With You Series Chapter 8

BOOK 2: I’ll Stay In Love With You

“OKAY! Kayo na ang sweet! Kayo na ang ikakasal! Ako na ang walang boyfriend! Ako na ang inggit!” may hinanakit sa tinig ni Venus habang sinasabi ang katagang iyon sa highschool classmate at close friend na si Rodgine at Luis. Pareho niyang kaklase ang mga ito noong highschool at nakatakda ng humarap sa altar sa susunod na buwan. Samantalang siya, ito, nakahiga pa rin sa sofa at naghihintay ng prince charming niya.

Lalo lamang siyang nainggit nang akbayan ni Luis ang kaibigan niya. Kulang na lang ay langgamin ang mga ito sa ka-sweet-an na ipinapakita ng mga ito sa kanya. At tila lalo pa siyang iniinggit ng mga ito nang humiga naman sa dibdib ni Luis si Rodgine at tumingin kay Luis. Kitang-kita niya ang spark sa mata nito habang nakatingin sa mata ng lalaki. Ganoon din naman ang tinging ibinigay dito ni Luis. Mas malagkit pa yata sa biko ang pagtitinginan ng mga ito.

“Puwede ba, `wag naman kayo dito sa unit ko kayo maglambingan? Nakakaasiwa!”

Napatawa naman si Rodgine sa kanya. “Maghanap ka na rin kasi ng boylet mo!”

“Eh hindi pa naman kasi binibigay sa akin ng Diyos ang nawawalang kabiyak ng puso ko!”

“Irereto kita sa isa sa mga kasamahan ko sa trabaho, okay lang ba sa `yo iyon?” suhestiyon naman sa kanya ni Luis.

“Sa mga mababahong Arabo? Jusme, kahit gawin pa nilang ginto ang buhangin ay hindi ako maakit sa kanila! Mahilig kaya sila sa sibuyas at alam mo naman na sinusuka ko iyon!” Sa Saudi Arabia kasi nakabase ang trabaho ni Luis. Civil Engineer kasi ito sa naturang bansa. Nagkatagpo lamang muli ang landas ng mga ito at ni Rodgine dahil sa sistema ng internet. Nang magkaroon sila ng komunikasyon din ay paminsan-minsan ay nakikipag-chat siya dito. At nabanggit nito sa kanyang mahilig ang mga Arabo sa sibuyas.

Bata pa lamang siya ay numero uno na niyang kaaway ang sibuyas. Nang pakainin kasi siya ng Mama niya ng pizza noong bata siya ay may kasama iyong sibuyas. And first bite pa lamang niya doon ay tila sinilihan na ang bibig niya sa amoy nito. Inis na inis siya sa amoy niyon lalo na’t pagkatapos niyang makatikim noon ay natira pa ang amoy sa bibig niya. Isang sachet yata ng toothpaste ang naubos niya pagkatapos noon.

“Ikaw talaga, Venus, ang dami mong arte, eh! Ano ba kasing gusto mong ideal guy?”

“Siyempre, iyong mabait, guwapo at mayaman. Pero alam kong imagination lang `yon!”

“`Oy, hindi ah! Ano ang tawag mo sa isang tulad ko?” mayabang namang banat ni Luis at humalukipkip pa.

“Panget, iyon ang tawag ko sa `yo!” tatawa-tawa namang sabi dito ni Rodgine.

“Panget pala, ha?” wika naman nito saka kiniliti na lamang bigla si Rodgine. Hanggang sa umihit na ng tawa si Rodgine ay hindi pa rin ito tumigil. Mga isang minuto din yata nitong kinulit sa kiliti si Rodgine saka nito itinigil iyon at hinalikan naman ito sa labi. Gumanti naman dito ng halik ang dalaga. Napabuntong-hininga na lamang siya sa ginawa ng mga ito.

“Kung alam ko lang na dumayo lang kayo dito para gumawa ng milagro, kanino ko pa kayo itinakwil diyan sa may motel sa kanto! Aba’t kulang na lang ay maghubaran kayo sa lalim ng halik niyo sa isa’t isa, ah!”

