linggo bilang date. Pero hindi pala lahat ng fairytale ay may happy ending. Likas pa sa alaala niya kung paano siya nito binato ng tsinelas sa galit at binulyawan na parang leon sa lakas…

Napa-aray na lumingon si Derrick nang maramdaman niya ang pagdapo sa kanya ng isang bagay sa may ulo niya. Nakita niya ang galit at tila paiyak ng mukha ni Venus habang nakatingin sa kanya. Mas mapait pa yata sa ampalaya ang reaksyon ng labi nito at tila naging singkit pa sa mata ng koreano niyang professor ang mata nito habang nakatingin sa kanya.

“Bakit, babe? May problema ka ba?” nang mga panahong iyon ay nagkaka-igihan na sila ni Venus. Iyon na ang huling araw ng one-week date nila. Pero hindi katulad ng mga nangyayari kadalasan sa mga ganoong usapan ay hindi na niya tatapusin iyon. Nahulog na nang husto ang loob niya kay Venus at alam niyang ganoon din naman ito sa kanya. Kaya naman ganoon na lang din ang kaba niya nang bigla siya nitong sugudin ng ganoon ang itsura.

“Ako pa ang tatanungin mo kung ano ang problema! Walanghiya ka talaga!” malakas na wika nito sa kanya saka pinagsusuntok ang dibdib niya. “Pumayag akong sumama sa `yo, hawakan mo ang kamay ko hanggang gusto mo at yakapin ako na para akong laruan pero ito pa ang makukuha ko? Ano’ng klaseng lalaki ka? Halimaw ka! Peste! Manloloko! Kalahi mo si Dracula!”

Naguluhan siya habang tumitingin dito. “Ha? Ano ba ang ginawa ko? Wala akong alam sa mga pinagsasabi mo!”

“Sinungaling ka! Ikinalat mo ang diary ngayong tapos na ang usapan natin! Ang akala ko pa naman ay tunay na nahuhulog ang loob mo sa akin! Pero ang mga pinakita mo lang pala sa akin sa loob ng isang linggong iyon ay pawang mga kasinungalingan! Oh how I hate you for doing this to me!”

“Anong sinasabi mong ikinalat ko ang diary? For Pete’s sake, Venus, calm down. Wala akong ginagawang ganyan. The diary still remains in the locker!”

“Kung totoo ang mga sinasabi mo, bakit alam ng buong ka-team mate mo ang nasa loob? They even recite to me one of the entries in the diary! At alam mo ba kung gaano nila ako pagtawanan ng dahil doon? Pakiramdam ko, ako si Mahal at Mura na pinalilibutan ng matatangkad! Hiyang-hiya ako lalo na nang makita ko si Franz na parang nagtatawa din sa akin! But most of all, mas masakit ang insultuhin ng mga babaeng nakapaligid at palaging nakapulupot sa mga braso niyo! Ang taas daw ng pangarap ko para pagpantasyahan si Franz at ikaw! Wala daw akong karapatang mangarap dahil isa lang naman daw akong campus plain jane! Alam ko naman ng lahat ng iyon, eh. Pero masakit pa rin pala kung ipaglandakan nila iyon sa harapan ng maraming tao! Pinagpipilas pa nila ang diary ko at binigay ang iba’t ibang entries noon sa iba’t ibang tao. Kung alam mo lang kung gaanong kahihiyan at tawanan ang inabot ko dahil sa paglabas mo ng diary ko na iyon. And all that pain I’ve suffered is all of because of you!”

“Wala akong alam sa gulong ito, Venus. Maniwala ka sa akin. Hindi kita kayang saktan.”

“Hindi kaya?” kita na niya ang dahan-dahang pagtulo ng luha sa mata nito. “Nasaktan mo na ako, Derrick. And I feel like I’m a total fool for thinking that I am falling in love with someone like you because you are nothing but a jerk!” wika nito saka biniyayaan pa siya ng kambal na sampal sa pisngi. Pagkatapos noon ay mabilis na tumalikod ito at tumakbo palayo.

Ramdam na ramdam niya kung paano ito nasasaktan habang kinakausap siya kanina. At siya rin naman ay parang hinihiwa ang dibdib habang tinitignan itong nasasaktan. Lalo na nang makita niya ang dahan-dahang paglabas ng luha sa mata nito.

Gusto niya sana itong kausapin nang masinsinan pero tila siya itinulos sa katayuan nang makaalis ito. Wala siyang alam sa mga pinagsasabi nito at hindi niya ito niloloko.

Nang makahuma siya ay nagpunta siya sa locker at nakita niyang wala nga doon ang diary nito. Kinompronta niya ang mga kasamahan niya sa soccer team dahil baka ang mga ito ang may kagagawan niyon dahil alam ng mga ito ang lihim niyang pagtingin kay Venus. Naiisip niyang baka pinaglalaruan lamang siya ng mga ito at balak i-test kung hanggang saan ang kaya niyang gawin para sa dalaga. Pero kahit halos suntukin niya na ang mga ito sa galit ay wala pa ring naamin sa mga ito.

Makaraan ang ilang ay hindi niya pa rin alam kung sino ang salarin. Pinagpasyahan niyang kumprontahin na si Venus pero tila bingi ito sa pagpapaliwanag niya. Para siyang may ketong kung pagtaguan at layuan nito. At kahit ano pang gawin niyang effort para lamang makuha ang pagpapatawad nito ay hindi nito iyon tinanggap. Hanggang maka-graduate siya ng kolehiyo ay hindi pa rin siya nito kinakausap…

Kaya naman ang pagtatapos niya sa kolehiyo ay ang pagtatapos rin ng lahat sa kanila ni Venus. Sinubukan niyang bumalik muli sa buhay niyang kinasayanan bago ito dumating—the carefree and not taking things seriously. At naging magtagumpay naman siya sa ginawa niyang iyon.

