Naglakad sila sa isang park na nasa labas ng restaurant. Kailangan niyang ituon ang atensiyon kay Benedikt gaya ng lagi nilang ginagawa kapag magkasama sila. Ayaw niyang mag-alala pa ito sa kanya. Marami na itong iniintindi at ayaw niyang dumagdag pa. Kikimkimin na lang niya ang nararamdaman niya.
“Uhmmm.. gusto mo bang mag-gellato tayo?” masaya niyang alok dito.
Tumigil ito sa paglalakad. Nanatili pa ring seryoso ang mukha nito at malungkot siyang pinagmasdan. “Maki, this is me. Benedikt. Ako ang lalaking pakakasalan mo. I will be your other half. Di mo kailangang itago sa akin kung malungkot ka o may inaalala. You don’t have to suffer alone.” Ginagap nito ang dalawang kamay niya at pinisil. Inalalayan siya nitong umupo sa bench ng park na hindi gaanong matao. “Come on. Spill it.”
Mahabang sandali siyang hindi kumibo. Nakatingin lang siya sa papalit-palit na kulay ng fountain na di kalayuan sa kanila. Buhay na buhay ang paligid niya subalit di niya kayang sabayan ang sigla ng mga ito. Tahimik lang si Benedikt habang hinihintay siyang magsalita. And it was killing her.
Hindi na niya kaya pang magpanggap. Kung wala pa siyang ibang makakausap tungkol doon ay sasabog na nang tuluyan ang dibdib niya. At tama si Benedikt. Ito lang ang pwede niyang masabihan ng totoong nararamdaman niya. Ito lang ang maaring makaunawa sa kanya.
Huminga siya ng malalim. “It’s my mother.”
“Si Tita Santina? May problema ba kayo?”
“My real mother.” Marahan niyang inangat ang paningin dito. “N-Nagpakita siya sa akin kanina paglabas ng eskwelahan.”
Bakas ang pagkagulat sa mukha nito at naroon pa rin ang pag-aalala. “After ten years bigla siyang nagpakita? Bakit daw?”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “Gusto daw niya akong makita. Gusto niyang magpaliwanag kung bakit basta na lang siyang nawala.” Gusto daw siya nitong mayakap kahit na sandali.
“Nakinig ka ba sa kanya? Binigyan mo siya ng pagkakataong magpaliwanag?”
Umiling siya at naging matiim ang labi. “Para saan pa? Iniwan na lang niya kami basta-basta nang walang paliwanag. Puro kasinungalingan lang ang sasabihin niya. Sampung taon siyang di nagpakita. Inabandona niya ang responsibilidad niya bilang ina at bilang asawa para sa ibang lalaki. Hindi siya masaya sa pagmamahal namin ni Papa. Di siya masaya sa pagmamahal ko bilang anak. At kung kailan di na namin siya kailangan ay saka siya sisiksik sa buhay ko? Tapos guguluhin na naman niya ang buhay ko? Na-depress si Mama Santina nang makita siya. K-Kaya siya hindi nakasama ngayon. M-Mas gusto niyang magpahinga.”
“At sa palagay mo bakit bumalik ang nanay mo?”
“Money maybe?” Nagkibit-balikat siya at iniwas ang tingin. “Baka iniwan na siya ng lalaking kinakasama niya at walang-wala. Nakita siguro niya na ikakasal ako sa isa sa may sinasabing pamilya. Naisip niya… naisip niya…” Parang tinarakan siya ng patalim sa puso habang iniisip na baka pera lang ang habol nito sa kanya. “Na gusto niya kaming guluhin dahil di siya masaya sa buhay niya.”
“Sa palagay mo ba ay ganyan siya kababaw na ina? Na pera lang ang habol niya sa iyo kaya gusto na niya ulit makita? Na gusto niyang manggulo kahit na ikaw na anak niya ang masaktan? Anong klaseng nanay ba siya bago ka niya iniwan?”
