You’re Still My Man (Filipino) Chapter 12

Inilagay siya ni Franco sa likuran nito at matiim na tinitigan si Santina. “Kung sinabi ni Maki na hindi niya di planado ang pagkikita nila ni Lupita at basta na lang siyang nilapitan, maniwala ka sa kanya. Ikaw ang nagpalaki sa kanya.”

Naggiyagis ang ngipin ni Santina. “Oo. Pero ang babaeng iyon pa rin ang nanay niya. Malay ko rin ba kung matagal na nilang plano ito at di lang natin alam?”

“Hindi po iyon gagawin sa inyo, Mama,” aniya at umiling. “S-Saka may bodyguard po ako. Paano ko naman po magagawa iyon? Ginagawa ko naman po ang lahat ng gusto ninyo. Wala naman po akong dahilan para mas piliin ang nanay ko kaysa sa inyo.

Subalit nanatili ang tingin ni Santina sa ama niya. “Paano kung iwan tayo ni Maki? Paano kung iwan ninyo akong mag-ama at balikan ninyo ang babaeng iyon? Alam ko naman na ayaw talaga akong maging ina ni Maki. Si Lupita ang kamukha niya. Si Lupita ang katulad niya sa napakaraming paraan. Si Lupita ang minahal mo. Ako? Paano na ako?” tanong nito at niyakap ang sarili habang nangingilid ang luha sa mata at nanginginig ang labi sa nagbabantang pag-iyak.

“Mama, hindi po totoo iyan. Dito lang po ako sa inyo.”

Sinubukan niya itong lapitan upang yakapin at amuhin ngunit sumiksik ito sa gilid ng sala. Iyak lang ito ng iyak habang yakap ang sarili at pabulong-bulong. “Hindi ninyo ako mahal. Iiwan ninyo ako para kay Lupita. Iiwan ninyo ako….Iiwan ninyo ako.”

“Mama,” usal niya at di makapaniwala sa nakikita niya dito. She had always been strong. Wala itong kinatatakutan. Ngayon lang niya ito nakitang umiyak at di sigurado sa sarili.

Akmang lalapitan ito subalit sinenyasan siya ng papa niya na huwag nang lumapit. “Ako na ang bahala sa kanya. Dadalhin ko na siya sa kuwarto.” At binuhat nito si Santina papunta sa masters bedroom. Sinundan niya ang mga ito hanggang marahan itong ilapag ng papa niya sa kama. Nababahala na siya sa nangyayari. “Mukhang hindi na kami makakasama sa dinner ninyo ni Benedikt. Your mother is distraught. Dito muna kami sa bahay.”

Marahan siyang tumango. Sa palagay niya ay wala talaga sa kondisyon si Santina na humarap sa kahit na sino. At kasalanan niya iyon.

Kinagat niya ang labi niya. “Papa, tungkol kay Nanay…”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Anak, naniniwala ako sa iyo na siya ang lumapit sa iyo. Na ayaw mo sa kanya at di mo kami iiwan.”

“Ipapa-annul mo ang kasal natin. Iiwan mo ako para sa kanya,” ungol ni Santina at humagulgol ng iyak.

Nilapitan ito ni Franco at hinaplos sa buhok. “Hindi totoo iyan.”

Bumangon si Santina at yumakap dito. “Sisirain ng babaeng iyon ang lahat. Ang pangarap nating dalawa. Ang pangarap natin para kay Maki. Ang kasal nila ni Benedikt. Masisira tayo sa mga Valenciaga. Sisirain niya ang lahat ng pinagsikapan natin para mabuo ang pamilyang ito. Sisirain niya ako. Aagawin ka na naman niya sa akin. Mawawala ka na naman sa akin. Hindi ko iyon kaya, Franco. Mamamatay ako.”

“Hindi mangyayari iyon. Magpahinga ka na, Santina.”

“Huwag mo akong iwan, Franco. Huwag mo akong iwan. Gagawin ko ang lahat. Kahit na ano,” pakiusap ni Santina dito.

Mabigat ang dibdib niya na lumayo sa silid. She felt guilty. Kahit na galit siya sa nanay niya ay umaasam ang isang tagong bahagi ng puso niya na makasama ito. Nang yakapin siya nito ay nasabik siya dito na alam niyang di naman niya dapat maramdaman matapos siya nitong talikuran.

