You’re Still My Man (Filipino) Chapter 33

Parang tumigil ang mundo ni Maki habang pinagmamasdan sina Benedikt at Hannah na sweet na sweet sa isa’t isa. Nagngingitian pa ang mga ito habang nagbubulungan na animo’y nagse-share ng sekreto sa isa’t isa. It was devastating on her part.

Ang keyboard niya, pwedeng palitan. Kahit pa mumurahin lang ay pwede na siyang sumaya ulit. Pero pagdating kay Benedikt, hirap na hirap siyang maka-recover. Isang linggo na ang lumipas mula nang tanggapin niya na iba nang babae ang gusto nito. Pero kahit anong sabi niya na kailangan niyang mag-move on at tanggap na niya, di pa rin nababawasan ang sakit. Mas tumitindi pa ang nararamdaman niya.

Excited na pumalakpak si Hannah nang matapos kumanta ang mga bata. “Oh! Lovely! Ngayon pa lang nakikita ko na ang reaksiyon ng mga bisita ko kapag narinig kayong kumanta. I am sure you will be a great hit. Another original song, Miss Veracruz?”

Nakita ni Maki na bumubuka ang bibig ni Hannah pero di niya mawawaan ang sinasabi nito. Nakatuon ang atensiyon niya kay Benedikt na nakatuon ang atensiyon sa dalaga. As if he was hanging to every word she says. He used to be like that with her. Na parang wala itong pakialam sa ibang tao at sa kanya lang nakatutok ang mundo nito.

At ang masakit, kung dati ay sa kanya umiikot ang mundo ni Benedikt, ngayon ay parang di na siya bahagi ng mundo nito. She was invisible. And he had no idea how much she was hurting inside. Kahit pa siguro malaman nito ay wala rin itong pakialam kung nasasaktan man siya.

“Miss Veracruz,” untag sa kanya ng principal nilang si Mrs. Teleb. “Maria Makiling! Maki!”

Napapitlag siya nang tapikin pa nito ang braso niya. “Ay!” Saka lang niya napansin na nakatuon sa kanya ang atensiyon ng lahat. Animo’y nagtataka sa kanya dahil wala siyang naririnig. “Ma’am, ano po iyon?” gulat niyang tanong.

“Tinatanong ni Ma’am Hannah kung original composition mo daw ba iyan,” anang si Mrs. Teleb na parang di natutuwa dahil tulala siya.

“Oh! Opo,” aniya nang makabawi. “Iyan po sana ang entry nila para sa chorale competition. Nag-decide po kami na iyan na rin ang gamitin para sa opening ng resort ninyo.” Ayaw pa nga sana niya noong una pero dahil na rin sa suhestiyon ni Robert at dahil sa approval ng principal nila ay wala siyang nagawa.

Pumalakpak ulit si Hannah na parang bata. “I love it! Kaso bakit pala naka-record lang ang piano accompaniment? Bakit hindi ka tumutugtog?”

Malungkot siyang ngumiti. “N-Nasira po kasi ang keyboard.”

“Sira ang keyboard mo, Miss Veracruz?” gulat na tanong ni Mrs. Teleb. “Paano pala sa performance na ninyo?”

“Sa iyo bang keyboard ang ginagamit sa practice?” tanong ni Hannah.

“Wala po talaga kaming keyboard na gamit. Idinadala lang po ni Miss Veracruz ang keyboard niya. Nangako po sa amin si Governor na magbibigay ng piano. H-Hindi lang po namin alam kung kailan dadating,” paliwanag ni Mrs. Teleb.

Tumirik ang mga mata ni Hannah. “Naku! Kung sa pondo pa po ng gobyerno dadaan, matatagalan pa ang pangako ni Papa, with the red tape and all. Ako na po ang bahala para may magamit kayo. Gusto kong maririnig si Miss Veracruz na tumugtog ng piano. I prefer to hear her perform live with the kids.” Lumingon ang dalaga sa kasamang assistant. “Danelyn, ikaw na ang bahalang bumili ng keyboard bukas para may magamit na sila sa practice.”

“Yes, Ma’am,” sagot naman ng assistant nito.

“Mga bata, magpasalamat tayo kay Miss Hannah,” sabi ni Mrs. Teleb.

“Maraming salamat po, Miss Hannah!” sabay-sabay na pasasalamat ng mga bata.

