You’re Still My Man (Filipino) Chapter 36

Dali-dali niyang ibinalik ang tingin sa piano at kunyari ay tumipa. Pero ang totoo ay parang bloke ng semento na bumabagsak sa dibdib niya ang bawat bagsak ng tiklado ng piano. Hanggang marinig na lang niya ang papalayong yabag ni Hannah. Anong dapat niyang sabihin kay Benedikt? The silence was awkward. Mukhang hindi rin nito alam ang dapat sabihin sa kanya. Kukumustahin kaya niya ito? O dapat niyang hintayin na ito ang maunang kumausap sa kanya? Habang tumatagal ang sandali ay lalong pabigat nang pabigat ang pakiramdam niya. Ni hindi nga niya magawang tingnan man lang ang binata.

Mabuti na lang dumating ang isa mga staff doon dala ang pasta at sandwiches at inilapag sa mesa sa di kalayuan. “Magmiryenda ka muna,” yaya ni Benedikt at inilahad ang kamay. “Hindi pa kasi kami kumakain mula kanina sa dami ng gagawin.”

“Okay lang ako,” aniya at sinulyapan lang ako. “Kumain na ako kanina.”

Huminga ng malalim si Benedikt. “Look. Alam ko na hindi mo gusto itong resort. Kasama ka sa grupo na tumutol sa ibang design ng resort. Pero nagmamagandang-loob sa iyo si Hannah. She likes you. Bisita ka niya dito. Kaya sana naman huwag mong tanggihan ang hospitality niya.”

“Hindi ko naman…” Matiim siyang tiningnan ng dating nobyo na parang hinahamon siya. Of course, kilalang-kilala siya nito sa kabila ng maraming taong nagdaan. Hindi lang nito alam na hindi naman si Hannah ang gusto niyang iwasan kundi ito. Pero sa huli ay di rin siya makakaiwas. Tumayo siya. “Maghuhugas lang ako ng kamay,” sa wakas ay sabi niya. Hindi talaga siya makakatanggi dito.

Hinugasan niyang mabuti ang kamay nang dahan-dahan. She was taking her time. Umaasa siya na sa pagbalik niya ay naroon na rin si Hannah subalit pagbalik niya ay si Benedikt pa rin ang nandoon. Mukhang hindi pa makakabalik si Hannah. Wala siyang nagawa kundi samahan si Benedikt sa late mirienda nito. Hindi pa nga ito nagsisimulang kumain at sadyang hinihintay siya.

Halos wala silang kibuan nang idinudulot nito ang pasta at sandwich para makakain siya. Maliban sa ilang tanong kung anong gusto niya o ayos lang ba para sa kanya ang lasa ay wala na ito halos sinabi. Hindi tuloy niya alam kung paanong lunok ang gagawin niya sa kinakain niya sa sobrang kaba. Habang parang di naman apektado si Benedikt sa presensiya niya. Tahimik lang nitong ine-enjoy ang miryenda nito.

Mahigpit niyang hinawakan ang kubyertos. It was such a bad, bad joke. Silang dalawa, ng lalaking mahal niya sa isang napaka-romantikong lugar pero ni hindi man lang niya ito magawang kausapin. At ang masaklap pa ay naroon din ang bagong nobya nito.

“Gusto mo ba ng cake?” alok ni Benedikt.

Umiling siya. “H-Hindi na. Okay na ako dito. Salamat.”

“So, natupad din pala ang pangarap mong maging music teacher,” kaswal na sabi nito at nagpatuloy sa pagkain. Then he shrugged his shoulders. “You must be really happy. Wala nang pumipigil sa iyo na gawin ang lahat ng gusto mo. You are free to do whatever you want. Wala nang magdidikta sa iyo sa dapat mong ikilos o hindi.”

Tipid siyang ngumiti. “At sa palagay ko naman masaya ka rin sa career mo ngayon. I mean, look at this.” Luminga siya sa paligid. “Nabasa ko sa local newspaper na ikaw ang president at CEO ng New Horizon Builders at marami ka nang accomplishments. Wow! Alam ko namang malayo ang mararating mo noon pa man. Congratulations.”

Sa halip na matuwa ay dumilim ang anyo nito. “Wala kang ideya kung anong pinagdaanan ko bago ko maabot ang kinalalagyan ko.”

Mabigat ang bagsak ng bawat salita nito. Kung kanina ay awkward ang atmosphere sa pagitan nila, ngayon naman ay parang may galit na namumuo sa hangin. Hindi niya alam kung bakti nagalit ito sa komento niya. “K-Kumusta na pala ang parents mo?”

“You have no right to ask.” Mas mabigat na tono ang ginamit nito kaya parang may dumagang pader sa dibdib niya. Mas matindi ang galit na nahihimigan doon.