Kakamot-kamot naman si Luis. “Pasensya ka na, Venus. Masyado lang nadala. Kung inaalok mo na lang kasi sa amin ang kuwarto mo, di sana’y nakagawa na kami ng future inaanak mo!”

“Aba’t may balak nga!”

Tumawa lamang si Rodgine at binatukan si Luis. “`Loko ka talaga, panget. Dudumihan mo pa ang inosenteng utak ni Venus! Wala `yang alam sa mga ganyan kasi NBSB `yan!”

“`Oy, hindi ako NBSB, ha!” giit naman niya.

“Weh? Kasali lamang sa mga samahang hindi nagtatagal ang nobyo?” tudyo naman nito.

“Okay lang. At least, proud to be na hindi ako NBSB!”

“Pero wala pa ring first kiss!”

“So? Siyempre, para lang kay Hyun Bin ang lips ko!”

“Wow! Ambisyosa?”

“Hindi, nangangarap lang.” sagot na lamang niya. “Teka, bakit ba natin inuungkat ang pagiging virgin ng labi ko?”

“Siyempre, nakakatawa ka, eh. Twenty-six years old ka na, wala ka pa ring first kiss!”

“Walang nakakatawa doon, `no! Pine-preserve ko ang lahat ng mga `yan para kay Hyun Bin!”

“Ay, ambisyosa talaga,” tatawa-tawang wika na lamang ni Rodgine saka tumayo. Hinawakan nito ang kamay ng nobyo. “Tara na nga, babe. Iwan na natin si Venus at natuluan na naman yata ng latak ng kape ang utak niyan. Wala sa katinuan, eh. Mataas pa ang sikat ng araw ay nanaginip na!”

Tumawa na lamang din si Luis at nagpaalam na nga ang mga ito ng tuluyan sa kanya. Ilang sandali pa ang lumipas ay nilisan na ng dalawang ugok ang unit niya. Naiwan siyang nag-iisa.

Napatunganga na lamang siya sa kawalan habang hawak-hawak ang wedding invitation ng dalawa na ni hindi na niya pinagkaabalahang tignan pa. Ang alam niya ay abay siya sa kasal pero hindi na niya tinignan kung sino ang magiging partner niya. Sawang-sawa na rin kasi siyang magbukas ng iba’t ibang wedding invitation dahil halos buwan-buwan yata ay nakakatanggap siya noon. Lahat ng mga iyon ay galing sa mga kaibigan niyang nakahanap na ng jackpot ng mga ito.

Pang-sampu na nga yatang imbitasyon ang natanggap niya ngayong taon. Napaisip tuloy siya. Siya kaya, kailan magbahay-bahay ng wedding invitation? Hindi tuloy niya maiwasang mainggit sa mga kaibigan niya.

Beinte-sais anyos na siya pero pakiramdam niya, presidente pa rin siya ng NBSB. Nitong isang taon lamang siya namulat sa katotohanan na malapit na pala siyang maging matandang dalaga. Hindi niya ba alam kung anong sibat ang humarang sa mata niya para hindi makitang malapit na pala siyang mahuli sa biyahe. Namulat lamang siya sa mapait na katotohanang virgin pa rin siya hanggang ngayon nang sumapit na ang ika-dalawampu’t limang kaarawan niya.

At dahil sadyang idealistic siya pagdating sa mga bagay-bagay ay nahirapan din siya sa paghahanap ng maari niyang maging kabiyak sa buhay. Marami kasi siyang pamantayan pagdating sa lalaki. At hindi rin naman kasi siya kagandahan katulad na lamang ng mga babaeng nakikita niya sa pelikula o `di kaya ay nababasa sa mga pang-romansang nobela na madaling nakahanap ng katuwang sa buhay dahil sa angking ganda.