Pero ang akala niyang babaeng matagal na niyang ibinaon sa limot ay natulog lamang pala sa sistema niya. Nang magkita sila kagabi at walang kaabog-abog na halikan siya nito sa labi ay sari-saring emosyon ang dinala sa dibdib niya. Nangunguna na doon ang galak, saya at pag-asa. At sa muling pagkikita nila, gagawin na niya ang lahat para mahuli muli ang pusong muntik na niyang makuha walong taon na ang nakararaan.

“This must be insane! Paano kita naging partner eh hindi mo naman kilala ni isa man sa bride at groom!”

“FYI, I am Luis’ second cousin.”

“What?! Paanong—“ tumigil ito at hindi pa rin makapaniwalang tumingin sa kanya. “Hindi puwedeng mangyari ito! Hindi ako aabay na ang partner ay demonyo!”

“So you really think I am a devil? Ganoon ba talaga kasakit ang hindi ko naman talaga ginawang kasalanan sa `yo walong taon na ang nakalilipas?”

“At hanggang ngayon ba’y itatanggi mo pa rin ang bagay na iyon?”

“Because that is the truth, Venus! Hindi ako ang may gawa noon!”

“At sino? Multo? Paano ako maniniwala sa `yo eh alam na alam nating dalawa na ikaw ang humahawak sa diary na iyon?!”

Bumuntong-hininga siya. “What’s the used of the argument if you’ll never get open-minded? Anyway, it’s all in the past now. At kahit pagbalik-baliktarin pa natin ang mundo ay hindi na natin muli pang maibabalik ang nakaraan. Sa ngayon ay pagtiisan na lang muna natin ang mukha ng isa’t isa dahil inutusan ako ni Luis na samahan kang mag-fit ng magiging gown mo para sa kasal.”

“Sabihin mo sa kanya magba-back-out na ako!”

“Dalawang linggo na lang ay ikakasal na silang dalawa, Venus. At `wag ka ng manira pa.”

“Karapatan kong umayaw sa mga bagay na hindi ko naman gusto.”

“Puwes, lahat ng bagay ay may exception. At isa ng exception ang kasal nina Luis.”

“Ah, buwisit! Bakit ba naman kasi sa lahat ng lalaki sa mundo ay ikaw pa ang naging partner ko! Pinaglalaruan ba ako ng anak ko?”

Nagulat siya sa sinabi nito. Huli na ba siya sa pagdating? “M-may anak ka na?”

Iningusan siya nito. “`Tange! Wala `no! Sa sexy kong ito, tingin mo nanganak na ako? Kahit boyfriend nga, wala ako eh!”

Tila nag-smile si Mr. Sun sa kanya dahil sa narinig. So hindi pa pala siya nahuhuli ng dating, ibig sabihin. Wala pa itong anak, asawa o boyfriend man. Kapag sinusuwerte ka nga naman o. “Pero sino iyong sinasabi mong anak?”

“Si kupido. Anak ko sa Greek Mythology.”

Amused na tinignan niya ito. “Feel na feel mo talaga ang pangalan mo `no? Por que pinangalan ka lang na Venus ay akala mo’y siya ka na nga sa totoong buhay. FYI, hindi ka Diyosa ng pag-ibig at kagandahan.”

“Pake mo ba?” mataray na wika nito. “Eh sa gusto kong maging feelingera at ambisyosa, eh!”

“Sus! Eh bakit mo nga pala binanggit si kupido?” wika niya saka biglang may pumasok sa utak. “`Wag mong sabihing gusto mong maging lovers tayo?” natatawang dagdag niya.

“Kapal ng mukha mo! Hindi ako hihiling sa anak kong ipana ako sa isang katulad mo!” wika nito saka bumababa na ng kotse niya.

Bumaba na rin siya ng kotse at hinabol ito. Hinawakan niya ang kamay nito.

“Puwede ba, `wag mong hawakan ang kamay ko! You are not my date and my boyfriend!”

“Pero ako ang nagdala sa `yo dito kaya gagawin ko ang lahat ng gusto ko!”

“Alam mo, hindi ko naman hinihingi ang serbisyo mo para ihatid ako dito. May sarili akong kotse at kaya kong mag-drive papunta sa lugar na ito.”

“So? Hindi ka naman tinatanong. Kaya kung ako sa `yo, namnamin mo na lang ang kamay ko katulad ng pagnamnam mo kagabi sa labi ko, okay?” he said and winked.

Pinamulahan naman ito ng mukha sa narinig saka nauna ng maglakad. At dahil hawak-hawak niya nang mahigpit ang kamay nito ay nahila siya nito.

Tatawa-tawa naman siyang nagpahila dito. Malambot pa rin ang kamay nito katulad ng dati. And her scent is still like the scent he used to smell eight years ago. Fruity but sexy.

Oh, how he really like to bring back the past again. Pero alam niyang imposible na ang mangyari iyon. Kaya naman ang aasikasuhin na lang niya ngayon ay ang hinaharap. Hihigitan pa niya ang nakaraan. Dahil ngayon, hindi lang ang pagiging date nito ang makukuha niya. Magiging sa kanya ito ano man ang mangyari. At ipinapangako niyang magtatagumpay siya sa panahong iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.