You’re Still My Man (Filipino) Chapter 39

ISANG sugal ang ginawa ni Maki nang tawagan ang linyang nakadirekta sa opisina ng CEO ng New Horizon Builders. Ayon sa research niya ay ito na ang nagtayo ito ng bagong kompanya nang nang mawala ang ama nito. Nagbabaka-sakali siyang makaka-konekta sa sekretarya nito para makapagpa-set ng appointment.

Pinag-isipan niyang mabuti ang gagawin niya. Ayaw din naman niyang guluhin ang kasalukuyang buhay ni Benedikt o malaman pa ng iba ang tungkol sa nakaraan nila. Gusto niyang mapag-usapan nila ito nang tahimik.

Hindi siya nagbaka-sakaling magtanong sa isa sa mga staff ng La Reina Resort kung may maaring kumuha ng numero ni Benedikt para sa kanya. Nasa kay Hannah ang loyalty sa mga tauhan nito. Ayaw niyang mag-isip ito nang di maganda kung bakit gusto niyang kuhanin ang number ni Benedikt.

Hindi na rin siya nag-iwan pa ng mensahe sa resort para sa binata dahil tiyak na magtataka ang mga naroon kung bakit gusto niya itong makausap. Kahit pa ang paggamit ng code o endearment nila ng binata sa isa’t isa ay di na niya tinangkang gawin dahil wala na siyang karapatan na gamitin iyon mula nang magdesisyon siyang iwan ito.

Ayaw niyang maghinala pa si Hannah at isiping may iba siyang intensiyon sa lalaki. Ayaw niyang isipin nito na karibal niya ito. Masyado nang sensitibo ang sitwasyon niya dahil na rin sa mahigpit na pagtutol niya sa pagpapatayo ng airport doon. Baka pati ang privileges na nakukuha ng mga mag-aaral niya ay mawala din. Ayaw niyang mawalan ng oportunidad ang mga estudyante niya dahil sa kanya. At sa kalagayan niya ngayon kung saan hindi na siya isang heredera kundi isang simpleng public school teacher lang na may minimum na sweldo, hindi niya kayang maibigay sa mga bata ang maibibigay ng gobernador at ang anak nitong si Hannah.

Kung kailangan niyang dumaan sa proseso at gawing pormal ang lahat para lang makausap si Benedict ay gagawin niya. Samantalang kahit kailan ay di naman niya kinailangang magpa-appointment sa binata. Sana lang ay hindi siya i-reject ng sekretarya nito. Ayaw niyang umabot sa puntong magiging desperada siya para makausap ang dating nobyo at masira ang lahat ng plano niya.

Malakas ang kaba sa dibdib niya habang pinakikinggan ang pagri-ring ng telepono. Maya maya pa ay may umangat niyon at boses ng isang babae ang sumagot. “Hello, this is Mr. Benedikt Valenciaga’s office. This is Patty speaking. How can I help you?”

“Good morning. I would like to set an appointment with Mr. Valenciaga as soon as possible.”

“He is out of town at the moment. May I know who is on the line please?”

“Maki. This is Miss Maki Rubella.”

Narinig niya ang pagsinghap sa kabilang linya. “M-Maki? As in Maria Makiling Rubella? Kayo po ba talaga iyan, Ma’am Maki? Hindi kayo multo? Hindi ito prank call?”

Kumunot ang noo niya. “Hindi ako multo. This is not a prank call either. S-Sino ito?”

“Ma’am, si Patty Trillo po ito,” pagpapakilala ng babae.

“Patty! Diyan ka na nagtatrabaho kay Benedikt?”

Dati itong receptionist sa kompanya ng ama niya habang working student pa ito. Ang alam nga niya ay scholar ito ng kompanya ng ama. Anak kasi ito ng isa sa matatagal nang empleyado sa kompanya ng ama niya noon.

“Opo. Dati pa po. Hindi po ba ninyo alam na isang taon matapos di natuloy ang kasal ninyo at nawala po kayo ay ibinenta na po ni Sir ang kompanya at sa Amerika na po sila nanirahan ng Mommy Santina ninyo. In-absorb na lang po kami ni Sir Benedikt kahit na hirap din ang kompanya niya nang mga panahong iyon dahil din po sa pagkamatay ng tatay niya.”

“H-Hindi ko alam,” mahina niyang usal.

Nagkukot ang kalooban niya. Sa pagtalikod niya sa mga taong mahalaga sa kanya ay marami nang nabago sa buhay ng mga ito. Ang kompanyang ipinagmamalaki ng mga Rubella ay isinuko rin pala ng ama niya. Habang naghirap din ang kompanya ni Benedikt. Alam niyang malaki ang kinalaman ng pagkawala niya doon.