Maliit pa raw siya sa height niyang 5’3. Medyo may pagka-wavy ang hair niya na lampas balikat at may pagkapatpatin siya. Hindi rin naman kagandahan ang balat niya katulad ng mga modelo ng papaya soap na nakikita sa television at iba’t ibang billboards sa kamaynilaan. At tulog din yata siya nang magbiyaya ang Diyos ng laki ng puwet at hinaharap.

Sabi nila ay simple lang daw ang mukha niya. Mas plain pa daw sa plain rice ang itsura niya kung hindi lang siya biniyayaan ng dalawang biloy sa magkabilang pisngi. Iyon lang daw ang tanging kapansin-pansin sa mukha niya. The rest, ay pangkaraniwan na.

May mga kalalakihan din namang nagpapansin sa kanya. Pero lahat ng mga iyon ay hindi umaabot sa pamantayan niya. May mga lalaki din namang muntik na niyang maging nobyo pero sa huli ay nauuwi lang din iyon sa wala. Alam niyang mali na sa lagay niya ang maging mapili. Ngunit hindi naman siguro maiiwasang maging ambisyosa pagdating sa pag-ibig. Hanggang ngayon kasi ay hinahanap pa rin niya ang papalit kay Hyun Bin—ang artistang tanging kinahuhumalingan niya.

Tall, not so dark and handsome. Iyan ang tipo niya. At kung maari nga sana’y iyong may dimples pang kagaya niya at ni Hyun Bin para siguradong mayroon din ang anak niya.

Sinasama rin niya sa listahan ng gustong lalaki ang mayaman at pagiging mabait. At kung magiging mabait din sa kanya ang Maykapal ay gusto niya rin sana ng sweet at maalaga. Pero marami na yata siyang gusto at nakalista kaya naman hindi na rin siya umaasa. Plus the added fact na pang-romance pocketbook at pelikula lang yata nakakakita ng lalaking ganoon.

Pero dapat na nga yata niyang bawasan ang pagiging ambiyosa niya. Kailangan na din niyang tanggalin ang pagiging idealistic niya. Dahil sa paghahanap niya ng Mr. Right and Perfect sa kanya ay ang binibigay naman sa kanya ay si Mr. Wrong. Nakadalawang boyfriend na siya simula nang mamulat ang mata niya sa katotohanang dapat magpaligaw na siya.

Ang una niyang boyfriend ay tumagal lamang ng isang buwan. At ang nakakainis ay palagi itong busy sa kung saan-saan kaya hindi siya nito napagbigyan sa mga gusto niya. Isa kasi itong mountaineer at buong durasyon yata ng “relasyon” nila kung relasyon ngang matatawag ang isang buwang boyfriend ay halos ang kabuuan noon ay sa bundok ito namalagi. Ni hindi man lang tuloy sila nagkaroon ng pagkakataon na magtukaan dahil dalawang beses lamang sila nagkita nang maging mag-jowa sila. Ang una pa’y madaling-madali ito kung saan niya ito sinagot dahil mahuhuli na daw ito sa pag-akyat sa bundok at ang pangalawa naman ay ang araw na makipag-break ito sa kanya. Ang sabi nito ay nakahanap daw kasi ito ng magandang igorota sa bundok kaya naman nakipagkalas ito sa kanya.

Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman noon. Unang boyfriend niya ay ito pa ang nakipag-break sa kanya. Sadya yatang sinamaan ng anak niya sa Greek Mythology na si Kupido ang pagtama sa kanya.

Ang pangalawa naman ay tumagal ng tatlong buwan. Nakakatuwang isipin na tumagal din sila ng ganoon kahit na ba parang wala din itong oras sa kanya. Kapag tinatawagan niya ito para makipag-date sa kanya ay palagi itong busy. Engineer ito ng isang malaking kompanya kaya noong una’y naiintindihan pa niya. Pero nang maglaon ay nagtaka na rin siya. Isang araw ay sinundan niya ito nang palabas ito ng firm na pinagtatrabahahuhan nito. At pakiramdam niya ay sinabugan siya ng sampung bomba sa harapan nang makita niya itong may kasamang lalaki sa parking lot. Magka-holding hands ang mga ito at bago sumakay ng kotse ay naghalikan pa sa labi. At hindi lang basta halik kundi halik na torrid!

