Dali-daling nag-retouch si Maki paglabas ng cubicle. Mabuti na lang at handy ang kaalaman niya sa paglalagay ng make up kaya hindi masyadong halata na namumugto ang mga mata niya. It was bad enough that her heart was broken and her world fell apart. Na parang siya na lang ang naniniwala na may pag-asa pa para sa kanila ni Benedikt.
Tinungga niya ang tubig sa baon na tumbler para kalmahin ang sarili at saka bumalik sa tabi ni Robert na nakikinig sa talumpati ng mayor nila na wine-welcome ang lahat ng mga tao doon.
Nilingon siya nito. “Okay ka na? Sabi kasi ni Kristine masama daw ang pakiramdam mo. Gusto mo bang dalhin ka muna sa clinic?”
Umiling siya. “Hindi na. O-Okay lang ako.” Huminga siya ng malalim. “Pang-ilan daw tayo sa magpe-present?”
“Pagkatapos ni Mayor, tayo na ang susunod.” Nagulat siya nang biglang hawakan ni Robert ang kamay niya. “Kaya natin ito.”
At nang sandaling iyon ay nakita niya mula sa mga hilera ng mga taong nakaupo sa unahan niya na lumingon si Benedikt. Nagtagpo ang mga mata nila. Nataranta siya. Alam ba nito na may ibang lalaking humawak sa kamay niya? Magseselos ba ito kapag nalaman nito na nanliligaw si Robert sa kanya? Nasasaktan din ba ito gaya niya nang malaman niyang may ibang babae sa buhay nito?
Dali-dali niyang binawi ang kamay mula kay Robert. Nakita niyang ibinalik din ni Benedikt ang tingin sa entablado. Subalit di ibig sabihin ay ie-encourage pa rin niya ang kasamahang guro. Kahit na hindi siya nakikita ni Benedikt, ayaw niyang bigyan ito ng rason para isiping may ipinalit na siya dito. Kunyari ay may hinalungkat siya sa bag. “Hindi naman siguro ako namumutla.”
“Hindi naman. Maganda ka pa rin naman.”
Kunyari ay di niya narinig ang pambobola nito. Dinukwang niya ang mga estudyanteng nasa harapan niya. “Mga bata, malapit na tayong mag-perform. Huwag kayong kakabahan at lagi kayong ngingiti.”
“Opo, Ma’am,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.
Di nagtagal ay nilapitan na sila sa isa sa mga kasamahan niyang guro na ngayon ay sa Annex na magtuturo para papilahin na ang mga bata sa gilid ng stage. Matapos ang speech ng mayor ay sinimulan na ring ipakilala ang mga bata at nai-set up na rin ang keyboard sa ibabaw ng stage.
Naunang umakyat ang mga bata at sila ang panghuling umakyat ni Robert. Kakaibang kaba ang naramdaman niya nang tumapak sa stage lalo na’t nakita niya ang mga mata ni Benedikt na nakatuon ang tingin sa kanya. Naalala niya kung paano nitong sinuportahan ang pagtugtog niya dati sa kabila ng disgusto ng ama at madrasta niya. Matutuwa kaya ito sa magiging performance nila o kamumuhian siya nito. Bahagi ang musika ng pagkatao niya at isa ito sa dahilan kung bakit nais din niyang maging malaya noon.
Nawala sa isipan niya si Benedikt nang makita ang ngiti ng mga mag-aaral niya. Hindi muna niya iisipin si Benedikt dahil kailangan niyang gawin ang trabaho niya bilang isang guro – ang maging bahagi sa pagtupad sa pangarap ng mga kabataang ito.