Bakas ang excitement sa mata ng mga ito dahil sa wakas ay makakapag-practice na sila. Alam naman niya na iba ang energy kapag may piano accompaniment niya ang mga bata. They were feeding on each other’s energy. Mas may koneksiyon ang kanta niya sa mga ito at gayundin sa audience.

“Ako nga ang dapat na magpasalamat dahil kayo ang kukumpleto sa festive mood ng opening ng La Reina Resort. Kapag nag-perform na kayo sa resort ko ay may piano sa bar at iyon ang gusto kong gamitin ni Miss Veracruz sa performance niya. Kade-deliver lang kahapon. Gusto mo bang subukan ngayon, Miss Veracruz?”

“N-Ngayon?” tanong niya. “Pupunta sa resort?” Hindi siya komportable na pumunta sa La Reina Resort lalo na’t kasama pa nila si Benedikt doon. Hindi yata niya kaya.

“Ayaw mo ba?” malungkot na tanong ni Hannah.

“H-Hindi naman po. Kaso hindi kasi naipagpaalam ang mga bata sa magulang nila.”

Excited siyang nilapitan ni Hannah at hinawakan ang kamay niya. “Ikaw na lang ang sumama sa amin. Gusto ko lang marinig kang tumugtog sa piano. I am really excited to hear you play that new song on piano. Ang totoo, walang pang ibang tumutugtog sa piano na iyon. Ikaw na ang magbinyag. Isn’t it exciting?”

“Ano po… kasi… ang mga bata may practice pa…”

“Sumama ka na kay Ma’am Hannah, Maki,” pang-eengganyo ng principal nila. “Para makapag-practice ka na rin sa piano. Kung doon ka tutugtog, kailangan ka nang magsanay kahit kaunti. Iba siyempre ang hipo ng piano at ng keyboard. Saka wala ka namang gagawin dito dahil sira ang keyboard. Hayaan mo na si Robert sa mga bata.”

May babala sa pagmulagat ng mga mata nito. Hindi pwedeng magtampo o ma-offend ang anak ng gobernador sa katatanggi niya. Baka biglang magbago ang isip nito sa ibibigay na keyboard at baka maharang pati ang donasyon ng gobernador sa kanila.

“S-Sige po.” Sa mga ganitong pagkakataon, wala siyang choice kundi ang tumango kahit na alam niyang parang uulanin na naman ng matatalim na palaso ang puso niya. Kailangan niyang magsakripisyo para sa mga bata.

TAHIMIK lang si Maki sa likod ng van na maghahatid sa kanya patungo sa La Reina Resort. Habang parang humihiyaw naman sa sakit ang dibdib niya habang pinakikinggan ang pagku-kwentuhan nina Benedikt at Hannah sa harapan niya. Katabi niya ang assistant ni Hannah na si Danelyn na ipinakita sa kanya kanina ang online catalogue para sa o-order-in na keyboard. Siya na ang pinapili nito ng modelo lalo na’t siya naman ang may alam pagdating sa mga instrumento. Matapos ay iyon ay pinili na niyang manahimik dahil abala din si Danelyn sa iba pang trabahong nakaatang dito.

It was hell. Hindi niya alam kung bakit kailangan pa niyang masuong sa ganitong sitwasyon. Parang nananadya ang tadhana na ipamukha sa kanya nang paulit-ulit kung gaano na kasaya si Benedikt sa piling ng ibang babae. Parang iniihaw sa baga ang puso niya sa bawat hagikgik ni Hannah sa mga kwento ni Benedikt.

Pinili na lang niyang ibaling ang paningin sa labas ng sasakyan at nagkukunwaring walang naririnig. Kagat niya ang pang-ibabang labi para pigilin ang sarili na maiyak. Nagsasaya ang mga ito habang siya ay miserable at nag-iisa.

Nakikita niya ang sarili kay Hannah noon. Madali para kay Benedikt na patawanin siya. Kahit nga corny na jokes ay tumatawa pa rin siya. Sa kanya lang naman ito nagpapaka-corny. At pakiramdam niya ay siya na ang pinaka-pinagpalang babae sa lahat. Ngayon ay iba na ang babaeng pinagpalang mahalin nito. Iba na ang napapasaya nito. Iba na ang babaeng iniikutan ng mundo nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.