Ngali-ngali niyang hambalusin ng dos-por-dos na kahoy ang hood ng kotse nito nang makita niya ito pero pinili na din niyang huwag gawin. Hindi dapat siya magpakatanga sa mga lalaking lalaki din pala ang gusto. At kung sakaling mag-eskandalo din siya sa parking lot ay siya din ang mapapahiya. Isipin mo, pumatol siya sa isang lalaking binabae pala.

Kaya pala ilang na ilang ito sa kanya tuwing makikipag-holding hands sa kanya ay dahil may puso pala itong babae. Sa buong durasyon din ng relasyon nila ay hindi man lang siya nito hinalikan kahit sa cheeks. Iyon pala’y lalaki ang gusto nitong kahalikan at hindi ang isang kagaya niya. Mabuti na lamang talaga’t kahit papaano ay may pagkadalagang Filipina siya dahil hindi rin niya nagawang halikan ito sa labi. Dahil kung hindi, wasak na wasak talaga ang puri niya dahil isang bading pa ang magiging first kiss niya.

Pagkatapos niyang makita ang tagpong iyon ay nakipag-break na siya dito. Tinawagan na lamang niya ito sa cellphone dahil baka masuka lamang siya kapag nakipagkita siya dito. Noong una’y tanong pa ito nang tanong kung bakit daw siya makikipag-break dito eh wala naman daw itong ginawang masama sa kanya. Ayaw pa sana niyang sabihin dito ang tunay na dahilan pero nang mainis na siya sa pangungulit nito’y sinabi na rin niya. Tinanggi pa nito noong una iyon pero hindi siya bulag para paniwalaan ang mga kasinungalingan nito dahil mismong dalawang mata na niya ang nakakita. Mabuti na lamang talaga at hindi siya naging ganoon kalalim minahal ang lalaking iyon kaya hindi na rin siya gaanong nagluksa sa pagkawala nito. Tanging ang puri na lang niya ang naapektuhan dahil sa katotohanang pumatol siya sa isang binabae.

Masamang-masama na tuloy ang loob niya kay Kupido. Bakit hindi pa nito ibinibigay ang lalaking para sa kanya? Malapit na siyang maging matandang dalaga. Halos lahat ng kaibigan niya ay may nahanap ng lalaking makakatuwang sa buhay. Samantalang siya, kahit boyfriend ay hindi man lang mabiyayaan.

Ayaw naman niyang mamikot ng isang lalaki para lang makapag-boyfriend siya. Hanggang ngayon ay naniniwala pa din siya sa rule na dapat ang lalaki ang unang lumalapit sa babae. Pero sa lagay niya ngayon, parang gusto na niyang gawin ang paglapit sa isang guwapong manok para magka-boyfriend na siya. O hindi kaya’y hahanap na lang siya ng isang guwapong lalaking bigla-bigla na lamang niyang hahalikan sa labi. Ganoon na siya kadesperada dahil nakakahiya na talagang beinte-sais anyos na siya’y hindi pa rin siya nakakatikim ng unang halik.

Nagpunta siya sa loob ng kuwarto niya at humiga sa kama habang tumitingin sa puting kisame ng unit niya. Nahihiling niya na sana’y may isang lalaking biglang sumulpot na lamang doon at bigyang kulay ang malas na love life niya. Kailan kaya siya magkaka-boyfriend? Kailan nga kaya mahahanap ng puso niya nawawala nitong kabiyak?

HALOS maputol ang hininga ng tatlumpung taong gulang na si Derrick Ramirez matapos siyang gawadan ng isang maalab na halik ng ka-date na si Yssa Marie Marquez. Ang ka-date niya ngayong gabi ay isa sa mga pinakamainit at pinakasikat na modelo sa panahon ngayon. Her spider legs and voluptuous boobs really attract all the men that will come in her way. Ang kurba ng katawan nito ay tila nililok ng isang napakagaling na iskulptor. Every man will surely get envious of him because she had kissed him passionately and savagely. They will also say that he was damn lucky. Pero hindi ganoon ang nararamdaman niya sa ngayon.