Bumuntong-hininga siya. “Benedikt, alam ko na galit ka sa akin dahil… dahil… iniwan kita… dati.” Mariin siyang pumikit. “K-Kailangan kong gawin.”

“Seriously, I don’t care anymore.” Uminom ito ng juice at pinunasan ang labi. “Walong taon na ang nakakaraan, Miss Veracruz.”

“Pero…” Pero talaga bang tapos na sa kanila ang lahat? Hindi pa nga siya nakakahingi ng tawad dito nang maayos. Di pa siya nakakapagpaliwanag. Gusto niyang maunawaan din nito ang side niya kung bakit kailangan niyang lumayo dito nang walang paalam. Kung bakit kailangan niyang tanggihan ang alok nito na ipaglaban ang relasyon nila nang magkasama.

Subalit natigilan siya nang ipako siya ng matalim nitong mga mata. “I stopped caring about you a long, long time ago. Iniwan mo ako. Iyan ang buhay na pinili mo. Natupad mo ang pangarap mo. Wala ka nang pakialam sa mga iniwan mo. End of the story. Wala kang pakialam sa nararamdaman ko o ng mga taong tinalikuran mo. You didn’t even bother to check what happened to us. Kung buhay pa ba kami. Basta ka na lang naglahong parang bula. Let’s leave it that way. Para sa akin, noong isang linggo lang tayo nagkakilala. Unang beses kitang nakita nang kailangan kitang tulungan para makahabol kayo sa program. I don’t really know you, Miss Veracruz. You have no significance in my life.”

Parang sinampal siya nang ilang beses ni Benedikt. Iyon ang katayuan niya sa buhay nito. Isang estranghero. Napayuko na lang siya dahil hindi niya kayang matagalan ang malamig nitong tingin sa kanya. “N-Naiintindihan ko.”

“Good. Mabuti naman nagkakaintindihan tayo,” anito sa suwabeng boses.

Naramdaman niya ang pangingilid ng luha niya. Pakiramdam niya ay di lang puso niya ang sasabog nang mga oras na iyon kundi pati ang kaluluwa niya. She was hurting so badly. Kailangan pa ba talaga niyang manatili doon habang nagdiriwang ito na natalampak siya nito? Oo, may kasalanan din siya dito. Siguro nga ay deserve niyang masaktan matapos niya itong iwan nang walang paalam noon. Tama lang sa kanya na wala na siyang halaga dito. Pero sana naman kahit kaunting pride ay may matira sa kanya. She just wanted to stay away from him. Hindi na nito kailangang makita kung gaano siya nito nasaktan.

“Guys, I am back!” deklara ni Hannah at umupo sa tabi niya. “So, Benedikt, did you keep Maki entertained?”

“No. She entertained me,” anang si Benedikt. Pailalim niya itong tiningnan at nakita niya ang imbing ngiti sa labi nito. Of course, she entertained him with her misery, like a bad teleserye.

Tumikhim siya. “M-Miss Hannah, uuwi na rin po ako. Late na kasi at maaga pa po ang klase ko bukas. Maaga pa po ang practice namin ng mga bata.”

Tumayo si Hannah. “Oh! Of course. Pasensiya na kung naabala kita. Bukas ng tanghali dadating ang keyboard. Magagamit na ninyo kapag nag-practice kayo.”

“Thank you,” sabi niya at inangat ang tingin. “Malaking bagay iyon sa mga bata.”

“Oh! Are you crying?” tanong nito at niyakap agad siya. “O! Huwag ka nang umiyak. May keyboard na kayong magagamit. Hindi mo kailangang maging masyadong grateful sa akin. Para din naman sa opening ng resort ko ang keyboard na iyon. Okay?”

Pumikit na lang siya at hinayaang dumaloy ang luha niya para di na niya makita pa si Benedikt na nakatunghay sa kanya. Hahayaan niyang isipin nito na luha ng kaligayahan iyon.

“Ihahatid na lang kita, ha?” Tinawagan ni Hannah ang driver para ipahanda ang sasakyan. “Benedikt, sasama ka ba sa amin?”

Umiling ang binata. “Nah. It is my turn to do a call. Work.

“Yeah. Work,” anang si Hannah na umikot ang mga mata.

“Take care, Miss Veracruz,” anang si Benedikt na nakangisi pa rin sa kanya. Na parang masaya ito pag-alis niya dahil alam nitong nasaktan siya nito.

“Thank you, Mr. Valenciaga,” aniya sa malamig ding boses. Hindi siya makapaniwala na magtatawagan sila ni Benedikt nang ganito kapormal. Ni hindi man lang nila magamit ang first name ng isa’t isa. A stranger. An insignificant one. Iyon ang estado niya sa buhay nito.

It was a bitter pill to swallow.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.