Lalo siyang na-guilty. Sinadya niyang tikisin na huwag alamin ang nangyari sa ama niya. Iyon ang paraan niya para pangatawanan na gusto niyang magkaroon ng bagong buhay. Sinadya niyang gawing bato ang puso niya. Sa kagustuhan niyang bawiin ang sarili niya at maging malaya ay napakarami niyang taong nasaktan.

“Bigla na nga lang po kayong nabuhay. Saan po ba kayo napadpad? Totoo po ba ang bali-balita na nakipagtanan kayo sa ibang lalaki? Grabe naman! Ano pa bang hahanapin ninyo kay Sir Benedikt? Nasa kanya na ang lahat…”

“Walang ibang lalaki sa buhay ko at alam iyon ni Benedikt,” mariin niyang putol. Hindi naman niya masisisi ang mga gumawa ng tsismis dahil basta na lang siyang nawala na parang bula. “Umalis ako kasama ang nanay ko.”

“Pero si Ma’am Santina po ang…”

“Ang tunay kong ina kong ina ang kasama ko. Si Lupita Veracruz,” paglilinaw niya.

“Ay! Sorry po, Ma’am. B-Bakit po pala bigla na lang ninyo gustong makausap si Sir Benedikt? Hindi po sa itinatago ko po siya sa inyo pero wala po talaga siya dito sa Manila.”

“Alam ko. Nagkita na kami dito sa Isla La Reina. Matagal na akong nakatira dito.”

“Dios mio! Nalintikan na!” bulalas nito. “Ano kasi… Ma’am… ahhh… si Sir kasi ay…”

“Alam ko na ang tungkol kay Hannah Marasigan,” putol niya sa sasabihin nitong di nito maituloy-tuloy. “Ang totoo ilang beses na kaming nagkita ni Benedikt dito. Kailangan ko lang talaga siyang makita dahil may importante kaming pag-uusapan.”

“Ma’am, nagkita naman na pala kayo. Bakit hindi na lang po ninyo siya direktahin na kausapin?” tanong nito. “Kung gusto po ninyo ibigay ko sa inyo ang cellphone number niya. Huwag na lang po ninyong sasabihin na galing sa akin. Baka po magalit si Sir. Nakakatakot pa naman po iyon kapag mainit ang ulo. At mainit po talaga ang ulo niya kapag may bumabanggit sa pangalan ninyo. Nagiging Super Saiyan.”

“Ayokong manggulo sa kanila ni Hannah. Isa pa, kung direkta ko siyang tatawagan ay baka hindi lang niya ako kausapin. Baka sakaling kapag nag-set ako ng appointment ay makipagkita siya sa akin.”

“Kasi po, Ma’am Maki, di ko rin po sigurado kung gusto niyang mailagay kayo sa appointment niya. Malaki po talaga ang galit niya sa inyo.”

“Alam ko iyon. Pero may dahilan ako kung bakit kailangan kong lumayo at alam iyon ni Benedikt. Nito ko lang din nalaman na namatay ang papa niya dahil inatake sa puso nang hindi natuloy ang kasal namin. Hindi ako matahimik dahil doon. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi personal na nakakahingi ng tawad kay Benedikt. At alam kong hangga’t di namin ito napag-uusapan ay hindi rin siya matatahimik. Hindi siya tuluyang magiging masaya. Gusto mo bang mangyari iyon?”

“Siyempre mas gusto ko kapag mas mabait si Sir Benedikt. Ibang-iba na kasi siya kumpara noong boyfriend pa ninyo siya at ngayon. Lagi siyang nakasimangot at seryoso. Dati naman palangiti siya at masayahin. Baka sakaling mas madali siyang kausapin kapag gusto kong mag-out sa oras dahil may date ako o kaya baka mas mabilis kong siyang makausap sa bonus ko.”

“Paano? Tutulungan mo ba ako?” tanong niya.

“Yes, Ma’am. Alam naman ninyo na malaki rin ang utang na loob ko sa pamilya ninyo. Saka para na rin po ito sa iyo ni Sir Benedikt. Pareho ninyong kailangan ito.”

Napatalon siya sa tuwa. “Maraming salamat, Patty. Malaking tulong talaga ito sa akin. Salamat. Basta wala na sanang makakaalam tungkol dito.”

“Walang problema, Ma’am. Sa palagay ko ay maluwag ang oras ni Sir Benedikt bukas ng alas kuwatro ng y media ng hapon hanggang singko dahil wala po siyang web chat meeting.”

Tumango siya. “Sige. Sabihin mo magkita kami sa Serenata. Maghihintay ako.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.