You’re Still My Man (Filipino) Chapter 30

Nagpalakpakan ang mga tao at di niya maiwasang sumimangot. Ang kontrobersiyal na La Reina Resort and Spa ang siyang pinaka-exclusive at pinaka-high end na resort sa isla ng La Reina. Marami ang tumutol sa pagtatayo niyon dahil na rin maraming dead corals ang winasak na naging concern ng mga environmentalist. Subalit dahil nasa pribadong lupain ay wala silang nagawa. Di pa nagbubukas noon ang resort at nag-aalala sila na mas dadami pa ang problemang paparating lalo na kung hindi mame-maintain ang katahimikan ng isla kapag may mga magtatayo na ng maiingay na bar sa lugar. Baka tuluyan nang mawala ang charm ng La Reina at matulad na lang din sa ibang beach sa bansa na makalat, magulo at maingay.

“Kulang na lang ay ang magkaroon tayo ng sarili nating airport na maaring mag-accommodate pati ng international flights. At nais ko sanang magdala sa inyo ng magandang balita. Sa wakas ay pinirmahan na ng ating mahal na Pangulo ang pagtatayo ng La Reina International Airport upang sa gayon ay lalong mapabuti ang kalagayan ng ating isla,” deklarasyon ni Governor Marasigan.

“Ano?” bulalas ni Maki at muntik nang mapatayo sa kinauupuan niya. Nangyari na ang kinatatakutan niya. Napirmahan ang panukalang proyekto sa pagtatayo ng pandaigdigang paliparan kahit di nararapat.

Naagapan agad ni Robert ang braso niya at pinigilan siyang tumayo. “Maki, kumalma ka lang.”

“Paano ako kakalma? Hindi feasible na tayuan ang islang ito ng international airport. Napaka-unstable ng lupain dito at gawa ito sa limestone. Tapos lalapagan mo ng jumbo jet? Alam mo ba na maraming maaring mapinsala at buhay na malalagay sa panganib kapag nangyari iyon? For what? Para sa pera?” ngitngit niya. “At paano nakalusot ang project na iyan sa kabila ng pag-aaral ng mga eksperto kung gaano ka-vulnerable ang isla?”

“Basta kumalma ka lang diyan. Huwag kang gagawa ng eksena dito,” mariing saway ni Robert sa kanya sa mahinang boses at humigpit ang pagkakapigil sa braso niya.

“At sa mga kontra sa pagtatayo ng airport na pangarap nating lahat, sila ang walang malasakit sa ating bayan. Sila ang walang malasakit sa kaunlaran. Wala silang ginawa kundi umangal nang umangal habang ang bayan natin ay nalulugmok sa kahirapan. Kaya sana ay lagi tayong makiisa sa proyekto ng ating mapamahalaan para lahat tayo ay sabay-sabay aangat. Wala nang hilahan pababa.”

Mariing pumikit si Maki at bumilang ng sampu habang kinakalma ang sarili. This was such a bad, bad day for her. At nagsimula ang lahat nang mapanagipan niya si Benedikt. That dream was such a bad omen. Parang halos lahat ng nangyayari sa buhay niya ay mali. Hindi niya alam kung kakayanin pa niya. Pati ang tahimik niyang buhay sa La Reina ay nakatakdang masira. Isang malaking panganib ang dala ng international airport project na iyon.

Anong dapat niyang gawin ngayon para maipatigil ang pagtatayo ng airport? Paanong nagkapalpak-palpak ang lahat?

Maya maya pa ay natapos na ang programa at isa-isang kinakamayan ni Governor Marasigan ang lahat ng nandoon. Nanginginig ang buong katawan niya sa inis lalo na’t nakita niyang nakasunod dito si Benedikt at nakaangkla si Hannah sa braso ng dating nobyo. Kailangan ba talagang magkasunud-sunod ang di magagandang nangyayari sa kanya? Sasabog na siya anumang oras. Kung pwede lang na umalis doon o mapipilitan siyang magsalita para mailabas niya ang kinikimkim niyang damdamin.

“Nakakatuwa ang mga batang ito,” anang si Governor Marasigan nang isa-isang kamayan ang mga miyembro ng choir na nakahilera. “Very talented. Maganda rin ang kinanta ninyo. Ngayon ko lang yata iyon narinig.”

“Si Ma’am Veracruz po ang nag-compose ng kinanta namin,” pagmamalaki ni Kristine at lumingon sa kanya.

Bakas ang pagkagulat sa mukha ng gobernador at kinamayan siya. “Hindi ko inaasahan na may talentado kaming teacher dito sa La Reina.”

“Dad, pwede natin silang i-invite sa opening ng resort,” excited na sabi ni Hannah. “These kids can be our very own Loboc Children’s Choir. I am sure mas makakahatak pa tayo ng maraming turista. And their songs would be originally done by their teacher. I am sure mas sisikat pa sila at ang mismong La Reina. I feel like we unearthed a gem.”

“Kayang-kaya po iyan ni Miss Veracruz,” bida naman ni Robert. “Magaling po siyang composer.”

