You’re Still My Man (Filipino) Chapter 16

PARANG bulkang nagbabantang sumabog si Maki nang pumasok ng Villa Rubella. Masaya siyang sinalubong ni Santina kahit na pasado alas siyete ng gabi na siya umuwi at hindi ang itinakda nitong alas sais ng hapon. "Hija, mabuti dumating ka na. Nariyan na ang Papa mo. Naghanda na ako ng paborito mong papaitan. Ako mismo ang nagluto."

Masiglang-masigla ang tono nito na parang wala itong iniindang alalahanin. Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Bakit ninyo ako ipinagluto ng papaitan? Hindi ba sabi ninyo hindi bagay sa isang sophisticated na babae ang kumain ng kambing? Na para sa lasenggang babae lang ang papaitang kambing?”

At naalala pa niya ang pagkarimarim sa anyo nito noong bata pa siya at iyon ang ini-request niya na ulam. Na parang isang mortal na kasalanan ang kumain ng kambing.

Santina’s smile faltered. Subalit mabilis naman itong nakabawi. “According sa isang study na nabasa ko, maganda daw sa kalusugan ang kambing. Even better than pork. So never mind what I told you before. Masarap naman ang pagkakaluto ko. Halika na,” anito at hinawakan ang braso niya.

Hindi siya gumalaw at tiningnan ang kamay nitong nakahawak sa braso niya. She felt sullied by her touch. Pinigilan niya ang sarili na pumitlag saka marahang inangat ang tingin sa mukha nito. "Bakit bigla kang bumait sa akin?"

Nagulat ito. "Ano?"

Naningkit ang mata niya at din a niya napigilan ang kalooban niya. "Natatakot kang lumayo ang loob ko sa iyo at mas maging malapit ulit ang loob ko sa nanay ko kaya sinusuyo mo sa ako ngayon? Sinisira mo ang sarili mong mga patakaran para kunin ang loob ko?” Ngumisi siya. “Natatakot kang malaman ko ang totoo?"

Nabitiwan siya nito na parang napaso. Nahihintatakutan siya nitong tiningnan na parang iyon ang unang beses siya nito nitong nakita. "Ano bang sinasabi mo?" tanong nito habang humahakbang paurong.

"Bakit ganyan ka magsalita sa Mama mo?" dumadagundong ang boses na tanong ni Franco na nakatayo sa baba ng hagdan.

Biglang sinapo ni Santina ang dibdib. "Nagkita kayo ni Lupita?"

Inilang ni Franco ang pagitan nila at hinarap siya nito. "Sabi mo di ka na makikipagkita sa kanya. Nangako ka. Alam mo kung anong mangyari sa Mama mo."

"Mama? Ang babaeng tumayong ina ko nang mawala si Nanay?” mariin niyang sabi. Ni hindi nga niya masikmurang tawagin pa itong “mama” ngayon matapos niyang malaman ang lahat ng ginawa nito. Ngumisi siya habang pinagmamasdan si Santina. “I see nothing but a homewrecker."

Narinig niya ang paghikbi ni Santina. Di niya alam kung totoong nasaktan ito o nagdadrama lang para kaawaan pero wala siyang nararamdaman dito kundi galit. Balewala na sa kanya ang lahat ng ipinakita nito sa kanya noon na kabutihan. Pagbabalat-kayo lamang iyon para mapalapit sa ama niya.

Hinaklit ni Franco ang balikat niya. "Mag-ingat ka sa pananalita mo. Siya ang tumayong nanay mo nang umalis si Lupita. Ano bang sinabi ni Lupita sa iyo?"

"Marami, Papa. Maraming interesanteng bagay akong natuklasan. Hindi niya tayo inabandona. Pinalayas siya ni Lolo. Hindi totoo na may iba siyang lalaki."

"Kung ganoon, bakit di siya nagpakita sa inyo?” naghahamong tanong ni Santina.

"Nakulong siya. Siyempre alam mo iyon dahil sarili mong ama ang tumiyak na mananatili siya sa kulungan. Hindi ba dinalaw mo pa nga siya sa kulungan para ipamukha sa kanya na sa iyo na kaming mag-ama? Na magpapakasal na kayo ni Papa at nagtagumpay ka na alisin siya sa buhay namin ni Papa?"

Tinutop ni Santina ang bibig. "Hindi. Hindi totoo iyan."

Her cool demeanor and strong character was suddenly gone. Nasa harap niya ang isang babae na takot na takot sa sariling multo na ito mismo ang gumawa.

Di niya pinansin ang paghihinagpis nito at nagpatuloy. "Sumusulat si Nanay sa akin pero walang nakakarating. Sampung taon siyang nakulong kahit na wala siyang kasalanan. Dahil sa kagagawan mo. Ninyo ni Lolo. Ginawa mo ang lahat ng iyon para makuha si Papa."

