You’re Still My Man (Filipino) Chapter 15

Tahimik si Maki nang umakyat sila sa ikalawang palapag kung saan nandoon ang kuwarto ni Talia para mabigyan sila ng privacy. “Nasa baba lang ako. Tawagin mo lang ako kung kailangan mo ako,” sabi ni Talia bago sila iniwanang mag-ina.

Sandaling katamihikan ang namayani sa pagitan nila nang sumara ang pinto. Puno ng tensiyon ang maliit na kuwarto. Nakahalukipkip siya sa pinto habang ito naman ay nakatayo sa paanan ng kama ni Talia. Ilang talampakan lang ang layo nila sa isa’t isa subalit parang napakalayo ng pagitan nila. Pinaglayo ng sampung taon ng sakit at galit.

“Kumusta ka na, anak? Dalagang-dalaga ka na at napakaganda,” anitong puno ng paghanga habang nakatitig sa kanya.

At kamukhang-kamukha mo ako, nais sana niyang idagdag. Sa kabila ng hapis na mukha at pangungulubit ng balat dahil sa pinagdaanang kahirapan, bakas pa rin ang ganda ng kanyang ina. Subalit nanatili siyang nakatayo at nakahalukipkip habang nakatitig dito.

Pinilipit nito ang sariling kamay at mukhang kinakabahan. “Makakatapos ka na pala ng Education. Bata ka pa lang gusto mo nang maging teacher. Honor ka daw?”

“Magna cum laude,” aniya sa malamig na boses.

Puno ng pagmamalaki ang mga mata nito. “Alam ko naman na matalino ka talaga… gaya ng ama mo. Bata ka pa lang lagi kang nagpapaturo sa akin kahit na di pa naman ninyo lesson at noon pa man pangarap mo nang maging teacher. Ikaw pa ang nagtu-tutor sa mga kaklase mo.” Inilipat niya ang tukod ng paa niya. Hindi siya komportable na pag-usapan ang kabataan niya noong kasama pa niya ito. “At nakita sa diyaryo na ikakasal ka na. M-Mabait ba sa iyo ang lalaking pakakasalan mo?”

Tumango siya. “Opo. At mahal po ako ni Benedikt. Bubuo kami ng pamilya at hinding-hindi ko siya iiwan para sumama sa ibang lalaki,” sabi niya sa malamig na boses na puno ng akusasyon.

Yumuko ito. “Alam ko na galit ka sa akin dahil sa pagkawala ko…”

“Ang totoo sanay na akong wala kayo,” putol niya sa sasabihin nito sa nagyeyelong boses. “Kaya nagtataka ako kung bakit ngayon lang kayo nagpakita at ngayon lang ninyo naisip na magpaliwanag sa akin. I think you are more than ten years too late. Wala nang kaibahan kung anuman ang sasabihin ninyo.”

“Nakulong ako, anak.”

Nayanig niya sa sinabi nito. “A-Ano? Kailan pa?”

Lumunok ito at pinagsalikop ang palad sa kandungan. Nagsimulang tumulo ang luha nito habang nagsasalita at pinagmamasdan siya. “Isang linggo matapos akong palayasin ng lolo mo sa bahay. H-Hindi totoo na sumama ako sa ibang lalaki. Kaibigan ko iyon at pinag-isipan kami ng masama. May lumason sa utak ng ama mo. Hindi rin ako sumama kay Eliseo nang umalis ako ng bahay. M-May kaibigan ako sa Leyte na siyang natakbuhan ko. Sa kasamaang-palad ay dinampot kami ng militar at inakusahang rebelde. Hindi naman iyon totoo. Na-set up lang ako para maipakulong at mailayo sa iyo.”

Umiling siya. “Hindi iyan totoo.”

Sumama ito sa ibang lalaki. Hindi ito nakulong. Umiimbento lang ito ng kwento para maawa siya dito.

“Iyon ang totoo. At alam mo ba kung sino ang may kagagawan pa sa pagpapakulong sa akin? Si General Mortiz, ang ama ni Santina. Ipinakulong ako para sa wakas ay maangkin niya at mabawi mula sa akin si Franco. Siya ang sumira ng pamilya natin! Siya.”

Pakiramdam niya ay may tumagos na bala sa dibdib niya habang naririnig ang paghagulgol ng ina niya. Sa bawat hagulgol nito ay naroon ang paghihirap nito at sakit. Sa loob ng sampung taon ay nasa kulungan ang ina niya habang kinamumuhian niya ito. Wala siyang kamalay-malay. Habang ang babae na siyang inaakala niyang muling bumuo sa nasira niyang pamilya at nagsakripisyo sa pagtayo bilang ina niya ang siyang sumira sa lahat. Pati ang katotohanan ay sinira ni Santina.

Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. “A-Alam po ba ni Papa ang tungkol dito?” tanong niya.

Umiling ito. “Hindi ko alam. Pinadalhan ko siya ng sulat. Pinadalhan din kita ng sulat pero wala akong natatanggap na kahit ano mula sa imyo.”

“Wala po akong natatanggap na sulat mula sa inyo,” aniyang parang nanlalaki ang ulo sa mga nalaman. Hindi naman sila lumipat ng bahay. Iyon pa rin ang address nila.

“Napakasakit para sa akin ang pagkakakulong ko, anak. Ni hindi ako nilitis man lang. Impyerno ang buhay ko sa loob ng kulungan. Pinahirapan nila ako. Akala ko di na ako mabubuhay pa. Ang pinakanagpapalungkot sa akin ay di kita mayakap. Di man lang kita makasama. Wala akong mabalitaan tungkol sa iyo.”

“P-Paano po kayo nakalaya?” tanong ni Maki at nanlalambot ang tuhod na umupo sa dulo ng kama.

“Mabuti na lang at may mga kaibigan ako na NGO. Sila ang tumulong sa akin para makalaya nang mamatay ang ama ni Santina. Pero alam ko na wala na akong babalikan. Iba na ang buhay ko. Wala na ang mga taong mahalaga sa akin. Wala akong kahit na ano.”

“M-May ibang pamilya po ba kayo?” maingat niyang tanong.

Umiling ito at ginagap ang kamay niya. “Wala. Kayo lang ng ama mo ang mahal ko. Wala akong ibang pinangarap sa loob ng sampung taon kundi ang makasama ulit kayo. Ang makasama ka. Hanggang nakita ko ang larawan mo sa diyaryo kasama ang lalaking pakakasalan mo. Kuha ninyo sa engagement party ninyo. Napakaganda mo, anak. At kahit gusto kong lumayo, alam ko na di ko kayang di ka makita kahit isang sandali lang.”

Nakita niya ang sinseridad ng nanay niya. Sa lahat ng hirap na dinanas nito ay simple lang ang pangarap nito – ang makita at makausap siya. Wala itong ibang hinihingi. Kahit man lang katarungan sa mga pinagdaanan nito.

Tuluyan nang natunaw ang galit sa puso niya at nangibabaw ang pagmamahal niya sa ina niya. “Nanay, pasensiya na po. Hindi ko po alam ang nangyari sa inyo. Wala po akong alam.”

Niyakap niya ito at napahagulgol ng iyak. Parang dam na bumigay ang luha at emosyon niya. Nang maramdaman ang init ng yakap nito, iyon ang pinakamasarap na pakiramdam na nadama niya sa loob ng mahabang panahon. Nasasabik siya sa yakap ng tunay niyang ina. Dahil kahit ano pang kasinungalingan ang ipapaniwala sa kanya ng mundo, alam niya sa puso niya na mahal siya ng nanay niya. At ang batang puso niya ay umaasa pa rin na magkakasama sila gaya ng dati.

“Akala ko talaga iniwan ninyo kami ni Papa. He was devastated when you left. Parang robot siya na walang ginawa kundi ang magtrabaho. Mahal na mahal ka niya.”

Hinaplos nito ang buhok at pisngi niya at pinagmasdan siya na puno ng pagmamahal. “Hindi ko siya pinagtaksilan kahit na kailan. Siya lang ang mahal ko. Hindi ako tumingin sa iba.”

“B-Bakit po nila ipapakulong kayo?” tanong niya.

“Alam mo naman na ayaw sa akin ng lolo at lola mo. Si Santina talaga ang gusto nilang ipakasal sa kay Franco na nag-iisang tagapagmana ng mga Rubella. Dahil di ko na matagalan na manatili kasama nila kaya kinukumbinsi ko ang ama mo na lumipat na kami ng bahay. Ayaw iyon ng lolo mo. Ayaw niya na matalo siya sa labanan namin kung saan kayo ng ama mo ang premyo. Kaya… kaya gumawa siya ng paraan para siraan ako sa ama mo. Dati pa nagseselos ang ama mo kay Eliseo at nilagyan nila ng malisya ang lahat. Nang tinatangka kong makipag-ayos sa ama mo para magkabalikan kami saka naman ako naipakulong.”

At mula noon ay naroon na si Santina para damayan silang mag-ama. Sinamantala nito ang kalungkutan ng ama niya at naging nanay sa kanya kahit na may pagkakataon na parang napipilitan lang ito na mapalapit sa kanya.

Yumuko siya. “Sorry po kung pinakasalan niya si Mama Santina.”

