You’re Still My Man (Filipino) Chapter 34

Hanggang kailan ba ako magdudusa ng ganito? Bakit ba hindi na lang ako na-in love sa ibang lalaki? I should have stopped pinning on him a long, long time ago. Kung alam ko lang na ganito kasakit, sana noon pa ako humanap ng iba. Sana kahit ako na lang ang manligaw kay Robert masabi lang na kumpleto na ang buhay ko at masaya na ako.

Pero hindi siya ganoong klaseng babae. Hindi siya ang tipo na masaya na basta may nagmamahal sa kanya. Gusto niya ay mahal din niya ang taong iyon. But she missed that chance. At sa nangyayari sa kanya ngayon, parang mas mapapadalas pa ang impyernong pagdadaanan niya. Kung lalagi sa resort si Benedikt, ibig sabihin ay mas madalas pa ito sa isla. At kapag nagkatuluyan ito at si Hannah…

Huwag naman po sana silang dito maglagi sa isla. Sa Maynila na lang po dahil naroon naman ang opisina ni Benedikt. Dadalaw-dalaw na lang sana sila dito para di ko laging makikita. Huwag naman po akong pahirapan nang ganito.

Kaya niya ang presensiya ni Benedikt sa La Reina. Minsan sa isang linggo ay matitiis niya. Pero kung halos araw-araw niya itong makikita na masaya sa piling ng ibang babae, hindi niya alam kung paano makaka-recover.

“Miss Veracruz, okay ka lang ba diyan?” untag sa kanya ni Hannah. “Or okay lang ba na tawagin kita sa pangalan mo? Maria Makiling? That’s a fairy’s name, right? Ang diwata ng Bundok Makiling”

“Okay lang po ako dito. Saka huwag nang Maria Makiling. Maki na lang po, Ma’am.”

Lumabi si Hannah. “Huwag mo na akong tawaging Ma’am. Hannah na lang. Ma’am makes me feel old. Hindi naman kita empleyado. As a matter of fact, ikaw pa nga ang gumagawa ng pabor para sa akin.”

“Wala po iyon. Para din naman po sa mga bata ang ginagawa ko.”

“Don’t you have plans to have kids of your own? Wala ka bang boyfriend?” nanunukso nitong tanong. “Hindi mo ba boyfriend ang co-teacher mo na si Sir Robert? I think the two of you look so good together.”

“Hannah, that is too personal,” saway ni Benedikt dito. “Baka ma-offend si Miss Veracruz.”

“Of course not,” pakli naman ni Hannah at nakita niyang tinapik nito ang binata sa balikat. Muli itong bumaling sa kanya. “Hindi ka naman na-offend, di ba?”

Umiling siya at pilit na ngumiti. “No. Kaibigan ko lang naman po si Robert. S-Saka wala po akong boyfriend.” At yumuko siya. Hindi siya komportable na inilalahad ang ganitong impormasyon nang naririnig ni Benedikt.

“Bakit naman? You are pretty and talented. Mukha ka ring mabait. Huwag mong sabihing magpapakatandang dalaga ka na lang sa pagtuturo mo?”

Nagkibit-balikat siya. “H-Hindi ko po alam. Basta focus ko po ngayon ang pagtatrabaho ko at gusto ko rin na mag-improve pa ang chorale group. Malaki po kasi ang naitutulong para ma-boost ang confidence ng mga bata. Mga bata pa lang kasi may mga pangarap na sila.”

“Yes. Iba ang estudyante mo pero iba pa rin kapag sarili mo nang anak. I am sure pangarap mo rin na magkaroon balang-araw,” sabi nito.

“Lahat naman ng babae iyon ang pangarap. Pero… wala lang po siguro talaga.”

Paano pa niya nanaisin na magkaka-asawa at magkaroon ng mga anak balang-araw kung ang nag-iisang lalaki na pinangarap niyang na bumuo ng pamilya kasama niya ay may iba nang babaeng mahal? Iba na ang babaeng makakasama nitong bumuo ng pangarap.

“Sayang. Sana pala isinama ko sa resort si Teacher Robert. Naku! Oras na makita mo ang resort ko, I am sure mai-in love ka. Kung nanliligaw man siya sa iyo, tiyak na sasagutin mo siya agad. At kapag nagpakasal kayo, sagot ko ang honeymoon ninyo,” tuloy-tuloy na sabi ni Hannah nang biglang matigilan. “Okay. Benedikt is giving me dagger looks. I am just elated with my resort. Ito kasi ang baby ko. Well, until I met Benedikt. Siya na ang baby ko ngayon. At gusto ko lang din talaga na lahat ng girls ay makatagpo ng sarili nilang Benedikt. I think Teacher Robert likes you. Bagay kayong dalawa.”