“Let’s get a room, babe.” Bulong nito sa tainga niya at hinipan pa iyon.

He groaned and pushed her lightly. “I’m not in the mood, Yssa.”

Kumunot ang noo nito. “Why? Don’t you like me?”

“Oh, men will surely find you devilishly attractive and sexy. At ganoon din naman ako. Pero pasensya na, wala ako sa mood makipaglaro ngayon.”

“What?!” parang hindi makapaniwalang sabi nito dahil tinanggihan niya ito. “Oh come on. Don’t be such a fool. I know you want me. Your kiss says so.” Idinikit pa nito lalo ang magandang katawan nito sa kanya. Pero wala pa rin iyong epekto sa kanya.

“Maybe. But I’m doing something important tonight. Maybe we can do it some other time, okay?” sabi na lamang niya para tumigil na ito sa pagbebenta ng sarili nito sa kanya.

Lumabi ito sa kanya. Mukhang nagtatampo. “Puwede bang i-cancel na lang `yon? I badly need you. In bed.”

“I’m sorry, Yssa.” Pagpapaumanhin niya sa dalaga. “Kung gusto mo, iuuwi na lang kita.”

Umiling ito. “I’m not yet in the mood to go home.”

“Well—“

“Hindi mo ba talaga ako mapapagbigyan?”

Huminga siya nang malalim. “Sa susunod na lang, marami talaga akong gagawin ngayong gabi.” Pagsisinungaling niya.

Mukha namang sumuko na rin naman ito. “Okay. But I’m still not going home. I think I’ll just call my friends and drop by in some bar they are in tonight.”

“Okay then. I need to go.” Pagpapaalam niya dito. Pero bago pa siya makaalis ay hinalikan muli siya nito nang maalab. Iiling-iling na lang siya hanggang makapasok sa loob ng kotse niya. Yssa is really desperate to get him in bed.

Siguro kung makikita siya ngayon ng mga nakakakilala sa kanya ay humagalpak na ang mga ito ng tawa sa kanya. Palay na ang lumalapit sa manok. Pero hindi pinansin ng manok iyon.

Sa totoo lamang ay hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa kanya nitong mga nakaraang linggo. Nawawalan siya ng interes sa babae. Mag-iisang buwan na yata siyang hindi nakikipaglaro sa babae sa kama. And it was really not the real him.

He was Derrick Ramirez, young successful architect, rich and a certified girl magnet. Lapitin siya ng mga babae dahil sa angking mga katangian niya lalo na sa larangan ng pisikal na kaanyuan. Kung magpalit siya ng babae ay parang nagpapalit lamang siya ng damit sa araw-araw. And he knew it was not his problem. Sadyang lapitin lamang siya ng babae. At siya naman, dahil ipinanganak na likas na mapagbigay, ay palaging pinagbibigyan ang mga kahilingan ng mga ito.

Aside from having those creditentials, he was also known for having a face that could melt a woman’s knees for a minute, make their heart pound like a rapid racecar and make their eyes glow whenever they will look at him. In short, he was attractive and very charming. Biniyayaan siya ng mukha na talaga namang lahat ng babae ay talagang gugustuhing titigan.

He was tall, dark and handsome. Biniyayaan siya nang makinis na mukha, mapang-akit na mata, matangos na ilong at mapupulang labo. He was also lean and possessed a body like some forgotten Roman God. And that was most of the girls go gaga with.

Normal na lalaki siya kaya naman normal lang din na maakit siya sa mga babae. Kaya naman wala ng magtataka sa mga kakilala niya kung araw-araw ay makita siya ng mga itong may nakakapit na babae sa braso. Lalo na ang mga linta. Because aside from his good looks, popularity and money, girls do love his bed skills, too.

Pero mukhang burado yata sa isip niya ang pamosong linya na “Habang tumatagal ay lalong sumasarap”. Dahil sa mga nangyayari sa kanya ngayon ay tila nagiging abnormal siya. Nagsasawa na siya sa mga babaeng nakapulupot sa kanya.