Nangilid muli ang luha niya. Her mother was the best mother then. Damang-dama niya ang pagmamahal nito. At muli niyang nadama ang pagmamahal na iyon nang yakapin siya nito kanina. At habang mahigpit ang baon ng daliri ni Santina sa braso niya ay pinawakalan naman siya ni Lupita nang sabihin niyang nasasaktan siya. Isang bagay na di ginawa ni Santina para sa kanya kahit na kailan. Sasaktan siya nito para mapasunod siya, para maipakita nito ang awtoridad sa kanya. Mas naramdaman niya ang pagiging ina ni Lupita.
Pero di pa rin mabubura ang katotohanan na iniwan siya nito. Na kahit na saktan pa siya ni Santina ay ito naman ang tumayong ina sa kanya sa loob ng mahabang panahon.
Subalit di mabura ang yakap nito sa sistema niya, ang kabaitan nito. Nararamdaman pa rin niya ang luha nito habang nagmamakaawa ito na pakinggan niya ito. Hindi ba mali ito? Hindi ba parang pagtataksil ito sa madrasta niya na tunay na nagmalasakit sa kanya sa kanilang mag-ama sa loob ng mahabang panahon?
Isinubsob niya ang mukha niya sa palad niya. “H-Hindi ko alam. Naguguluhan ako. Ayoko nang makinig sa kanya. Ayoko na!”
Humagulgol siya ng iyak. Pakiramdam niya ay naiipit siya sa gitna. Parang mali na naman ang nararamdaman niya. Ang pagmamahal niya sa nanay niya ay tulad ng musika. Kailangan niyang talikuran kahit na mahal niya dahil di na nakakabuti para sa kanya.
Umuklo si Benedikt sa harap niya at inalis ang palad na nasa mukha niya. Tinitigan siya nito nang direkta sa mga mata. “Gusto mo rin siyang mapakinggan, di ba? Gusto mo pa rin siyang makita at makasama. Gusto mong malaman ang sagot niya sa lahat ng tanong mo. Iyon ang nasa puso mo. Dahil sa puso mo, alam mong siya pa rin ang nanay mo at mahal mo siya. Na minsan sa buhay mo ay alam mong naging mabuti siya sa iyo.”
Gusto niyang humalakhak, pagtawanan at tuyain ang sarili niya. Nagmahal siya pero iniwan siya at sinaktan. Bubuksan na naman ba niya ang puso niya para masaktan muli? Ganoon ba siya kahangal?
Mabilis niyang pinahid ang luha niya. “Huwag na natin siyang pag-usapan. Baka hindi na siya magpakita pa sa akin muli dahil wala naman siyang mapapala.” Mas mabuti kundi na ito magpapakita pa para di na magulo ang maayos niyang buhay.
“Kahit anong mangyari siya pa rin ang nanay mo,” giit ni Benedikt.
“Wala na sa kanya ang karapatan na maging ina ko nang iwan niya kami ni Papa. Guguluhin lang niya ang pamilya namin. Ang magiging pamilya natin. Ayoko na siyang pag-usapan.”
Mas malinaw na ang isipan niya ngayon. Kahit na gusto pa ng puso niya na makausap ang babaeng nagluwal sa kanya ay wala na itong puwang sa bago niyang buhay.
Tumayo siya at naglakad palayo. Hinayaan niyang sundan siya ni Benedikt. “Hindi ka matatahimik hangga’t di mo naririnig ang sasabihin niya. At ayokong magpakasal tayo nang marami kang alalahanin. Nang mabigat ang puso mo dahil iniisip mo ang nanay mo.”
Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Masaya na ako sa kung anong mayroon ako ngayon. Masaya na ako sa magiging pamilya natin. Hindi na mahalaga sa akin ang babaeng nagluwal sa akin dahil siya ang unang nang-iwan. Di siya dapat makaapekto sa ating dalawa. Ayoko na itong pag-usapan. It just upsets me.”
“Fine. Basta… basta nandito lang ako para sa iyo,” anito at niyakap siya nang mahigpit.
Pumikit siya at tinanggap ang init ng yakap nito. Gusto na niyang kalimutan ang nakaraan. Mahalaga ay ang kinabukasan niya kasama si Benedikt. Bubuo sila ng pamilya na malayo sa pamilyang pinagmulan niya. Titiyakin niya iyon.