“Ang ganda nga dito,” sa halip ay sabi na lang ni Maki at ibinaling ulit sa labas ang paningin. Kapapasok lang nila noon sa La Reina Resort. World-class nga ang naturang resort.

Bumungad sa kanila ang Balinese style na gusali kung saan naroon ang lobby ng resort. May estatwa ng isang batang nagbubuhos ng tubig mula sa banga at sa paligid nito ay may fountain na matatagpuan sa harap ng gusali. Well-manicured ang Bermuda grass at makukulay din ang mga halamang nakatanim sa paligid. Tanaw na rin mula doon ang mahabang baybayin ng puting buhangin na ipinagmamalaki ng isla ng La Reina.

Tumuloy ang sasakyan sa loob na bahagi ng resort. Patuloy pa rin ang ilang construction sa resort pero halos operational na iyon. Isang infinity pool ang animo’y nag-aanyaya sa sinuman na gustong maligo doon. May manmade waterfalls din na sa tantiya niya ay isang storey na building ang taas at bumabagsak sa isa pang pool. May mga nakahilera nang makukulay na cabana sa baybayin ng dagat na maaring gamitin ng mga guest. May isang sailboat rin siyang natatanaw sa di kalayuan. Nakikita rin niya ang mga nipa cottages na mukhang traditional pero natitiyak niyang elegante ang amenities sa loob.

Ang alam niya ay sakop ng La Reina Resort and Spa ang isang kilometrong pribadong beach na maaring magbigay ng privacy sa mga bisita. Tampok din doon ang iba’t ibang klase ng spa at maging Oriental medicine treatment tulad ng acupuncture at hilot. Lahat ng nananaisin ng sinuman sa isang masarap na bakasyon ay matatagpuan sa naturang resort.

Kahit na masakit sa loob niya na makita ang enggrandeng resort na alam niyang may ilang mga environmental regulations na nilabag, magkukunwari na lang siyang hinahangaan iyon para lang mawala sa kanila ni Robert ang usapan.

Mali ba ang ginawa niya? Mas dapat bang magpanggap na lang siyang may relasyon sila ni Robert kahit mutual understanding lang para lang di isipin ni Benedikt na ito pa rin ang mahal niya? Hindi ba mas kahiya-hiya ito sa kanya at baka isipin nitong apektado siya sa relasyon nito kay Hannah?

Pero di naman niya kayang magsinungaling sa ganoong bagay. Kahit sa relasyon nila ni Benedikt, kung anuman ang nararamdaman niya o pinagdadaanan niya ay sinasabi niya dito. Bahala na ito kung pathetic siya sa paningin nito at pinagtatawanan siya. She was miserable already. Kahit na sipa-sipain siya nito ay wala nang sasakit pa sa pakiramdam niya ngayon.

“This is my dream resort. Ang totoo, pangarap namin ito ni Papa. Noong una, ayaw pa nga niya akong pagbigyan. Ate ko kasi ang gusto niyang mamahala dito sa resort. Pero nag-asawa na si Ate at sa Amerika na tumira kaya ako na ang nag-take over. Naantala pa nga ang construction dahil nagka-problema kami sa dating contractor. Mabuti na lang at nandiyan si Benedikt para tulungan kami. Company niya ang tumulong sa amin para makaabot sa deadline. So here it is. Ilang araw na lang at magbubukas na ang dream resort ko.”

“I hope Hannah is not boring you with her story, Miss Veracruz,” anang si Benedikt at nilingon siya sa likuran ng van.

“No. Gusto ko ring marinig ang kwento sa likod ng unang luxurious resort ng isla. It is like puting La Reina Island in the tourism map. May naalala lang ako sa lugar na ito.”

Ang resort ng ama niya na itinayo noon sa Anda, Bohol. Marami din silang masasayang alaala ni Benedikt sa lugar na iyon. Kung paanong maglalakad-lakad sila sa buhangin nang nakayapak at wala silang pakialam kung mabasa man ang mga damit nila. Then they would watch the moon dance over the waves.

May kumurot na naman sa puso niya. Hindi na iyon mangyayari pa.

“Sabi ko na nga ba, dapat isinama natin dito si Teacher Robert. This place is romantic, isn’t it?” kinikilig na tanong ni Hannah. “A perfect place to relax and fall in love.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.