Ipinitik ng gobernador ang daliri at sinenyasan ang isang aide. “Maganda kung magdo-donate tayo ng sound system sa La Reina Central Elementary School para magamit ng mga bata. Of course, we will contact them for La Reina’s opening two weeks from now.”

Pinisil ni Hannah ang braso ni Benedikt. “Oh, this is perfect! Hindi na ako nalulungkot dahil nag-back out ang isang performer natin. And I am so excited because you are here with me.”

Ngumiti si Benedikt kay Hannah. “I told you that everything will be fine.”

Halos puro pula ang nakikita niya nang mga oras na iyon. It was too much. Really too much. Paanong parang ayos lang ang lahat sa paligid niya habang bumabagsak naman ang mundo niya?

Akmang lalagpasan na sila ng gobernador nang tawagin niya ito. “Governor, may gusto lang po sanang itanong ang isang simpleng mamamayang gaya ko. Alam ba ninyo na ang isla ng La Reina ay hindi feasible na tayuan ng international airport? Maaring malagay sa panganib ang buhay ng marami dito dahil sa plano ninyo,” matapang niyang sabi.

Narinig niya ang pagsinghap ng ibang mga tao sa paligid niya. Ngayon lang may sumawata marahil nang harapan sa gobernador at sa mismong event pa kung saan ipinagmamalaki nito ang accomplishment. Walang ibang magandang panahon para magtanong kundi ngayon.

Nakangiti siyang hinarap ng gobernador. Hindi niya alam kung sanay na itong ngumiti kahit sa harap ng kalaban bilang politician pero nagngingitngit ang kalooban nito o sadyang di lang ito nababahala sa protesta niya. “Miss… Veracruz, now I know why you are familiar. Ang nanay mo ang head ng mga nagpoprotesta sa pagpapatayo ng airport, tama ba? Lupita Veracruz. Ano pang magagawa natin? Napirmahan na ng pangulo ang project. He wants to start na ball rolling soon.”

“Paanong pipirmahan niya iyon? Ang mga geologist at iba pang scientist na nag-aral sa lugar na ito ay idineklarang hindi pwedeng tayuan ng airport ang lugar na ito. Bukod sa unstable ang lupa at di maaring lapagan ng mga jumbo jets, nanganganib din ang marine biodiversity natin oras na magdagsaan ang mga turista dahil sa international airport. Ito ba ang ipapamana natin?”

“Ah! The report.” Pinagpag nito ang mga kamay. “Hindi mo ba alam na binawi na ng mga sinasabi mong geologists at scientists ang mismong report na sila ang gumawa?”

“What?” bulalas niya. Nanlaki ang ulo niya sa natuklasan. Paanong ang pinanghahawakan nilang report ay nawalan ng bisa? Ganoon na lang ba basta-basta baguhin ang isang report na pinag-aralang mabuti?

“Mabuti na lang at naitama nila ang mali kaya nakumbinsi ang Pangulo natin na pirmahan ang proyekto. And it is a done deal. Napirmahan na ng Pangulo at hindi na iyon mababago pa. Ngayon ay pwede na tayong magkatulong-tulong sa pagpapaunlad ng ating lalawigan. Good day, Miss Veracruz. Inaasahan ko na makakatulong ka namin sa pagharap ng Isla La Reina sa mas magandang bukas.” At saka naglakad palayo si Governor Marasigan kasama ang entourage nito para kumain. Kasama ng mga ito si Benedikt na parang di alintana kung anumang environmental issues ang kinakaharap ng lalawigan. He was obviously siding with the governor with the governor’s daughter in his arms.

“Pero…”

Akmang hahabulin niya nang pigilan siya ni Robert sa braso. Umiling ito. “Tama na. Pahihirapan mo lang ang sarili mo. Saka baka mapurnada ang donation nila para sa mga bata. Mapapagalitan ka pa ni Ma’am Teleb kapag ipinilit mo ang gusto mo. Sayang naman ang magandang pagkakataong ito para sa eskuwelahan natin.”

Mariing nagdikit ang labi niya. “Ganoon lang iyon? Ipagpapalit natin ang kalikasan para sa iilang barya? Paano ang kaligtasan at kinabukasan ng mga bata dito sa La Reina. Gusto mo ipikit ko na lang ang mga mata ko sa katotohanan?”

“Hindi naman siguro ganoon kasama ang nangyayari. Saka para naman ito sa kabutihan ng nakakarami. Mas marami ang magkakatrabaho at mas makikilala ang La Reina sa buong mundo. Huwag ka nang masyadong magalit dahil lalo lang sasama ang pakiramdam mo. Kumain ka na lang,” anito at inabot sa kanya ang sandwich at juice na ipinamimigay bilang miryenda sa kanilang mga dumalo sa programa.

Umiling siya. “Sa iyo na lang. Pakitawagan na lang ang sundo natin. Gusto ko nang makauwi. Hindi na talaga maganda ang pakiramdam ko.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.