Tinakpan ni Santina ang tainga. "Tama na! Tama na!"

Binalingan niya si Franco na gimbal na gimbal ang anyo. "Papa, ganoon na lang ba iyon? Iyon ang totoo. Ni hindi natin alam na nakulong si Mama at nagdusa."

"Alam ko,” mariin nitong sabi.

Natigagal si Maki. Hindi iyon ang sagot na inaasahan niya mula sa ama niya. "Alam ninyong nakakulong si nanay at hindi ninyo sinabi sa akin?"

"Gusto kong bigyan ka ng normal na pamilya. Kasal na kami ni Santina nang malaman ko.” Huminga ito ng malalim. “Anong iisipin ng mga tao kapag nalamang nakakulong ang ina mo? Masisira ang pangalan natin. Mapupulaan ka rin dahil anak ka ng isang bilanggo. Ng isang rebelde. Isa pa, maayos na ang pamilya natin noon. Pamilyang sinira niya. At mas gugustuhin ko nang nakakulong siya kaysa magsama pa sila ng lalaki niya."

Pumikit siya nang mariin. Pakiramdam niya tinraidor silang mag-ina ng sarili niya ama – ang akala niya ay kakampi niya sa lahat ng pagkakataon. Kinuyom niya ang palad at pigil ang hininga nang dahan-dahang idilat ang mata niya. "Alam ninyo at hinayaan ninyong manatili sa kulungan si Mama? Ni wala kayong ginawa."

"I thought she deserved it. Akala ko niloko niya ako,” anito at iniwas nito ang tingin sa kanya. Subalit bago pa ito nakaiwas ay nakita niya ang paglalaban ng emosyon at guilt sa mga mata nito.

"Sa loob ng sampung taon, puro kasinungalingan lang ang pinapaniwala ninyo sa akin,” puno ng kapaitan niyang wika.

“I am your mother, Maki,” may halong pagsusumamong sabi ni Santina at marahang lumapit sa kanya. “I know we have disagreements but I tried my best to be the best mother for you. I made you into this. A lady. You are every inch an heiress.”

Tinangka siya nitong hawakan sa kamay subalit pinalis niya ito. "Mother? I am just an excess baggage to you. For ten years I tried to be the daughter that you wanted. I tried so hard to please you. Pero tinotolerate mo lang ako dahil wala kang choice. Ako nga naman ang nag-iisang anak ni Papa at ako rin ang passport mo para mapakasalan ka niya. Wala kang magawa dahil naisilang na ako sa mundo at di mo ako pwedeng itapon o isama sa kulungan katulad ng nanay ko. Di mo ako itinuring na anak. Isang malaking drama lang ang lahat. You hate me because I am my mother's daughter. Ayoko nang maging parte ng kasinungalingang ito. Ayoko na dito!" At saka tinalikuran ang mga ito. Malalaki ang hakbang niya palabas ng bahay. Hindi na siya makakahinga pa doon. Hindi na niya magawang harapin si Santina o ang ama niya mismo. It was too much.

"Saan ka pupunta? Sa nanay mo?” Nawala ang pagiging maamo ng boses ni Santina at maging ang mukha nito ay hindi na nagmamakaawa kundi naging mabalasik. Hindi na rin tumagal ang pagpapanggap nito. Ngayon lang ito nahubaran ng maskara. “Oras na sumama ka sa kanya, maglalaho ang lahat ng ito – ang yaman, ang lahat ng luho, ang lahat ng magagandang bagay…”

“Hindi iyan ang mahalaga sa buhay,” mariin niyang wika. Dahil kahit kailan ay di siya napasaya ng mamahaling mga bagay. Ng mga bagay na puro panlabas lamang. “Mas importante sa akin ang katotohanan. My mother raised me that way. That one is priceless. Isang bagay na sinubukan mong ibaon sa pamamagitan ng pera pero sa huli ay lalabas pa rin ang totoo.”

Tumaas ang kilay ni Santina at ngumisi. “Gusto mo bang mawala rin sa iyo si Benedikt? Oras na malaman nilang parte ulit ng buhay mo ang nanay mo ay aayawan ka nila. Sisirain mo lang ang pangalan mo na binuo ko sa loob ng mahabang panahon. Sisirain mo ba ang mga pangarap mo?"

Tinalikuran na niya ito bago pa siya tuluyang maimpluwensiya ng mga sinasabi nito. Ayaw na niyang makinig sa kahit na ano. Ayaw na niyang itanim sa isipan niya ang mga kasinungalingan. Mawala na ang lahat sa kanya huwag lang si Benedikt.

Tumakbo lang siya palayo. Di niya alintana ang kidlat at kulog o ang nagbabantang buhos ng malakas na ulan. Gusto na lang niyang lumayo doon. Malayo kay Santina. Malayo sa ama niya. Malayo sa lahat ng kasinungalingang bumabalot sa pagkatao niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.