Pumikit siya at saka tumipa sa keyboard. Nawala ang kaba niya sa pag-ilanlang ng unang nota ng musika. She always had that feeling. Pero sa pagkakataong ito ay parang may apoy sa dulo ng mga daliri niya. Kakaibang enerhiya ang umiikot sa katawan niya hanggang marinig niya ang pag-awit ng mga bata. She was passionate about music. Alam niya iyon. Pero sa mga taong nagdaan, hindi pa niya naramdaman ang ganitong klase apoy. Iba rin ang sigla niya lalo na nang makita niya kung paanong nag-e-enjoy ang mga bata at kung paanong pati mga tao ay matamang nakikinig sa mga ito. Walang hindi mata-touch sa mala-anghel na tinig ng mga kabataang ito. And they really did justice to her song. Nararamdaman niya ang conviction sa kanya – kung paanong nagsisimula ang mga ito sa pagtupad sa mga pangarap at kung anong klaseng suporta at sakripisyo ang handang ibigay ng mga nakakatanda para matupad ang lahat ng iyon. The realization of a dream. And it made her feel young and happy… Damang-dama niya ang enerhiyang iyon.
But there was something more in her. Di niya maiwasang sulyapan si Benedikt na bahagyang nakangiti habang nanonood sa mga bata. Naalala niya ang mga panahon na kapag tumutugtog o kumakanta siya para lang dito. Kung paano siyang lumilikha ng awitin para lang dito. And she had that same fire on her fingertips whenever she plays. Dahil din sa presensiya nito kaya mistulang lumalagablab ang apoy sa pagkatao niya. Bagamat lumilikha pa rin siya ng awitin, ang awitin na para sana sa kasal nila ng binata ang huling love song na isinulat niya. Hindi na siya nagsulat pang muli ng awitin tungkol sa pag-ibig, na parang umaawit lang ang puso niya para dito. Ang presensiya lang ni Benedikt ang nagdala sa kanya sa euphoria. Kaya paanong babalewalain niya ang presensiya nito sa buhay niya kung tanging ito lang nagpapasiklab sa apoy ng pagkatao niya maging sa musika?
Kinalabit ito ng katabing si Hannah at may ibinulong. Lumapad ang tipid na ngiti ni Benedikt at bahagya pang tumawa sa sinabi ng babae. Nang mga oras na iyon ay parang sinaksak na naman ang puso niya nang paulit-ulit. Dati ay sa kanya lang ito ngumingiti nang ganoon. Ngayon ay nariyan na si Hannah. Isang masakit na realidad at parang binigyan siya ng mag-asawang sampal. Mula sa tuktok ng bundok ay parang tinadyakan siya ni Benedikt sa dibdib at gumulong siya pababa. At saka siya bumagsak sa malamig na karagatan para tuluyang patayin ang apoy na naglalagablab sa puso niya.
Napapitlag na lang siya nang may na-miss siyang nota. She was spacing out. Nakita niya ang nagtatakang tingin sa kanya ni Robert. Hindi niya alam kung may iba pang taong nakapansin na nagkamali siya ng isang nota pero pinilit naman niyang makahabol. Mabuti na lang at bago sa pandinig ng marami ang awiting iyon kaya mukhang nag-e-enjoy pa rin ang mga tao. Mabuti na lang at magagaling ang mga estudyante niya kaya naman tuloy-tuloy lang ang mga ito sa pagngiti at pagkanta.
Iniwas niya ang tingin kay Benedikt at nag-focus na lang sa pagtugtog kahit na paulit-ulit na parang sinasaksak ang puso niya. Hindi na ito nakakabuti sa kanya. Pati performance ng mga estudyante niya ay ije-jeopardize niya dahil sa kanyang kahibangan sa dating nobyo.
Siya na lang ang nahihibang. Siya na lang ang nagmamahal. At wala siyang ibang sisisihin kundi ang sarili niya.
Iniwan niya si Benedikt para sa simpleng buhay na ito. Iniwan niya ito para hanapin ang sarili niya. At sa saglit nitong pagpapakita sa kanya, saka niya na-realize na hindi naman talaga siya masaya.
Pero hahayaan ba niyang tuluyan nitong sirain ang buhay na pinili niya dahil lang sa kahibangan niya? Hahayaan ba niya ang sarili niya na maging bitter at miserable dahil masaya na ito sa piling ng iba?