Kailangan niyang iwasan ito. Iniwan siya nito. Minsan na nitong sinira ang pamilya nila. Maayos na ang buhay at pamilya niya. Bubuo na siya ng pamilya kasama si Benedikt. At sa pagbabalik nito ay nagbabantang maging miserable ang lahat at masisira ang lahat ng magagandang bagay na mayroon siya. Hindi siya papayag na mawala ang lahat ng iyon. Kahit pa itakwil niya ang sarili niyang ina.

“MAKI, bakit ka umiiyak?”

Pumitlag siya nang haplusin ni Benedikt ang pisngi niya. Gulat niyang inangat ang tingin dito mula sa pinggan ng fettucini with béchamel sauce na di pa niya nagagalaw halos. “Ha?”

Puno ng pag-aalala ang mga mata nito. “You are crying.”

“Umiiyak…?” Bigla niyang kinapa ang pisngi at naramdaman niyang basa iyon. Hindi man lang niya napansin na umiiyak pala siya. Kanina pa lumilipad ang utak niya.

“May problema ba?”

Umiling agad siya at pinahid ang luha. Pilit din siyang ngumiti. “W-Wala. Nagluluha lang ang mata ko.”

Nasa isang Italian restaurant sila na siya mismo ang nagpa-reserve. Bagong bukas na restaurant lang iyon ay gusto ni Benedikt na subukan dahil paborito niya ang Italian food. Subalit wala sa lugar na iyon ang isipan niya. Wala rin kay Benedikt.

Kumunot ang noo nito at mukhang walang balak na maniwala sa palusot niya. “Kanina ka pa walang ganang kumain tapos umiiyak ka pa.”

Bumuntong-hininga siya. “I am just tired. Inaasikaso ko ang graduation requirements ko. And the wedding is straineous. Hindi pala ganoon kadali na maghanda sa kasal.” At pilit siyang ngumiti para palisin ang alalahanin nito.

“Yes. With my mom and yours are always bickering at each other. May sinabi bang di maganda si Mama sa iyo kaya ka naiiyak?”

Umiling agad siya. “No. Wala. P-Pagod lang talaga ako,” aniya at pinunasan ng panyo ang mata niya.

Saka siya sumubo para ipakita na ayos lang siya kahit na pati sa pagnguya ay nahihirapan siya. Laging bumabalik sa isipan niya ang pagkikita nila ng nanay niyang si Lupita.

Kung ito kaya ang nag-asikaso ng kasal niya ay ano ang mangyayari? Makikialam ba ito? O mas iintindihin nito kung anong klaseng kasal ang gusto niya at mas magpapasaya sa kanya? Ganoon ang nanay niya. Hindi ito palautos. Hinahayaan siya nito sa mga sarili niyang desisyon kaya kahit bata pa lang siya ay independent na siya. Malumanay din siya nitong sinasabihan kapag nagkamali siya. Kung iba lang sana ang naging buhay nila…

“Pero may problema. Kaya wala sa dinner natin ngayon ang mga magulang mo,” giit ni Benedikt.

“Nagpapahinga lang si Mama. She’s… she’s just tired,” aniya at iniwas ang tingin.

Akala niya ay isang matatag na babae ang madrasta niya. Madalas ay napapansin niya na ito ang kumokontrol sa ama niya at hinahayaan lang nito. She was a force to reckon with. Walang sinuman ang nakita niyang sumalungat dito.

Pero nang makaharap nito ang tunay niyang ina ay nakita niya ang takot sa mukha nito. Naapektuhan ito ni Lupita nang higit pa sa inaakala niya. Nawala ang kompiyansa nito. At hindi niya maintindihan kung bakit. Sa palagay ba nito ay iiwan pa rin nila itong mag-ama samantalang ito ang bumuo sa pamilya nilang sinira ng nanay niya? Kahit na madalas silang di magkasunod ay mas pipiliin niya itong makasama. Di sila nito iniwan.

Pero bakit parang di lang simpleng takot ang nakikita niya dito? Parang may mas malalim na dahilan ang takot nito na di niya maintindihan. At isa pa iyon sa bumabagabag sa kanya. May dapat ba talaga itong ikatakot? May dahilan ba para iwan nila ito nang tuluyan?

“Come. Let’s take a walk.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.