“Sa palagay ko ay ginawa niya iyon para sa iyo at hindi para sa sarili niya. Sa pagkawala ko, kailangan mo ng isang babaeng gagabay sa iyo. Dinalaw ako ni Santina sa kulungan nang matapos silang ikasal. Sinabi niya na sa kanya na ang lahat ng iniwan ko. Binabawi niya ang dapat na sa kanya na inagaw ko lang.”

May bikig sa lalamunan niya at parang napakahirap na lumunok. Di niya masikmura ang lahat ng kasinungalingang inikutan ng buhay niya sa loob ng mahigit sampung taon. “Naiintindihan ko na po ngayon,” usal niya.

Nakatakda nang pakasalan ni Santina ang Papa niya nang magtanan ang Papa niya kasama si Lupita. Napilitan ang lolo at lola niya na tanggapin siya dahil buntis na si Lupita noon. Sa kabila ng hostility sa bahay nila ay pinuno siya ng pagmamahal ng mga magulang niya. Subalit nariyan pa rin si Santina at umaali-aligid.

Hanggang mawala ang nanay niya sa eksena at ito na ang nag-take over sa bahay at buhay nila. Noong una ay parang mabait lang ito na kaibigan ng ama niya. Hanggang gusto nito na tawagin niya itong “mama”. Isinasaksak nito sa utak niya na ito na ang pakakasalan ng papa niya. At binura nito ang lahat ng bakas ni Lupita bilang ina niya.

Kung bakit halos mabaliw-baliw ito nang malamang bumalik ang ina niya. Kung bakit takot na takot ito na mawawala dito ang lahat. Dahil may itinatago itong lihim. Lihim na sisira sa lahat ng kasinungalingan nito. Malas lang nito dahil patay na ang lahat ng kasabwat nito at ito na lang ang natitirang buhay.

“Nang makita ko sa diyaryo na ikakasal ka, natakot ako na baka napipilitan ka lang magpakasal sa lalaking iyon. Ganoon ang mga mayayaman. Gusto nilang pagsamahin ang negosyo ng pamilya nila sa pamamagitan ng kasal,” puno ng pag-aalalang sabi nito.

Nakangiti niyang ginagap ang kamay nito. “Mahal ko po si Benedikt at mahal din po niya ako. Siya po ang pinakamagandang nangyari sa akin.”

“Natutuwa akong marinig iyan.”

“At maayos din po ang pakikitungo ng pamilya niya sa akin.”

Kumunot ang noo nito. “Pero malaya ka ba na gawin ang lahat ng gusto mo? Di ka ba nila pinangungunahan sa mga bagay na gusto mong gawin?”

Natigagal siya. Mukhang may alam na ito sa naging problemang nilikha ng pagkanta-kanta niya noon. “Ano po…” Dapat bang sabihin niya iyon sa nanay niya? Marami silang pagkakapareho pero iba naman si Benedikt. Iba rin ang pamilya ng tatay niya. At nagdesisyon na siya kung ano ang mas mahalaga sa kanya at ang pinahahalagahan niya.

“Anak, alam ko na marami tayong pagkakatulad. You are a free soul like me. Nakuha mo iyon sa akin. Paano kapag kasal na kayo at marami kang bagay na gusto mong gawin at ipahayag pero ayaw nila? Alam mo ba ang pakiramdam na para kang sinasakal? Na sisikilin ang kalayaan mo? Paano kung itapon ka na lang nila katulad ko kapag isa ka nang liability sa kanila o hindi mo na sinusunod ang gusto nila?”

Tipid siyang ngumiti at tinapik ang kamay na hawak nito para di na ito mag-alala pa. “Hindi po nila gagawin sa akin iyon.”

Bumuntong-hininga ito. “Pasensiya ka na. Alam ko na masaya ka kasama ang nobyo mo pero di ko maiwasang mag-alala sa iyo.”

“Si Benedikt pa nga po ang nagsabi na makipagkita ako sa inyo. Mabuti po siyang lalaki. Pero…” Pero maraming patakaran. Maraming bagay na kailangan niyang sundin para maging karapat-dapat. At gaya ng ina niya, ay di siya makahinga sa mga patakaran na iyon. Subalit di na iyon mahalaga ngayon. “Ang mahalaga po alam ko na ang totoo at nandito na ulit kayo kasama ko. Nanay, na-miss po kita.” At muli niya itong niyakap.

“Hindi ako mawawala hangga’t gusto mo ako na kasama mo, anak.”

Pakiramdam niya ay buo na siya dahil kasama niya ang nanay niya. At ngayong alam niya ang katotohanan ay magbabayad ang may sala.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.