Aalis din ito. Magpapatuloy sa buhay nito kung saan masaya na ito kahit na wala siya. Mukhang tama nga ang kaibigan niyang si Talia. Kailangan na niya ng closure. Kailangan na niyang mag-move on.
Pero paano niya iyon gagawin nang di na naman nawawasak ang puso niya?
BAGAMAT umani ng masigabong palakpakan ang mga bata matapos ang pag-awit ng mga ito at kumanta pa sila ng isa pang kanta dahil na rin sa request ng gobernador at mayor ay mabigat ang pakiramdam ni Maki.
Isa-isa siyang niyakap ang mga bata pagbaba ng stage. “Magagaling kayo, mga bata. Proud na proud ako sa inyo.”
“Ma’am, kung magaling po kami, bakit po parang naiiyak kayo?” tanong ng estudyante niyang si Agustin. “Hindi po yata kami magaling.”
Umiling siya. “Hindi. Nakita naman ninyo na pinalakpakan kayo ng mga tao. Siyempre magagaling kayo. Pinakanta pa nga ulit kayo ng isa, di ba? Nakita kasi nila na mahal ninyo ang musika kaya na-appreciate nila. Kaya gusto ko ganyan din kayo kagaling sa pagsali ninyo sa choir competition. Okay? Ipakita ninyo ang puso ninyo.”
“Yes, Ma’am,” sabay-sabay na sagot ng mga ito.
She felt wretched. Alam niyang hindi niya naibigay ang one hundred percent sa performance niya dahil lang na-distract siya kay Benedikt. It was just a single note that she missed but it ruined everything. Isang maling nota lang iyon pero alam niyang nagkamali siya. And it was because of her broken heart. Masyado siyang umasa. Masyado niyang paniniwala ang sarili niya na may pag-asa pa para lang matuklasan sa huli na isa siyang hangal. Mandadamay pa siya ng ibang tao dahil sa kapalpakan niya.
“Okay ka lang? Baka masama pa rin ang pakiramdam mo,” nag-aalalang sabi ni Robert.
“Medyo nga. Pwede na ba tayong umalis?” aniya at bahagyang itinapik ang paa. Parang sinisilihan siya sa lugar na iyon. Parang hindi niya matatagalan na manatili doon lalo na’t alam niyang naroon si Benedikt kasama ang ibang babae. She felt bad enough that she nearly ruined her students’ performance. Habang kaya pa niyang sagipin ang sarili niya, mas mabuting umalis na siya doon.
“Hindi pa tayo pwedeng umalis. Wala pa ang sundo natin. Saka gusto pang makilala ni Governor Marasigan ang mga bata. Sinabi sa akin ni Ma’am Teleb,” tukoy nito sa principal nila. “Malay mo maimbitahan pang kumanta ang mga bata sa ibang events. Kapag nangyari iyon, makikilala ang eskwelahan natin. Malay mo mabigyan pa tayo ng mga bagong equipment sa eskwelahan. Hindi ba maganda iyon at iyon naman ang pangarap natin para sa mga bata?”
Tumango na lang siya at nanahimik. Wala naman siyang ibang pagpipilian kundi ang maghintay doon. Iiwasan na lang niya si Benedikt o magkukunwaring hindi ito kilala kahit na mamatay-matay na siya sa sakit. At kung maiiyak man siya, magkukunwari na lang siyang may sakit. Sana lang ay kayanin pa niya ito.
Humalukipkip siya at pinakinggan ang talumpati ni Governor Marasigan. “Mga kababayan, tuloy-tuloy na ang pag-unlad ng isla ng La Reina at nasa mapa na tayo ng emerging tourist destination sa bansa. Patunay diyan ang kabila-kabilang resort na sumusuporta sa kabuhayan ng ating mga kababayan. Marami ang nahahalina sa naggagandahan nating likas-yaman. Nakakatulong ang kita dito para mas mapaganda ang mga daan at mabawasan ang kahirapan sa ating lalawigan. Katunayan ay darating pa ang ating pangulo sa pagbubukas ng resort ng aking anak.”