You’re Still My Man (Filipino) Chapter 35

May special package kami siyempre para couples at honeymooners. Pwede ring pampamilya. And the resort is eco-friendly. In-implement nila Benedikt ang green design ng kompanya nila. May infinity pool kami, outdoor Jacuzzi at meron din kaming stretch ng kalahating kilometro ng private white sand beach. We also offer island hopping and banana boat ride. Of course, we can offer day tour for guests from other resorts.”

Malaki pala ang ginampanan ni Benedikt sa resort. Ang nakapagtataka lang ay hindi na Valenciaga Builders ang nakapangalan sa karatula bilang construction company na humawak sa resort kundi Evolution Construction Company. Kailangan siguro niyang mag-research tungkol doon. Marami na talaga siyang di alam tungkol kay Benedikt.

Di nagtagal ay tumigil ang van sa harap ng open bar. Sa tantiya niya ay mahigit limampung mesa na nakakalat sa loob ng bar at kayang mag-accommodate ng may tatlong daang bisita sa lawak ng lugar. Mula sa mataas na ceiling kung saan nakikita ang paglalaro ng mga kulay ng bubong at ng nakakaaliw na symmetrical beams, mamahaling paintings, koleksyon ng mga alak sa menu mula sa iba’t ibang bansa hanggang sa eleganteng mga mesa at upuan na gawa sa narra ay nagpapakita ng magandang sining at naghuhumiyaw ang kayamanan sa lugar na iyon.

“This is where the party will be. We are planning to accommodate really important guests for the opening. Hanggang six hundred guests ay pwede naming tanggapin dito. Of course, sa beach resort ay kaya kahit na isang libo. Pero para sa mas intimate event, may isa pang bar at restaurant at nandoon din ang piano. But for now, the piano stays here for the opening program.”

Excitement kicked in Maki’s blood stream when she saw the white piano near the stage. Lumapit siya doon at hindi niya maiwasang haplusin ang lid. Wow! It has been a long time since she touched a piano as elegant as that one. Lahat ng sama ng loob niya kanina sa nasira niyang keyboard ay parang naglaho nang haplusin niya ang piano.

Nilingon niya si Hannah. “P-Pwede ko na bang buksan?” tanong niya na parang isang bata na excited na pumasok sa isang theme park.

“Of course. I am sure it is also dying to have someone like you play it,” anito at inilahad ang kamay. Nakita niya na nakatayo lang sa likuran nito si Benedikt at nakamasid.

Umupo si Maki sa stool at tinanggal ang lid. Then she started tapping the ivory keys. She started with a few tentative keys at first. Hanggang kusa na lang nagkaroon ng tono ang bawat pagtipa niya sa tiklado at pumailanlang ang mga unang nota ng Kundiman Song na Pandangguhan. Kung ang ibang mga bata ay Twinkle, Twinkle Little Star o Happy Birthday ang unang natutunang kanta, iyon naman ang una niyang kinapa sa piano noong dalawang taon siya dahil iyon ang naririnig niyang kinakanta sa kanya ng nanay niya kapag ipinaghehele siya. Iyon din ang pinakapaborito niyang kundiman song at ine-enjoy niyang ituro sa mga estudyante niya dahil bahagi ng curriculum nila sa high school. Bagamat marunong siya sa classical music at lumilikha ng sarili niyang awitin, sa awiting Kundiman siya lumaki. She literally sucked Kundiman and Philippine country music from her mother’s breasts.

Sa bawat pag-ilanlang ng musika ay parang idinadala siya sa ibang mundo kung saan siya malaya at wala siyang ibang nararamdaman kundi kaligayahan. Saglit niyang nakalimutan ang realidad sa paligid niya. Animo’y may sariling enerhiya ang piano na dumadaloy sa kanya.

Nang tumigil siya sa wakas sa pagtugtog ay narinig niya ang pagpalakpak ni Hannah. “Maki, you are like a pro! Pwede kang maging kagaya ni Cecille Licad. Where did you learn to play like that? You belong to the concert halls, hindi sa isang public school lang.”

“Pangarap ko talagang maging music teacher,” aniya at tipid na ngumiti. Kahit naman pangarap niyang maging concert pianist, hadlang sa pangarap niya ang madrasta at ama. “Saka masaya naman ako kahit na hindi ako sikat na concert pianist. Iba pa rin kapag nakikita ko na may natututunan ang mga bata sa akin at nakakatulong ako sa pagtupad ng mga pangarap nila. That is fulfilling for me. Masaya na ako doon.”

“Some people are just happy with their choices. Kaya nga noble profession ang pagiging guro. Aren’t you a noble one, Miss Veracruz?” anang si Benedikt at natuon ang mga mata sa kanya. Kung titingnan ay parang kampi ito sa kanya pero nahimigan niya ang sarkasmo sa boses nito. Of course, mula sa pangarap nila noon na magtatayo ng sariling paaralan para sa kanya ay bumagsak siya sa pagiging isang ordinaryong public school teacher na underpaid at nagtitiyaga sa mahirap na trabaho sa probinsiya. Malayo sa glamorosang buhay niya.

Natutop ni Hannah ang bibig. “I… I am sorry. I didn’t mean to offend you, Maki. H-Hindi naman ako matapobre. Ang ibig kong sabihin, magaling kang musician. I am really a fan.” Ginagap nito ang kamay niya at pinisil. “I hope you get my drift. Gusto ko lang malaman mo na mataas ang respeto ko sa mga talentadong taong tulad mo. Pangarap ko ring maging musician pero walang hilig ang music sa akin.” Bumuntong-hininga ito. “I am really, really hopeless. I can’t even carry a decent tune. Kaya nga kapag may mga miting de avance at kampanya si Papa, ipinagmamalaki ng ibang kandidato ang talentado nilang anak para humatak ng boto. Pinapakanta at pinasasayaw nila. Minsan iyong ginawa ni Papa at naging laughing stock ako. Muntik na niyang ikatalo iyon. Isinumpa ko na di na ulit ako kakanta… unless my life depended on it.”

“Sa pagkanta naman kailangan mo lang ng confidence. Wala nang pakialamanan kung wala man sa tono. Napag-aaralan naman iyan kahit ano pang edad mo,” sabi niya. “Pwede ka namang magpaturo sa akin kung gusto mo.”

“Will the session start now? It is almost five. Aalis na muna ako…” anang si Benedikt.

Nanlaki ang mata ni Hannah. “Five? It is almost five? Oh, no! Kailangan kong maka-chat si Ate Celeste. She will kill me for being late. Kanina pa siya naghihintay sa Skype para sa detalye ng flight nila. Darn! Benedikt, ikaw muna ang mag-entertain kay Maki, ha? I will be back in fifteen minutes tops.” Kinintalan nito ng halik ang labi ni Benedikt. “Love yah!”

Nagmamadaling umalis si Hannah patungo sa opisina nito. At naiwan siyang mag-isa kasama si Benedikt.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.