May isang bahagi ng isip niya na nagsasabing “tigil na” sa mga babae. Treinta anyos na siya at kailangan na niyang magseryoso. Sa tatlong dekada kasi niyang existence sa mundo ay wala pa siyang naging tunay na relasyon. Fling-fling lamang lahat. Paso kasi siya sa salitang seryosohan lalo na’t pagdating sa babae. Tanging sa trabaho lang siya seryoso. Sa buhay niya, marami kasi siyang alam na kalokohan. Siguro ay sadyang ipinanganak lamang siya na mana sa lolo niyang maloko at habulin din ng babae noong kabataan pa nito.

Ngunit kahit maraming nagsasabing playboy siya dahil sa mga babaeng dumidikit sa kanya, hindi naman siya iyong tipo na “heartbreaker”. Sumasama lamang siya sa mga babaeng nakakaintindi sa mga “rules” niya. Nagpapakapit lamang siya sa mga babaeng alam kung hanggang saan lamang ang kaya niyang ibigay. And after that, he will break to them gently. Ganoon lumaro ang isang kagaya niya.

Hanggang sa makarating siya sa townhouse niya sa may Pasay ay iniisip pa rin niya kung bakit nagkakaganoon ang buhay niya. Did his mind and heart want him to hear the wedding bells and settle down? Nagsasawa na ba siya sa buhay binata niya kaya ganoon na lang ang iniisip niya at nararamdaman niya?

MASAMA ang loob ni Venus nang lumabas siya ng Kape Mitolohiya--ang coffee shop na pagmamay-ari niya. Isang buwan na lang pala’y magva-valentines day na. At kahit matagal pa ang isang buwan para sa kanya ay tila pinagdiriwang na iyon ng mga magkakasintahan sa araw na iyon.

Mga sampung love bird yata na magkasintahan ang pumasok sa loob ng coffee shop niya ngayong araw. At lahat ng mga iyon ay nagtukaan pa habang nasa loob ng shop. Kitang-kita ang korteng puso ng mga ito sa mata habang umiinom ng kape at nagpapalitan ng mala-puto-bumbong sa lagkit ng tinginan sa isa’t isa.

And heck! Nakararamdam na naman siya ng inggit. Lalo na’t nakasaksi pa siya ng wedding proposal sa loob ng shop niya. Nagpropose kasi ang boyfriend ng cashier girl niyang si Hadazza Joy sa loob mismo ng shop. Kilig na kilig ang tumbong ng lahat ng nasa loob ng shop maliban lamang sa kanya. Naaawa kasi siya sa sarili niya. Siya itong successful at mas may itsura pa sa cashier girl niya’y naunahan pa siyang magpakasal. Bakit ba naman kasi nakapayong yata siya nang magpaulan ang Diyos ng kasuwertehan sa pag-ibig?

Sinamahan pa lalo ng sama ng loob niya ang pagtawag sa kanya ng bitchy classmate niya noong highschool na si Maureen. Naikuwento pala dito ng daldalerang si Rodgine na single siya ngayon at wala pang first kiss. Tatawa-tawa ito sa kanya at kung anu-ano pang pangungutya ang itinatak sa isip niya dahil sa nalaman nito. Inis na inis tuloy siya. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakapanget na babae sa buong mundo dahil wala pa siyang first kiss!

Kaya naman pumasok muli sa isipan niya ang planong manghahalik na lang siya ng lalaki basta-basta. Hah! Kailangan na talaga niyang made-virginize ng labi niya! Sawang-sawa na siya sa mga naririnig na tawanan kapag nalalamang wala pa rin siyang first kiss sa edad niyang beinte-sais. Hindi na siya magiging sleeping beauty na mag-aantay ng isang daang taon para lamang may makahalik sa kanya!

Nasa labas siya ngayon ng isang bangko sa may Pasay. Mag-a-alas diyes na ng gabi kaya naman halos wala ng tao sa buong paligid. Kanina pa sarado ang bangko kaya naman ang inaantay na lamang niya ay ang titigil sa harap noon para kumuha ng pera sa ATM.

At ang plano niya ang unang magandang kotse na paparada doon ang magiging biktima niya. Ito ang aalayan niya ng basta-bastang halik para lamang made-virginize ang labi niya. Sisiguraduhin niyang maganda ang kotse ng lalaking mapipili niya para naman kahit papaano ay masasabi niyang mayaman ang naging first kiss niya.

At sana guwapo din ang lalaking ito para bongga!

Mga sampung minuto pa ang inantay niya nang may pumaradang kulay abong Toyota Hilux sa tapat ng bangko. Tinted ang salamin ng sasakyan nito kaya hindi niya maaninag ang mukha nito. Pero nasisiguro niyang mag-isa lamang ito sa loob kaya naman wala siyang sabit kung sakali mang may girlfriend ang mahahalikan niya.

Pumunta siya sa likod ng kotse. Ang balak niya ay kukulbitin muna ito at kapag humarap ito ay doon niya ito gagawaran ng halik.

Nang bumababa ang tao sa kotse ay napahugot siya ng malalim na hininga. Kailangang huwag siyang kabahan dahil plano niya ito. Pero halos lumuwa yata ang mata niya nang makita ang anyo nito. Nakatalikod ito sa kanya pero tila nag-uumapaw sa harap niya ang sex appeal nito. Base sa tindig pa lamang nito ay mukhang guwapong-guwapo na ito.

At napakasuwerte niya pala kung ganoon. Ang guwapo pala ng magiging first kiss niya! Ngayon niya nasisigurong hindi pala siya nakapayong nang nagsabog ang Diyos ng kasuwertehan sa lalaki.

Binasa muna niya ang labi niya bago siya lumapit sa lalaki. Sinigurado din niyang mabangong-mabango siya kapag lumapit siya dito. Kahit kasi pagkatapos noon ay tatakbuhan niya ito ay gusto pa rin niyang maging mabango para dito.

Malakas ang tibok ng puso niya nang kulbitin niya ang lalaki. At isang segundo ang lumipas ay humarap naman ito sa kanya. Ipinikit niya ang mata niya saka kinabig ito palapit sa kanya at walang kaabog-abog na hinalikan sa labi! Naramdaman niyang nagulat ito sa ginawa niya pero hindi siya nagpaapekto. Mas lalo pa niyang nilaliman ang halik niya.

And yeah! His lips maybe can enter the guiness world of records for being soft. Napakalambot niyon at napakatamis! Para iyong nilagyan ng honey sa tamis. Libu-libo yatang boltahe ng kuryente ang dumaan sa katawan niya dahil sa halik na iyon.

Hindi naman nagtagal ay naramdaman na lang din niyang gumaganti na ito ng halik sa kanya. And hell! He was giving her new sensations that run through her entire body. Naramdaman din niya ang kamay nito na tila pinipiga ang baywang niya. Her body is pressed against him and she thinks she would die because of it. She loves the sensation and the feeling. Pati na rin ang amoy nitong parang amoy ng pipino sa bango.

One… Two… Three… nagbilang siya hanggang sa makarating na ng beinte ang bilang niya ng segundo. Pinangangapusan na siya ng hininga kaya naman gusto na niyang tumigil. Iminulat niya ang kanyang mga mata at sinalubong ang tingin nito. Itinigil niya ang halik. Pamilyar ang mukha ng lalaking ito.

Kumalas siya sa braso nitong nakayakap sa baywang niya. Ngumiti naman ito sa kanya. He possessed a handsome face. Pero tila may ibang damdaming nabubuhay sa dibdib niya nang makita ang mukha nito, lalo na ang ngiti nito.

“Hello, Venus. It’s a surprise meeting you again,” parang nalolokong sabi nito.

Tila siya tinamaan ng kidlat nang marinig ang boses nito. Bakit buhay pa ang lalaking ito?!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.